Showing posts with label graduation. Show all posts
Showing posts with label graduation. Show all posts

Tuesday, March 23, 2010

ToPloYa: Ang Simula ng Pagtatapos

TOga, DiPLOma, MedalYA

Ito na siguro sa tanang buhay mo bilang isang fourth year hayskul student ang pinakapormal na pagpapalayas sa iyo ng iyong paaralan – ang GRADUATION. Handa na ang bagong biling black shoes, ang toga, diploma, medalya, ang background music na “ten…teneteten…tenten…teneteten…tenten..” na parang Christmas countdown lang, ang palakpakan ng mga taong handang sumuporta sa iyong paghakbang, at ang sarili mong mga paang nanginginig sa excitement! Ang pagtawag sa pangalan mo ang pinakamasarap sa lahat, ang sandali ng iyong pagsikat. Ang simula ng pagtingala sa iyo ng mga kapwa mo mag-aaral, mga kaguruan at nagmamalaki mong mga magulang na handang panoorin ka sa pag-akyat mo sa entablado ng pagtatapos.

Ang utak mo at ang mga bagay sa paligid mo ang magsisilbing CD player ng ‘yong nakaraan na magrerewind ng mga lipas nang pangyayari ng buhay hayskul kasabay ng kabang naghahari sa ‘yong dibdib. Sasariwa ang mga nakakahiya at nakakatuwang bagay sa isip mo…

…ang pagpasok mo ng eksaktong 5:45am para habulin ang flag ceremony tuwing Lunes…

…ang pakiramdam na para kang “alien” dahil sa biglaang “surprise quiz” tungkol sa nilesson kahapon kasi “absent ka!”

…ang pagkukwento ng talambuhay mo noong Sabado’t Linggo…

…ang pagtalsik ng laway ng mga guro sa tuwing pagagalitan kayo…

…ang paghikab habang gumagawa ng assignments sa classroom…

…ang pagrerecite, pangongopya, pakikipagdaldalan, pang-aasar, ang matinding panlalait at ang panghihinayang dahil sa nagpakopya ka…

…mamimiss mo rin ang mga “parasites” na laging humihingi ng papel kapag may quizzes, test, at written recitation at ako rin bilang “parasite”

…ang pagsusulat sa upuan, banyo, dingding, uniform, blackboard, desk, light-colored handkerchief para sa kodigo, notebook ng iba at sa lantarang pagpapaganda ng tattoo sa kamay.

…ang paglalagay ng pulbo, lipstick, make-up at pagsusuklay habang nagtuturo si titser.

…ang panonood sa mga classmates ko habang kumakain sa recess.

…at pagsisihan ang mga bagay na “dapat ginawa ko.”

Lahat ‘yan maaalala mo at tatakbo sa malikot mong pag-iisip. Wala pa diyan ang lovelife at friendship.

“Mahirap bang magpaalam?...oo! marahil HINDI…”

Mararamdaman mo ang kakaibang presensya sa paligid. Para bang may humahalimuyak na amoy na nanggagaling sa kung saan na ‘di mo malaman kung ano. ‘Wag na nating paikutin ang usapan, pero kung ibabase mo sa realidad, nakakalungkot talaga. Asahan mo na sa banding huli o sa kalagitnaan pa lang ng programa ay may luluha na at tatangis sa mga mata nila ang kalungkutan, kasiyahan, panghihinayang at lakas ng loob para harapin ang kinabukasan. Dadaloy sa katawan mo ang pakiramdam ng pagtibok ng ‘yong dibdib sa mga nangyayari. At ayan ang realidad! Kung may nasimulan ka, siguradong darating ka din sa wakas kahit hindi mo pa matapos ang kabuuan.

Mahirap talagang magpaalam. Kumbaga sa kamag-anak eh namatayan ka, ang pagkakaiba lang naman ay sa buhay ka magpapaalam at hindi sa patay. Pero kung sabay, mas mahirap.

Kung may mga bagay na magpapalungkot sa’yo, hindi iyon ang guro mo na laging nagpapaalala sa’yo ng birth certificate, NSO at tamang ayos ng buhok, hindi rin ang classmate mo na laging absent kapag maglilinis ng room, hindi rin ang skulmeyt mo na binabatukan ka tuwing magkikita kayo, hindi rin ang mga janitors na laging naglilinis ng banyo, maging ang mga gwardya na nahahati sa tatlo (pang-umaga, pang-tanghali, at pang-gabi) na laging binabantayan ‘yung mga estudyante, ang skul at lalo na ung gate na animo’y may kakaibang nilalang na bigla na lang papasok doon, hindi rin ang principal na laging present kapag may program, hindi rin ang mga kaibigan mo na laging isinusulat sa slumbook mo na bestfriend ka nila at lalung-lalong hindi ‘yung aso sa canteen, kundi ang mga alaala na humubog sa inyo, ang pagsasamahan sa mahabang panahon at ang pag-ikot ng mga katanungan sa isip mo na lalong magpapalala ng pagkabaliw mo…

“Dito sa paaralan na ito, sa apat na taon kong pagtungtong sa aspaltong buhangin na ito, ngayon ay mas matatag na ako kaysa sa bakal at semento, at mas maningning pa kaysa ginto. Ako ay pinanday sa lugar na ito at ginawang isang mahusay na sandata upang ihanda at gamitin sa susuunging laban.”

Ang kalungkutan ay pansamantala lang. ‘Wag kang matatakot sa mga darating na pagsubok, sabi nga ng mga guro, “nag-uumpisa ka pa lang.” Siguro ay sumagi rin sa isip mo na dapat ay magsikap ka at maging mabuti para baguhin ang kapalaran ng nanghihingalong bansa.

Ang pagtatapos na ito ay nagsisimula pa lamang. Sa pagkakataong ito, marahil ay isa pa lang tayong sisiw na pinapakain ng inahing manok ngunit alalm ko na hangad mo rin na balang araw na maging isang agila at makalipad nang malaya.

Ngayon ay ihanda mo na ang sarili sa gagamiting toga, sa pagtanggap ng diploma, at ang pagsasabit sa’yo ng medalya. At siguradong pagkatapos ng pagsubok na ito at pagkagising mo kinabukasan, magbabago ang lahat…


....
(mula kay geniustype07@yahoo.com)

Sunday, March 15, 2009

Yess! Graduate Na!

Sa sobrang bilis ng panahon, hindi ko namalayang halos mag-iisang taon na pala mula 'nung hinubad ko ang suot kong toga at lumabas sa kahuli-hulihang pagkakataon sa gate ng iskul ko 'nung high school. Tama, "parang kelan lang".

Hindi ko alam kung anong damdamin ang dapat mangibabaw sa isang 4th year student sa tuwing sasapit ang buwan ng Marso. Tuwa? Maaari. Lungkot? Pwede din. Takot? Siguro. Excitement? Yata. E tuwa, lungkot, takot at excitement? Perfect.

Una, tuwa. Sa libo-libong pagkakataon na gumawa ka ng assignments, nangopya ng sagot sa katabi mo, nanghingi ng papel kahit meron ka naman sa bag, nagrecite sa teacher na halatang kumakain ng laman loob ng bata, at gumawa ng excuse letter (tandaan, ang katumbas ng katamaran ay lagnat at pwedeng umabsent 'pag may sipon), sa wakas ay gagraduate ka na din. Masarap makita ang bunga ng pinaghirapan mo. Kahit pa sabihin mong isang milyong beses kang nangopya 'pag may quiz at periodical exams, hindi mo maaaring sabihing hindi ka naghirap dahil nakakapagod ding umasa na tama ang sagot ng kinokopyahan mo. Sa wakas, tapos na ang lahat. Pansamantala.

Pangalawa, lungkot. Darating 'yung oras, lalo na 'pag ilang araw na lang e graduation day na, na mararamdaman mong hindi mo na alam ang mangyayari sa'yo 'pag iisipin mong hindi mo na makakasama araw-araw ang mga classmates mo. 'Yun bang hindi mo alam kung pagkatapos ng graduation e may tatawa pa sa mga jokes mo, may mabuburaot ka pa bang pagkakain, may mahihingan ka pa kaya ng payo at pulbos, o kaya iiyakan sa oras ng problema. Mahihiwalay ka na sa bestfriends mo, mga katropa, pinagpapantsyahan, mga teachers, o sa taong espesyal sa'yo. Malungkot 'yun dahil iisipin mo rin, "ang hirap na yata makahanap ng tulad NILA.". Masakit 'yun sa puso at apdo. Sa huli, ang masasabi mo na lang, "may katapusan ang lahat ng bagay."

Pangatlo, takot. Karaniwan itong nararamdaman ng mga estudyanteng hindi kayang pagkatiwalaan ang sarili nila. Lalo na 'pag magka-college ka na at hindi mo alam kung may maipapasa mo ba ang mga entrance exams na iaabuloy sa'yo ng mga universities o colleges. Minsan, takot din ang mararamdaman mo kapag nasa krisis ang pamilya mo. Takot ka na baka 'yun na ang huling suot mo ng toga.

Panghuli, excitement. Tingin ko ito dapat ang mangibabaw sa lahat. Higit anuman, dapat excited ka sa ibang buhay na naghihintay sa'yo pagkatapos ng graduation. Ma-excite ka sa mga bagong classmates, mas terror na teachers na tatawagin mo na ngayong "Panget!" ay este "Prof" pala, bagong canteen, bagong classrooms, bagong upuan na pwedeng lagyan ng "Inday love Gerald", bagong ID, at higit sa lahat, bagong "ikaw". Nakakaexcite ang mga bagong mangyayari sa'yo pagkatapos ng iyakan sa graduation. Goodluck.

Graduation day ng huli kong makita ang school ko nung high school, at mula nun, hindi na ako nagpakita sa mga teachers ko. Hindi ko na nakita ang ilan sa mga classmates ko pagkatapos ng malungkot at masayang gabi na 'yun. Hindi sa wala akong panahon o nakalimot na ako dahil kahit kelan, hinding-hindi mangyayari 'yun. Ipinangako ko kasi sa sarili ko na sa susunod na pag-apak ko sa paaralang kumupkop sa aking mga pangarap at takot, e ibang Eych na ang makikita nila - mas mabuti kesa sa Eych na huli nilang nakita.


Congratulations sa lahat ng mga graduates at ga-graduate ngayong taon! Good luck at God bless you all. *Palakpakan*

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr