Tinanong ako ng kaibigan ko 'nung isang araw kung paano mo daw malalaman kung masaya ang isang tao. (Gusto ko sana sabihin sa kanya, emo ka?)Pero kung iisipin mo nga naman, paano nga ba? Sa paanong paraan mo masasabing masaya ka nga at hindi nagpapanggap lang?
Ang pagtawa ang isa sa pinakamasayang gawin sa mundo, bukod sa nakakapagpasakit ng panga at bangs, e libre pang gawin. Kakaiba ang ligayang dulot ng pagtawa (mas maligaya pa 'tong gawin kesa sa iniisip mo ngayon). Kaya naman masaya kasama 'yung mga taong walang ibang alam gawin kundi magjoke at gawing mukhang tanga ang sarili para lang mapasaya ang mga kasama. Kung ako ang tatanungin, mas gugustuhin ko pang kasama ang mga itinuturing na mangmang pero kaya kang patawanin sa mga oras na bagsak ka sa exam kesa sa mga matatalinong seryosong ini-english ka maya't maya.
Pero kung iisipin mo ulit (pasensya na kung kanina pa kita pinag-iisip), totoo nga ba ang bawat ngiting ipinapakita ng mga taong mahilig magpatawa o nagsusuot lang sila ng maskara para maitago ang tunay na nasa puso nila? Paano mo nga ba masusukat o masasabing masaya nga ang isang tao? Base ba 'to sa dami ng tawa, halakhak at ngiti, sa pagdodrawing ng smile sa kamay at pader, o sa pamamagitan ng simpleng pagsasabing "masaya ako"?
May mga tao kasing sadyang madaling magpanggap na masaya sila. At napakaraming ganun sa mundo. Hindi mabilang. Minsan nga isa ka na pala sa kanila, hindi mo pa alam. Minsan din 'yung mga taong ang almusal, tanghalian, merienda, hapunan, at midnight snack ay ang pagpapatawa ay sila pang pinakamalungkot na tao sa planeta, ayon sa isang sikat na author na si Paulo Coehlo.
Minsan kasi mas madali pang magpanggap na masaya kesa ipaintindi sa kanila kung bakit mo 'yun ginagawa. Kaso sa tingin ko mali 'yun, kaya nga may mga kaibigang ibinalato sa'yo ang tadhana kasi pwede mo silang sandalan sa mga oras na hindi mo na alam kung ano pang tamang joke ang pwede mong ibato sa mga panahong hindi mo na kaya. Hindi natin dapat ipinagdadamot sa kanila ang pagkakataong matulungan ka sa oras ng problema. Kaya matuto ka din makiramdam. Kung sa tingin mo may bahid na ng pagpapanggap ang pagpapatawa niya, tabihan mo na siya at yayain mo mag-softdrinks.
Pero balik tayo sa tanong na paano nga ba malalaman kung masaya nga ba ang isang tao? Kanina ko pa 'yun iniisip. Hindi ko din masabi. *blangko. *blangko. *blangko. *blangko. *blangko. *blangko. Pero masaya ako ngayon. Paano ko nasabi? Kasi pinili kong maging masaya kahit walang dahilan. Sabi nga nila, "Life is a matter of choice." At sabi din sa isang kowt, "God gave you blessings, happiness is up to you."
Sa huli, pinakamasaya pa ring gawin ang tumawa. Mas madali 'yon kesa maghanap ng dahilan para maging masaya (huh?) at ang pinakamasasayang tao sa mundo ay 'yung may mga mabababaw na kaligayahan. :)
-----------------------------
Ninakaw ko ang picture sa taas kay Netsrot ng Flickr (www.flickr.com)
3 comments:
isa to sa pinakamagandang nabasa ko sa blog mo.hahaha.galing galing.*clap clap clap :))
hehe. salamat obet baet. :)
P.S ulit:
Parang nararamdaman ko kung sino si TypoError_0. wala lang. haha. kaw nga ba yun? anyway, salamat po ulit, kaBobO! =)
Post a Comment