Showing posts with label Pinoy. Show all posts
Showing posts with label Pinoy. Show all posts

Thursday, May 6, 2010

May 10, 2011


Dear President op Da Pilipins,

Uyy President!!! Kamusta? Isang taon na mula 'nung nag-eleksyon. Hindi ka daw binoto ng Tatay at Nanay ko 'nun kasi wala daw silang tiwala sa pagmumukha mo. Pero hindi naman pala nagkamali ang taumbayan sa pagpili sa'yo. (Naks! 'Wag lalaki ulo ha!). Nakakatuwa ka kasi kala ko wala namang masyadong magbabago sa Pilipinas 'pag nagkaroon na ng bagong pangulo. Pero nagkamali ako. Buti naman pinatunayan mo na karapat-dapat ka nga talagang iboto.

Alam mo, andami dami kong gustong ipagpasalamat sa'yo. Salamat kasi may matinong trabaho na 'yung Nanay at Tatay ko. Naibili na nga nila kong sapatos na Isketchers eh! Kulay pink pa! Yeah! Oh di ba?? Walandyu! Ang yabang na nang mga paa ko. Tsaka alam mo ba, kahit sa public school lang ako nag-aaral, pakiramdam ko parang naka-private pa rin ako. Ang ganda nga ng mga upuan namin sa school, magvavandal sana ko ng "I love my BheBhe" kaso nakakapanghinayang. Bago 'yung mga upuan namin tapos susulatan ko lang, di ba? Tsaka may mga elektrik pan na din kami. Tatlo-tatlo pa! Ang presko talaga sa room namin. Tapos 'yung mga libro namin, hindi na hiraman. Wala nang nakawan ng libro. Kanya-kanya na kami ngayon, kaso nga lang nagka-scoliosis ata ako sa bigat ng bag ko pero ayos lang. Hindi na rin umaabsent 'yung mga teacher namin para magrally sa labas. Eh panu ba naman, bukod sa uber taas na ng mga sweldo nila, e pina-erkon mo pa 'yung pakulti opis nila. Salamat sa mga proyekto mo para sa mga school, ang sarap talagang pumasok araw-araw. Tsaka nakakanood na din pala kami ng TV sa classroom, peborit ko 'yun MathTinik! Natuto ko 'dun ng plus-plus tsaka dibayd-dibayd, 'yung mga ganun. At may libreng lugaw o kaya sopas pa sa umaga, aba'y talaga namang nakakagana mag-aral! Salamat po ah!

Tapos.. ahm. Ayun, hindi na nga pala kami iskwater ngayon. May bahay na kami. Kala ko talaga hanggang pangako lang 'yung sinabi mo na magkakabahay 'yung mga walang bahay. Kaso pwede request? Sa susunod po, sana may second plor naman para masaya. Kahit next time na 'yun, pag may apo na sila Nanay. Hehe joke lang po! Salamat po talaga! Hindi ko akalain na magkakabahay pa talaga kami. Dati napapanaginipan ko lang na nakatira ko sa palasyo tapos may puti daw akong kabayo. Ngayon, may bahay na nga kami talaga, wala lang kaming kabayo pero ayos lang, may aso naman kami. Thank you talaga ng sobra sobra!

Sabi ni Tatay, project niyo daw po 'yung magkakaroon ng mga libreng ospital sa barangay. Alam niyo po ba, nagka-dengue ako 'nung isang linggo. Akala ko talaga mamamatay na ko 'nun, sabi ko nga sa Nanay ko magpapasukat na ko ng kabaong tsaka binilin ko na sa de-erkon na chapel ako iburol kasi ayoko mainitan si crush ko. Pero binatukan ba naman ako ng Nanay! Sabi niya 'wag daw akong adik kasi may libre naman daw na mga gamot-gamot dun sa bagong ospital sa'men tsaka libreng pagpapa-kompayn. Hindi ko nga po inisip na public hospital pala 'yun kasi ang ganda eh! Tapos ayun gumaling naman ako sa kasawiang palad, heheh joke lang. Thank you po, kung hindi dahil sa inyo baka dedbols na ko ngayon at may bulak sa ilong.

Nabalitaan ko rin sa TV kanina na ang dami na daw turistang bumibisita sa bansa, as in maraming maraming maraming maraming bonggacious na dami talaga! Eh 'yung nanay ng crush ko, nagtatrabaho 'dun sa Baguio tapos ang lakas daw ng kita ng tindahan nila sa dami ng mga bumibiling turista. Kung dati sumasakit ulo ng nanay niya dahil sa sobrang hina ng kita, ngayon sumasakit na ulo niya dahil naman sa kakaisip kung paano niya iinglishin 'yung turista pero okay naman daw. Nakakaraos naman 'yung English ng Nanay niya kaya okay lang daw. Salamat daw po sabi niya.

At nga po pala, may mga trabaho na 'yung Ate tsaka Kuya ko. Kala ko nga hindi sila makakagradweyt eh kasi wala naman kaming pera. Pero dahil sa dami ng mga scholarships niyo, ayun nakagradweyt sila. Ang yayabang nga ng mga ungas. Haha. Tapos ako sigurado na daw na makakapag-college ako basta 'wag lang daw ako mag-dadrugs. Nagmamalaki nga si ate kanina kasi bago na 'yung relo niya kanina tapos nakabili pa ng PSP si kuya, next time daw bilhan niya rin ako. Ang saya talaga.

Ang unlad na po talaga ng Pilipinas dahil sa inyo. Salamat po kasi hindi lang kayo puro pangako, ginagawa niyo talaga 'yung mga sinasabi niyo. Hindi ko po talaga akalain na uunlad ng ganito ang bansa. Wala na nga talagang mahirap, wala nang korap (mga namatay na ata silang lahat), may proteksyon na ang mga manggagawa, sumulong na ang 'Pinas at lahat na ng mga ipinangako ng mga kapwa mo kandidato noon, e ginawa mo na nga talaga. Unang taon ka pa lang sa serbisyo, ang galing mo na agad. Salamat po talaga President! Lab yu! God bless! Mwaah! xoxo

Love,

lh3idi qHuiMvOht3ra_30



P.S. Sana pfuh may mga programa din kayo na nagtatanggol sa mga jejemons. Enkz pfuh.


-----

Sana dumating yung araw na may magpapadala nga talaga ng ganitong sulat sa magiging presidente ng bansa. Vote Wisely. As in Wisely. WISELY!

Monday, April 26, 2010

Philippines: The Texting Capital of the World

“TEXTING Capital of the World” pa rin pala ang Pilipinas. ‘Yun ang sabi sa itaas e. Ibig sabihin, hindi pa rin tayo natatalo ng ibang bansa pagdating sa larangan ng paramihan ng katextmate, pakapalan ng kalyo sa hinlalaki, at pabilisan ng pagpindot-pindot.

Hindi ba’t ansarap malamang kahit paupu-upo ka lang diyan at patext-text sa tabi-tabi ay nakakapagbigay-karangalan ka sa bansa mo ng hindi mo alam?

Napapanatili mo sa pagiging numero uno ang ‘Pinas sa pamamagitan lang ng simpleng pagpapadala ng “eow po” at “hu u?” nang walang kahirap-hirap. Kaya naman ‘di na ‘ko magtataka kung malaman kong 1.39 bilyong text messages na pala ang ipinapadala nating mga Pinoy sa ating kapwa Pinoy, araw-araw! Oo. ARAW-ARAW! (Hindi pa kabilang diyan ‘pag araw-gabi na.) Samantalang humigit-kumulang 70 million namang Pinoy ang gumagamit ng cellphone sa ‘Pinas. ‘Yan ang malupet! Sa larangang ‘yan, talo lang naman natin ang mga malalaking bansa gaya ng Europe, America, India at China sa isang istatistikang walang kinalaman sa parumihan ng bansa.


Martin Cooper: "eow pho, txt ba 2?"



Motorola Dyna TAC

Elibs na talaga ako kay Martin Cooper, dahil kung hindi sa kanya, hindi matatawag ang bansa natin bilang “The Texting Capital of the World” (dapat ulit-ulitin, masarap sa pandinig!). Siya lang naman kasi ang unang taong nakaimbento ng Motorola DynaTAC—ang pinakaunang cellular phone sa mundo.

Ang nasabing device ay may sukat na 9 x 5 x 1.75 inches at may bigat na 2.5 pounds na maaari mong ipantawag sa loob ng 35 minutes, pero kinakailangang i-recharge sa loob ng sampung oras. Tikas. Ito rin ang ginamit ni Cooper upang isagawa ang pinakaunang pagtawag gamit ang isang cellular phone noong Abril 3, taong 1973. Samantala, ang una namang text message ay ipinadala sa United States ng isang Neil Papworth noong December 3, 1992 sa personal computer ni Richard Jarvis. Ano ang nilalaman ng pinakaunang text message sa kasaysayan? Isang simple, banayad, humahagod, at sobrang-bago-sa-pandinig na… “Merry Christmas”.

Hanga na talaga ako sa ideya ni Cooper na gumawa ng isang device na tutulong para sa ikauunlad ng samahan ng mga taong distansiya ang pagitan. Aakalain mo bang makakagawa ang mga imbentor natin isang araw ng isang simpleng telepono na slash messenger/calculator/mp3/email/ebook reader/virtual pet/media player/recorder/camera/radyo, slash TV, na magkakasama sa iisang device? All-in-one! Wala ka na talagang hahanapin pa! At hindi na ‘ko magtataka, na kung sa mga susunod na linggo ay malaman ko na lang na may nakaimbento na pala ng isang cellphone na may exclusively built-in refrigerator with double-burner gas stove. Hmm… ‘Nu sa tingin mo?

----------
Mula kay Jerald Jay Rebenito, Mr. Pogi ng Nova.
Bisitahin niyo rin siya sa kanyang bilangguan (tumatanggap siya ng libreng lugaw mula sa mga dumadalaw): http://jraldrbnt.wordpress.com

Wednesday, April 21, 2010

BOBOto Ka Ba?

Scenario 1:

Babae 1: Ei friend, sino boboto mo?

Babae 2: Si Miniskempertush Vibeberloo.

Babae 1: Eh bakit naman?

Babae 2: Wala lang. Sikat eh. Gaganda ng mga commercials. Kaw ba?

Babae 1: Wala pa nga eh.

Babae 2: Gaga, 'yun na lang. Para pareho tayo.

Babae 1: O sige na nga.

Scenario 2:

Boy 1: Pare, sino boboto mo?

Boy 2: Si Noyong Akekong. Wala daw korap 'pag siya eh.

Boy 1: Obobs! Eh halos lahat naman nagsasabi ng ganun!

Boy 2: Eh yaan mo na! Muka naman mabait. Pwede na siguro 'yun.

Scenario 3:

BF: Honeybabes, sino boboto mo?

GF: Wala pa nga eh. Wala ko maisip. Ikaw ba?

BF: Si Gistoknus Tuskani na lang. Kawawa naman. Mukhang matatalo.

GF: Eh bakit iboboto mo pa eh muka na ngang matatalo?

BF: Basta lang. Tsaka gwapings eh. Pareho kami. Di ba babybunchie?

GF: No comment. Hhhhm. Si Junaknak Estopiados na lang ako.

BF: Oh baket?

GF: Wala. Mukhang mananalo eh. Para quits.

Scenario 4:

Binata 1: Sino Mayor mo 'pre?

Binata 2: Si ano na lang, sino nga ba yun? 'Yung may malaking poster d'yan sa tabi nila Aling Petra?

Binata 1: Ah si Kulas Madugas?

Binata 2: Oo pala. 'Yun na lang boboto ko.

Binata 1: Bakit 'yun??

Binata 2: Eh siya lang kilala ko 'pre. Andami niya kayang poster dyan sa tabi-tabi.

--------------------------------------
Kita mo ang problema?

Halalan na naman ilang araw matapos kong itype ang blog na 'to. Ang tanong, sa hinahaba-habang panahon na ibinigay sa'tin ng pagkakataon para pumili ng karapat-dapat na lider ng bansang 'to, nakapag-isip na ba tayong mabuti? Oh isa ka lang din sa mga BOBOto na gaya ng mga bida sa mga scenario sa taas?

Napakaraming first time voters ngayon. Napakaraming baguhan - katumbas ng milyong-milyong utak na hindi binibigyang pansin ang isang bagay na babago sa takbo ng buhay ng lahat (kung ganoon nga talaga ang mangyayari sa magiging bagong lider ng bansa.) Nakakalungkot isipin na hindi man lang tayo nag-iisip mabuti. Pagbabago ba talaga ang hangad mo? O basta lang makaboto at mamantsahan ng tinta ang mga daliri mo, tama na sa'yo?

Sa mga tatakbong lider naman ng bayan. Ilang libong kandidato sa ilang libong pagkakataon - lahat nangako ng pagbabago. Kaso anong nangyari? Kaliwa't-kanang korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan ang naging sukli ng mga kasalukuyang lider sa hikahos na bansa. Parang sakit na nakakahawa, epidemyang hindi malapatan ng lunas ang korapsyon. Hindi ko alam kung bakit.

Kahit paano naman, may mga pinaniniwalaan din ako sa mga sinasabi ng ilang mga pulitiko sa kanilang mga advertisements sa TV. Ang takot ko lang, sigurado kayang matutupad nila ang kanilang mga pangako sa bayan? O baka sasama lang sila sa hanay ng mga dakilang magnanakaw ng Pilipinas?

Simple lang naman. Bumoto nang wasto. Ilaan ang ilang oras ng araw mo para magmatyag. Magbigay ng panahon para magbasa sa internet ng tungkol sa mga kumakandidatong lider. O kaya magbasa ng mga artikulo na kaugnay sa mga pulitikong ito. Kahit ilang oras lang. Mahabag ka naman sa bansa mo.

Ikaw? Boboto ka ba? o BOBOto ka?


----

Salamat sa http3.bp.blogspot.com_z7EgmP1awV4Rkf39Zk0vIIAAAAAAAAAvMCAA6dm_6Xjos400fp051407_b.gif para sa larawan. :)

Thursday, April 1, 2010

Mahal na Araw. Araw na Mahal.

Sabi ng tito ko, panoorin daw namin 'yung binili niyang DVD na "Ten Commandments". At pinanood naman namin. Kaya lang, hindi ko alam kung pinanood ko ba 'yun dahil sa gusto ko talaga mapanood 'yun o dahil sa sinabi lang ng tito ko.

Nasa bahay lang ako tuwing Mahal na Araw. Bukod sa wala naman akong pupuntahang probinsya, at hindi ko rin binalak gumala, e talagang nasa bahay lang ako kasi.. kasi ano.. ahm.. alam ko panata ko na talaga na nasa bahay lang tuwing ganitong mga panahon. (tatakasan ko na lang 'yung sentence na 'yun). Sabi ng nakararami, sagrado daw talaga ang pagdiriwang ng Semana Santa sa 'Pinas at sa tingin ko naman e walang duda 'yun. Kaso napapansin ko lang, habang lumilipas ang panahon, sumasabay din dito ang pagkaubos ng mga taong tunay na nagpapahalaga sa banal na linggo na ito.

Dahil nga sa paniniwalang Pinoy na sagrado ang mga araw ng Huwebes Santo, Biyernes Santo at Sabado de Gloria, hindi nagpapalabas ang mga TV networks ng mga regular programs kundi mga lumang pelikula, mga misa, at documentaries na tungkol sa buhay ni Jesus. Natutuwa naman ako sa mga araw na 'yan kasi mapapanood ko na naman 'yung paborito kong "Sarah, ang Munting Prinsesa" o kaya 'yung "Agua Bendita Marathon Special". Tapos maiisip ko na lang, ginugunita ko ba talaga ang Mahal na Araw kung pinause ko muna saglit (mga 2 hours) 'yung pinapanood kong Ten Commandments para mapanood 'yung One More Chance ni Bea at John Lloyd? Tsk.

Maraming tao sa beach ngayon, sigurado. Nakakainis lang minsan 'yung mga taong nakikita natin madalas sa TV na sila pa 'yung nairereport na sobrang enjoy sa kasiswimming. Wala namang masama 'dun, kung hindi mo iisiping masama 'yun. Ang sa akin lang, marami pa namang araw ang lilipas sa summer vacation natin, pwede namang ipagpaliban muna 'yun ng mga ilang araw para naman kahit paano e maipakita natin na nakikisalo tayo sa pagdiriwang ng Semana Santa. Hindi ba't mas maigi nang pumunta sa mga simbahan at magdasal kesa pumunta sa mga beach at maglagay ng sunblock?

'Yung iba naman nating mga kababayan na sa sobrang kagustuhan nila na maiparamdam sa Panginoon ang pagpapasalamat nila sa ginawa Niyang pagpapakasakit sa atin, e hanggang ngayon nagagawa pa ring magsagawa ng mga "sagradong gawain" o mga penitensya gaya ng pagpapapako sa krus at paghampas ng something sa likod habang may pasang krus at naglalakad sa kalagitnaan ng matinding sikat ng araw. Muli, wala namang masama doon. Kaya lang, siguro hindi naman 'yun ang paraang ginusto ng Panginoon para magsisi tayo sa ating mga kasalanan. Sa tingin ko, hindi siya nasisiyahang panoorin na naghihirap ang mga taong Siya mismo ang nagligtas. Mas mabuti siguro kung ipakita na lang natin sa iba at mas simpleng paraan ang taos-puso nating pagbibigay pugay sa ginawa ng Panginoon para sa atin gaya ng pagsisisi sa mga kasalanan, paggawa ng mabuti at pagbibigay natin ng pangako sa Kanya na habang tayo'y nabubuhay, paglilingkuran natin Siya at habambuhay na magiging mabuting mga anak Niya.

Amen.


---
Salamat sa http://www.mybataan.com/deathmarch/wp-content/uploads/2009/04/samal_holy_week.jpg para sa larawan.

Saturday, October 17, 2009

Ondoy Love Pepeng

Pansin mo ba ang kaguluhan? Rinig mo ba ang mga nakakabagabag na sigaw? Ito na ba ang nakasulat sa ating kapalaran? Nasundan mo ba ang anod ng bangungot? Nakita mo ba ang ganti ng kapaligiran? Humanga ka ba sa kabayanihan ng ilan? Sa tingin mo, meron ka bang ibang magagawa?

Bagyo. Sa ngayon katumbas ay bangungot. Kailan lang ay binura ng kalamidad na parang sulat sa blackboard ang ilang lugar sa bansa. Nakakatakot na baha na nilalangoy ng mga umiiyak na biktima. Maputik na tubig na lumamon sa tirahan at kabuhayan nila. Napuno ang mga eskwelahan, basketball court at mga munisipyo ng mga taong humihingi ng saklolo. Pinuno ng dasal ang alapaap ng pinagdausan ng traydor na bagyo. Mahaba ang pila sa mga evacuation centers para makahingi ng kaunting tulong na maaaring ipanlaman sa tiyan at masaplutan ng kaunti ang basang-basang mga katawan. Dumagsa ang bayanihan kahit saan. Kaya naman palang magkaisa, bakit ngayon lang?

Kasalukuyan akong nakikipagchat sa Facebook at naghaharvest ng tanim sa Farmville habang kasagsagan ng birthday party ni Ondoy. Bumabaha na pala sa labas, sige pa rin ako sa pakikipagchat at paghaharvest. Wala akong kaalam-alam sa pangyayari hanggang sa nakita ko na lang sa TV na parang naging melted chocolate na matabang ang buong Marikina. Kung hindi ko pa narinig na umiiyak sa TV si Jennica Garcia dahil stranded sila sa baha, hindi pa ko titigil sa pakikipagchat. Nakakabiglang malaman na nasa gitna na ng malaking bangungot ang mahal kong bayan – habang ako, nalulungkot dahil nabulok ang mga tanim ko sa Farmville.

Sa mga ganitong pagkakataon, tumataas talaga ang tingin ko sa mga Pilipino. Sa isang iglap, naglabasan ang lahat sa kani-kanilang mga lungga para magbigay ng mga tulong o relief goods na tanda na rin ng pasasalamat nila dahil hindi sila nasama sa trip ni Ondoy at ng kakosa nitong si Pepeng. (Bakit naman kasi sila pinangalanan ng gano’n? ‘Yan tuloy. Pwede namang Ondie, o kaya hmmm, Pepper). Nakakatuwa dahil pati mga artista, lumangoy na din at sinuong ang panganib para makapagligtas ng kapwa, nang walang hinihinging magandang anggulo sa camera. Bata, matanda. Mayaman, mahirap. Lahat tumulong. Kahit alam din ng lahat na hindi iyon sapat para matulungang makabangon muli ang mga nasalanta.

Pero madalas, talagang matatawa ka na lang.

Halos lahat ng evacuation centers na may reporter, laging may mga audience. ‘Yun bang tipong habang binabalita ng reporter na hirap na hirap na ang mga evacuees at halos lahat sila ay nagkakasakit na, agaw eksena ang mga mismong evacuees habang kumakaway sa camera at tuwang-tuwa pa. Meron pa nga, habang umiikot ang camera sa isang lugar na sinalanta ng bagyo, nakangiti pa sila at kumakaway habang nakasay sa improvised bangka at habang tinatawid ang baha. Minsan pa nga may nainterview na isang ginang, ang sabi niya “Ang hirap nga po tumawid dito. Haha! Ang taas pa ng singil nila. Hehe.” Sabay kaway pa sa camera. Mga Pinoy talaga. Hehe.

Tanong ng kaklase ko nung isang araw, “Bakit ganu’n? Wala na nga kong nasagot kanina sa finals, pero masaya pa din ako? Haha!” Ang sagot ko, “Eh kasi Pinoy ka.” Paano kaya kung hindi marunong tumawa sa kabila ng mga problema ang Pinoy? Sa tingin mo, kaya pa nating bumangon?

Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil hindi nasamang nahagupit nila Ondie at Pepper, ay mali, Ondoy at Pepeng pala, ang pamilya ko. Pero mas nagpapasalamat ako sa lahat ng mga tumulong sa mga kapwa nilang humihingi ng saklolo, sa loob at labas ng bansa, Pinoy man o hindi. Kung sasabihin naman ng ilan na wala silang ibang maibibigay kundi dasal LANG, nagkakamali sila. Wala ng ibang hihigit pa sa kapangyarihan ng dasal. ‘Yun lang ang pwedeng i-send ng walang bayad. Salamat dahil nagtutulungan tayong lahat. Salamat dahil hindi natin iniiwan ang isa’t-isa. At higit sa lahat, salamat dahil mayroon pa rin palang natitirang pagkakaisa sa puso ng bawat isa.

Sabi sa isang text message:

“Guys, babalik daw si Ondoy… para mag-sorry. Tatanggapin ba natin?”

Reply ng isang loko:

“P*kyu!”

Friday, August 21, 2009

Itay, Sino ba si Ninoy?



Itay, sino ba si Benigno “ Ninoy” Aquino?
Tanong ng anak kong
Di inabot ang martial law

Anak, sambit kong hawak ang kanyang ulo.
Si Ninoy ang simbulo
Ng Makabagong Pakikibaka ng Pilipino

Idinagdag ko pa sa kanyang talino
Si Benig...no ang asawa ng yumaong Pangulo
Ang matiwasay at dakilang Cory Aquino

Tanong ulit ng makulit kong bunso
Bakit ba naging bayani si Ninoy Aquino?
Ano bang nagawa niya sa mga Piipino?
Mahinahong tugon ko pinagisipang husto
Baka magkamali sa aking pagtuturo
Maligaw ko pa siya at di matuto

Hindi pagbubuwis ng buhay
Naging basehan dito
Hindi rin ang madrama na buhay nito

Naging bayani si Ninoy sa Pilipino
Pagkat binuhay niya
Dugong malaya sa ugat nito

Ginising ni Ninoy tayong mga PInoy
Dahil tutulog-tulog tayo sa kalagayang di wasto
Kahit pinatapon sa ibang ibayo pinagpatuloy niya ito

Nagbuwis ba ng buhay si Ninoy Aquino?
Hindi nagbuwis ng buhay itong idolo ko.
Kundi, binuwis ang buhay niya para takutin tayo

Nguni’t dahil gising na ang damdaming malaya
Agad kumulo dugo niyang sumabog sa lupa
Nagiinit na paki...kibaka ay sumiklab na nga

Hindi nga naglaon tayo ay lumaya
At ang maybahay niya sa atin ay nangalaga
Mula noon hangang ngayon pinaglaban niya ay tinatamasa

Ngayon anak ko alam mo ng pakikibaka
Ng bayaning “Ninoy” para tayo ay lumaya
Kaya siya naluklok sa pedestal ng mapagpalaya

Opo Itay, ngayon alam ko na
Bakit si Ninoy ay bayani ng masa
Kaya lang Itay, ngayon kaya masaya siya?


-------------------

Ang tulang ito ay ginawa ni Deo S. Jimenez at naka-post din sa Facebook - (http://www.facebook.com/home.php#/deo.s.jimenez?ref=mf)

Eto ang Tunay na Joke.

Ang Pinoy, mahilig sa joke. Kahit hindi nila alam na nagjojoke sila. Basta. Tignan niyo na lang ang mga pictures na nakuha ko sa Facebook ng Definitely Filipinos. (http://www.facebook.com/i.am.filipino)






























































.

.

.

.


Eto lang ang masasabi ko - "Hehe".

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr