Sabi ng tito ko, panoorin daw namin 'yung binili niyang DVD na "Ten Commandments". At pinanood naman namin. Kaya lang, hindi ko alam kung pinanood ko ba 'yun dahil sa gusto ko talaga mapanood 'yun o dahil sa sinabi lang ng tito ko.
Nasa bahay lang ako tuwing Mahal na Araw. Bukod sa wala naman akong pupuntahang probinsya, at hindi ko rin binalak gumala, e talagang nasa bahay lang ako kasi.. kasi ano.. ahm.. alam ko panata ko na talaga na nasa bahay lang tuwing ganitong mga panahon. (tatakasan ko na lang 'yung sentence na 'yun). Sabi ng nakararami, sagrado daw talaga ang pagdiriwang ng Semana Santa sa 'Pinas at sa tingin ko naman e walang duda 'yun. Kaso napapansin ko lang, habang lumilipas ang panahon, sumasabay din dito ang pagkaubos ng mga taong tunay na nagpapahalaga sa banal na linggo na ito.
Dahil nga sa paniniwalang Pinoy na sagrado ang mga araw ng Huwebes Santo, Biyernes Santo at Sabado de Gloria, hindi nagpapalabas ang mga TV networks ng mga regular programs kundi mga lumang pelikula, mga misa, at documentaries na tungkol sa buhay ni Jesus. Natutuwa naman ako sa mga araw na 'yan kasi mapapanood ko na naman 'yung paborito kong "Sarah, ang Munting Prinsesa" o kaya 'yung "Agua Bendita Marathon Special". Tapos maiisip ko na lang, ginugunita ko ba talaga ang Mahal na Araw kung pinause ko muna saglit (mga 2 hours) 'yung pinapanood kong Ten Commandments para mapanood 'yung One More Chance ni Bea at John Lloyd? Tsk.
Maraming tao sa beach ngayon, sigurado. Nakakainis lang minsan 'yung mga taong nakikita natin madalas sa TV na sila pa 'yung nairereport na sobrang enjoy sa kasiswimming. Wala namang masama 'dun, kung hindi mo iisiping masama 'yun. Ang sa akin lang, marami pa namang araw ang lilipas sa summer vacation natin, pwede namang ipagpaliban muna 'yun ng mga ilang araw para naman kahit paano e maipakita natin na nakikisalo tayo sa pagdiriwang ng Semana Santa. Hindi ba't mas maigi nang pumunta sa mga simbahan at magdasal kesa pumunta sa mga beach at maglagay ng sunblock?
'Yung iba naman nating mga kababayan na sa sobrang kagustuhan nila na maiparamdam sa Panginoon ang pagpapasalamat nila sa ginawa Niyang pagpapakasakit sa atin, e hanggang ngayon nagagawa pa ring magsagawa ng mga "sagradong gawain" o mga penitensya gaya ng pagpapapako sa krus at paghampas ng something sa likod habang may pasang krus at naglalakad sa kalagitnaan ng matinding sikat ng araw. Muli, wala namang masama doon. Kaya lang, siguro hindi naman 'yun ang paraang ginusto ng Panginoon para magsisi tayo sa ating mga kasalanan. Sa tingin ko, hindi siya nasisiyahang panoorin na naghihirap ang mga taong Siya mismo ang nagligtas. Mas mabuti siguro kung ipakita na lang natin sa iba at mas simpleng paraan ang taos-puso nating pagbibigay pugay sa ginawa ng Panginoon para sa atin gaya ng pagsisisi sa mga kasalanan, paggawa ng mabuti at pagbibigay natin ng pangako sa Kanya na habang tayo'y nabubuhay, paglilingkuran natin Siya at habambuhay na magiging mabuting mga anak Niya.
Amen.
---
Salamat sa http://www.mybataan.com/deathmarch/wp-content/uploads/2009/04/samal_holy_week.jpg para sa larawan.
Thursday, April 1, 2010
Mahal na Araw. Araw na Mahal.
5:33 PM
Eych
No comments
0 comments:
Post a Comment