Showing posts with label Writer. Show all posts
Showing posts with label Writer. Show all posts

Saturday, May 1, 2010

Udyok ng Pluma

Sa pagsulat ng tula…
Sa paggawa ng nobela…
Sa pagbuo ng mga katha…
Sa isip ng isang makata…
Isa lang ang iyong makikita…
Ngunit hindi ng iyong mga mata…

Pluma ang ginamit ko sa pagsulat nito, ngunit hindi ito ang nagdikta ng mga nakasulat dito, hindi rin impluwensya ng mga naririnig ko, kundi dikta ng isang bagay na meron ka at meron ako, na nanunuot sa kaluluwa ko.

Sa mundong ginagalawan ng bawat tao, tila wala nang totoo, at kung meron man, hindi ko alam kung nasaan. Siguro nga, masyado lang akong abala sa paghahanap ng mga katotohanang maaari kong sandalan sa tuwing pinagdududahan ko ang mundo, kaya nasasabi ko ang lahat ng mga ito.

Tumingin ka sa paligid mo, lumingon ka sa likod mo. May nakikita ka bang isang batang nagsusulat ng tungkol sa paru-parong dumapo sa balikat niya? May nakikita ka bang isang matanda na gumagawa ng tula na tungkol sa kwento ng pag-ibig nila ng namayapa niyang asawa? May napapansin ka bang isang guro na nagsasalayasay ng mga karansasan niya sa pagtuturo sa pamamagitan ng isang maikling kwento? Lahat sila, isa lang ang gusto – ang malaman ng sanlibutan kung sino sila at kung ano ang mga nararamdaman nila – nang walang ibinubukang bibig, nang walang binibigkas na salita.

Sulat. Pagsulat. Manunulat.

Maraming tao ang walang interes sa pagbabasa ng mahahabang nobela, o mga tulang masyadong makata. Kung ang lahat ng tao ay katulad ng mga taong ito, wala na sigurong manunulat na nabubuhay sa mundo, Sa hinuha ko’y marahil nangamatay na ang mga ito dahil walang sinuman ang nagnanais nqa makakita, makarinig, at makaramdam ng mga lihim na saya, lungkot, galak, hinagpis, hinanakit at pagdaramdam ng mga ito.

Umiikot ang buhay ng lahat, ngunit iba ang mga manunulat. Sa isang walang tiyak na lugar nila naihahayag ang tunay nilang pagkatao. Kahit saan sila mapadpad ng hangin, o kahit saan man sila tangayin ng paborito nilang musika, makagagawa sila ng isang tula na maaaring maging salamin ng kaluluwang nagkukubli sa loob ng katawan nila. Sa bawat tugma, sa bawat talinghaga, may mga katotohanang nagpapakita.

Lahat, maaaring daanin sa pagsulat. Maniniwala ka ba kung sasabihin kong sa pamamagitan ng pagsulat, maaaring dalhin ang iyong isipan sa Europa at sa Asya kahit na hindi ka pa man nakakalabas ng Maynila? Na sa isang sulat, maaaring magbalik loob ang isang nagrebeldeng anak sa kanyang mga magulang? Na maaraing ipakita sa tao ang realidad sa mundo? At ang pinakatagu-tagong sikreto nito ay maaaring ipakita sa’yo?

Sulat. Pagsulat. Manunulat.

Walang ibang ninanais ang isang manunulat kundi ang mapakinggan siya, makaramdam ng simpatya, kahit na hindi siya nagsasalita. Sa bawat udyok ng pluma at sa bawat dikta ng puso’t isipan niya nabubuo ang isang tula, na kahit walang tugma, sukat, o talinghaga, ay nakapagdudulot ng tuwa, kahit walang nakakapuna.

Sulat. Pagsulat. Manunulat.

Tula. Tugma. Talinghaga.

Nobela. Katha. Kabanata.

Paubos na ang tinta ng pluma ko, ngunit ang mga kaisipan, idea, obserbasyon at pananaw ko sa mundo ay kailanma’y hindi mauubos – sapagkat ako’y manunulat, nauunawaan kita, at sinusubukan kong maunawaan ang lahat…



-HSR, 2008

Wednesday, February 4, 2009

Artista = Writer (Para Kay Eros Atalia)

Minsan, kahit gaano kataas ang kisame ng bahay niyo, maraming pa ring paraan para maabot at mahawakan mo ito.

Ganyan 'yung naisip ko pagkatapos kong makipagpalitan ng message sa isa ko pang hinahangaan na writer, si Eros Atalia. Aamin ako, tuwang-tuwa talaga ako nung makita ko sa inbox ko yung reply ni Eros sa message na sinend ko sa kanya. Para kasi saken, mas gwapo pa kay Gerald Anderson at mas cute pa kay Kim Chui at sa nanay mo ang mga hinahangaan kong writers. Maaaring hindi sila kilala ng iba, pero iba talaga ang pakiramdam kapag parang normal lang na kaibigan ang pakikipag-usap sa mga hinhangaan mong personalidad, lalo na sa larangang pinapangarap mong pagtagumpayan.

Ang isang artista, pag nakikita sa TV, sikat. Ang isang pulitiko, pag nainterview at naintriga tungkol sa pagte-take out ng kaban ng bayan, sikat. Ang isang writer, pag nakasulat na ang pangalan sa book cover ng ginawa niyang libro, sikat...times 103! Kaya nga ganun na lang yung tuwa ko nung makapalitan ko ng message si Eros. 'Yung sinulat niyang "Peksman, Mamatay Ka Man, Nagsisinungaling Lang Ako", ay isa sa mga pinakaastig na librong hawak ko ngayon. (Bili na kayo, P200 lang sa National.)

Hanggang sa naisip ko, katulad ko, katulad ng lahat ng taong kilala at di ko kilala, e kumakain din ng kanin at adobo at hotdog ang mga taong hinahangaan ko. May normal na buhay din sila gaya ng normal na buhay na ineenjoy ko ngayon. Oo nga, may mga libro silang naisulat at pasikat na ng pasikat, pero sa nakita ko sa pagkatao ni Eros, na para sa kaalaman ng lahat e marami nang nakuhang awards sa larangan ng pagsulat, alam niya kung paano abutin ang mga humahanga sa kanya. At isa na siya ngayon sa mga inspirasyon ko sa pagsulat.

Hindi na kailangan ng advertisement sa TV, variety show o kaya pagkanta ng "You're Always Be My Baby" sa ASAP para lang maging sikat ang isang writer. Tama na 'yung magkaroon siya ng book launch sa kanto at mag-imbita ng mga kabatak at kamag-anak. Kaya nga iba talaga pag book author ka, upo ka lang sa bahay niyo, konting posisyon ng mga libro mo sa shelves ng bookstore, at konting pagdodonate ng inspirasyon sa mga nag-aambisyon na magamit ang bolpen nila sa mga matitinong bagay, instant celebrity ka na.

Abangan ang 1st chapter ng third book ni Eros Atalia dito sa Pedestrian Crossing.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr