Thursday, May 20, 2010

Doktor vs. Albularyo [PART 1]

AYOKO SA MGA DOKTOR. Sawa na ako sa mga pagmumukha nila mula pa pagkabata. Noong bata ako, suki ako ng mga ospital. Gabi-gabi kaming labas-pasok ng nanay ko sa mga health centers. Araw-araw akong umiinom ng mga gamot na nirereseta ng doktor. At araw-gabi akong pinipilit ng nanay kong kumain kahit isang kutsara lang... para kahit papaano'y magkalaman lang daw ang aking tiyan. Pero ayoko. Dahil bilang isang mamamayang Pilipino, naniniwala akong masakit sa gilagid ang pagnguya ng kutsara. Mabuti pa sana kung tinidor yon...


∫∫∫∫∫∫∫∫


"If my doctor told me I only had six minutes to live, I wouldn't brood. I'd type a little faster."


~Isaac Asimov, author

∫∫∫∫∫∫∫∫


Isa sa mga hindi ko makakalimutang karanasan sa ospital ay nung minsan, isang gabi, inaapoy ako ng lagnat. Dali-dali akong tinakbo ng nanay ko sa pinakamalapit na health center sa lugar namin. Pagdating pa lang, pinahubad na kaagad ako ng damit ng nurse. Pagkatapos ay pinunasan niya ako ng bimpo na pinigaan sa sabaw ng yelo. Pusanggala! Sa sobrang lamig, dumating sa puntong halos parang gusto ko nang tadyakan sa pagkakayuko yung nurse, para lang itigil nya yung ginagawa niya sa musmos kong katawan (na wala pang saplot!!!). Pero hindi ko itinuloy. Alam ko kasing gaya ng mapait na ampalaya, kahit papaano'y may magandang benepisyong mapapala ang katawan ko sa mga pinaggagagawa niya.

∫∫∫∫∫∫∫∫

Balik tayo sa mga doktor...

Isa sa mga pinakamaraming bagay na kinaiinisan ko sa mga doktor e yung kaugalian nilang pagkatapos kang i-examine, sunugin ang katawan mo sa X-ray, at pakinggan ang tibok ng puso mo (sa pamamagitan ng pagtusok ng karayom sa dulo ng daliri mo) ay magpapaliwanag sila ng kung anu-anong bagay tungkol sa sakit mo... GAMIT ANG MGA SALITANG NAKAKABOBO:

NANAY: Doc, ano ho ba talaga ang sakit ng anak ko? Nag-aalala na po kasi ako sa kanya, doc. Hindi naman siya ganyan dati. Sa katunayan nga e marami ho siyang natatanggap na awards dati...

DOC: Ahem...

NANAY: ...bilang patunay na siya nga ay isang maliksing---

DOC: Dahil sa ilang sintomas na madalas ipakita ng inyong anak gaya ng severe headache, unexplained nausea, at loss of peripheral vision, napag-alaman naming may kinalaman ang sakit niya sa posterior cranial fossa. Bago pa, lumala na rin ang gradual loss of sensation niya na mas lalo pang nakapagdudulot ng hormonal (endocrine) disorder sa isang pasyente. Ang lahat ng ito ay bunga ng mga uncontrolled cell divisions, marahil sa cranial nerves, lymphatic tissues, pituary, pineal gland o blood vessels niya. Dagdag pa dito, mas bumilis pa ang pag-increase ng mass growth ng abnormal brain cells niya sa ulo. Sa kasong ito, ikinalulungkot kong sabihing "malignant" ang sakit na dumapo sa anak niyo.

NANAY: H-HAH?????!!!!!

DOC: In short, may cancer sa utak ang anak niyo, misis.

Mismo. Kaya kung mabubuhay ka noong unang panahon, e asahan mo nang mabobobo ka sa mga pinagsasasabi ng doktor mo tungkol sa tunay na pangalan ng sakit mo. Mabuti nga ngayon, medyo naipapaliwanag na nila ng maayos sa mga pasyente ang mga bagay na dapat nitong malaman. Patunay lang yan na ang mga doktor, at hindi ang mga pasyente, ang dapat na mag-adjust mula sa dictionary ng Science...


∫∫∫∫∫∫∫∫

Pero hindi pa diyan natatapos ang reklamo. Dahil tulad ng sakit na "Hirap sa Pag-Intindi sa Salita ng mga Doktor", pangunahing problema rin ng mga pasyente ay ang sakit na "Hirap sa Pag-Intindi sa Sulat ng mga Doktor." At ang pangunahing dahilan niyan ay ang... reseta.


∫∫∫∫∫∫∫∫

Re. Se. Ta.

Hindi na bago sa akin ang issue kung saan dawit ang nasabing papel, ang doktor at ang sulat-kamay niya.

"'Pag doktor, asahan mo, pangit ang sulat. "

Madalas kong naririnig yan sa mga botika at ospital, pero hindi yan kwentong barbero lang. Dahil kung titignang mabuti, pangit talaga ang sulat ng mga doktor. Ewan ko lang sa iba, pero yun ang napapansin ko pag nababasa ko yung mga dati kong reseta.

Alam na naman ng lahat na dati pa'y may tsismis na tungkol sa mga doktor, at kung gaano talaga kapangit ang sulat nila... Ang tanong ko: bakit kinakailangang pangatawanan pa ng iba sa kanila na parang kinahig-ng-manok nga talaga ang handwritten nila? Hindi ba kayo tinuruan ng teacher niyo ng Composition sa Grade 1?? At kasama ba talaga ang kinahig-ng-manok-na-handwritten sa mga requirements para makapasa sa Board Exam??? Umayos kayo ha??!!!!! [insert panginginig ng laman here]

Malamang yun yung isa sa mga dahilan kung kaya't marami sa ating mga Pinoy ang mas pinipiling unang lapitan ang mga albularyo kesa sa mga doktor.

Oo.

Albularyo.

.

.

.

ITUTULOY...


Abangan ang kapana-panabik na pagpapatuloy ng teleseryeng ito na tinututukan na ng buong sambayanan! Ang sagupaang DOKTOR VS. ALBULARYO! Dito lang sa Abayga Gopa Lako!


(Naks... May Part Two! Parang Desperadas!)


∫∫∫∫∫∫∫∫



----
Mula sa mga Alamat ni Jerald (www.jraldrbnt.wordpress.com)

Abangan ang sequel. At ang premiere night sa Cinema 23 ng Sabik CinemaWorld sa Tawi-Tawi.

0 comments:

Post a Comment

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr