Sunday, March 15, 2009

Yess! Graduate Na!

Sa sobrang bilis ng panahon, hindi ko namalayang halos mag-iisang taon na pala mula 'nung hinubad ko ang suot kong toga at lumabas sa kahuli-hulihang pagkakataon sa gate ng iskul ko 'nung high school. Tama, "parang kelan lang".

Hindi ko alam kung anong damdamin ang dapat mangibabaw sa isang 4th year student sa tuwing sasapit ang buwan ng Marso. Tuwa? Maaari. Lungkot? Pwede din. Takot? Siguro. Excitement? Yata. E tuwa, lungkot, takot at excitement? Perfect.

Una, tuwa. Sa libo-libong pagkakataon na gumawa ka ng assignments, nangopya ng sagot sa katabi mo, nanghingi ng papel kahit meron ka naman sa bag, nagrecite sa teacher na halatang kumakain ng laman loob ng bata, at gumawa ng excuse letter (tandaan, ang katumbas ng katamaran ay lagnat at pwedeng umabsent 'pag may sipon), sa wakas ay gagraduate ka na din. Masarap makita ang bunga ng pinaghirapan mo. Kahit pa sabihin mong isang milyong beses kang nangopya 'pag may quiz at periodical exams, hindi mo maaaring sabihing hindi ka naghirap dahil nakakapagod ding umasa na tama ang sagot ng kinokopyahan mo. Sa wakas, tapos na ang lahat. Pansamantala.

Pangalawa, lungkot. Darating 'yung oras, lalo na 'pag ilang araw na lang e graduation day na, na mararamdaman mong hindi mo na alam ang mangyayari sa'yo 'pag iisipin mong hindi mo na makakasama araw-araw ang mga classmates mo. 'Yun bang hindi mo alam kung pagkatapos ng graduation e may tatawa pa sa mga jokes mo, may mabuburaot ka pa bang pagkakain, may mahihingan ka pa kaya ng payo at pulbos, o kaya iiyakan sa oras ng problema. Mahihiwalay ka na sa bestfriends mo, mga katropa, pinagpapantsyahan, mga teachers, o sa taong espesyal sa'yo. Malungkot 'yun dahil iisipin mo rin, "ang hirap na yata makahanap ng tulad NILA.". Masakit 'yun sa puso at apdo. Sa huli, ang masasabi mo na lang, "may katapusan ang lahat ng bagay."

Pangatlo, takot. Karaniwan itong nararamdaman ng mga estudyanteng hindi kayang pagkatiwalaan ang sarili nila. Lalo na 'pag magka-college ka na at hindi mo alam kung may maipapasa mo ba ang mga entrance exams na iaabuloy sa'yo ng mga universities o colleges. Minsan, takot din ang mararamdaman mo kapag nasa krisis ang pamilya mo. Takot ka na baka 'yun na ang huling suot mo ng toga.

Panghuli, excitement. Tingin ko ito dapat ang mangibabaw sa lahat. Higit anuman, dapat excited ka sa ibang buhay na naghihintay sa'yo pagkatapos ng graduation. Ma-excite ka sa mga bagong classmates, mas terror na teachers na tatawagin mo na ngayong "Panget!" ay este "Prof" pala, bagong canteen, bagong classrooms, bagong upuan na pwedeng lagyan ng "Inday love Gerald", bagong ID, at higit sa lahat, bagong "ikaw". Nakakaexcite ang mga bagong mangyayari sa'yo pagkatapos ng iyakan sa graduation. Goodluck.

Graduation day ng huli kong makita ang school ko nung high school, at mula nun, hindi na ako nagpakita sa mga teachers ko. Hindi ko na nakita ang ilan sa mga classmates ko pagkatapos ng malungkot at masayang gabi na 'yun. Hindi sa wala akong panahon o nakalimot na ako dahil kahit kelan, hinding-hindi mangyayari 'yun. Ipinangako ko kasi sa sarili ko na sa susunod na pag-apak ko sa paaralang kumupkop sa aking mga pangarap at takot, e ibang Eych na ang makikita nila - mas mabuti kesa sa Eych na huli nilang nakita.


Congratulations sa lahat ng mga graduates at ga-graduate ngayong taon! Good luck at God bless you all. *Palakpakan*

3 comments:

gift said...

bittersweet...

Anonymous said...

hehehe ganyan talaga pag dating ng march...puro MARCHa para sa graduation hehehehe

Eych said...

pero nakakamiss din na ewan hehe

Post a Comment

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr