Hindi pala kumpleto ang Christmas kung walang exchange gifts. Problema ko 'yan ngayon.
"Sinong nabunot mo?"
"Si ano. Bad trip nga eh. Kaw?"
"Ikaw. Mas bad trip nga eh."
Hindi ko alam kung saan nagsimula ang konsepto ng "exchange gifts". Basta alam ko may ganyang tradisyon na nag-eexist sa mundo. Uso 'yan sa halos lahat ng mga Christmas parties lalo na sa school. Hindi lang basta-basta 'yan, meron pa 'yang halaga kung magkano ang dapat dalhin na regalo. Minsan worth P100.00 and above, P50.00 only, P20.00 and below, o kaya worthless. Kahit ano basta gawa mo at hindi mo binili pwede, at pwede rin namang kahit magkano basta ang importante ay ang presensya mo sa party. Iba-iba, nakakatuwa. Meron ding mga "something" na requirements tulad ng "something long", "something cute", "something round", o kaya "something nonsense".
Pero syempre dapat magbunutan muna. Kung sino ang mabubunot mo, syempre 'yun ang reregaluhan mo. Pero kung ayaw mo sa nabunot mo, pwedeng makipagpalit ka sa kaibigan mo o kaya 'wag ka na lang umattend para iwas bad trip (may kilala akong ganyan). Sa amin naman, sa mismong araw ng party magbubunutan kaya kelangan unisex ang bilhin mong regalo. Mas mahirap 'yun, wala pa naman ako masyadong alam na bagay na pwedeng gamitin ng babae at lalaki. Pinakamahirap talagang gawin para sa'kin ay 'yung mamili ng regalo, singhirap ng pagsagot sa exams namin sa Accounting. Ewan, basta ayoko talaga ng namimili ng regalo pero gusto kong nagbibigay. Kung paano 'yun, hindi ko alam. Basta ganun.
Balik tayo sa bunutan.
'Yung iba, may mga code name pang nalalaman, ang tanging clue ay kung babae ba 'yun o lalaki. Bahala ka na. Basta maraming mga pauso kapag nagbubunutan na ng pangalan. May mga ilan na hindi makatulog sa kakaisip kung sino kaya ang nakabunot sa kanya o kaya hindi makakain dahil iniisip niya kung ano ang pwede niyang matanggap, picture frame ba o mug na Hello Kitty?
Namimili kami kahapon ng regalo ng mga kaibigan ko. Nakakatuwa at nakakatawa. Worth P100.00 and above ang napag-usapang halaga ng magiging regalo namin. Sa tuwing may makikita sila na isang magandang regalo at medyo mahal, magdadalawang isip sila at sasabihing "Wag na 'yan, baka tig-bente lang naman 'yung matatanggap ko. Hanap tayo 'yung tig-sampu lang."
Pero tingin ko naman, kung mamimili ka ng regalo, hindi na mahalaga kung ano ang matatanggap mo, ang mahalaga ay nag-abala siyang bigyan ka ng regalo. Hindi na mahalaga kung tig-limampiso lang ang natanggap mo at P100.00 ang ibinigay mo (basta pilitin mong isipin na hindi mahalaga 'yun). Masaya ang makatanggap ng regalo, pero mas masaya ang magbigay. Pero kung may kunsensya ka, mamili ka naman ng matino-tino! Hehe.
Swerte ako sa mga ganyang exchange gifts. Ang pinakamadalas kong matanggap ay 'yung suksukan ng ballpen na may bible verses para pampalubag loob at ewan kung bakit. Minsan isang set ng pantali ng buhok na may kasamang suklay na pink para ngumiti ako. Minsan naman damit na pantulog na hindi naman kasya saken kaya sa kapatid ko lang napupunta. Dati naman maraming sitsiryang tigpipiso at mga kendi at lollipop na nakalagay sa box ng katol. Minsan din picture frame na may picture ni Jerry Yan. Masaya ako, promise.
Kung ako sa'yo, magiging masaya na lang ako sa kung anuman ang matatanggap ko. Ang higit na mahalaga ay maging masaya sa simpleng dahilan na magkakasama kayo ng mga kaibigan o kapamilya mo, na mas higit pa sa kung anumang regalo ang matatanggap mo. (Mas masaya yun kesa sa picture frame.)
Ano na naman kaya matatanggap ko bukas? Cellphone (case) o Ipod (silicon)? Hmmm. Exciting! =)
0 comments:
Post a Comment