Showing posts with label Titser. Show all posts
Showing posts with label Titser. Show all posts

Saturday, September 15, 2012

Love Ako Ni Prof!

(Mag-blog muna ko. Hindi pa ko makatulog. Hindi rin ako makapag-aral, hindi ko alam kung ano uunahin eh. Hehehe.)

Halos isang bwan (tatlong linggo 'nung Summer, isang linggo ngayong Autumn) na rin akong pumapasok sa university dito sa Canada. Isang bwan, na kung tutuusin e sapat na para makapag-adjust at maka-adapt ako sa bago kong kapaligiran, 'yun bang "adjustment period" kung tawagin sa school ko dati sa Pilipinas. Pero eto - hindi pa rin ako sanay. Hindi pa rin ako masyadong nakakapag-adjust. Hindi pa rin ako masyadong maka-move on - sa simpleng dahilan na masyado akong natutuwa, hindi makapaniwala, at palaging napapanga-nga maya't maya. Alam mo 'yung pakiramdam na masyado kang nata-touch kasi halos lahat na lang ng atensyon at pag-aalaga e ibinibigay na sa'yo, kulang na nga lang subuan ka habang kumakain at palitan ka ng diaper (after 35 weeks). Ganoon kasi 'yung pakiramdam ko ngayon sa school na pinapasukan ko. Sobra akong natutuwa sa mga professors ko na hindi ko lubos maisip na nag-eexist pala sila. Doon lang ako medyo hindi nasanay.

Natatakot akong pumasok 'nung una kasi pakiramdam ko mga terorista 'yung mga professors at nangangain ng laman-loob ng bata (swerte sila sa'kin kasi sigurado busog sila). Iniisip ko kasi basta nag-eenglish na prof e terorista. Sa kabutihang palad, *buntung-hininga*, mali naman pala ako. 'Yung mga professors ko, isa lang ang palaging sinasabi sa unang araw ng klase "I am here to help you, so you don't have to worry." Iba-iba lang ng pagkakasabi pero ganun din ang ibig sabihin. Sila pa minsan ang nagmamakaawa na humingi kami sa kanila ng tulong kasi pakiramdam nila binabayaran lang sila para gumawa ng wala. Ibibigay nila 'yung mga email address nila, oras ng opisina, pati contact numbers para kung sakali daw na kailanganin namin ng tulong, "I will be happy to help you out," tulad nga ng lagi nilang sinasabi. Pinipilit nilang kilalanin 'yung bawat estudyante sa abot ng makakaya nila dahil ayaw daw nila ng "anonymous teaching", gusto nila na parang isang pamilyang nagbabatian tuwing umaga ang tema ng bawat class discussions.

Pati 'yung mga hindi professors, alam kung ano ang mga pangangailangan namin bilang mga estudyante. Para bang alam nila lahat ng mga posibleng maging problema ng mga estudyante sa kani-kanilang pag-aaral at buhay sa loob ng university. Kung kaibigan kita, sigurado akong alam mong genius ako sa Math. Umattend ako minsan ng isang tutorial sessions para sa mga kapwa kong allergic sa Math (ay sh*t, nagkakarashes yata ako). 'Nung una nahiya ako kasi talagang hindi ko maitindihan 'yung Quadratic Function, pero inisip ko, 'yun naman ang silbi ng session na 'yun - ang gamutin ang allergy ko. Tapos doon ko nalaman na sampu sa 349 kong kaklase ang kapareho ko lang na "nga-nga" tuwing Math. Paano ko napatunayan? May nagtanong kung ang X-axis ba ay palaging pa-horizontal at kung palaging pa-vertical ang Y-axis. Kala ko kasi ako lang ang may ganoong tanong sa isip. 

Hindi ko tuloy maiwasan na pagkumaparahin ang sistema ng edukasyon dito at sa Pilipinas. Alam ko na iniisip mo - "Syempre, Canada yan. Malamang mas maganda diyan." Pero isantabi muna natin ang antas ng kaunlaran ng ekonomiya ng dalawang bansa at pagbasehan natin ang kung ano ang parehong mayroon sa bawat isa sa kanila - puso. Korni? Siguro. Pero malay mo naman hindi. Kung may puso ka, sige lang, basa ka pa. 

Naks. May puso siya. Hehehe. Nasabi kong napakaimportante ng paggamit ng puso sa pagtuturo at pagkatuto dahil isa ito sa mga kumokonekta sa dalawa. Tuwang-tuwa talaga ako kapag pinaparamdam sa amin ng mga professors namin na okay lang maging tanga paminsan-minsan, parte naman 'yun ng pagkatuto mo (at expected naman na nila 'yun sa'yo hehe). Nakakatuwang maramdaman na kapag nahihirapan ka na, katumbas na ng isang tapik sa balikat kapag naiisip mong may handa namang tumulong sa'yo. Email lang si prof, may instant sagot ka na sa mga tanong na hindi mo talaga masagot-sagot kahit tumambling at magsplit ka pa sa ere (gawain ko). Inisip ko nga din, siguro kung naranasan namin 'to ng mga kaklase ko sa Pilipinas, wala siguro sa'min ang sasablay sa pag-graduate - kasi wala kaming excuse para bumagsak (pwera na lang kung nakatadhana na talaga 'yun sa'yo hehe). Iniisip ko nga na siguro kaya may mga subjects kami noon na halos mga pasang-awa lang ang score ay dahil sa pagkakaroon ng ilang mga professors ng matatas na expectations sa klase namin, at nakulangan kami sa pagkatuto dahil parang ginagawa lang namin ang mag-aral sa ngalan ng grades, at hindi sa ngalan ng learning (naks!). Kung naintindihan sana ng ilang mga professors namin noon ang kakulangan namin bilang mga estudyante palang, siguro bumaba ang posibilidad ng pagbagsak. Opinyon ko lang naman 'yun, sana okay lang sa'yo. Nakakatuwa lang din kasi kapag pinaparamdam sa'yo ng professor mo na nandyan siya para sa'yo, na hindi mo siya dapat katakutan dahil isa siya sa mga kakampi mo sa school, 'yun bang gumagawa ng effort para matuto talaga kami na hindi dahil sa kailangan namin 'yun sa klase, kundi  dahil sa kailangan namin 'yun para sa buhay namin, lalo na sa hinaharap. Ang sarap lang mapasailalim sa isang professor na may puso (lalo na 'pag gwapo. Haha. Joke! ).

Ano pa ba? Wala na eh. Ah eto na lang.

Sana Sir at Ma'am, magawa niyo rin pong iparamdam 'yun sa mga estudyante niyo. Ano ba naman 'yung simpleng pagsasabi ng "Nandito lang ako mga dre" sa mga estudyante niyo, di ba? (Korni ulet? Sorry na!) Bigyan po natin sila ng kaunting puwang sa mga puso natin, at sigurado akong sa loob ng "habangbuhay" nila, imposible na kayong mawala. :)

Sunday, August 9, 2009

Ang Paborito Kong Guro *Bow*

"Masyado na yata kayong matatalino. Your impersonating persons. From now on, there will be no discussions. Kokopya na lang kayo tapos quiz na!"

Sabay walk-out.

Sabi 'yan ng Prof namin 'nung isang araw nang mahuli niya 'yung ilan sa mga kaklase ko na nag-iimpersonate ng mga Prof. Galit na galit talaga siya sa'min. Pero ramdam ko na karamihan din sa'min, nakaramdam din ng galit - hindi sa Prof namin na nagalit sa'min - kundi sa lahat ng mga Prof namin ngayon na hindi namin alam kung gusto ba nila kaming matuto o gusto lang kami pagtripan.

Bayani ang mga teachers. Walang duda 'yan.Pero hindi talaga maiiwasan na mapunta sa section niyo ang ilang mga teachers o Professors na pinanganak lang yata sa mundo para asarin kayo, turuan magtiklop ng brief at panty imbes na ituro kung para saan ang epidermal ridge, hulaan ang mga kapalaran niyo sa halip na turuan kung paano gumamit ng keyboard, at ikumpara kami sa ibang section tapos sasabihin every exams, "Tapos na ba kayo mangopya? Pass your papers now." May iba pa diyan na idadaan na lang sa pagwo-walk out ang mga bagay-bagay. At sa bandang huli, topic na ng tsismisan sa faculty ang section niyo. Tsk tsk.



Balik tayo sa Prof namin na nagalit. Maraming tumatakbo sa isip ko 'nung mga panahon na 'yun. Marami akong gustong sabihin sa kanya kaso wala akong lakas ng loob. Gusto kong sabihin sa kanya, "Ganun na lang 'yun Sir, 'pag nagalit kayo sa'min, hindi na kayo magtuturo? Kung ganun na lang ang lahat ng teachers sa mundo, hindi nakakapagtaka kung bakit maraming lumalaking mahina't walang alam."

'Yung isang Prof naman namin, lagi niyang ipinagmamalaki na pogi siya, na maganda asawa niya at naaasar na siya kung bakit ang galing-galing niya. Pero ni isang bagay na may kinalaman sa subject namin, wala siyang binalak ituro. Ay meron pala, ano ang itsura ng hard disk 'pag kinakalawang.

The best naman 'yung Prof namin sa isa pang subject namin. Walang ni isang meeting na pinalagpas para ituro ang tamang pagtiklop ng underwears na dapat ay tungkol sa different body systems ang pag-uusapan namin. Ayon sa kanya, doon mo daw malalaman ang personalidad ng isang tao - sa pamamagitan ng pagtiklop ng underwear. Ikaw, alam mo ba kung paano?

Pero wala talagang tatalo sa Prof namin sa aming major subject. Mabait naman siya, kaso minsan talaga pagdududahan mo 'yun. Nagwalk out na din siya samin. Nagtaka naman kami kung bakit dahil tahimik naman kami. Hanggang sa kinausap siya ng vice president namin, ang sabi, sobrang ingay daw namin at trip niya kaming ibagsak. May batas bang nagsasabing pwedeng mambagsak ng Prof? Saang parte ng saligang batas 'yun? Paki-email naman saken. Thanks.

Hindi ko matandaan kung sino ang nagsabi na hindi mahalaga kung anong klaseng teacher meron ka, ang mahalaga, e kung naging anong klaseng estudyante ka. Pero minsan talaga mababad-trip ka na lang bigla. Pinipilit mo naman na mag-aral mabuti, kaso iba ang lumalabas sa exams. Tsktsk.

Hindi ba pwedeng tulungan na lang? 'Yung mga teachers at professors na tamad magturo at walang ginawa kundi pagtripan ang mga estudyante, siguro po Mam, Sir, hanap na lang po kayo ng ibang trabaho. O kaya kung gusto niyo bumuo kayo ng sarili niyong Talk Show at circus.

Pero syempre, kahit paano, may natira pa ring mga matitinong alagad ng edukasyon na gumagabay samin. Ayaw din nila ng maingay, pero marunong silang mag-saway at ituloy ang pagpuno sa mga utak naming paminsan-minsan eh nakukulangan at nababawasan ng kaalaman. Hindi silang nagwo-walk out. Nagtuturo sila ng maayos, at nakakapag-aral din kami ng maayos. Ang resulta? Magagandang grades at alaalang tatatak sa isipan namin na minsan, dumating sila sa buhay namin para turuan kami sa iba't-ibang aspeto ng buhay.

"Hindi namin kailangan ng sobrang talino, walking and talking encyclopedia, live calculator o isang genius na Prof o guro, ang kailangan namin ay isang may malasakit sa kapakanan naming lahat, at hindi 'yung nagpapasikat lang."

Sorry sa mga Professors na napagtripan naming gayahin ang mga mannerisms. Isipin niyo na lang po, ang cute niyo kasi kaya ginagaya namin kayo. Peace! :)



P.S. Sa mga kaklase ko na nag-udyok saken na isulat ang blog na ito, walang laglagan 'pag nagkayarian ha? haha! :)

Sunday, February 22, 2009

Absent Si Ma'am!!

"Woi! Wala daw si Ma'am!!"

"YEEEEEEEEEEESSSSSSSSS!!!!!!!"


Itong mga nakaraang araw, palagi kaming walang Prof at hindi ko alam kung bakit dahil wala rin naman sa amin ang may balak na tanungin kung bakit nga ba absent yung mga Prof namin. Basta ang alam namin, ito na ang pinakamagandang balitang kayang masagap ng tenga namin sa isang nakakatamad na araw.

Ewan ko sa ibang klase, pero sa section namin, instant fiesta kapag sinasabi ng president na absent yung Prof namin, para bang ang pagkawala ng teacher ang solusyon sa problema ng bansa. Ang sarap nga naman kasing isipin na sa isang parte ng araw mo e wala si Ma'am/Sir para magsalita nang magsalita sa harap ng mga bagay na hindi mo trip marinig. Ayos minsan kapag hindi ka nakapag-review sa quiz niyo para sa araw na 'yun tapos biglang wala pala yung teacher niyo, kala mo ligtas ka na sa lahat ng problema at pwedeng hindi ka na mag-suicide mamaya. O kaya pag wala kang assignments, naku, pwede ka nang tumambling sa tuwa dahil naligtas ka. Sa napakaraming pagkakataon, saya talaga pag walang teacher!!

Kung bakit masaya pag walang teacher, eto ang mga sumusunod na dahilan:
  • Pwedeng mag-ingay o makipagdaldalan sa kahit sino, ingat lang sa mga teachers sa kabilang room na magsasabing "Bakit ba ang ingay niyo? May nagkaklase sa kabila! Sinong president niyo?" Nakakapagtaka lang minsan kasi bigla kaming nawawalan ng president sa mga ganyang pagkakataon.
  • Pwedeng mag-review para sa susunod na subject kung saan kayo may quiz. Pero madalas hindi ako nakakareview dahil mas maganda pag-usapan ang Twilight kesa magreview sa Math.
  • Pwedeng lumabas ng classroom. 48 kami sa klase, 8 na lang 'pag walang Prof.
  • Pwedeng tumayo at mag-ala-supervisor sa loob ng classroom. Pwede kang pumunta sa kahit sino sa loob ng room niyo. Madalas ko 'tong gawin.
  • Pwede kang umupo kahit saan mo gusto. Gaya ng picture sa taas, ganun kadalasan ang itsura ng classroom 'pag walang teacher.
  • Pwede ka ding matulog. Boses ng mga kaklase mo na nagsasabing "Good Morning Ma'am" ang magiging alarm clock mo.

Ang saya talaga 'pag walang teacher kasi pakiramdam mo lahat e kaya mong gawin. Iniisip ko nga, ano kayang pakiramdam ng isang teacher 'pag nalaman niyang ang pagkawala niya sa isang araw ay isaang napakagandang biyaya para sa mga estudyante niya? Pero minsan, nakakaasar din kapag nagreview ka nang mabuti para sa exam niyo sa araw na 'yun at nakapagrosary ka na sin para makapasa tapos biglang wala palang teacher, at 'yung ibang classmates mo e tuwang tuwa naman. Sarap talagang maglabas ng kapangyarihan sa mga pagkakataon na 'yan.

Bakit pa nga ba tayo pumapasok sa school kung ayaw naman pala nating makita 'yung pagmumukha ng mga teacher natin? Iniisip ko din, sino nga ba ang tunay na talo pag wala si Ma'am o si Sir? 'Di ba tayo rin naman? Pumasok man sila o hindi, magturo man sila o hindi, kikita at kikita pa rin sila. Eh tayo? Sayang lang ang ilang kaalamang nakatadahana sanang pumasok sa kokote mo sa araw na 'yun. Para bang ang ipinagbubunyi natin e yung pagkawala nung mga kaalaman na 'yun.

Pero masaya talaga 'pag walang teacher. Hehe.





(Salamat kay
schoans06 ng Flickr.)

Sunday, February 1, 2009

Anong Pangalan ng Titser Mo?

Sa napakaraming taon natin bilang mga estudyante, sigurado akong napakarami na nating mga teachers at professors na nagpa-quiz, nagpa-recite,nagpa-assignment,nagpa-tayo, namalo, at napakarami pang "nagpa-". At dahil dito, naisip ko ngayong i-classify ang mga uri ng Sir at Ma'am na nagpatikim sa'tin ng iba't-ibang lasa ng buhay.

Mga Uri ng Titsers:

1. "Braguda"
- ito 'yung titser na nangangain ng bata. Hindi nakakahinga 'yung mga estudyante sa tuwing magsasagawa siya ng grand entrance sa classroom. Siya 'yung titser na isinasama ng mga estudyante sa panalangin nila kasabay ng "sana walang pasok bukas". Maraming nagkakaroon ng instant congenital heart disease sa klase kapag napagalitan dahil sa hindi nakasagot sa tanong ng titser na 'to.

2. "Santino"
- kabaligtaran ni Braguda, siya 'yung titser na kasundo ng mga estudyante. Hindi nangangain ng bata. Mahaba ang pasensya niya, at kadalasan may pagkatihimik ang personality, 'yun bang iisipin mong hindi siya siguro nakatagal sa kumbento kaya nagturo na lang. Hindi takot sa kanya ang mga estudyante kaya kadalasan, bukambibig nila, "Ayos lang kahit walang asaynment, MABAIT naman si Ma'am/Sir!"

3. "The Mild Clown"
- "mild" dahil hindi masyadong nakakatawa ang mga banat niya at kadalasan tumatawa na lang ang mga estudyante dahil sa naramdaman nilang awa sa mga korning jokes na binitawan niya. Mild lang din ang pagiging mabait niya.

4. "The Severe Clown"
- siya naman 'yung titser na kapag nasa loob ng klasrum, e para ka na ring nasa comedy bar. Halos wala nang natututunan ang mga estudyante dahil masayado siyang natutuwa sa pagpapatawa. Pero siya naman 'yung titser na tulad ni Santino, e kasundo rin ng mga estudyante. Kadalasan e kampante ang buong klase na walang babagsak sa kanya.

5. "The Silent Enemy"
- titser na tulad din ni Santino, eh tahimik lang, pero pagdating sa exams, tinalo pa si Braguda at sobrang baba kung magbigay ng grades. Mabait siya at palaging nakasmile, pero pag hawak mo na ang class card o report card mo, hindi mo alam kung paano pa ngingiti.

6. "The Reporter"
- siya naman 'yung titser na hindi mo alam kung gusto niyang matuto ang mga estudyante ng tamang pagharap sa mga tao o sadyang tamad lang talaga siya. Lagi siyang nagpapareport, at ang resulta, natututo ang mga estudyante sa tulong ng isa't-isa. Kapag nagsasalita naman siya halos gusto mo nang maiyak dahil hindi mo alam kung saan niya hinukay 'yung mga pinagsasabi niya. Bukambibig ng mga estudyante, "Mas maganda nga kung may magrereport na lang, wala naman akong natututunan sa kanya!"

7. "Superlola" pwede ring "Superlolo"
- old yet still kicking - 'yan si Superlola. Sindami na ng mga uban niya ang dami ng apo niya pero tuloy pa din sa pagtuturo. Kadalasan, energetic si Superlola at palaging may pangaral sa buhay. Mahilig siyang mag-flash back at magkumpara ng noon at ngayon. Madali silang kausap, pero may mga kilala akong version ni Superlola na hindi mo gugustuhing kausapin.

8. "Walking Encyclodictionary"
- walang hawak na kahit anong reference materials, parang may malaking container van sa utak na punong-puno ng mga facts at terms. Maraming sinasabi at madalas siyang nabibitin sa oras. Maraming informations siyang binibitawan at mapupunang nakanganga na lang ang mga estudyante sa kanya. Kapag may nabanggit siyang term, sabay-sabay na magrereact ang mga estudyante, "Whoohh! Ano 'yun?! Grabe, nosebleed!". At magtataka pa ang titser na 'to kung bakit ganun na lang sila mag-react.

9. "Engoks"
- siya naman 'yung tister na nakakaiyak. Halos hindi niya alam kung ano ang ituturo niya o kung bakit ba siya nagtuturo. Siya 'yung madalas dinadaan na lang sa pagpapareport o pagpapabasa sa estudyante ang buong period ng pagtuturo niya, at 'pag talagang hindi na niya alam kung may kapaki-pakinabang pang impormasyon na lalabas sa bibig niya, idadaan na lang niya sa kwentuhan. Wala ring bumabagsak sa kanya, dahil estudyante mismo ang nambabagsak sa kanya.

10. "None of the above"
- favorite ko ang mga titser na 'to. Mahaba ang pasensya, may tamang diskarte sa pagpapadisiplina sa mga estudyante. May sapat na kaalaman para magturo. Hindi istrikto, pero hindi rin saksakan ng bait. Paminsan-minsan nagpapareport, at madalas siyang nakatayo sa harapan para magturo ng kung ano ang dapat niyang ituro. May tamang humor. Walang favoritism. Walang ibang trademark sa kanya kundi ang pagiging isang hindi perpekto pero sapat lang para matawag na mabuting "guro". Nakakalungkot lang dahil bilang sa isang kamay ang mga nakilala kong may ganitong katangian. Siya 'yung kalevel ni "Super Pinoy Driver" na ipinakilala ni Bob Ong sa kanyang "Uri ng mga Jeepney Drivers."

Sa kasalukuyan, kalahati sa kanila ang mga prof ko ngayon na pilit naming pinakikisamahan ng mga kaklase ko. Hindi talaga maiiwasan na makakilala ng mga teachers na katulad nila. Para naman sa'kin, hindi mahalaga kung anong klase ng teacher ang meron ka, kundi kung naging anong klaseng estudyante ka.

Pero ayoko talaga kay Engoks.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr