Sa pagsulat ng tula…
Sa paggawa ng nobela…
Sa pagbuo ng mga katha…
Sa isip ng isang makata…
Isa lang ang iyong makikita…
Ngunit hindi ng iyong mga mata…
Pluma ang ginamit ko sa pagsulat nito, ngunit hindi ito ang nagdikta ng mga nakasulat dito, hindi rin impluwensya ng mga naririnig ko, kundi dikta ng isang bagay na meron ka at meron ako, na nanunuot sa kaluluwa ko.
Sa mundong ginagalawan ng bawat tao, tila wala nang totoo, at kung meron man, hindi ko alam kung nasaan. Siguro nga, masyado lang akong abala sa paghahanap ng mga katotohanang maaari kong sandalan sa tuwing pinagdududahan ko ang mundo, kaya nasasabi ko ang lahat ng mga ito.
Tumingin ka sa paligid mo, lumingon ka sa likod mo. May nakikita ka bang isang batang nagsusulat ng tungkol sa paru-parong dumapo sa balikat niya? May nakikita ka bang isang matanda na gumagawa ng tula na tungkol sa kwento ng pag-ibig nila ng namayapa niyang asawa? May napapansin ka bang isang guro na nagsasalayasay ng mga karansasan niya sa pagtuturo sa pamamagitan ng isang maikling kwento? Lahat sila, isa lang ang gusto – ang malaman ng sanlibutan kung sino sila at kung ano ang mga nararamdaman nila – nang walang ibinubukang bibig, nang walang binibigkas na salita.
Sulat. Pagsulat. Manunulat.
Maraming tao ang walang interes sa pagbabasa ng mahahabang nobela, o mga tulang masyadong makata. Kung ang lahat ng tao ay katulad ng mga taong ito, wala na sigurong manunulat na nabubuhay sa mundo, Sa hinuha ko’y marahil nangamatay na ang mga ito dahil walang sinuman ang nagnanais nqa makakita, makarinig, at makaramdam ng mga lihim na saya, lungkot, galak, hinagpis, hinanakit at pagdaramdam ng mga ito.
Umiikot ang buhay ng lahat, ngunit iba ang mga manunulat. Sa isang walang tiyak na lugar nila naihahayag ang tunay nilang pagkatao. Kahit saan sila mapadpad ng hangin, o kahit saan man sila tangayin ng paborito nilang musika, makagagawa sila ng isang tula na maaaring maging salamin ng kaluluwang nagkukubli sa loob ng katawan nila. Sa bawat tugma, sa bawat talinghaga, may mga katotohanang nagpapakita.
Lahat, maaaring daanin sa pagsulat. Maniniwala ka ba kung sasabihin kong sa pamamagitan ng pagsulat, maaaring dalhin ang iyong isipan sa Europa at sa Asya kahit na hindi ka pa man nakakalabas ng Maynila? Na sa isang sulat, maaaring magbalik loob ang isang nagrebeldeng anak sa kanyang mga magulang? Na maaraing ipakita sa tao ang realidad sa mundo? At ang pinakatagu-tagong sikreto nito ay maaaring ipakita sa’yo?
Sulat. Pagsulat. Manunulat.
Walang ibang ninanais ang isang manunulat kundi ang mapakinggan siya, makaramdam ng simpatya, kahit na hindi siya nagsasalita. Sa bawat udyok ng pluma at sa bawat dikta ng puso’t isipan niya nabubuo ang isang tula, na kahit walang tugma, sukat, o talinghaga, ay nakapagdudulot ng tuwa, kahit walang nakakapuna.
Sulat. Pagsulat. Manunulat.
Tula. Tugma. Talinghaga.
Nobela. Katha. Kabanata.
Paubos na ang tinta ng pluma ko, ngunit ang mga kaisipan, idea, obserbasyon at pananaw ko sa mundo ay kailanma’y hindi mauubos – sapagkat ako’y manunulat, nauunawaan kita, at sinusubukan kong maunawaan ang lahat…
-HSR, 2008
Saturday, May 1, 2010
Udyok ng Pluma
4:20 PM
Eych
4 comments
4 comments:
thumbsup=)
nice.thumbs up. :)
ang galing naman po nakaka inspire saken bilang isa rin akon g writer.basta more power po sating lahat
thumbs up
Post a Comment