Pasko na pala ngayon. Kagabi lang parang napaka-excited ng mga tao tapos paggising ko kaninang umaga, parang March 3 lang. Anong Meron sa March 3? Wala. Kaya nga parang wala lang 'yung okasyon ngayong araw.
Pero sa simula lang pala 'yun. Bumubwelo pa lang ang panahon.
"Namamasko po!"
Walang pumansin. Busy ang Mama ko sa pag-iinit ng natirang ispageti kagabi.
"Ate, Kuya, namamasko po!"
Wala pa ring pumansin.
"ATE, KUYA!!! NAMAMASKO PO!!!! GGGRRRRR!!!"
Nahaggard ang nanay ko. Akala ko nga nung una magagalit siya, pero binigyan niya pa rin ang bata ng kending ni-repack namin nung isang araw para may maibigay kami sa mga namamasko. Tingin ko nga, go signal 'yung unang batang namasko sa'min para sa iba pang kapwa niya bata. Maya't-maya may namamasko.
Hanggang sa nalungkot ako. Minsan, pangarap ko pa rin maging 5 years old.
Nakakinggit tignan 'yung mga batang may dala-dalang regalo, hindi lang isa, hindi lang dalawa, kundi, marami talaga. Buti pa sila, matitikman nila 'yung sarap ng pagtanggal ng scotch tape at stapler sa mga makikintab at makukulay na papel at 'yung disappointment sa nakuha mong regalo mula sa kuripot mong Ninang. Wala naman kasi kaming mga kamag-anak dito sa Maynila, at kung meron man, hindi ko kilala, o kaya kasama na ng may birthday ngayon. Wala tuloy akong pera, limampiso lang. Kawawa naman ako. Sana makatanggap man lang ako kahit ano.
"Ninang, namamasko po! Nandyan po ba si Ate Eych tska si Ate Ji?"
Inaanak ng Mama ko. Anong gusto niyang mangyari? Wala nga kong pera dito, limampiso lang tapos mamamasko pa siya sa'min ng kapatid ko? Eh alam ko tres lang yung pera nung kapatid ko na 'yun eh, o 2.50 lang yata. Ano ba to! Anong gagawin ko?
"Eych, kunin mo nga 'yung regalo ni Miriam dyan."
Anak ng panis na isapageti. Isa pa 'tong si Mama, nagtatago nga ko tapos... hay naku talaga!
Paglabas ko, hindi na ako masyadong tumingin kay Miriam. Hanggang sa may nakita akong dalawang maliit na regalong hawak ng kapatid kong 2.50 lang ang pera. Hindi ako hiningan ng pamasko ng bata, nakahinga ko ng maluwag.
"Oh bigay ni Mi...." ay mali, wala palang sinabing ganyan yung kapatid ko. Inagaw ko na lang bigla yung regalong hawak niya.
Smile before you open.. (nag-smile ako, serious.)
To: Ate Eych From: Miriam Merry X-mas
Aba aba aba.. May regalo ako! At 'yun ay galing sa 10 years old na batang wala akong naaalalang may nagawa akong mabuti sa kanya. Unang binuksan ng kapatid ko yung sa kanya, at ang laman? Isang wallet na may keychain, panyo at malutong na bente pesos.
Inisip kong baka ganon din 'yung akin. Salamat na din.
Pero hindi.
Walang panyo, walang wallet, walang keychain, at walang malutong na bente pesos. Kundi, isang malutong at mukhang play money na PIPTI PESOS!! Yesssss!!!! Aminado ko, tumalon talaga ako sa sobrang saya. Isipin mo, 'yung binalak kong taguan na bata, eh siya pa palang magbibigay sa'kin ng kasiyahan ngayong pasko. Binulungan tuloy ako ng konsensya ko.
Hanggang sa naisip ko, napakababaw lang pala talaga ng kaligayahan ko. Isa itong patunay na ang mga pinakamasasayang tao sa mundo ay 'yung may mga mababaw na kaligayahan. At isa ako sa kanila.
Sa tingin ko, hindi 'yung Pipti pesos na natanggap ko yung dahilan kung bakit napakasaya ko nung mga sandaling 'yon. 'Yun ay dahil sa naisip kong kahit paano, may ibang tao pa rin talaga ang nag-abalang pasayahin ako ngayon araw na 'to. Pipti pesos lang 'yun, pero pakiramdam ko, nakatanggap ako ng Pipti million.. na dasal at concern!
Sana, maging masaya kayo ngayong araw na to, may pera man kayo o wala. Hindi naman 'yun mahalaga. Promise. Tatapusin ko na sana tong blog na 'to ng biglang magtext ang Pardz kong si Thirdy. Meron daw siyang apat na libreng tiket sa sine. At may Piptipayb Pesos ako ngayon, ang saya! Yeah!
Sige guys, thanks sa pagbabasa ng blog ko. Sana kahit sa anong paraan, naging masaya kayo. Ang ngiti niyo ang magiging pinakamagandang regalo niyo sa may birthday, haluan niyo na rin ng kabutihan ng kalooban bilang Bonus.
Meri Krismas!!
_This is Inday, Eych is no longer here. She's with her friends and she has forgotten that she's not logged out yet. So I'll be the one to do that for her. Merry Christmas and may you all have a blissful new year! Goodbye._
Thursday, December 25, 2008
Da Krismas Blag Part Tu Pipti Pesos
3:33 PM
Eych
No comments
0 comments:
Post a Comment