Saturday, October 17, 2009

Ondoy Love Pepeng

Pansin mo ba ang kaguluhan? Rinig mo ba ang mga nakakabagabag na sigaw? Ito na ba ang nakasulat sa ating kapalaran? Nasundan mo ba ang anod ng bangungot? Nakita mo ba ang ganti ng kapaligiran? Humanga ka ba sa kabayanihan ng ilan? Sa tingin mo, meron ka bang ibang magagawa?


Bagyo. Sa ngayon katumbas ay bangungot. Kailan lang ay binura ng kalamidad na parang sulat sa blackboard ang ilang lugar sa bansa. Nakakatakot na baha na nilalangoy ng mga umiiyak na biktima. Maputik na tubig na lumamon sa tirahan at kabuhayan nila. Napuno ang mga eskwelahan, basketball court at mga munisipyo ng mga taong humihingi ng saklolo. Pinuno ng dasal ang alapaap ng pinagdausan ng traydor na bagyo. Mahaba ang pila sa mga evacuation centers para makahingi ng kaunting tulong na maaaring ipanlaman sa tiyan at masaplutan ng kaunti ang basang-basang mga katawan. Dumagsa ang bayanihan kahit saan. Kaya naman palang magkaisa, bakit ngayon lang?

Kasalukuyan akong nakikipagchat sa Facebook at naghaharvest ng tanim sa Farmville habang kasagsagan ng birthday party ni Ondoy. Bumabaha na pala sa labas, sige pa rin ako sa pakikipagchat at paghaharvest. Wala akong kaalam-alam sa pangyayari hanggang sa nakita ko na lang sa TV na parang naging melted chocolate na matabang ang buong Marikina. Kung hindi ko pa narinig na umiiyak sa TV si Jennica Garcia dahil stranded sila sa baha, hindi pa ko titigil sa pakikipagchat. Nakakabiglang malaman na nasa gitna na ng malaking bangungot ang mahal kong bayan – habang ako, nalulungkot dahil nabulok ang mga tanim ko sa Farmville.

Sa mga ganitong pagkakataon, tumataas talaga ang tingin ko sa mga Pilipino. Sa isang iglap, naglabasan ang lahat sa kani-kanilang mga lungga para magbigay ng mga tulong o relief goods na tanda na rin ng pasasalamat nila dahil hindi sila nasama sa trip ni Ondoy at ng kakosa nitong si Pepeng. (Bakit naman kasi sila pinangalanan ng gano’n? ‘Yan tuloy. Pwede namang Ondie, o kaya hmmm, Pepper). Nakakatuwa dahil pati mga artista, lumangoy na din at sinuong ang panganib para makapagligtas ng kapwa, nang walang hinihinging magandang anggulo sa camera. Bata, matanda. Mayaman, mahirap. Lahat tumulong. Kahit alam din ng lahat na hindi iyon sapat para matulungang makabangon muli ang mga nasalanta.

Pero madalas, talagang matatawa ka na lang.

Halos lahat ng evacuation centers na may reporter, laging may mga audience. ‘Yun bang tipong habang binabalita ng reporter na hirap na hirap na ang mga evacuees at halos lahat sila ay nagkakasakit na, agaw eksena ang mga mismong evacuees habang kumakaway sa camera at tuwang-tuwa pa. Meron pa nga, habang umiikot ang camera sa isang lugar na sinalanta ng bagyo, nakangiti pa sila at kumakaway habang nakasay sa improvised bangka at habang tinatawid ang baha. Minsan pa nga may nainterview na isang ginang, ang sabi niya “Ang hirap nga po tumawid dito. Haha! Ang taas pa ng singil nila. Hehe.” Sabay kaway pa sa camera. Mga Pinoy talaga. Hehe.

Tanong ng kaklase ko nung isang araw, “Bakit ganu’n? Wala na nga kong nasagot kanina sa finals, pero masaya pa din ako? Haha!” Ang sagot ko, “Eh kasi Pinoy ka.” Paano kaya kung hindi marunong tumawa sa kabila ng mga problema ang Pinoy? Sa tingin mo, kaya pa nating bumangon?

Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil hindi nasamang nahagupit nila Ondie at Pepper, ay mali, Ondoy at Pepeng pala, ang pamilya ko. Pero mas nagpapasalamat ako sa lahat ng mga tumulong sa mga kapwa nilang humihingi ng saklolo, sa loob at labas ng bansa, Pinoy man o hindi. Kung sasabihin naman ng ilan na wala silang ibang maibibigay kundi dasal LANG, nagkakamali sila. Wala ng ibang hihigit pa sa kapangyarihan ng dasal. ‘Yun lang ang pwedeng i-send ng walang bayad. Salamat dahil nagtutulungan tayong lahat. Salamat dahil hindi natin iniiwan ang isa’t-isa. At higit sa lahat, salamat dahil mayroon pa rin palang natitirang pagkakaisa sa puso ng bawat isa.

Sabi sa isang text message:

“Guys, babalik daw si Ondoy… para mag-sorry. Tatanggapin ba natin?”

Reply ng isang loko:

“P*kyu!”

0 comments:

Post a Comment

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr