Sa napakaraming taon natin bilang mga estudyante, sigurado akong napakarami na nating mga teachers at professors na nagpa-quiz, nagpa-recite,nagpa-assignment,nagpa-tayo, namalo, at napakarami pang "nagpa-". At dahil dito, naisip ko ngayong i-classify ang mga uri ng Sir at Ma'am na nagpatikim sa'tin ng iba't-ibang lasa ng buhay.
Mga Uri ng Titsers:
1. "Braguda"
- ito 'yung titser na nangangain ng bata. Hindi nakakahinga 'yung mga estudyante sa tuwing magsasagawa siya ng grand entrance sa classroom. Siya 'yung titser na isinasama ng mga estudyante sa panalangin nila kasabay ng "sana walang pasok bukas". Maraming nagkakaroon ng instant congenital heart disease sa klase kapag napagalitan dahil sa hindi nakasagot sa tanong ng titser na 'to.
2. "Santino"
- kabaligtaran ni Braguda, siya 'yung titser na kasundo ng mga estudyante. Hindi nangangain ng bata. Mahaba ang pasensya niya, at kadalasan may pagkatihimik ang personality, 'yun bang iisipin mong hindi siya siguro nakatagal sa kumbento kaya nagturo na lang. Hindi takot sa kanya ang mga estudyante kaya kadalasan, bukambibig nila, "Ayos lang kahit walang asaynment, MABAIT naman si Ma'am/Sir!"
3. "The Mild Clown"
- "mild" dahil hindi masyadong nakakatawa ang mga banat niya at kadalasan tumatawa na lang ang mga estudyante dahil sa naramdaman nilang awa sa mga korning jokes na binitawan niya. Mild lang din ang pagiging mabait niya.
4. "The Severe Clown"
- siya naman 'yung titser na kapag nasa loob ng klasrum, e para ka na ring nasa comedy bar. Halos wala nang natututunan ang mga estudyante dahil masayado siyang natutuwa sa pagpapatawa. Pero siya naman 'yung titser na tulad ni Santino, e kasundo rin ng mga estudyante. Kadalasan e kampante ang buong klase na walang babagsak sa kanya.
5. "The Silent Enemy"
- titser na tulad din ni Santino, eh tahimik lang, pero pagdating sa exams, tinalo pa si Braguda at sobrang baba kung magbigay ng grades. Mabait siya at palaging nakasmile, pero pag hawak mo na ang class card o report card mo, hindi mo alam kung paano pa ngingiti.
6. "The Reporter"
- siya naman 'yung titser na hindi mo alam kung gusto niyang matuto ang mga estudyante ng tamang pagharap sa mga tao o sadyang tamad lang talaga siya. Lagi siyang nagpapareport, at ang resulta, natututo ang mga estudyante sa tulong ng isa't-isa. Kapag nagsasalita naman siya halos gusto mo nang maiyak dahil hindi mo alam kung saan niya hinukay 'yung mga pinagsasabi niya. Bukambibig ng mga estudyante, "Mas maganda nga kung may magrereport na lang, wala naman akong natututunan sa kanya!"
7. "Superlola" pwede ring "Superlolo"
- old yet still kicking - 'yan si Superlola. Sindami na ng mga uban niya ang dami ng apo niya pero tuloy pa din sa pagtuturo. Kadalasan, energetic si Superlola at palaging may pangaral sa buhay. Mahilig siyang mag-flash back at magkumpara ng noon at ngayon. Madali silang kausap, pero may mga kilala akong version ni Superlola na hindi mo gugustuhing kausapin.
8. "Walking Encyclodictionary"
- walang hawak na kahit anong reference materials, parang may malaking container van sa utak na punong-puno ng mga facts at terms. Maraming sinasabi at madalas siyang nabibitin sa oras. Maraming informations siyang binibitawan at mapupunang nakanganga na lang ang mga estudyante sa kanya. Kapag may nabanggit siyang term, sabay-sabay na magrereact ang mga estudyante, "Whoohh! Ano 'yun?! Grabe, nosebleed!". At magtataka pa ang titser na 'to kung bakit ganun na lang sila mag-react.
9. "Engoks"
- siya naman 'yung tister na nakakaiyak. Halos hindi niya alam kung ano ang ituturo niya o kung bakit ba siya nagtuturo. Siya 'yung madalas dinadaan na lang sa pagpapareport o pagpapabasa sa estudyante ang buong period ng pagtuturo niya, at 'pag talagang hindi na niya alam kung may kapaki-pakinabang pang impormasyon na lalabas sa bibig niya, idadaan na lang niya sa kwentuhan. Wala ring bumabagsak sa kanya, dahil estudyante mismo ang nambabagsak sa kanya.
10. "None of the above"
- favorite ko ang mga titser na 'to. Mahaba ang pasensya, may tamang diskarte sa pagpapadisiplina sa mga estudyante. May sapat na kaalaman para magturo. Hindi istrikto, pero hindi rin saksakan ng bait. Paminsan-minsan nagpapareport, at madalas siyang nakatayo sa harapan para magturo ng kung ano ang dapat niyang ituro. May tamang humor. Walang favoritism. Walang ibang trademark sa kanya kundi ang pagiging isang hindi perpekto pero sapat lang para matawag na mabuting "guro". Nakakalungkot lang dahil bilang sa isang kamay ang mga nakilala kong may ganitong katangian. Siya 'yung kalevel ni "Super Pinoy Driver" na ipinakilala ni Bob Ong sa kanyang "Uri ng mga Jeepney Drivers."
Sa kasalukuyan, kalahati sa kanila ang mga prof ko ngayon na pilit naming pinakikisamahan ng mga kaklase ko. Hindi talaga maiiwasan na makakilala ng mga teachers na katulad nila. Para naman sa'kin, hindi mahalaga kung anong klase ng teacher ang meron ka, kundi kung naging anong klaseng estudyante ka.
Pero ayoko talaga kay Engoks.
Sunday, February 1, 2009
Anong Pangalan ng Titser Mo?
9:43 PM
Eych
2 comments
2 comments:
Wahaha! Ayoko din kay engoks, prof ko yun ngayun. Imbyerna talaga siya! hehe
sna mgkaroon ako ng teacher na laging reccess at uwian agad.. hehehe
Post a Comment