Thursday, December 31, 2009

Happy Bagong Year!

Nagsusulat ako ngayon ng blog para sa huling araw ng taon. Huling. Araw. Ng. Taon. Ang bilis. Parang nung isang araw ko lang sinulat 'yung "Top 15 Filipino Superstitions on New Year's Day-Super Talaga!" dito sa PedXing (pakitignan na lang kung ano 'yang pinagsasabi ko). Panibagong blog na naman para sa bagong taon. Ang bilis talaga. Parang pelikula na finast forward, mablis, wag kang kukurap. Hindi mo na namamalayan ang takbo ng oras. Ang karaniwang maririnig mo sa mga tao sa oras na 'to - "New Year na talaga? Ambilis".

365 days na pala ang lumipas na parang katumbas lang ng isang buwan ang bilis. Ang araw na ito, paggising ko kinabukasan, parte na ng nakaraan. Tapos na ang mga araw sa 2009 na kalendaryo. Tapos na ang mga araw sa 2009 Daily Planner mo. Tapos na ang lahat ng nasa 2009 school at office calendar niyo. Ang 2009, sa pagdating ng alas-dose ng hatinggabi mamaya, magiging kasabay na ng mga pulbura ng mga paputok na papuputukin mamaya mapupulbos.

Kung tatanungin ka ngayon kung anong nangyari sa 2009 mo, hindi ako sigurado kung magiging masaya ka ba o malungkot. Dito sa buhay natin, hindi mo na mabilang ang dami ng mga eksenang pinalabas, dami ng mga kasalanang nagawa, dami ng mga taong dapat pasalamatan at hingan ng kapatawaran, dami ng mga bagay na sana ay nagawa natin at ngayo'y pinagsisisihan at dami ng mga bagay na dapat mong ipagpasalamat at ihingin ng tawad sa Kanya.

Naisip ko bigla ang New Year's Resolution. 'Pag pumapasok sa isip ko ang salitang 'yan, na-iimagine ko ang mga business permit, driver's license, visa, passport, NBI clearance, prangkisa, at lahat na ng bagay na nirerenew. Para kasing taon-taon e kelangan nating magrenew ng mga pagbabagong pinapauso natin taon-taon, parang nag-eexpire annually (parang mali, basta ganun). Pero kung tatanungin ako, wala akong New Year's resolution kasi sa tingin ko hindi naman kelangan ng tao 'yun. Para sa'kin, ang kelangan ko e Daily Resolution dahil sa dami ng pagkakamali ko sa isang araw na dapat ko ring baguhin araw-araw. Kung lahat ng tao e gumagawa ng New Year's resolution at sinusunod niya nga iyon ng buong puso, buong kaluluwa, buong atay at buong balun-balunan, sana araw-araw na lang ang bagong taon - para araw-araw ding nagbabago ang tao. Kung may sense ba ang sinabi ko, hindi ko rin alam. hehe.

Paggising ko bukas, may bago ba bukod sa mga nagkalat na mga balat ng paputok na hindi ko naman normal na nakikita? Parang ayaw ko pa nga matapos ang taon kasi ibig sabihin, tapos na ang masasayang araw ng holidays at kelangan ko nang harapin ang mga lessons na hindi ko man lang naisip reviewhin at mga assignments at projects na hindi ko man lang binalak simulan, inisip ko kasi baka kasabay na silang mawawala sa pagpapalit ng taon, kaso hindi. Haha. *Babala: 'Wag gayahin si Eych, may masamang mangyayari.

Kung pag-uusapan ang tunay na halaga ng Bagong Taon, hindi naman talaga mahalaga ang prediksyon ng mga sikat na manghuhula, o mga manghuhula sa Quiapo o mga prediksyon mong isang malaking joke, hindi rin mahalaga ang mga pamahiin, at mga pampaswerteng something. Ang mahalaga ay IKAW - kung magiging anong klaseng tao ka. Tutal bagong taon naman, try mong magsimula ng mga magagandang pagbabago sa sarili mo. Simulan mo sa January. Gawin mo ulit sa February. Ipagpatuloy mo sa March. Iextend mo hanggang November. Tapos bahala ka na sa balak mo sa December. Nakakapagtaka lang dahil parang walang nagsasabi na enjoy ang maging mabuting tao.

Wala na kong sasabihin. Pinapagalitan na din ako dahil kelangan ko na tumulong sa pagluluto. At isa pa 'yun, enjoy pala ang mga bisperas ng something tulad ng bisperas ng bagong taon, kasi makakatikim na naman ako ng mga pagkaing hindi ko araw-araw nakikita sa lamesa namin. Hehe.

(Last paragraph na 'to promise!)Salamat sa lahat ng mga taong dapat kong pasalamatan sa taong ito. Salamat sa mga taong nakapagpasaya saken. Salamat sa mga taong nakasama ko sa kakaibang byahe ng buhay ko ngayong 2009. Haha. Sorry sa lahat ng mga kasalanang nagawa ko at hindi ko maipapangako na hindi ko na ulit gagawin 'yun (gaya ng pagkupit ng chocnut at Sprite sa tindahan namin, sorry na). At sana sa darating na taon na 'to, mas magkaroon pa tayo ng mas maraming dahilan para maging masaya.. mas marami pa sana 'yun kesa sa mga dahilan para maging malungkot tayo.

Happy New Year People! Let's celebrate! Year 2010. =)

Tuesday, December 22, 2009

Exchange Gift Tayo! Sino Nabunot Mo?

Hindi pala kumpleto ang Christmas kung walang exchange gifts. Problema ko 'yan ngayon.

"Sinong nabunot mo?"

"Si ano. Bad trip nga eh. Kaw?"

"Ikaw. Mas bad trip nga eh."

Hindi ko alam kung saan nagsimula ang konsepto ng "exchange gifts". Basta alam ko may ganyang tradisyon na nag-eexist sa mundo. Uso 'yan sa halos lahat ng mga Christmas parties lalo na sa school. Hindi lang basta-basta 'yan, meron pa 'yang halaga kung magkano ang dapat dalhin na regalo. Minsan worth P100.00 and above, P50.00 only, P20.00 and below, o kaya worthless. Kahit ano basta gawa mo at hindi mo binili pwede, at pwede rin namang kahit magkano basta ang importante ay ang presensya mo sa party. Iba-iba, nakakatuwa. Meron ding mga "something" na requirements tulad ng "something long", "something cute", "something round", o kaya "something nonsense".

Pero syempre dapat magbunutan muna. Kung sino ang mabubunot mo, syempre 'yun ang reregaluhan mo. Pero kung ayaw mo sa nabunot mo, pwedeng makipagpalit ka sa kaibigan mo o kaya 'wag ka na lang umattend para iwas bad trip (may kilala akong ganyan). Sa amin naman, sa mismong araw ng party magbubunutan kaya kelangan unisex ang bilhin mong regalo. Mas mahirap 'yun, wala pa naman ako masyadong alam na bagay na pwedeng gamitin ng babae at lalaki. Pinakamahirap talagang gawin para sa'kin ay 'yung mamili ng regalo, singhirap ng pagsagot sa exams namin sa Accounting. Ewan, basta ayoko talaga ng namimili ng regalo pero gusto kong nagbibigay. Kung paano 'yun, hindi ko alam. Basta ganun.

Balik tayo sa bunutan.

'Yung iba, may mga code name pang nalalaman, ang tanging clue ay kung babae ba 'yun o lalaki. Bahala ka na. Basta maraming mga pauso kapag nagbubunutan na ng pangalan. May mga ilan na hindi makatulog sa kakaisip kung sino kaya ang nakabunot sa kanya o kaya hindi makakain dahil iniisip niya kung ano ang pwede niyang matanggap, picture frame ba o mug na Hello Kitty?

Namimili kami kahapon ng regalo ng mga kaibigan ko. Nakakatuwa at nakakatawa. Worth P100.00 and above ang napag-usapang halaga ng magiging regalo namin. Sa tuwing may makikita sila na isang magandang regalo at medyo mahal, magdadalawang isip sila at sasabihing "Wag na 'yan, baka tig-bente lang naman 'yung matatanggap ko. Hanap tayo 'yung tig-sampu lang."

Pero tingin ko naman, kung mamimili ka ng regalo, hindi na mahalaga kung ano ang matatanggap mo, ang mahalaga ay nag-abala siyang bigyan ka ng regalo. Hindi na mahalaga kung tig-limampiso lang ang natanggap mo at P100.00 ang ibinigay mo (basta pilitin mong isipin na hindi mahalaga 'yun). Masaya ang makatanggap ng regalo, pero mas masaya ang magbigay. Pero kung may kunsensya ka, mamili ka naman ng matino-tino! Hehe.

Swerte ako sa mga ganyang exchange gifts. Ang pinakamadalas kong matanggap ay 'yung suksukan ng ballpen na may bible verses para pampalubag loob at ewan kung bakit. Minsan isang set ng pantali ng buhok na may kasamang suklay na pink para ngumiti ako. Minsan naman damit na pantulog na hindi naman kasya saken kaya sa kapatid ko lang napupunta. Dati naman maraming sitsiryang tigpipiso at mga kendi at lollipop na nakalagay sa box ng katol. Minsan din picture frame na may picture ni Jerry Yan. Masaya ako, promise.

Kung ako sa'yo, magiging masaya na lang ako sa kung anuman ang matatanggap ko. Ang higit na mahalaga ay maging masaya sa simpleng dahilan na magkakasama kayo ng mga kaibigan o kapamilya mo, na mas higit pa sa kung anumang regalo ang matatanggap mo. (Mas masaya yun kesa sa picture frame.)

Ano na naman kaya matatanggap ko bukas? Cellphone (case) o Ipod (silicon)? Hmmm. Exciting! =)

Monday, December 21, 2009

Four Days na Lang! =)

Naisipan ko mag-blog. Kasi malamig.

Sabi sa TV kanina, na narinig ko din sa radyo, at nabasa ko din sa Facebook, 4 days na lang, pasko na daw. Sabi ko "Ha? Di nga? Wait. *sabay tingin sa kalendaryo* Oo nga nu! Ambilis." Seryoso, hindi ko napansin na nasa line of 2 ng December na nga pala ang date ngayon. Abala sa Facebook? Hindi. Abala sa pag-aaral? Hindi rin. Abala sa gawaing-bahay? Next question please. Abala sa kakaisip? Oo. Tama. Perfect. Christmas Season na kaya malamig. At napaisip tuloy ako sa sinabi ng kaibigan kong lagi na lang akong pinag-iisip:

"Ano bang espesyal sa Pasko? Eh paulit-ulit lang naman 'yun."

Kapag ba paulit-ulit ang isang bagay, hindi na ba pwede maging espesyal 'yun? Espesyal ang Pasko sa simpleng dahilan na espesyal ito. Kung tutuusin, lahat ng okasyon, espesyal naman talaga. Tulad ng birthday mo. Tinanong ko ang kaibigan ko kung kamusta ang naging birthday niya, sagot niya, "Napakaordinaryong araw. Mga pabati lang 'yung nagpabago 'nun." May punto naman siya, kaso hindi 'yun ang punto na gusto kong matumbok.

Okay, nalalayo na ko sa topic. Christmas blog nga pala 'to. Sorry na.

Sabi sa isang kowt, tuwing Pasko daw, nagtatampo si Papa Jesus kay Santa Claus, kasi mas hinahanap ng mga tao ang una kesa sa Huli. Sa napakaraming dahilan, parang nagkakaroon ng maling konsepto ang mga tao sa tuwing sasapit ang kapaskuhan. Para sa nakararami, ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan (ng regalo), pagmamahalan (ng mga presyo ng bilihin), at pagkakaisa (ng mga bata na kuyugin ang mayamang kapitbahay). Sa ngayon, nagiging panahon na din ito ng bagong damit at maraming pera. Nasaan na nga ba ang tunay na "diwa ng Pasko", bukod sa nasa bulsa ng Ninong at Ninang mo?

'Yung iba sinsabi malamig ang Pasko nila, 'pano walang kaholding hands o kaya kakabreak lang. 'Yung iba naman, parang wala lang daw ang Pasko kasi walang pera. At 'yung iba, ewan kung anong dahilan nila. Basta ang alam ko, masaya ang Pasko. Kasi birthday yun ni Bro. At may bagong damit akow. (Ai hindi pala kasama yung last, sorry na)

Hindi naman malungkot kung wala kang boypren o gerlpren o kakabreak niyo lang ng syota mo, para saan pa ang mga kaibigan at pamilya? Hindi rin naman ganun kasama kung wala kang pera, pwede ka namang manghingi. Ayos lang naman kung wala masyadong handa sa noche buena, hindi mo naman pakakainin 'yung my birthday. Sa madaling sabi, kahit ano pang dahilan mo, ibalato mo naman sa may birthday ang isang araw na dahilan para maging masaya ka. Ngiti-ngiti lang friend, masaya ang buhay. Promise. Hangga't sumisikat ang araw (sa west ba o sa east?), maniwala ka. =)

..
P.S. Trip mo bang dagdagan 'tong blog ko? Pakisabi na lang saken. Thanks.

ADVANCE MERRY CHRISTMAS! =)

Friday, December 18, 2009

Da Anibersari Blog - Bonggang Teynk Yu!

"Eych, gawa tayo ng website. Ano bang magandang pangalan?"

"Hhhmm. Pedestrian Lane."

"Bakit 'yun?"

"Bakit hindi?"

Sa ganyan lang nagsimula ang website na pinuntahan mo ngayon, sa pagkakatanda ko. Kakabasa ko lang din kasi ng Stainless Longganisa 'nung mga panahon na 'yun at ng Paboritong Libro ni Hudas kaya mga ganyang bagay ang lumabas sa utak ko (meron ba ko 'nun?). Wala akong alam sa pagmamanage ng website. Hindi rin ako magaling magsulat kaya hindi ko naman masyadong sineryoso ang plano ni Kuya ArAr. Basta ang alam ko lang, nagrereview ako 'nun para sa quiz kinabukasan at nangangarap lang magkawebsite lang si Kuya. Hehe.

Pero mga ilang minuto lang, pinasulat ako ni Kuya ng isang article kung bakit "Pedestrian Lane" ang naisip kong pangalan. Kaso wala atang nickname 'yun kaya nauwi na lang sa "Pedesrtian Crossing" para "PedXing". Naisip ko lang bigla na napakaraming uri ng tao, napakarami nilang destinasyon na tinutungo, pero lahat sila halos araw-araw dumadaan sa mga linyang nagmamalaki sa gitna ng kalsada (peace na lang muna sa mga jaywalkers hehe). Kaya naisip ko na ang magiging konsepto ng website namin kung sakali ay tungkol sa kahit ano at kahit saan na mapupuntahan ng kahit sino sa kahit saan.

Masyado akong adik sa mga gawa ni Bob Ong 'nung mga panahon na 'yun, at aminado naman ako. May ilang nagbabasa dito sa PedXing na nagsasabing para daw gawa ni Bob Ong ang mga pinopost namin dito, at pinagpapasalamat naman namin 'yun. Pero iba pa rin si Bob Ong at alam naming hinding-hindi namin siya kayang pantayan. Minsan talaga kapag masyado mong iniidolo ang isang tao, hindi sinasadyang magaya mo 'yung mga istilo nila, ang masama pa, nakukulong ka sa istilo na yun at guilty talaga ako 'dun. Sorry na. Haha.

Sa mga unang araw ng PedXing, kung anu-ano lang ang mga pinopost namin ni ArAr. Mula sa pinaka may sense hanggang sa pinaka-nonsense. At dahil tuwang tuwa ako at meron na kong website na maipagmamalaki sa mga kaklase ko, maya't-maya ako nagbablog. Ganun din si ArAr. Nakakatuwa talagang isipin ang mga "simula." Pero nakakatuwa ding isiping hindi ko pa naman nakikita ang "katapusan."

Hindi naman talaga Eych ang pangalan ko, imbento ko lang 'yun. Naniniwala kasi ako na lahat nga balak magsulat ng mga nonsense na bagay ay dapat may "code name". Natatawa din ako kay ArAr kasi may nagtanong kung maganda't sexy ba siya. Hehe. Kung bakit may code name pa kaming nalalaman, ewan ko din. Siguro maarte lang talaga kami. At umiiwas sa mga death threats.

Ang tunay ko talagang pangalan ay... hay. Nakakaantok. *hikab*

Kapag binabalikan ko ang mga sinulat ko dati dito, natututo ulit ako. Nasabi na rin ata ni Bob Ong 'yun sa isa sa mga libro niya. Meron kasi akong mga sinusulat dati na sinusulat ko lang 'pag talagang purgang purga na ang utak ko sa pagrereview at may maidahilang may ginagawa pa rin akong matinong bagay.

Pero hindi ko masabing isa akong mabuting blogger. Hindi na kasi ako madalas mag-blog hindi tulad ng dati na laging may bagong binabasa araw-araw ang mga matitiyagang tagasubaybay namin. Kung nandiyan pa rin sila, hindi ko na alam. Tambak na school works. Tambak na gawain. Tambak na tukso gaya ng Facebook. Nakakalimutan ko minsan ang PedXing. Sorry na talaga. Hehe.

Sa mga makakabasa nito, salamat at nagtyaga pa rin kayong basahin ang mga sinusulat namin. Salamat sa lahat ng mga pumuri at humusga sa PedXing sa loob ng isang taon. Salamat sa mga contributors na nagtiwalang ipost ang mga gawa nila dito. Salamat kay Sir Eros Atalia na pumayag i-post ang first chapter ng kanyang pangatlong libro dito at nagbigay ng mga payo sa akin. Salamat kay Sir Bob Ong para sa pagbibigay ng inspirasyon at sorry sa kakulitan ko sa e-mail. Salamat sa mga magulang namin na hindi pa rin pinapaputol ang network connection kahit araw-araw naman nilang nakikita na nagfeFacebook lang kami. Salamat sa mga kaklase ko na nagsasabing medyo maayos naman ang mga isinusulat ko dito. Salamat sa mga kapwa ko bloggers na nagpopromote ng PedXing, lalo na kay Ate Violet ng Silip (http://www.violetauthoress.blogspot.com). At salamat kay Bro na nagbigay ng utak (pero di ginagamit ng maayos kaya sorry na po) kina Eych at ArAr.

Sisikapin namin na mas mapabuti pa ang website na nagsimula lang sa dalawang utak na walang laman at walang magawa. Sana mas marami pa kaming contributors at tumagal pa ang PedXing na ito sa loob ng maraming maraming taon, at maipamana pa ito sa apo ng mga magiging something namin, I mean, mga anak. Hehe

Muli, THANK YOU talaga!


-Eych and ArAr

Saturday, November 14, 2009

Masaya ka ba? Patingin Nga?

Tinanong ako ng kaibigan ko 'nung isang araw kung paano mo daw malalaman kung masaya ang isang tao. (Gusto ko sana sabihin sa kanya, emo ka?)Pero kung iisipin mo nga naman, paano nga ba? Sa paanong paraan mo masasabing masaya ka nga at hindi nagpapanggap lang?

Ang pagtawa ang isa sa pinakamasayang gawin sa mundo, bukod sa nakakapagpasakit ng panga at bangs, e libre pang gawin. Kakaiba ang ligayang dulot ng pagtawa (mas maligaya pa 'tong gawin kesa sa iniisip mo ngayon). Kaya naman masaya kasama 'yung mga taong walang ibang alam gawin kundi magjoke at gawing mukhang tanga ang sarili para lang mapasaya ang mga kasama. Kung ako ang tatanungin, mas gugustuhin ko pang kasama ang mga itinuturing na mangmang pero kaya kang patawanin sa mga oras na bagsak ka sa exam kesa sa mga matatalinong seryosong ini-english ka maya't maya.

Pero kung iisipin mo ulit (pasensya na kung kanina pa kita pinag-iisip), totoo nga ba ang bawat ngiting ipinapakita ng mga taong mahilig magpatawa o nagsusuot lang sila ng maskara para maitago ang tunay na nasa puso nila? Paano mo nga ba masusukat o masasabing masaya nga ang isang tao? Base ba 'to sa dami ng tawa, halakhak at ngiti, sa pagdodrawing ng smile sa kamay at pader, o sa pamamagitan ng simpleng pagsasabing "masaya ako"?


May mga tao kasing sadyang madaling magpanggap na masaya sila. At napakaraming ganun sa mundo. Hindi mabilang. Minsan nga isa ka na pala sa kanila, hindi mo pa alam. Minsan din 'yung mga taong ang almusal, tanghalian, merienda, hapunan, at midnight snack ay ang pagpapatawa ay sila pang pinakamalungkot na tao sa planeta, ayon sa isang sikat na author na si Paulo Coehlo.

Minsan kasi mas madali pang magpanggap na masaya kesa ipaintindi sa kanila kung bakit mo 'yun ginagawa. Kaso sa tingin ko mali 'yun, kaya nga may mga kaibigang ibinalato sa'yo ang tadhana kasi pwede mo silang sandalan sa mga oras na hindi mo na alam kung ano pang tamang joke ang pwede mong ibato sa mga panahong hindi mo na kaya. Hindi natin dapat ipinagdadamot sa kanila ang pagkakataong matulungan ka sa oras ng problema. Kaya matuto ka din makiramdam. Kung sa tingin mo may bahid na ng pagpapanggap ang pagpapatawa niya, tabihan mo na siya at yayain mo mag-softdrinks.

Pero balik tayo sa tanong na paano nga ba malalaman kung masaya nga ba ang isang tao? Kanina ko pa 'yun iniisip. Hindi ko din masabi. *blangko. *blangko. *blangko. *blangko. *blangko. *blangko. Pero masaya ako ngayon. Paano ko nasabi? Kasi pinili kong maging masaya kahit walang dahilan. Sabi nga nila, "Life is a matter of choice." At sabi din sa isang kowt, "God gave you blessings, happiness is up to you."

Sa iba't-ibang sitwasyon, ano ang ibig sabihin ng "masaya?"

Sa pagkakaibigan, ano ang kasiyahan? Ito ba yung kapag magkakasama kayong nagtatawanan habang naglalakad sa daan at mga bungisngis at halakhak niyo lang ang nangingibabaw? Ito ba 'yung kapag sumasakit na ang tyan ng isa't-isa dahil sa joke na binanat ng isa? Sa tingin ko, ang tunay na kaligayahan sa isang pagkakaibigan ay ang pagiging panyo ng bawat isa sa oras ng drama ng buhay at pagkakaroon ng kaalaman ng bawat isa na kahit anong mangyari, panghahawakan nila ang pangakong "walang iwanan."

Sa pamilya, ano ang kasiyahan? Ito ba 'yung kapag kumpleto kayo sa hapag-kainan at sama-samang nagsisimba? Syempre, oo ang sagot diyan. Pero higit na maituturing na kaligayahan ang pangingibabaw ng pagmamahalan sa pamilya, na hindi masusukat ng kahit anumang materyal na bagay.

Sa pag-ibig, ano ang kasiyahan? Holding hands sa isang romantic na lugar, maaaring masaya. Pagdiriwang ng monthsary, anniversary, oo masaya din. Pagbibigay ng regalo, pwede, masaya din 'yun. Tingin ko naman, sa isang relasyon, hindi masyadong mahalaga ang lahat ng bagay na nakikita ng mga mata mo (pwera na lang kung nagtu-two timer ang isa sa inyo hehe). Minsan kasi, kahit walang salitang bibigkasin, mararamdaman niyo pa rin ang kasiyahan sa simpleng pagkakaroon ninyo ng kaalaman na ang bawat isa ay nag-iisa sa mundo ng bawat isa. (Paki-intindi na lang kung anong ibig kong sabihin, kasalukuyan kasi akong nakikipagchat sa facebook haha).

Sa huli, pinakamasaya pa ring gawin ang tumawa. Mas madali 'yon kesa maghanap ng dahilan para maging masaya (huh?) at ang pinakamasasayang tao sa mundo ay 'yung may mga mabababaw na kaligayahan. :)

-----------------------------
Ninakaw ko ang picture sa taas kay Netsrot ng Flickr (www.flickr.com)

Saturday, October 17, 2009

Ondoy Love Pepeng

Pansin mo ba ang kaguluhan? Rinig mo ba ang mga nakakabagabag na sigaw? Ito na ba ang nakasulat sa ating kapalaran? Nasundan mo ba ang anod ng bangungot? Nakita mo ba ang ganti ng kapaligiran? Humanga ka ba sa kabayanihan ng ilan? Sa tingin mo, meron ka bang ibang magagawa?

Bagyo. Sa ngayon katumbas ay bangungot. Kailan lang ay binura ng kalamidad na parang sulat sa blackboard ang ilang lugar sa bansa. Nakakatakot na baha na nilalangoy ng mga umiiyak na biktima. Maputik na tubig na lumamon sa tirahan at kabuhayan nila. Napuno ang mga eskwelahan, basketball court at mga munisipyo ng mga taong humihingi ng saklolo. Pinuno ng dasal ang alapaap ng pinagdausan ng traydor na bagyo. Mahaba ang pila sa mga evacuation centers para makahingi ng kaunting tulong na maaaring ipanlaman sa tiyan at masaplutan ng kaunti ang basang-basang mga katawan. Dumagsa ang bayanihan kahit saan. Kaya naman palang magkaisa, bakit ngayon lang?

Kasalukuyan akong nakikipagchat sa Facebook at naghaharvest ng tanim sa Farmville habang kasagsagan ng birthday party ni Ondoy. Bumabaha na pala sa labas, sige pa rin ako sa pakikipagchat at paghaharvest. Wala akong kaalam-alam sa pangyayari hanggang sa nakita ko na lang sa TV na parang naging melted chocolate na matabang ang buong Marikina. Kung hindi ko pa narinig na umiiyak sa TV si Jennica Garcia dahil stranded sila sa baha, hindi pa ko titigil sa pakikipagchat. Nakakabiglang malaman na nasa gitna na ng malaking bangungot ang mahal kong bayan – habang ako, nalulungkot dahil nabulok ang mga tanim ko sa Farmville.

Sa mga ganitong pagkakataon, tumataas talaga ang tingin ko sa mga Pilipino. Sa isang iglap, naglabasan ang lahat sa kani-kanilang mga lungga para magbigay ng mga tulong o relief goods na tanda na rin ng pasasalamat nila dahil hindi sila nasama sa trip ni Ondoy at ng kakosa nitong si Pepeng. (Bakit naman kasi sila pinangalanan ng gano’n? ‘Yan tuloy. Pwede namang Ondie, o kaya hmmm, Pepper). Nakakatuwa dahil pati mga artista, lumangoy na din at sinuong ang panganib para makapagligtas ng kapwa, nang walang hinihinging magandang anggulo sa camera. Bata, matanda. Mayaman, mahirap. Lahat tumulong. Kahit alam din ng lahat na hindi iyon sapat para matulungang makabangon muli ang mga nasalanta.

Pero madalas, talagang matatawa ka na lang.

Halos lahat ng evacuation centers na may reporter, laging may mga audience. ‘Yun bang tipong habang binabalita ng reporter na hirap na hirap na ang mga evacuees at halos lahat sila ay nagkakasakit na, agaw eksena ang mga mismong evacuees habang kumakaway sa camera at tuwang-tuwa pa. Meron pa nga, habang umiikot ang camera sa isang lugar na sinalanta ng bagyo, nakangiti pa sila at kumakaway habang nakasay sa improvised bangka at habang tinatawid ang baha. Minsan pa nga may nainterview na isang ginang, ang sabi niya “Ang hirap nga po tumawid dito. Haha! Ang taas pa ng singil nila. Hehe.” Sabay kaway pa sa camera. Mga Pinoy talaga. Hehe.

Tanong ng kaklase ko nung isang araw, “Bakit ganu’n? Wala na nga kong nasagot kanina sa finals, pero masaya pa din ako? Haha!” Ang sagot ko, “Eh kasi Pinoy ka.” Paano kaya kung hindi marunong tumawa sa kabila ng mga problema ang Pinoy? Sa tingin mo, kaya pa nating bumangon?

Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil hindi nasamang nahagupit nila Ondie at Pepper, ay mali, Ondoy at Pepeng pala, ang pamilya ko. Pero mas nagpapasalamat ako sa lahat ng mga tumulong sa mga kapwa nilang humihingi ng saklolo, sa loob at labas ng bansa, Pinoy man o hindi. Kung sasabihin naman ng ilan na wala silang ibang maibibigay kundi dasal LANG, nagkakamali sila. Wala ng ibang hihigit pa sa kapangyarihan ng dasal. ‘Yun lang ang pwedeng i-send ng walang bayad. Salamat dahil nagtutulungan tayong lahat. Salamat dahil hindi natin iniiwan ang isa’t-isa. At higit sa lahat, salamat dahil mayroon pa rin palang natitirang pagkakaisa sa puso ng bawat isa.

Sabi sa isang text message:

“Guys, babalik daw si Ondoy… para mag-sorry. Tatanggapin ba natin?”

Reply ng isang loko:

“P*kyu!”

Saturday, September 19, 2009

May Facebook ka? Ako Wala.

Noon:

"My Friendster ka? Add mo ko ha?"

Ngayon:

"May Facebook ka? Gegerahin kita sa Mafia Wars ha? Humanda ka! Hahahah!"

Adik na ang mga tao ngayon sa Facebook. Kung hindi mo pa rin alam kung ano ang Facebook hanggang ngayon, hhmmm. Wala ka na sa uso. At kung tatanungin kita kung may Facebook ka at sasabihin mong "Hindi ako nagfe-facebook eh". Mga ilang araw lang o ilang minuto, siguro naglalaro ka na ng Pet Society at laman ng friend request ng mga kaibigan mong may Facebook. Pero paano nga pala nagsimula 'to? Sino o sinu-sino ang may pakana ng dahilan kung bakit hindi ka na gumagawa ng assignment at hindi nakakapag-aral sa quiz niyo kinabukasan?

Ayon sa mga nakalap kong impormasyon (naks), si Mark Zuckerberg ang nagpakana ng Facebook noong 2004 habang siya ay nasa kanyang Dorm sa Harvard University (at tinatamad siguro gumawa ng assignments kaya nandamay na lang ng iba). At ayun. Kumalat na ang nasabing social network sa America, Asia, Africa, Australia, at. at. at. Basta. Hindi ko pala kabisado ang 7 continents of the world.

Bigla-bigla na lang nauso ang Facebook. At napag-iwanan ang Friendster. Kung adik ka na talaga sa Facebook at naalala mong may Friendster ka pa nga pala, mababasa mo
ang mga bulletins gaya ng "Facebook, add me", "Lipat na kayo sa Facebook!", o kaya naman "Wala ng Friendster, add niyo ko sa Facebook!". Ano kaya ang nararamdaman ng mga gumawa ng Friendster 'pag nakakarating sa kanila ang mga ganitong bagay? Patunay lang kaya ito na 'pag sawa na ang tao sa isang bagay, agad na niya itong tatalikuran at kakalimutan? At bakit mo nasabing emo ako? Hehe.

Kahit sino ata, may Facebook na. Bata, matanda, studyante, teacher, mayaman, o mahirap..halos lahat! Nakakaenjoy nga naman talaga mag-Facebook. Pwede kang mang-away sa Mafia Wars (na mapapatunayan mong sa pamamagitan lang nga mga salita e matatalo mo ang kalaban), pwede kang magtanim at magharvest sa Farmville at Farm Town (na kailangan mong alagaan para hindi mabulok kasi 'pag nabulok malulungkot ka), pwede kang bumili ng mga kaibigan mo (na pwede mong tawaging "pet" pero 'pag sa totoong buhay sinabi ng kaibigan mo na pet ka lang niya, ay ibang usapan na),at pwede kang magnakaw ng tanim sa Barn Buddy (na walang sinasagasaang karapatan ng mga magsasaka). Nakakaenjoy, nakakaaliw. Nakakawala ng stress.

Kaso sa nakikita ko, hindi na masyadong maganda ang epekto ng Facebook lalo na sa mga estudyante. May mga assignments na hindi nagagawa. May mga quiz na hindi napag-aaralan. May mga nale-late dahil napupuyat. At may mga naaasar dahil sa mga natalong gera sa Mafia Wars at nabulok na tanim sa Farmville. (Ay hindi pala kasama 'yung huli.) Kung tutuusin, masama na talaga ang epekto 'pag naadik ka. Aminado ko, adik na ko. Kaso enjoy talaga eh. Haha!

Hindi masamang maadik. Ang masama lang, ay 'yung isinasakripisyo mo 'yung ilang "mas importanteng" bagay para lang mapagbigyan mo ang sarili mo sa ilang mga bagay na hindi naman makakatulong sa pag-unlad mo. Tsk. Tsk.

Naglalaro ako ngayon ng Farmville. Katatapos ko lang manalo sa gyera sa Mafia Wars. At ang blog na 'to? Dalawang oras ko na 'tong tinatype. Hindi matapos-tapos dahil "naghaharvest" ako.



P.S. Kung magkakaroon ng Mafia Wars sa Friendster, baka magbago isip ko. haha!

Saturday, August 22, 2009

Malas Ka Nga Ba o Sadyang Tamad Lang?

Total napapanahon naman ang eksams ngayon, kaya ki-kwentuhan ko nalang kayo ng mga di magagandang bagay...(nyeehh)?? Siguro naisip n'yo, bakit sa dinami-dami ng pwedeng ikwento, eh yung di pa maganda? Well, naisip ko din yan ehh.. Mamaya pag natapos ko na toh isulat, dun natin malalaman kung panget ba talaga o kung ano man ang bagay na toh...basta ang alam ko MALAS AKO...,KAMI???

Ano nga ba koneksyon ng salitang MALAS at TAMAD???? meron nga ba??? Palagay mo meron ba??? ikaw palagay mo?? kayo dyan???,ano sa palagay niyo?? (pasensya na kayo puro kwestyon? mark) Ako kasi di mapalagay....

By the way, (wow! english) pag-usapan na natin ang di magagandang bagay sa linggo ng eksams at ang koneksyon ng salitang tamad at malas sa mundo..(sa mundo??)

Isa akong estudyante sa kolehiyo (di lang halata), major in Political Science, di ko na sasabihin kung saang esKWELAHAN, baka makaramdam kasi kayo ng awa sakin.. Kung bakit? hayaan na natin yun! Di naman masyadong importante,,,nakakamatay lang....
hala ka!!!

Alam ko bawat estudyante may mga paboritong subjects at may kinakaharap ding delubyo pagdating sa mga hate nilang subjects sa college. (pinili mu yan ehh...magdusa ka.) Tama nga naman diba, tayo naman ang pumili ng course natin pero bakit pagdating ng mahihirap na eksams, "curse" na ang tawag natin dito? Hayyss..estudyante nga naman, talagang natututo sa mga teachers.

By the way ulit, eto na talaga yung totoong kwento. Exam week namin ngayon, bukod sa pressured sa pagre-review, pressured pa sa ipambabayad na tuition fee. Well, as usual, kinakabahan sa magiging resulta ng eksams at sa grado na tiyak ay mag-mamarka na naman sa aming mga puso...ooohhh

Di namin alam kung bakit sa t'wing nagte-teyk kami ng eksams eh parang lahat talaga ng lakas at talino namin e nagagamit. Naisip ko naman, panong di namin mararamdaman yun e habang nage-eksam sa asian civilization, formulas sa finance ang naiisip namin, o kaya naman e yun' mga sinabi at sinulat ni Aristotle, Plato at St. Thomas Aquinas nung unang panahon ang naaalala ng mga utak namin...Mahirap pala talaga sa college...umaasa nalang kami sa mga madadaling tanong, bonus ba!!

Isang araw, inanunsyo ng aming propesor sa Natural Science, "natsci" kung tawagin, na mayroong isang bonus kwestyon sa klase, ngunit nag-iisa lamang ang test kwestyuneyr na maglalaman nuon.. Swerte ng makakakuha!! hahaha... At ang kondisyon, kapag nasagutan ng the lucky one ng tama ang bonus kwestyon, makukuha ng buong klase ang bonus points. Masaya na sana!!!

Nung araw ng eksams, sobrang kinakabahan ako dahil alam ko na mahihirapan ako ng bonggang-bongga. Halos di talaga ko nagrebyu para sa eksams sa araw na yun. Iniisip ko kasi wala rin naman papasok sa utak ko, di ko rin maaalala yung nirebyu ko.. Kaya naman di na ko nagbasa, tinitigan ko lang lahat ng mga nakasulat sa nowtbuk at hand-outs ko. Ayun ang bilis ko magsagot sa unang subject. Nung kukuha na ko ng test paper para sa natsci, nagkasabay kami ng isa kong kaklase sa pagkuha. Syempre nagparaya ako, pinauna ko s'yang dumampot ng papel, eh talagang napakabait ng kaklase ko kaya naman kinuhanan nya din ako. Dalawa yung dinampot nyang test paper, isa para sa kanya at isa para sa akin (ang sweet nuh??).

Habang nagsasagot ako wala 'kong ibang ginawa kundi alalahanin yung mga diniskas ng prof namin. Hirap na hirap ako, halos lahat ata ng sagot ko dun e hula... Andami-dami talagang identification problems, kaya naman tiningnan ko kung ga'no pa karami ang huhulaan ko..tskstk..sasagutan pala. Nang makita ko yun' test kwestyuneyr ko, ang haba pa pala ng sasagutan ko. Hala !!! One page lang yung kwestyuneyr pero sobrang siksik. Napansin ko may nakasulat na mga kataga sa bandang dulo ng papel ko, "BONUS QUESTION". Nung una inisip ko na baka joke time lang yun o kaya naman baka hindi talaga nag-iisa yung papel na may bonus question. Kaya naman sinilip ko yung papel ng mga katapat ko, at nakita ko na maiksi lang yung naka-print sa kwestyuneyr nila. Di pala joke time yun, totoo pala na may bonus kwestyun nga. Pero naisip ko, sa dinami-dami namin bakit ako pa ang nakakuha ng bonus question? at sa dinami-dami ng test paper eh yun pa ang napunta sakin, na inabot lang ng klasmeyt ko. malas.

Nung makita ko yung bonus question, madali lang sagutin- kung nag-aral ka!! Tungkul sa PAG-ASA yung tanong. Feeling ko nasagutan ko naman s'ya kaya lang may konting flaws, konti lang naman...tsk naligaw lang naman yung salitang "and". Pagkatapos ko mag-eksam di parin ako makapaniwala na sakin napunta yung bonus item, kaya naman ni-research ko sya agad. Ayun nalaman ko na yung eksaktong sagot sa tanong....hayysss ....asarrr

Naasar talaga ko sa nangyari. Gusto pa ata akong asarin lalo ng palabas sa tv na POKEMON.... Habang nasa bus ako, nanunuod kami ng tv, pokemon ang palabas. Sabi nung isang karakter na babae, "kelan ba mawawala ang hamog na toh?" sagot naman ni Ash, "aba, ewan ko. Wag mo kong tanungin di naman ako PAG-ASA ehh." Asar diba...

Bandang huli, na-realized ko na kung di lang ako tamad magrebyu sana nasagot ko ng maayos yung mga tanong, swerte sana at di malas..

----

Mula kay Elyria (di ko sure kung ayos lang sa kanya na ipost ang real name niya). Hehe. Thanks toL! Sa uulitin ha. At sana makakuha ka ulet nung bonus exam. Peace! =)

Thanks to http://home.ewha.ac.kr/~ishahn/ExamBonusQuestion.gif for the image above.

Friday, August 21, 2009

Itay, Sino ba si Ninoy?



Itay, sino ba si Benigno “ Ninoy” Aquino?
Tanong ng anak kong
Di inabot ang martial law

Anak, sambit kong hawak ang kanyang ulo.
Si Ninoy ang simbulo
Ng Makabagong Pakikibaka ng Pilipino

Idinagdag ko pa sa kanyang talino
Si Benig...no ang asawa ng yumaong Pangulo
Ang matiwasay at dakilang Cory Aquino

Tanong ulit ng makulit kong bunso
Bakit ba naging bayani si Ninoy Aquino?
Ano bang nagawa niya sa mga Piipino?
Mahinahong tugon ko pinagisipang husto
Baka magkamali sa aking pagtuturo
Maligaw ko pa siya at di matuto

Hindi pagbubuwis ng buhay
Naging basehan dito
Hindi rin ang madrama na buhay nito

Naging bayani si Ninoy sa Pilipino
Pagkat binuhay niya
Dugong malaya sa ugat nito

Ginising ni Ninoy tayong mga PInoy
Dahil tutulog-tulog tayo sa kalagayang di wasto
Kahit pinatapon sa ibang ibayo pinagpatuloy niya ito

Nagbuwis ba ng buhay si Ninoy Aquino?
Hindi nagbuwis ng buhay itong idolo ko.
Kundi, binuwis ang buhay niya para takutin tayo

Nguni’t dahil gising na ang damdaming malaya
Agad kumulo dugo niyang sumabog sa lupa
Nagiinit na paki...kibaka ay sumiklab na nga

Hindi nga naglaon tayo ay lumaya
At ang maybahay niya sa atin ay nangalaga
Mula noon hangang ngayon pinaglaban niya ay tinatamasa

Ngayon anak ko alam mo ng pakikibaka
Ng bayaning “Ninoy” para tayo ay lumaya
Kaya siya naluklok sa pedestal ng mapagpalaya

Opo Itay, ngayon alam ko na
Bakit si Ninoy ay bayani ng masa
Kaya lang Itay, ngayon kaya masaya siya?


-------------------

Ang tulang ito ay ginawa ni Deo S. Jimenez at naka-post din sa Facebook - (http://www.facebook.com/home.php#/deo.s.jimenez?ref=mf)

Eto ang Tunay na Joke.

Ang Pinoy, mahilig sa joke. Kahit hindi nila alam na nagjojoke sila. Basta. Tignan niyo na lang ang mga pictures na nakuha ko sa Facebook ng Definitely Filipinos. (http://www.facebook.com/i.am.filipino)






























































.

.

.

.


Eto lang ang masasabi ko - "Hehe".

Wednesday, August 19, 2009

Ampogi Ko sa TV! Vote for Me!

Eleksyon na naman. Na naman. Ilang buwan na lang mula ngayon, mauupo na sa trono ang iluluklok ng taumbayan sa mga pinakamatataas na posisyon sa bansa. Aasa na naman ang mga tao sa maaaring pagbabago na ibibigay ng mga ito sa Pilipinas. Aasa na naman sila na mas sasarap na ang pagkaing ihahanda nila sa mesa sa oras ng kainan. Aasa na naman sila na magkakaraoon ng magandang trabaho. Aasa na naman sila na bukas, pagmulat ng mata nila sa umaga, maunlad na ang bansa.

Kaliwa't-kanan na ang mga commercials ng mga pulitiko sa TV, sa radyo, sa LRT, sa bus, sa CR, sa internet, at kung saan-saan pa. 'Yung mga nagcocommercial sa TV, hindi ko alam kung anung trip nila sa buhay. Pinagmamalaki nila ang mga nagawa nila sa panahon ng kanilang panunungkulan. Kung ikaw na boboto sa darating na eleksyon, isasali mo ba sa listahan mo ang mga pulitikong idinadaan sa make-up at panggagamit ng mga mahihirap na mamamayan para lang makumbinsi ka na iboto mo sila? Kung sasabihin naman ng mga pulitiko na 'to na hindi naman pangangampanya ang intensyon nila sa paglabas sa mga TV ads, bakit ngayon lang nila ito nilabas at hindi sa mga oras na.. na.. na wala lang, na walang eleksyon? Wala namang masama sa paglabas sa mga commercials, at hindi ko rin naman sinasabi na masama nga talaga 'yun, ang hindi lang maganda ay 'yung naglalabas sila ng pera, ay mali, ng maraming-maraming pera pala na mas maganda sana kung ibinili na lang nila ng maraming maraming tsinelas o kaya pancit canton para sa mga mahihirap na walang tsinelas at sawa na sa noodles.


Marami ngayon ang nagwawala sa balitang kumain daw ang Pangulo sa isang mamahaling restaurant sa America na hindi ko naman alam kung bakit ba hindi mamatay-matay ang issue na 'yun e wala din naman silang magagawa kasi kahit ano pang gawin nila, nakain na 'yun ng Pangulo. O kaya naman naiinggit lang sila kasi hindi sila nakasama sa happy trip nito sa ibang bansa. Pinag-aaksayahan nila ng panahon ang mga walang kwentang issue na 'yan, kesa sa umisip ng paraan kung paano ba mapapaunlad ang buhay ng lahat. Tapos 'yung ibang pulitiko, magagalit din sa Pangulo. Eh ang lagay, pare-pareho lang naman silang lahat. Para lang silang mga tanga.

Hindi rin naman issue dito, para sa'kin, kung saan nila nakuha ang pinambayad nila sa mga TV ads na pinagbibidahan nila, kung sino ang nagbayad para dungisan ang mga mahihirap na naextra sa mga commercial nila, kung sino ang bumili ng pedicab o kung saan nila 'yun hiniram, sino ang nagbayad sa sumasayaw na mascot, kung saan nakuha ang pinambayad sa magaling na singer, kung sino ang nagbayad sa mga estudyanteng hindi nag-midterms para lang makapag-pogi sign sa TV, at kung anu-ano pa. Ang issue dito ay ang katotohanang nagamit na naman sa walang kwentang bagay ang pera ng taumbayan, ng pulitiko mismo, o ng kahit sino. Hindi naman kasi talaga nakakatuwa at nakakakumbinsi ang mga pagmumukha nila sa TV para iboto ko sila.

Sa mga nagrarally. Nakakainis din sila minsan. Hindi mo kasi alam kung ano ba talaga ang gusto nila. Pag may bagong naupo sa pwesto, bukas makalawa, gagawa na sila ng mga props nila para patalsikin 'yun. Pero hindi mo din sila masisi, mga mahihirap lang din naman kasi sila na naghahangad ng pagbabago, ang problema lang, gusto ata nila instant 'yung pagbabago na 'yun.

Balik tayo sa commercials. Minsan natatawa na lang ako kasi parang ginawa na lang ang mga commercials na 'yun para naman may katatawanan kang mapulot sa isang nakakaboring na araw. Marami din kasi akong nasasagap na joke na pasimpleng tumitira sa mga TV ads na yun, tulad nito:

Mr. Politisyan: "Anong pangarap mo?"

Boy: "Gusto ko po maging seaman. Gni2 po buhay samen, wlng mkain, wlng pmbili ng gam0t.."

Mr. Politisyan: "anak, itabi m..

Lagpas na ko."


'Yan lang pala 'yung joke na alam ko. Hehe.

Sa kabuuan, masasabi kong hindi sa commercials nadadaan ang lahat. Kung talagang naniniwala ang taumbayan na may magagawa ka nga talaga para sa bayan, may commercial ka man o wala, sumayaw ka man sa TV o hindi, iboboto't ibooto ka nila. Hindi naman tanga't uto-uto ang mga tao. At wag kang kakain sa restaurant na mamahalin kung wala kang pambayad. Magpalibre ka na lang.

Sunday, August 16, 2009

Best Friend, I Lab You!

Hindi naman ito ang buhay na pinili ko. At lalung-lalong hindi ito ang buhay na pipiliin ko kung papipiliin man ako ng pagkakataon. Kaso minsan, hindi ko rin masabi. Naging masaya naman ako, kaso hindi ko rin naman maiwasan 'yung masaktan. Kaso ganito talaga ang buhay. May dahilan ang lahat nang mga nangyayari, at naniniwala ako sa kasabihan na 'yan.

Corny man sabihin, pero iba talaga ang nagagawa ng pagmamahal sa isang tao. At para sa'kin, ang pag nagmahal sa isang tao, mahal man siya o hindi, dapat hinding-hindi niya iisipin na mamahalin din siya ng taong minamahal niya. 'Yun ang kaso ko, mahal ko kasi siya. Siya naman mahal 'yung kaibigan ko. At 'yung kaibigan ko, may mahal ding iba. Ang gulo nga eh. Pero eto ang buhay na binigay sa'min ng tadhana, ano naman magagawa namin di ba?

Sakripisyo ang pag-ibig. Hindi na importante kung mahal ka man o hindi ng mahal mo, ang mahalaga, alam mo sa sarili mo na lagi kang nandyan kung sakaling kailanganin niya ng kaibigan. Hindi mo papangarapin na maging kayo kahit gustong-gusto mo, sa halip, papangarapin mo na sana maging sila ng taong mahal niya para maging masaya siya. Minsan, parang ayaw ko na siyang makita. Hindi dahil sa umiiwas ako. Ayoko lang kasi na makita siyang nagpapanggap na masaya, baka mas masaktan lang ako.

Sa loob ng sampung taon, siya lang ang taong minahal ko. Nasabi ko na 'yun sa kanya, kaso pabiro lang. Kaya akala niya, nagbibiro nga lang talaga ako. Basta ganun 'yun. Sinabi ko 'yun nung Grade 6 kami. Sobrang bata, akala ko nga bata pa talaga ako nun at magbabago ang lahat pag dating ng high school. Kaso hindi, hindi ko alam kung bakit.
Tapos na kami ng college at hanggang ngayon, mahal na mahal ko pa rin siya. At nasasaktan ako para sa kanya. Wala kasi akong magawa para maging masaya siya. Ang mas masakit pa, hindi niya pinapakita sa iba na kahit paano, mahina din siya. Sa mata ng iba, ayos lang siya, masayahin. Pero sa mga mata ko, katulad ko rin siya. Itinatago ang lahat. Duwag.

Alam mo yung kantang Friend of Mine? Naiiyak ako pag naririnig ko yung kanta na yun. Nakakarelate kasi ako eh. Ayokong malaman niya na mahal ko pa sin siya hanggang ngayon. Pag ginawa ko yun, baka yung pagkakaibigan namin na pinanghahawakan ko ay mawala pa. Kahit pa minsan nararamdaman kong meron din akong lugar sa puso niya, ayoko pa ding umasa. Eh kasi wala lang, ay hindi meron pala. Ayoko lang talaga umasa. Masaya na akong mabuhay bilang kaibigan niya. Gusto ko nakikitang nakangiti siya. Gusto ko lagi siyang masaya. Pinagdadasal ko yun lagi.

Hindi ito ang buhay na pipiliin ko. Pero ewan. Tingin ko kasi, kailangan niya ako kahit alam kong hindi. Grabe magulo talaga ko no? Kalaban talaga ng tao ang magulong isipan. Sa sobrang gulo ng isip mo, hindi mo na alam kung tama pa ba ang ginagawa mo. Minsan nasasabihan ko na ring tanga ang sarili ko. Lagi kong sinasabi sa isip ko, "Hello Janna??? 10 years mo nang mahal yan, hindi ka pa sumusuko???". Tapos maiisip ko din bigla kung nagsisisi ba ko dahil minahal ko siya. Tapos sasagutin ko din ang sarili ko ng hindi. Hindi ako nagsisisi kasi, hindi ko alam. Hindi ko din alam kung bakit ko siya mahal. Iniisip ko na lang din, siya rin naman, nahihirapan. Hindi rin naman siya mahal ng mahal niya. Ganyan nga yata talaga ang buhay. Pag mahal mo, hindi ka mahal. Pag gusto mo, hindi naman para sayo. Pag may dala kang payong, wala namang ulan. Hehe.

Pero sa buhay, marami ka talagang matututunan. Lalo na sa love. Hindi rin kasi sapat yung haba ng pinagsamahan niyo, yung pagkakapareho o similarities niyo, o kaya yung dami ng sakripisyo mo sa kanya para hilingin mo na sana kayo na lang ang itinadhana. Kasi at the end of the day, kahit wala ang lahat ng mga nabanggit ko, kung talagang mamahalin ka niya, mangyayari at mangyayari yun kahit wala kang gawin na kahit ano.

May gusto lang akong sabihin sa taong mahal ko. Alam ko naman na magugulat ka kung malaman mong ako ang may gawa ng blog na to, pero hindi ka naman masyadong nagcocomputer, ni wala ka ngang Friendster eh, kaya baka hindi mo rin to malaman at ayokong malaman mo. Alam mo ba, lagi kong dinadasal na sana maging masaya ka. Pag masaya ka, nagiging masaya na din ako kahit medyo masakit. Pero pag nalulungkot ka, mas lalo ako. Alam mo ba yun? Akala mo lang wala akong pakealam, pero umiiyak din ako silently with you sa tuwing magkukwento ka tungkol sa kanya. Anung kanta ba yung may lines na "binabasura ng iba ang siyang pinapangarap ko?'". Parang ganun kasi. Kahit na alam kong hindi ako sumasagi sa isip mo sa araw-araw na nabubuhay ka, kahit wala man ako sa alala mo sa buong maghapon, gusto kong malaman mo. Kailangan mo man ako o hindi, nandito lang ako. sana alam mo yan. Sana lang talaga. At masaya akong nakilala kita.

Ang gulo ng blog ko. Natuwa lang kasi ako dito sa Ped xing. Salamat sa mga tao dito kung maisipan niyo man ipost to hehe. Pasenya na mahaba na pala. Mwaaah sa mga tao. hehe. Godbless yah alL!


------------------------

Mula kay Janna (mamamatay daw ang magpopost ng e-mail add niya dito)

Thanks kay Janna. Kung sino ka man, salamat. Dapat hindi lang kasiyahan niya ang pinagdadasal mo, dapat yung kasiyahan mo din. 10 years? Grabe. Antibay mo friend. Sana makita at mapansin ka din niya kahit minsan. Naks! Maganda tong blog mo, may natutunan ako, Hehe. Salamat ulit. =)

Sunday, August 9, 2009

Ang Paborito Kong Guro *Bow*

"Masyado na yata kayong matatalino. Your impersonating persons. From now on, there will be no discussions. Kokopya na lang kayo tapos quiz na!"

Sabay walk-out.

Sabi 'yan ng Prof namin 'nung isang araw nang mahuli niya 'yung ilan sa mga kaklase ko na nag-iimpersonate ng mga Prof. Galit na galit talaga siya sa'min. Pero ramdam ko na karamihan din sa'min, nakaramdam din ng galit - hindi sa Prof namin na nagalit sa'min - kundi sa lahat ng mga Prof namin ngayon na hindi namin alam kung gusto ba nila kaming matuto o gusto lang kami pagtripan.

Bayani ang mga teachers. Walang duda 'yan.Pero hindi talaga maiiwasan na mapunta sa section niyo ang ilang mga teachers o Professors na pinanganak lang yata sa mundo para asarin kayo, turuan magtiklop ng brief at panty imbes na ituro kung para saan ang epidermal ridge, hulaan ang mga kapalaran niyo sa halip na turuan kung paano gumamit ng keyboard, at ikumpara kami sa ibang section tapos sasabihin every exams, "Tapos na ba kayo mangopya? Pass your papers now." May iba pa diyan na idadaan na lang sa pagwo-walk out ang mga bagay-bagay. At sa bandang huli, topic na ng tsismisan sa faculty ang section niyo. Tsk tsk.



Balik tayo sa Prof namin na nagalit. Maraming tumatakbo sa isip ko 'nung mga panahon na 'yun. Marami akong gustong sabihin sa kanya kaso wala akong lakas ng loob. Gusto kong sabihin sa kanya, "Ganun na lang 'yun Sir, 'pag nagalit kayo sa'min, hindi na kayo magtuturo? Kung ganun na lang ang lahat ng teachers sa mundo, hindi nakakapagtaka kung bakit maraming lumalaking mahina't walang alam."

'Yung isang Prof naman namin, lagi niyang ipinagmamalaki na pogi siya, na maganda asawa niya at naaasar na siya kung bakit ang galing-galing niya. Pero ni isang bagay na may kinalaman sa subject namin, wala siyang binalak ituro. Ay meron pala, ano ang itsura ng hard disk 'pag kinakalawang.

The best naman 'yung Prof namin sa isa pang subject namin. Walang ni isang meeting na pinalagpas para ituro ang tamang pagtiklop ng underwears na dapat ay tungkol sa different body systems ang pag-uusapan namin. Ayon sa kanya, doon mo daw malalaman ang personalidad ng isang tao - sa pamamagitan ng pagtiklop ng underwear. Ikaw, alam mo ba kung paano?

Pero wala talagang tatalo sa Prof namin sa aming major subject. Mabait naman siya, kaso minsan talaga pagdududahan mo 'yun. Nagwalk out na din siya samin. Nagtaka naman kami kung bakit dahil tahimik naman kami. Hanggang sa kinausap siya ng vice president namin, ang sabi, sobrang ingay daw namin at trip niya kaming ibagsak. May batas bang nagsasabing pwedeng mambagsak ng Prof? Saang parte ng saligang batas 'yun? Paki-email naman saken. Thanks.

Hindi ko matandaan kung sino ang nagsabi na hindi mahalaga kung anong klaseng teacher meron ka, ang mahalaga, e kung naging anong klaseng estudyante ka. Pero minsan talaga mababad-trip ka na lang bigla. Pinipilit mo naman na mag-aral mabuti, kaso iba ang lumalabas sa exams. Tsktsk.

Hindi ba pwedeng tulungan na lang? 'Yung mga teachers at professors na tamad magturo at walang ginawa kundi pagtripan ang mga estudyante, siguro po Mam, Sir, hanap na lang po kayo ng ibang trabaho. O kaya kung gusto niyo bumuo kayo ng sarili niyong Talk Show at circus.

Pero syempre, kahit paano, may natira pa ring mga matitinong alagad ng edukasyon na gumagabay samin. Ayaw din nila ng maingay, pero marunong silang mag-saway at ituloy ang pagpuno sa mga utak naming paminsan-minsan eh nakukulangan at nababawasan ng kaalaman. Hindi silang nagwo-walk out. Nagtuturo sila ng maayos, at nakakapag-aral din kami ng maayos. Ang resulta? Magagandang grades at alaalang tatatak sa isipan namin na minsan, dumating sila sa buhay namin para turuan kami sa iba't-ibang aspeto ng buhay.

"Hindi namin kailangan ng sobrang talino, walking and talking encyclopedia, live calculator o isang genius na Prof o guro, ang kailangan namin ay isang may malasakit sa kapakanan naming lahat, at hindi 'yung nagpapasikat lang."

Sorry sa mga Professors na napagtripan naming gayahin ang mga mannerisms. Isipin niyo na lang po, ang cute niyo kasi kaya ginagaya namin kayo. Peace! :)



P.S. Sa mga kaklase ko na nag-udyok saken na isulat ang blog na ito, walang laglagan 'pag nagkayarian ha? haha! :)

Wednesday, July 29, 2009

13 kUTOS ng Estudyante

May 10 utos ang Diyos. May batas na sinusunod sa isang bansa. May batas sa klasrum. May batas sa kalsada. May batas sa paggamit ng swimming pool. May utos ang Simbahang Katoliko. Laging nang-uutos ang nanay mo. Utos nang utos ang guro mo. Pero 'wag kang mag-alala bata, may naghihintay ding utos mula sa'yo na dapat sundin - hindi nang mga nang-uutos sa'yo - kundi ng mga batang tulad mo e biktima din ng pang-uutos. Magulo ba? Utos ka kasi ng utos! Tsk Tsk.

May binigay sa aking isang lumang cartolina na naglalaman ng "13 kUTOS ng Estudyante" ang classmate ko (na 'nung isang dekada pa niya binigay pero ngayon ko lang nilagay dito). 2nd year high school daw nila ginawa 'yun ng mga kaklase niya (2nd year college na kami ngayon, di ako makapaniwala). May mga pangalan ditong mababanggit na hindi pamliyar sa inyong mga tenga, mata at isipan. Pero may common sense naman kayo. Ako kasi wala.




Kung hindi mo maintindihan ang mga nakasulat, eto:

13 Kutos ng Estudyante (II-I) - [2nd year, section 1]

1. Ibigin mo ang guro nang higit sa lahat, wala kang ibang susundin kundi si Mam Compollo. (Terror na teacher ata nila 'to)

2. Huwag susundin ang sinumang guro na nagbibigay ng mababang marka, 'yung may "plus" lang.

3.Huwag kang sumipsip sa'yong guro, dahan-dahan lang, baka mabulunan ka.

4.Pumasok ka ng 07:30 am sabay sabi ng "I'm sorry I'm late, I will not be late again."

5.Igalang mo ang mga nagpapakopya sa'yo.

6.Huwag kang magpatawa kung walang sense.

7.Huwag mong i-share ang assignment mo sa di mo friend, sa'kin lang ok! (Antigas ng mukha nito hehe)

8.Huwag mong tantanan ang iyong classmate sa pang-aasar. Di kita tatantanan!

9.Huwag kang mangopya, baka magka-stiff neck ka.

10.Ang lahat ng bagay ay dapat na "kinacareer".

11.Huwag kang dumaldal kung "bad breath" ka.

12.Huwag kang magpanakaw, magnakaw ka lang. Hirap ng buhay wala nang libre ngayon.

13.Huwag mong pagnasahan ang bolpen na napulot, chalk ni Mam Mendoza, 1/4 sheet ng katabi, at most especially, tignan ang lesson plan ni Mam. Lagot ka!


Mensahe mula sa langit (?):

Tandaan, hindi lahat ng mga kautusan sa mundo ay mabuti sa kalusugan. Mag-isip ng mabuti.

Friday, July 24, 2009

Konting-Konti na Lang.. Dedbol Na!

Sabi kanina sa bali-balita, patay na daw si Willie Revillame. Pero wala siyang masyadong kinalaman sa blog na 'to. Shinare ko lang 'yun.

May nakita akong isang site na nakakatuwa para sa'kin. Inuulit ko, "para sa'kin". Ewan ko kung paano ko napunta sa site na 'yun. Hhmm. Ai alam ko na, tinitignan pala 'yun kanina ng kaibigan kong naki-log-in sa Friendster dito sa typewriter namin. Oo. Typewriter. At ang shoutout niya, "..life is too short.."

Alam mo ba 'yung pakiramdam na halos katabi mo na si Kamatayan? Na konting-konti na lang, mag-ha-happy trip na kayong dalawa? Oh kaya naman, katapusan mo na pala, inuunti-unti ka lang. Paano kaya kung nangyari sa'yo 'yun? Anong gagawin mo?



Paano kung ikaw 'yung ibon?
Ano o sino ang ahas na tatapos sa'yo?
Lilipad ka ba palayo?
tatanggapin mo na lang ang tadhana mo?



Paano kung ikaw 'yung talangka?
Makakawala ka pa kaya sa buwaya?
Kung sa mga pagkakataong ito,
Kayo lang ang nasa mundo?



Paano kung ikaw 'yung maliit na palaka
Na tinapos ng traydor mong kapwa?
Magagawa mo bang magpatawad,
Sa kabila ng lahat?



Paano kung ikaw 'yung walang malay na ahas?
Na trinaydor din ng kapwa mong walang habag?
Paano ka makakaligtas,
Kung nahulog ka na pala sa sinikreto niyang bitag?



Paano kung sa malayo mong paglipad,
Sa impyerno ka din pala mapapadpad?
Makakabangon ka pa kaya?
O kaluluwa mo na lang ang hahayaan mong makalaya?

..
..
..
..
..
..

Paano kung pagkatapos mong mabasa ang blog na 'to.. 'kaw na lang pala ang hinihintay sa happy trip ni Kamatayan? May magagawa ka pa ba?




...pero syempre joke lang 'yun! hehe. =)



-----------------------------
mula sa http://www.environmentalgraffiti.com/featured/death-is-milliseconds-away/10927

Sunday, July 12, 2009

Isinantabing Rak-'n-Rol

"Malalaman mo lang ang halaga ng isang tao 'pag nawala na siya..."

Sabi 'yan ng kapatid ko habang nanonood kami ng music videos ni Michael Jackson. Pero ang totoo, bad trip lang siya kasi inagawan namin siya ng pagkakataon na makapanood ng "Nasan Ka Maruja?".

Pero, kung didibdibin ko ang sinabi ng kapatid ko, mukhang tama naman siya. Kung hindi naman namatay si Michael Jackson, hindi naman namin siguro papanoorin ng mama ko 'yung mga videos niya at makikipag-rock and roll na lang kami kay Maruja. Lalo na sa tulad kong hindi naman talaga niya fan. Aminado akong hindi ko siya masyadong na-appreciate 'nung nabubuhay pa siya. Siguro kasi hindi naman siya nagsimulang sumikat 'nung iniluwal ako sa mundo. Ngayon ko lang talaga siya na-aapreciate. Ngayon lang...kung kelan wala na siya.

Napakaraming bagay sa mundo na hindi natin nabibigyan ng pansin, ng panahon at atensyon. Magugulat na lang tayo sa lungkot na mararamdaman natin 'pag tuluyan na silang nawala nang hindi man lang natin ito nakuha, nahawakan, o kahit nasulyapan man lang. Akala kasi natin, may mas "da best" pa sa mga bagay na dumadaan sa buhay natin. Ang hindi natin alam, minsan lang tayo makakahanap ng mga ganoong klaseng bagay. Namayani kasi sa pagkatao natin ang mag-hangad ng "mas".

Pero syempre, hindi rin natin masisisi ang mga sarili natin. Malay ba natin kung 'yun na ang pinakamagandang bagay na pwedeng mangyari sa buhay natin, di ba? Ang mali lang natin, hindi man lang natin 'yun nabigyan ng pagkakataon para sana maging "the best" para sa atin. Sa madaling sabi, paminsan-minsan, hindi tayo marunong magpahalaga.

Maraming bagay ang pwedeng mawala, o pwedeng nawawala na habang tinatype ko ang blog na 'to. Maraming bagay na mas magandang pagsisihan matapos mong magawa, kesa pagsisihan dahil wala kang nagawa.

Habang may pagkakataon, habang hawak mo pa ang mga bagay-bagay sa paligid mo, habang kasama mo pa ang mga taong nagpapatawa sa'yo, habang nakikita mo pa ang mga taong mahal mo, habang humihinga ka pa kasabay nila, matuto kang magpahalaga at magpasalamat. Dahil hindi mo alam, pag-dilat ng mata mo sa umaga, nagbago na pala ang lahat.




-------------------------------------------------------------------------------------
Salamat sa http://www.flickr.com/photos/mohlat/2154005907/ para sa larawan.

Saturday, July 11, 2009

Michael Jackson.. Nagmulto?

Ang balak ko lang ngayon sa internet ay mag-search ng skin anatomy. Pero tinamad ako. At eto ang nakita ko:



Sa tingin mo, si Michael Jackson nga ba to? Hhmm.

Wednesday, June 10, 2009

Siya ang Idol Mo, Hindi Siya!

Naisip ko lang, ano nga ba ang basehan ng isang tao para masabing gusto niya ang kung sinumang nakikita niya sa TV?

Napanood ko kanina sa balita na marami sa mga tagasubaybay ng isang sikat na koreanovela ang gumagaya sa mga hairstyles ng mga bida nito. Marami din ang bumibili ng mga pictures, gumagawa ng fansite sa internet, mga kunong friendster account ng mga artista, nagsesearch ng kung anu-ano sa kung saan-saan, malaman lang na walang girlfriend o boyfriend 'yung paborito nilang celebrity. Ang tanong tuloy, idol mo nga ba talaga 'yung mga artista na yun, o 'yung mismong papel na ginampanan nila sa isang palabas kung saan mo sila unang nakilala?

Una kong naisip 'yun 'nung minsan akong naging adik sa Koreanovela na Spring Waltz (palabas 'yun dati sa ABS-CBN). Hindi ko alam kung bakit anlakas ng dating sa'kin 'nung palabas na 'yun. Lagi akong nagse-search sa internet ng mga pictures ni Han Hyo Joo na gumanap bilang Arianne Park at ni Seo Do-Young na gumanap naman bilang Christian Yoon. Halos araw-araw, ganoon ang ginagawa ko sa harap ng computer namin. Hanggang sa naisip ko na lang, si Han Hyo Joo at si Seo Do-Young nga ba talaga ang gustong-gusto ko? O 'yung sina Arianne Park at Christian Yoon na ginampanan nila?

Patok ngayon ang Boys Over Flowers at aminado ko, adik ako 'dun ngayon. Ganoon din ang ginawa ko, naghanap ako ng pictures nila Kuh Hye Sun (Geum Jan Di) at ni Lee Min Ho (Gu Jun Pyo) sa internet. Pero sa tingin ko, hindi sila ang gusto ko, kundi mismong sino Geum Jan Di at Gu Jun Pyo. Masyado na ba kong magulo?

Para mas maguluhan ka pa, eto ang ibig kong sabihin:

Gusto ko si Bella Swan, hindi si Kristen Stewart.
Gusto ko si Eduard Cullen, hindi si Robert Pattinson.
Gusto ko si Yoon Ji Hoo, hindi si Kim Hyun Joon.
Gusto ko si Aya Ikeuchi, hindi si Erika Sawajiri.
Gusto ko si Jamie Sullivan, hindi si Mandy Moore.
Gusto ko si Dorothy Gale, hindi si Judy Garland.
Gusto ko si Audrey King, hindi si Kim Chui.
Gusto ko si Cindy, hindi si Joe Chen.

Naisip ko kasi, di ba kaya naman natin nagugustuhan 'yung isang artista ay dahil sa ganda ng papel na ginampanan niya sa isang palabas na pinagbidahan niya? Ibig sabihin, ginusto natin ang buhay na ipinakita niya sa mga tagahanga't manunuod niya. Ginusto natin ang istoryang alam nating hindi naman talaga nangyari sa buhay ng artistang gusto natin.

Halimbawa na lang, si Geum Jan Di at Gu Jun Pyo ng Boys Over Flowers. Ginusto natin ang takbo ng istorya nilang dalawa. Kinilig tayo sa bawat eksena nila. Pero kung kikilalanin natin sila bilang sina Kuh Hye Sun at Lee Min Ho, hindi natin pwedeng ipilit na magkatuluyan sila. At 'yun kadalasan ang problema sa mga tagahanga, ang simpleng paghanga, dinadala hanggang sa tunay na buhay ng mga hinahangaan. Samakatwid, idol natin ang role na ginampanan nila, hindi sila! (opinyon lang!)

Kaya ako? Hindi na ko mag-aartista. Magmamadre na lang ako. (hehe)

Thursday, June 4, 2009

Back-Backan-to-School

Muntik ko nang makalimutan. Nagsimula na nga pala ang pasukan. Hindi ko naramdaman dahil kakabakasyon ko lang mula sa summer class namin (kung bakit ako nag-summer ay secret ko na yun hehe). Pero sa totoo lang, 1 month ago na mula nung natapos 'yun, pero feeling ko kakadismiss pa lang ng klase namin. Siguro dahil hindi na ako elementary o high school na nasasabik sa unang araw ng eskwela.

Nakakatuwa at nakakaasar ang paligid kapag nagkakaroon ng back-to-school fever, lalo na sa mga bookstores kung saan hindi ako makapagconcentrate sa mga binabasa kong libro sa "no private reading please" section (kung bakit naman kasi napakamahal ng mga libro). Kalat-kalat 'yung mga notebooks sa mga shelves tapos sasabayan pa ng nakabusangot na mukha ng mga sales lady na nag-aayos ng mga notebooks at iba pang school supplies na nagugulo kada limang segundo. Ang haba-haba ng pila sa cashier. Naasar ako dahil isang pirasong ballpen lang ang bibilhin ko tapos pinilahan ko pa ng halos isang oras. Nagkakabanggan na ng pushcarts, nagkakapalitan na ng amoy at mukha. Pero bakas sa mukha ng mga bata 'yung tuwa kapag hawak na nila 'yung mga bagong gamit nila para sa darating na pasukan. :)

Pero syempre, sa una lang 'yun.

Sa una, sisipagin ang bata sa pagsulat sa notebook niya dahil bagong-bago ito. Bago ang unang araw ng pasukan, minsan nga isang buwan pa, excited ang bata na maglagay ng mga school supplies sa bago niyang bag, o kaya pwede na din 'yung luma 'pag malawak ang pag-unawa niya. Excited siya na gumawa ng assignments, at gumawa ng kalokohan. May ritwal din na pagpapagawa ng name tag na suot-suot ng bata mula sa paglabas ng bahay hanggang sa makauwi siya. Minsan kahit nangangalahati na ang school year, nakasabit pa rin sa leeg ng bata ang name tag at hindi pa rin siya kilala ng teacher niya. At diyan nagsisimula ang malungkot na storya ng buhay ng isang mag-aaral.

Tambay sa kanto: Hi Rogelio Manglicmot ng Grade 1-Matipuno!
Bata: Mami, bakit alam niya my name? Am I really sikat?
Nanay: Huh?


Nauuso din ang asaran sa first day, kawawa ang mga may bago at nangingintab na mga sapatos 'pag may nagsabing "binyagan na 'yan!! wahahaha!". May mga papasok na lang din bigla na unat na ang dating kulot salot na buhok. May mga nagpa-gupit ng prescribed na haircut para sa mga lalaki, may ilan din na pinanindigang "baduy" ang ganung gupit at naglagay pa ng bangs para rock 'n roll. May mga bagong classmates na sa umpisa e kala mo napakatahimik na tao pero hayup sa kulit pag nagtagal na, at may ilan din na lumipat na ng ibang school at classroom. May mga bagong teacher na malupit sa unang klase, 'yung nagpa-assignment na agad. Mapapansin din na ang aaga pumasok ng mga estudyante pag unang linggo ng klase, at unti-unting nawawala hanggang sa wala ng may trip na pumasok ng maaga. May mga orientation lalo na para sa mga freshmen na nagsasabing bawal magtapon ng basura at panatilihin ang kalinisan sa buong paaralan. Andaming anik-anik. Ganyan ang kadalasang eksena sa mga paaralan sa unang araw ng pasukan.

Pero sa mga college students, ibang eksena naman 'yan. Mas konting school supplies lang ang kailangan. Minsan, kahit ballpen lang at tinging yellow pad lang ang dala, ayos na. Wala na masyadong excitement sa first day of schhol, pwera na lang sa mga freshmen. Masarap pa rin balikan 'yung mga oras na namimili kayo ng notebooks ng kapatid mo, tig-12 piraso pa kayo. Pero masaya na ring isipin na nakatapos ka na sa ganoong stage ng buhay mo at papunta ka na ngayon sa mga kumplikado't mas malawak na mundo ng pagbabago.

Sa lahat ng mga may pasok na at papasok pa lang, good luck! Pwede mong balikan 'yan, pero gawin mo na ang lahat para wala kang pagsisihan.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr