Showing posts with label Facebook. Show all posts
Showing posts with label Facebook. Show all posts

Thursday, November 15, 2012

"Amalayer" at Pilipinas... Ano na?

“If someone isn't what others want them to be, the others become angry. Everyone seems to have a clear idea of how other people should lead their lives, but none about his or her own.” 
 ― Paulo Coelho, The Alchemist 



Bago ako matulog kagabi, may isang video na kumakalat sa Facebook na paulit-ulit na shineshare ng ilan. 'Nung una hindi ko binuksan kasi na-trauma na ako. May binuksan kasi ako na video dati na isang babae at isang lalaking nag-aano 'yung nakita ko. 'Nak ng adobong penguin talaga 'yun. Pero nadagdagan pa ang mga nagsheshare sa pagpatak ng bawat minuto, hanggang sa nakita ko na lang ang sarili ko na pinapanood ang isang minutong "viral video" at nagkisali sa libo-libong Pilipinong tumangkilik sa one-minute video exposure ni Ate "Amalayer".


Ayon sa balitang binasa ko, kaya daw uminit ang ulo ng bida natin ay dahil sa diumano'y "maling" paraan ng pagsita sa kanya ng isang lady guard sa isang LRT station. Ang hindi ko naman maintindihan kay Amalayer (na hindi ko alam ang tunay na pangalan at ayoko na alamin pa), ay una - kung bakit ayaw niya ilagay ang bag niya sa may conveyor. Inisip ko baka nandun 'yung pet niyang pating. Pangalawa - ano ang pumasok sa isip niya para magsisigaw at gumawa ng eksena sa LRT with matching interpretative dance; at pangatlo - lalong hindi ko maintindihan kung bakit kelangan niya pa mag-English kung hindi naman siya prepared. Sabi niya pa, may "pinag-aralan" daw siya. Gusto ko sana itanong kung anong subject. 

 At ngayon.. 
Matapos ang lahat ng pamamaril ng mura.. 
Matapos ang pamamato ng kaliwa't-kanang paninira.. 
Matapos ang samu't-saring pambugbog ng mga salita.. 
At matapos ang lahat ng malulupit na pagtira sa pagkatao niya.. 
Pilipinas.. ano na? Ano ba ang gusto nating lahat? 

 Bigla ko lang kasing naisip kung ano na ang magiging buhay ni Amalayer pagkatapos ng isang malaking pagkakamaling hindi niya inaasahan na magagawa niya sa araw na 'yun. Paano siya lalabas ng bahay nila gayong alam niyang may mga matang nakamasid sa kanya at handa siyang pagchismisan maya-maya? Paano siya gagawa ng mga assignments at magrereview para sa mga exams kinabukasan kung alam niyang pagpasok niya sa school, may mga estudyanteng handa siyang husgahan anumang oras? Paano siya makakakain sa araw-araw kung alam niyang maya-maya mabubulunan din siya dahil paniguradong may ilang pamilyang hindi lang pagkain ang pinagkakaabalahan sa hapag-kainan, kundi pati 'yung pagkukwentuhan tungkol sa kasalanan niya? Paano niya pakakalmahin ang puso niya sa bawat araw na makikita niyang hindi lang pagkatao niya ang niyuyurakan, kundi pati ang buhay ng pamilya niya, lalong-lalo na ang mga magulang niya? Paano siya magkakaroon ng sigla sa bawat umaga kung wala siyang alam sa kung sino ang sasagot sa bawat "paano" niya?  

Ayoko na sana pang ibalik 'yung usapin tungkol sa Cyber Crime Law. Pero sa pagkakaalam ko, sakop ng batas na ito ang cyber bullying. Binully ni Amalayer 'yung guard..pero ang kapalit, binully siya ng buong Pilipinas. Minsan nating minura ang nagpatupad ng Cyber Crime Law, pero ni minsan, hindi naman tayo natuto. Tanga si Amalayer - tanga siya kasi nakalimutan niyang may nervous system siya kung saan matatagpuan ang kaisa-isang bagay na kung ginamit niya lang sana, normal pa sana ang lahat - utak. Pero tayong mga tagapaghusga niya na isang minutong-video lang ang naging batayan, at nagmamasid lang sa harap ng mga computer monitors, nakalimutan nating paganahin ang mga puso natin. (Corny? Kitams. Wala ka talagang puso. Haha.) Nakalimutan nating hindi lang siya isang fictional character. Totoong tao siyang may mga pangarap din na gaya ng lahat. 'Yun nga lang, ng dahil sa iisang kasalanan na 'yun, burado na lahat ng mga magagandang nagawa at gagawin niya pa lang sa buhay niya, sa simpleng dahilang nabuhay siya sa mapanghusgang henerasyon ng kasalukuyan - ang kasalukuyan na ang pagtimbang sa paggawa ng mali at paggawa ng tama ay hindi nasusukat ng tama, at ang mas masaklap, mas mabigat 'yung pagtimbang sa una. 

Tinignan ko 'yung mga posts ng iba. At sa tingin ko hindi naman lahat ng nagpost ay may layunin na ipaalam sa lahat na hindi tama ang ginawa ni Amalayer at magsilbing aral para sa lahat. Karamihan, gusto lang makakuha ng katuwaan at kasikatan mula sa pagkakamali ng iba. 

Wala akong balak ipagtanggol ang kahit sino, dahil ayokong maging trending at mabansagang "Amablogger". At isa pa, mahirap din talaga humanap ng dahilan para ipagtanggol 'yung nagawa ni Amalayer. Ang sinasabi ko lang, tama na. Alam na ni Amalayer ang pagkakamali niya, at sa tingin ko naman hindi na siya nagbabalak pang ulitin 'yun. Lahat naman tayo may mga malalaking kasalanang nagagawa sa buhay, swerte ka lang kasi walang "Bayan Patroller" ang nakamasid sa paligid para ipost ang video mo na nag-aano ka. Malas lang ni Amalayer dahil kinailangan niya pang matutunan 'yung pagkakamali niya sa pinakamasaklap na paraan. Sana lang..hindi na 'to maulit pa.








Ate Paula, hindi ko alam kung may sense, pero pinapatawad kita. Basta...last mo na 'yan ha? 

-- 

(Note: Hindi ko po tinotolerate 'yung ginawa ni Amalayer. Sana naipaliwanag ko na 'to nang maayos. Salamat po sa pagbabasa mo.*_*)


Photo credits: www.shawie.com




Saturday, September 19, 2009

May Facebook ka? Ako Wala.

Noon:

"My Friendster ka? Add mo ko ha?"

Ngayon:

"May Facebook ka? Gegerahin kita sa Mafia Wars ha? Humanda ka! Hahahah!"

Adik na ang mga tao ngayon sa Facebook. Kung hindi mo pa rin alam kung ano ang Facebook hanggang ngayon, hhmmm. Wala ka na sa uso. At kung tatanungin kita kung may Facebook ka at sasabihin mong "Hindi ako nagfe-facebook eh". Mga ilang araw lang o ilang minuto, siguro naglalaro ka na ng Pet Society at laman ng friend request ng mga kaibigan mong may Facebook. Pero paano nga pala nagsimula 'to? Sino o sinu-sino ang may pakana ng dahilan kung bakit hindi ka na gumagawa ng assignment at hindi nakakapag-aral sa quiz niyo kinabukasan?

Ayon sa mga nakalap kong impormasyon (naks), si Mark Zuckerberg ang nagpakana ng Facebook noong 2004 habang siya ay nasa kanyang Dorm sa Harvard University (at tinatamad siguro gumawa ng assignments kaya nandamay na lang ng iba). At ayun. Kumalat na ang nasabing social network sa America, Asia, Africa, Australia, at. at. at. Basta. Hindi ko pala kabisado ang 7 continents of the world.

Bigla-bigla na lang nauso ang Facebook. At napag-iwanan ang Friendster. Kung adik ka na talaga sa Facebook at naalala mong may Friendster ka pa nga pala, mababasa mo
ang mga bulletins gaya ng "Facebook, add me", "Lipat na kayo sa Facebook!", o kaya naman "Wala ng Friendster, add niyo ko sa Facebook!". Ano kaya ang nararamdaman ng mga gumawa ng Friendster 'pag nakakarating sa kanila ang mga ganitong bagay? Patunay lang kaya ito na 'pag sawa na ang tao sa isang bagay, agad na niya itong tatalikuran at kakalimutan? At bakit mo nasabing emo ako? Hehe.

Kahit sino ata, may Facebook na. Bata, matanda, studyante, teacher, mayaman, o mahirap..halos lahat! Nakakaenjoy nga naman talaga mag-Facebook. Pwede kang mang-away sa Mafia Wars (na mapapatunayan mong sa pamamagitan lang nga mga salita e matatalo mo ang kalaban), pwede kang magtanim at magharvest sa Farmville at Farm Town (na kailangan mong alagaan para hindi mabulok kasi 'pag nabulok malulungkot ka), pwede kang bumili ng mga kaibigan mo (na pwede mong tawaging "pet" pero 'pag sa totoong buhay sinabi ng kaibigan mo na pet ka lang niya, ay ibang usapan na),at pwede kang magnakaw ng tanim sa Barn Buddy (na walang sinasagasaang karapatan ng mga magsasaka). Nakakaenjoy, nakakaaliw. Nakakawala ng stress.

Kaso sa nakikita ko, hindi na masyadong maganda ang epekto ng Facebook lalo na sa mga estudyante. May mga assignments na hindi nagagawa. May mga quiz na hindi napag-aaralan. May mga nale-late dahil napupuyat. At may mga naaasar dahil sa mga natalong gera sa Mafia Wars at nabulok na tanim sa Farmville. (Ay hindi pala kasama 'yung huli.) Kung tutuusin, masama na talaga ang epekto 'pag naadik ka. Aminado ko, adik na ko. Kaso enjoy talaga eh. Haha!

Hindi masamang maadik. Ang masama lang, ay 'yung isinasakripisyo mo 'yung ilang "mas importanteng" bagay para lang mapagbigyan mo ang sarili mo sa ilang mga bagay na hindi naman makakatulong sa pag-unlad mo. Tsk. Tsk.

Naglalaro ako ngayon ng Farmville. Katatapos ko lang manalo sa gyera sa Mafia Wars. At ang blog na 'to? Dalawang oras ko na 'tong tinatype. Hindi matapos-tapos dahil "naghaharvest" ako.



P.S. Kung magkakaroon ng Mafia Wars sa Friendster, baka magbago isip ko. haha!

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr