Monday, December 29, 2008

Wanted: Fortune Tellers

Malapit na ang ika-366th day ng 2008. At higit pa sa 366 ang mga may ganitong trabaho sa tuwing papalapit na ang araw na iyon.


Minsan nakakatuwang makarinig ng mga "vibes" mula sa ibang taong nakakakita ng magiging kapalaran mo.

Bata pa lang ako, tradisyon na sa pamilya ko (na sa totoo lang ay Nanay ko lang ang natutuwa) ang manood ng mga Talk shows na featured ang mga batikang manghuhula ng bansa sa tuwing malapit na mag New Year. Unang hinuhulaan ang mga guests na celebrities na kadalasan ay nakafocus sa mga career nila. Sunod ang mismong Talk show, ang mga hosts at ang TV station. Kasama din nilang hinuhulaan ang magiging takbo ng sistema ng bansa, lalung-lalo na ang ekonomiya nito. May hula kung magkakaroon ba ng tsunami, lindol, airplane crash, paglubog ng barko, pagputok ng bulkan, pagkamatay ng artista, at pagkamatay ng pag-asa ng bansa (na sa tingin ko ay unti-unti nang nangyayari). Kapag nangyari nga ang mga ito, sasabihin ng mga tao, "Diyos ko! Tama ang hula ni ano!" Tapos sa susunod na taon, aabangan nila ulit ang pag-guest ng manghuhula sa Talk show at aasa ulit na makakarinig ng mga swerteng mangyayari para sa susunod na taon na darating, na nakakadismaya kasi dominante talaga ang mga nakikitang kamalasan. Tsk. Tsk. Tsk.

Nang napunta kami ng nanay ko sa Quiapo, inobserbahan ko yung mga manghuhulang nakakalat sa gilid ng simbahan. Natuwa ako dun sa manghuhulang naka costume pa-may makukulay na bracelets at kwintas, balabal, hikaw na malaki-basta yung katulad ni Madam Auring, at 'yung isang feel na feel-papikt-pikit pa! 'Yung mga nagpapahula naman, hindi ko maintindihan kung wala lang silang magawa sa buhay o sadyang mga tanga lang sila. Hindi ko maintindihan 'yung konsepto na "magbabayad ka para sa kaunting sulyap sa hinaharap."

Pero, may gusto rin naman akong marinig sa mga manghuhula kung sakaling magpapahula ako:

"Huwag ka mabibigla. Pero kitang-kita ko, may mag-iiwan ng 100 Million pesoses sa pinto niyo sa Januray 1, 2009, 2:33 ng madaling araw, kaya wag ka lalabas ng bahay niyo."

"Bibigyan ka ng Uno ng lahat ng mga professors mo kung hindi ka aabsent."

"Magiging CPA ka isang linggo mula ngayon dahil perfect mo 'yung test niyo kanina at na-elib 'yung prof mo."

"Mag-empake na kayo ng pamilya mo. Pinadala na ng tatay mo 'yung ticket niyo papuntang Canada, pero madedelay lang nga konti kasi nag-cr pa yung piloto."

"Magkakaroon ka ng manliligaw na saksakan ng yaman at kagwapuhan. Pero tatanggi ka kasi hindi itsura at yaman ang habol mo kung sakaling magmamahal ka na." (Ay hindi pala 'to kasama!)

"Eto ang address ko. Patayin mo ako at ang buong pamilya ko kung hindi magkakatotoo ang mga hula ko sa'yo."

Pero para sa akin, ang mga hula ay kapareho ng salitang "babala". Maaaring sabihin ng manghuhula na mamamatay ka mamaya dahil lalasunin ka ng -ex mo, o kaya mahuhulog ka sa creek sa Linggo dahil sadyang tanga ka. "Hindi required ang maniwala sa mga hula. Mas maganda lang talaga kung gagawin mo itong mga gabay para mag-ingat ka sa lahat ng mga gagawin mo sa buhay," sabi 'yan ng kaibigan ko kagabi. Tama nga naman. Pero naisip ko din, mag-ingat ka man ng bonggang-bongga, kung nakatakdang mangyari ang dapat mangyari, e wala ka nang magagawa dun. At mas maganda din siguro kung sa halip na ipambabayad mo sa manghuhula 'yang 500 pesos mo, bigay mo na lang sa'kin. Siguradong yayaman ka bukas at magkakaroon ka ng syotang iaahon ka sa hirap.

Sa lahat ng mga manghuhulang makakabasa nito, contact me at 09096267890098737 and let's party.

0 comments:

Post a Comment

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr