Showing posts with label Bagong Taon. Show all posts
Showing posts with label Bagong Taon. Show all posts

Friday, December 31, 2010

Manigong Bagong Year! :)


10:25pm nang simulan kong itype ang blog na 'to. Ilang minuto na lang, putukan na. Pero hindi rin, kasi nung isang araw pa may nagpapaputok dito samen. Ang saya ng New Year nila. Three days.

Kung tutuusin, wala naman talagang bago sa mga mangyayari tuwing Bagong Taon. Putukan mamayang 12am, susunod sa milyon milyong pamahiin na nauuso sa buong universe at sa bahay namin, magsagawa ng New Year's Resolution na kalokohan lang kasi 'yun din naman mga resolution mo 'nung isang taon at hindi rin nasusunod hanggang ngayon (revised version na ang output), at magpadala ng mga message sa celphone, Facebook, Friendster, twitter, at kung saan saan pa na nagsasabi ng kung anu-ano na akala mo katapusan na ng mundo. Maaaring wala na ngang bago - pero ang mga 'yun ang nagpapasigla, nagpapasaya at nagpapabuhay sa bawat "Bagong Taon" na lumilipas. Lumang tugtuging masarap pa ring pakinggan.

Personally (wow), inaabangan ko na talaga ang 2011. Ayoko nang balikan ang 2010. Masyadong masakit. Ilang beses din kasing tumama yung hinliliit ko sa kanto ng upuan ngayong taon. Hindi nakakatuwa.

Pero seryoso. Ayoko sa taon na 2010. Masyadong maraming nangyari. Basta. Hehe. Sa totoo lang, natutuwa ako sa mga tao tuwing magbabagong taon. Andami ko kasing text messages na natatanggap. At alam ko, ikaw din. Parang andami kong nagawang matino sa buhay sa loob ng isang taon. Nakakatuwang isipin na naaalala ka ng mga kaibigan mo sa mga panahon na tulad nito. Hindi ko nga alam kung ano bang dapat maramdaman, lungkot o tuwa? Pero syempre lamang 'yung pangalawa. O nakikisimpatya lang 'yung mga tao. Akala siguro nila nalulungkot ako. Bakit? Secret. Haha. Text ko sa'yo mamaya.

Wala pa pala kong mga narereplyan sa mga nag-wallpost saken sa FB (mga 3 tao), nag-"PM" sa chat (tama ba yun? mga 5 tao), at nagtetext kanina (kasi busy ako sa menudo kong puro atay). Pero gusto kong sabihin sa kanilang lahat na nagpapasalamat ako ng lubos, sobra at wagas! Message? Eto:

Sa mga kaklase ko ngayong college na sa sobrang solid ng pagsasama eh nakakasawa na ang mga pagmumukha. haha! Peace. Salamat guys. Kayo ang nagpapasaya saken pag pumapasok ako ng puyat. Sana sabay sabay tayong grumaduate. Makisama lang ang mga prof saten, party na! At 'wag kayong mag-alala kung wala kanyong nagawang related sa school ngayong bakasyon. Tatlong taon na tayong ganito, anung bago? Surviving naman di ba? Haha. Pero wag sana natin kalimutan na magsikap pa ring mag-aral. Wala naman tayong ibang choice di ba? Salamat H2 (section namin). I love you all! Mwah! Haha. :)

Sa mga kaibigan ko nung high school na hanggang ngayon e pinadadaanan pa rin ako ng GM at nakakasama sa oras ng iyakan at tawanan at chibugan at pansitan, maraming salamat! Lumipas man ang mahabang mahabang panahon, pakatandaan niyo, nandito lang ako at handang pakainin kayo ng pansit tuwing dadalawin niyo ko. Hehe. Mahal ko kayo. :)

Sa pamilya ko na nanatiling matatag sa kabila ng lahat. Wala akong ibang gustong sabihin sa inyo kundi mahal na mahal ko kayo. :)

Sa pag-ibig ko, sana pumanget ka ng sobra, magkaroon ng pinakamtinding body odor sa buong mundo, at maka-singko sa lahat ng exams para ma-turn off na ko sa'yo. Hahaha. Peace. Joke lang. Pero sana sa 2011, hindi na ikaw. Yeah! Hahahaha. Peace. :)

Sa lahat ng mga kaibigan ko sa loob at labas ng school na nagpapadala din saken ng GM, at sa basta, sa lahat lahat ng kaibigan ko na dinamayan ako sa oras ng drama at laging nandyan para saken, o kahit hindi sila palaging nandyan basta inadd ako sa Facebook, maraming maraming salamat!

At higit sa lahat, maraming maraming salamat sa Diyos. Binigyan niya kami ng matinding pagsubok at alam kong sa mga susunod pang mga taon, hindi na Niya kami bibigyan. Give chance to others naman. Haha. Oi joke lang, mali pala 'yun. Sana hindi na maulit. Thank you Lord kasi hindi Niyo po kami pinabayaan. Diyan lang kayo palagi ah? I love you Lord! Mwah! :))

Pero gusto ko pa din magmessage sa pinakamahalagang tao sa buhay ko.

Para sa Mama kong makulit na nagsawa nang magkulit dito sa lupa at bumili ng condo sa langit, namimiss na kita. Sana kung nasaan ka man ngayon, masaya ka na. Kasi kami dito, masaya na din kami. Kita kits na lang, pero pag may apo ka na. Haha. Ai magmamadre na pala ako. Panu yan? Hehe. You're the best Mama in the world, magiging nanay din ako siguro balang araw pero hindi ko mahihigitan yung pagiging nanay mo samen. Naiiyak ka na? Arte mo. Haha. I love you! Sana wag masyadong mahaggard si Lord sa kakulitan mo. At 'wag mong masyadong titigan si Rico Yan. Baka matunaw 'yan. Hehe. :)

Masyadong maraming nangyari ngayong taon. Malungkot, masaya, nakakahaggard. Lahat. Kung tutuusin taon taon naman nangyayari ang mga malulungkot, masasaya at nakakahaggard na bagay. Pero dapat higit pa sa mga putukan at pagsunod sa mga pamahiin ang gagawin nating pagdiriwang ngayong bagong taon. Dahil kasabay ng pagpapalit ng taon, ay ang isa sa mga pinakamalalaking himala ng buhay - ang mismong "ikaw" na nabubuhay pa rin at patuloy na binibiyayaan sa kabila ng lahat ng mga pagsubok. Ang "ikaw" na humaharap muli sa isa na namang "Bagong Taon" na pupunuin mong muli ng pag-asa na sana, mas makakita ka ng maraming dahilan para maging masaya at maging mas matatag na "ikaw" kesa sa "ikaw" ng kahapon.

Happy New Year everybody! Party Party!

Thursday, December 31, 2009

Happy Bagong Year!

Nagsusulat ako ngayon ng blog para sa huling araw ng taon. Huling. Araw. Ng. Taon. Ang bilis. Parang nung isang araw ko lang sinulat 'yung "Top 15 Filipino Superstitions on New Year's Day-Super Talaga!" dito sa PedXing (pakitignan na lang kung ano 'yang pinagsasabi ko). Panibagong blog na naman para sa bagong taon. Ang bilis talaga. Parang pelikula na finast forward, mablis, wag kang kukurap. Hindi mo na namamalayan ang takbo ng oras. Ang karaniwang maririnig mo sa mga tao sa oras na 'to - "New Year na talaga? Ambilis".

365 days na pala ang lumipas na parang katumbas lang ng isang buwan ang bilis. Ang araw na ito, paggising ko kinabukasan, parte na ng nakaraan. Tapos na ang mga araw sa 2009 na kalendaryo. Tapos na ang mga araw sa 2009 Daily Planner mo. Tapos na ang lahat ng nasa 2009 school at office calendar niyo. Ang 2009, sa pagdating ng alas-dose ng hatinggabi mamaya, magiging kasabay na ng mga pulbura ng mga paputok na papuputukin mamaya mapupulbos.

Kung tatanungin ka ngayon kung anong nangyari sa 2009 mo, hindi ako sigurado kung magiging masaya ka ba o malungkot. Dito sa buhay natin, hindi mo na mabilang ang dami ng mga eksenang pinalabas, dami ng mga kasalanang nagawa, dami ng mga taong dapat pasalamatan at hingan ng kapatawaran, dami ng mga bagay na sana ay nagawa natin at ngayo'y pinagsisisihan at dami ng mga bagay na dapat mong ipagpasalamat at ihingin ng tawad sa Kanya.

Naisip ko bigla ang New Year's Resolution. 'Pag pumapasok sa isip ko ang salitang 'yan, na-iimagine ko ang mga business permit, driver's license, visa, passport, NBI clearance, prangkisa, at lahat na ng bagay na nirerenew. Para kasing taon-taon e kelangan nating magrenew ng mga pagbabagong pinapauso natin taon-taon, parang nag-eexpire annually (parang mali, basta ganun). Pero kung tatanungin ako, wala akong New Year's resolution kasi sa tingin ko hindi naman kelangan ng tao 'yun. Para sa'kin, ang kelangan ko e Daily Resolution dahil sa dami ng pagkakamali ko sa isang araw na dapat ko ring baguhin araw-araw. Kung lahat ng tao e gumagawa ng New Year's resolution at sinusunod niya nga iyon ng buong puso, buong kaluluwa, buong atay at buong balun-balunan, sana araw-araw na lang ang bagong taon - para araw-araw ding nagbabago ang tao. Kung may sense ba ang sinabi ko, hindi ko rin alam. hehe.

Paggising ko bukas, may bago ba bukod sa mga nagkalat na mga balat ng paputok na hindi ko naman normal na nakikita? Parang ayaw ko pa nga matapos ang taon kasi ibig sabihin, tapos na ang masasayang araw ng holidays at kelangan ko nang harapin ang mga lessons na hindi ko man lang naisip reviewhin at mga assignments at projects na hindi ko man lang binalak simulan, inisip ko kasi baka kasabay na silang mawawala sa pagpapalit ng taon, kaso hindi. Haha. *Babala: 'Wag gayahin si Eych, may masamang mangyayari.

Kung pag-uusapan ang tunay na halaga ng Bagong Taon, hindi naman talaga mahalaga ang prediksyon ng mga sikat na manghuhula, o mga manghuhula sa Quiapo o mga prediksyon mong isang malaking joke, hindi rin mahalaga ang mga pamahiin, at mga pampaswerteng something. Ang mahalaga ay IKAW - kung magiging anong klaseng tao ka. Tutal bagong taon naman, try mong magsimula ng mga magagandang pagbabago sa sarili mo. Simulan mo sa January. Gawin mo ulit sa February. Ipagpatuloy mo sa March. Iextend mo hanggang November. Tapos bahala ka na sa balak mo sa December. Nakakapagtaka lang dahil parang walang nagsasabi na enjoy ang maging mabuting tao.

Wala na kong sasabihin. Pinapagalitan na din ako dahil kelangan ko na tumulong sa pagluluto. At isa pa 'yun, enjoy pala ang mga bisperas ng something tulad ng bisperas ng bagong taon, kasi makakatikim na naman ako ng mga pagkaing hindi ko araw-araw nakikita sa lamesa namin. Hehe.

(Last paragraph na 'to promise!)Salamat sa lahat ng mga taong dapat kong pasalamatan sa taong ito. Salamat sa mga taong nakapagpasaya saken. Salamat sa mga taong nakasama ko sa kakaibang byahe ng buhay ko ngayong 2009. Haha. Sorry sa lahat ng mga kasalanang nagawa ko at hindi ko maipapangako na hindi ko na ulit gagawin 'yun (gaya ng pagkupit ng chocnut at Sprite sa tindahan namin, sorry na). At sana sa darating na taon na 'to, mas magkaroon pa tayo ng mas maraming dahilan para maging masaya.. mas marami pa sana 'yun kesa sa mga dahilan para maging malungkot tayo.

Happy New Year People! Let's celebrate! Year 2010. =)

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr