Nakakaloka ang anim na kwentong ipinadala ni Violet dito sa PedXing. Nakakaloka pero tatamaan ka talaga. Basahin niyo din at enjoy!
---------------------------------------------
Anim na kwentong kabit-kabit… buhol-buhol… nangagkumpul-kumpol.
Anim na pinagtagpi-tagping mga kwentong may kapayakan ngunit maaaring lakipan ng may kalaliman din namang mga reaksyon at mga katanungan.
Anim na pinagtagpi-tagping mga kwentong may kapayakan ngunit maaaring lakipan ng may kalaliman din namang mga reaksyon at mga katanungan.
Sa Dyip
Sa isang kakarag-karag na pampasaherong dyip, may isang lalaking nasa edad treynta-mahigit ang may katagalan nang paulit-ulit na sumusulyap sa kaharap na pasahero -- isang babaeng naka-all white na uniporme, pang-nursing student… tila ba sinusuri… hindi, tila ba hinuhubaran na ang walang kamuwang-muwang na babae sa bawat panakaw nitong titig!
Nadaan ang dyip sa isang kanto… pumara ang babaeng naka-uniporme… bumaba ang babae.
Humabol ng tingin ang lalaki… titig na titig sa puwitan ng pumarang babae -- halos hindi na kumurap ang namimilog na mga mata -- mga matang nangungusap, bakas ang kahalayan at hindi itinatagong pagnanasa.
Nadaan ang dyip sa isang napakalaking simbahan… yumuko ang lalaki -- ang parehong lalaking kanina lamang ay halos gahasain na ang babaeng kabababa lamang ng dyip… nag-sign of the cross.
Relihiyosong manyak.
Sa Rally
Sa isang rally kontra global warming, nagtipon-tipon upang magsagawa ng isang maikling programa ang mga aktibistang itinuturing ang mga sarili bilang environmentalists.
Natapos ang programa… kanya-kanyang impake ang mga aktibista.
Lumisan ang mga aktibista… nag-iwan ng subinir sa freedom park –- mga pakete ng kanilang pinag-kainan at pinag-inuman, mga may plemang dura at wala nang tamis na chewing gum.
Environmentalists sa salita, kulang na kulang sa unawa at sa gawa.
Sa Kalsada
Sa isang makipot at lubak-lubak na kalsada, busy-bisihan ang tatlong naka-complete uniform na traffic enforcers sa pagti-ticket ng mga pinara nilang motorista -- yaong mga napadaang hindi naka-helmet.
Naubos ang mga naka-motorsiklo na kanilang pinara at tinikitan.
Naghanda na para umalis ang traffic enforcers… sumakay ang bawat isa sa kani-kanilang mga motorsiklo… kinik-start… at humarurot… lahat sila, walang helmet!
Kanilang hinuhuli at pinagmumulta ang mga sibilyang sumusuway sa batas trapiko… sila mismong tagapag-patupad, garapalang sumusuway dito.
Mga de-unipormeng ipokrito… mula sa buwis ng bawat Pilipino ang sinisweldo.
Sa Simbahan
Sa isang maliit na simbahan sa may kanto, may isang pari ang nagse-sermon tungkol sa pagkakapantay-pantay ng bawat tao sa mata ng kinikilalang Diyos.
Natapos ang misa… dumeretso sa likod ng altar ang pari, sabay tawag sa tagapamahala ng mga sakristan o yaong tinaguriang “altar boys.”
Mahinahong kinausap ng pari ang tagapamahala, naghabiling sa susunod na siya ulit ang mangangasiwa ng misa, ayaw niya ng mga babaeng sakristan… tumango ang tagapamahala, sabay alis… bumalik sa ginagawa.
Ang Diyos daw ay hindi namimili… laging pantay kung magmahal. Ang taga-sunod, parang hindi… pinapaboran lamang ang mga batang lalaki upang magsilbi sa pagmimisahan niyang altar.
Relihiyosong ipokrito.
Sa Ospital
Sa isang pribadong ospital, hinarap ng doktor ang huling pasyente sa pila… maikli ang naging usapan ng dalawa.
Natapos ang pag-uusap nila ng pinapayuhan niya ang pasyenteng alagaan ang sarili -- kumain ng tama, inumin sa oras ang mga gamot na inireseta, magpahinga, at umiwas sa bisyo.
Lumabas na ang pasyente… sunod na lumabas ang doktor… isinabit sa pinto ang lunch break sign.
Deretso sa veranda ng ospital ang doktor… dumukot sa bulsa ng lighter... at nag-sindi ng isang stick ng yosi.
Nagpapayo sa ibang huwag mag-bisyo, siya mismo’y tumatangkilik ng sigarilyo.
Sa Bahay
Sa isang paupahang bahay turned pasugalan, may isang babaeng asa edad treynta-mahigit ang kanina pang umagang nakasalang sa isang lamesang pan’tong-its… inabutan na ng paglubog ng araw sa pasugalan.
Nilapitan ang babaeng nagto-tong its ng isang batang babae… ang sabi’y “mama pengeng piso.”
Sumagot ng bulyaw ang babaeng ina pala ng paslit… “Putang-inang ‘to! Wala akong pera! Do’n ka sa ama mo humingi ng piso! Lumayas ka dito”
Wala raw perang sugarol… kanina pa taya ng taya.
violetauthoress.25Marso09
--------------------------------
Bisitahin niyo rin si Violet sa kanyang blogsite - www.violetauthoress.blogspot.com at basahin ang iba pa sa mga magaganda at nakatutuwa niyang mga blogs.
Salamat Violet! Sa uulitin. :)
----------------------
Ang larawan ay mula sa http://gbcdecatur.org/files/UnmaskingHypocrite.jpg
Bisitahin niyo rin si Violet sa kanyang blogsite - www.violetauthoress.blogspot.com at basahin ang iba pa sa mga magaganda at nakatutuwa niyang mga blogs.
Salamat Violet! Sa uulitin. :)
----------------------
Ang larawan ay mula sa http://gbcdecatur.org/files/UnmaskingHypocrite.jpg
2 comments:
SM >> simpleng maniac hahaha!!! ;p
yeah! andaming ganyan haha!
Post a Comment