Thursday, December 31, 2009

Happy Bagong Year!

Nagsusulat ako ngayon ng blog para sa huling araw ng taon. Huling. Araw. Ng. Taon. Ang bilis. Parang nung isang araw ko lang sinulat 'yung "Top 15 Filipino Superstitions on New Year's Day-Super Talaga!" dito sa PedXing (pakitignan na lang kung ano 'yang pinagsasabi ko). Panibagong blog na naman para sa bagong taon. Ang bilis talaga. Parang pelikula na finast forward, mablis, wag kang kukurap. Hindi mo na namamalayan ang takbo ng oras. Ang karaniwang maririnig mo sa mga tao sa oras na 'to - "New Year na talaga? Ambilis".

365 days na pala ang lumipas na parang katumbas lang ng isang buwan ang bilis. Ang araw na ito, paggising ko kinabukasan, parte na ng nakaraan. Tapos na ang mga araw sa 2009 na kalendaryo. Tapos na ang mga araw sa 2009 Daily Planner mo. Tapos na ang lahat ng nasa 2009 school at office calendar niyo. Ang 2009, sa pagdating ng alas-dose ng hatinggabi mamaya, magiging kasabay na ng mga pulbura ng mga paputok na papuputukin mamaya mapupulbos.

Kung tatanungin ka ngayon kung anong nangyari sa 2009 mo, hindi ako sigurado kung magiging masaya ka ba o malungkot. Dito sa buhay natin, hindi mo na mabilang ang dami ng mga eksenang pinalabas, dami ng mga kasalanang nagawa, dami ng mga taong dapat pasalamatan at hingan ng kapatawaran, dami ng mga bagay na sana ay nagawa natin at ngayo'y pinagsisisihan at dami ng mga bagay na dapat mong ipagpasalamat at ihingin ng tawad sa Kanya.

Naisip ko bigla ang New Year's Resolution. 'Pag pumapasok sa isip ko ang salitang 'yan, na-iimagine ko ang mga business permit, driver's license, visa, passport, NBI clearance, prangkisa, at lahat na ng bagay na nirerenew. Para kasing taon-taon e kelangan nating magrenew ng mga pagbabagong pinapauso natin taon-taon, parang nag-eexpire annually (parang mali, basta ganun). Pero kung tatanungin ako, wala akong New Year's resolution kasi sa tingin ko hindi naman kelangan ng tao 'yun. Para sa'kin, ang kelangan ko e Daily Resolution dahil sa dami ng pagkakamali ko sa isang araw na dapat ko ring baguhin araw-araw. Kung lahat ng tao e gumagawa ng New Year's resolution at sinusunod niya nga iyon ng buong puso, buong kaluluwa, buong atay at buong balun-balunan, sana araw-araw na lang ang bagong taon - para araw-araw ding nagbabago ang tao. Kung may sense ba ang sinabi ko, hindi ko rin alam. hehe.

Paggising ko bukas, may bago ba bukod sa mga nagkalat na mga balat ng paputok na hindi ko naman normal na nakikita? Parang ayaw ko pa nga matapos ang taon kasi ibig sabihin, tapos na ang masasayang araw ng holidays at kelangan ko nang harapin ang mga lessons na hindi ko man lang naisip reviewhin at mga assignments at projects na hindi ko man lang binalak simulan, inisip ko kasi baka kasabay na silang mawawala sa pagpapalit ng taon, kaso hindi. Haha. *Babala: 'Wag gayahin si Eych, may masamang mangyayari.

Kung pag-uusapan ang tunay na halaga ng Bagong Taon, hindi naman talaga mahalaga ang prediksyon ng mga sikat na manghuhula, o mga manghuhula sa Quiapo o mga prediksyon mong isang malaking joke, hindi rin mahalaga ang mga pamahiin, at mga pampaswerteng something. Ang mahalaga ay IKAW - kung magiging anong klaseng tao ka. Tutal bagong taon naman, try mong magsimula ng mga magagandang pagbabago sa sarili mo. Simulan mo sa January. Gawin mo ulit sa February. Ipagpatuloy mo sa March. Iextend mo hanggang November. Tapos bahala ka na sa balak mo sa December. Nakakapagtaka lang dahil parang walang nagsasabi na enjoy ang maging mabuting tao.

Wala na kong sasabihin. Pinapagalitan na din ako dahil kelangan ko na tumulong sa pagluluto. At isa pa 'yun, enjoy pala ang mga bisperas ng something tulad ng bisperas ng bagong taon, kasi makakatikim na naman ako ng mga pagkaing hindi ko araw-araw nakikita sa lamesa namin. Hehe.

(Last paragraph na 'to promise!)Salamat sa lahat ng mga taong dapat kong pasalamatan sa taong ito. Salamat sa mga taong nakapagpasaya saken. Salamat sa mga taong nakasama ko sa kakaibang byahe ng buhay ko ngayong 2009. Haha. Sorry sa lahat ng mga kasalanang nagawa ko at hindi ko maipapangako na hindi ko na ulit gagawin 'yun (gaya ng pagkupit ng chocnut at Sprite sa tindahan namin, sorry na). At sana sa darating na taon na 'to, mas magkaroon pa tayo ng mas maraming dahilan para maging masaya.. mas marami pa sana 'yun kesa sa mga dahilan para maging malungkot tayo.

Happy New Year People! Let's celebrate! Year 2010. =)

Tuesday, December 22, 2009

Exchange Gift Tayo! Sino Nabunot Mo?

Hindi pala kumpleto ang Christmas kung walang exchange gifts. Problema ko 'yan ngayon.

"Sinong nabunot mo?"

"Si ano. Bad trip nga eh. Kaw?"

"Ikaw. Mas bad trip nga eh."

Hindi ko alam kung saan nagsimula ang konsepto ng "exchange gifts". Basta alam ko may ganyang tradisyon na nag-eexist sa mundo. Uso 'yan sa halos lahat ng mga Christmas parties lalo na sa school. Hindi lang basta-basta 'yan, meron pa 'yang halaga kung magkano ang dapat dalhin na regalo. Minsan worth P100.00 and above, P50.00 only, P20.00 and below, o kaya worthless. Kahit ano basta gawa mo at hindi mo binili pwede, at pwede rin namang kahit magkano basta ang importante ay ang presensya mo sa party. Iba-iba, nakakatuwa. Meron ding mga "something" na requirements tulad ng "something long", "something cute", "something round", o kaya "something nonsense".

Pero syempre dapat magbunutan muna. Kung sino ang mabubunot mo, syempre 'yun ang reregaluhan mo. Pero kung ayaw mo sa nabunot mo, pwedeng makipagpalit ka sa kaibigan mo o kaya 'wag ka na lang umattend para iwas bad trip (may kilala akong ganyan). Sa amin naman, sa mismong araw ng party magbubunutan kaya kelangan unisex ang bilhin mong regalo. Mas mahirap 'yun, wala pa naman ako masyadong alam na bagay na pwedeng gamitin ng babae at lalaki. Pinakamahirap talagang gawin para sa'kin ay 'yung mamili ng regalo, singhirap ng pagsagot sa exams namin sa Accounting. Ewan, basta ayoko talaga ng namimili ng regalo pero gusto kong nagbibigay. Kung paano 'yun, hindi ko alam. Basta ganun.

Balik tayo sa bunutan.

'Yung iba, may mga code name pang nalalaman, ang tanging clue ay kung babae ba 'yun o lalaki. Bahala ka na. Basta maraming mga pauso kapag nagbubunutan na ng pangalan. May mga ilan na hindi makatulog sa kakaisip kung sino kaya ang nakabunot sa kanya o kaya hindi makakain dahil iniisip niya kung ano ang pwede niyang matanggap, picture frame ba o mug na Hello Kitty?

Namimili kami kahapon ng regalo ng mga kaibigan ko. Nakakatuwa at nakakatawa. Worth P100.00 and above ang napag-usapang halaga ng magiging regalo namin. Sa tuwing may makikita sila na isang magandang regalo at medyo mahal, magdadalawang isip sila at sasabihing "Wag na 'yan, baka tig-bente lang naman 'yung matatanggap ko. Hanap tayo 'yung tig-sampu lang."

Pero tingin ko naman, kung mamimili ka ng regalo, hindi na mahalaga kung ano ang matatanggap mo, ang mahalaga ay nag-abala siyang bigyan ka ng regalo. Hindi na mahalaga kung tig-limampiso lang ang natanggap mo at P100.00 ang ibinigay mo (basta pilitin mong isipin na hindi mahalaga 'yun). Masaya ang makatanggap ng regalo, pero mas masaya ang magbigay. Pero kung may kunsensya ka, mamili ka naman ng matino-tino! Hehe.

Swerte ako sa mga ganyang exchange gifts. Ang pinakamadalas kong matanggap ay 'yung suksukan ng ballpen na may bible verses para pampalubag loob at ewan kung bakit. Minsan isang set ng pantali ng buhok na may kasamang suklay na pink para ngumiti ako. Minsan naman damit na pantulog na hindi naman kasya saken kaya sa kapatid ko lang napupunta. Dati naman maraming sitsiryang tigpipiso at mga kendi at lollipop na nakalagay sa box ng katol. Minsan din picture frame na may picture ni Jerry Yan. Masaya ako, promise.

Kung ako sa'yo, magiging masaya na lang ako sa kung anuman ang matatanggap ko. Ang higit na mahalaga ay maging masaya sa simpleng dahilan na magkakasama kayo ng mga kaibigan o kapamilya mo, na mas higit pa sa kung anumang regalo ang matatanggap mo. (Mas masaya yun kesa sa picture frame.)

Ano na naman kaya matatanggap ko bukas? Cellphone (case) o Ipod (silicon)? Hmmm. Exciting! =)

Monday, December 21, 2009

Four Days na Lang! =)

Naisipan ko mag-blog. Kasi malamig.

Sabi sa TV kanina, na narinig ko din sa radyo, at nabasa ko din sa Facebook, 4 days na lang, pasko na daw. Sabi ko "Ha? Di nga? Wait. *sabay tingin sa kalendaryo* Oo nga nu! Ambilis." Seryoso, hindi ko napansin na nasa line of 2 ng December na nga pala ang date ngayon. Abala sa Facebook? Hindi. Abala sa pag-aaral? Hindi rin. Abala sa gawaing-bahay? Next question please. Abala sa kakaisip? Oo. Tama. Perfect. Christmas Season na kaya malamig. At napaisip tuloy ako sa sinabi ng kaibigan kong lagi na lang akong pinag-iisip:

"Ano bang espesyal sa Pasko? Eh paulit-ulit lang naman 'yun."

Kapag ba paulit-ulit ang isang bagay, hindi na ba pwede maging espesyal 'yun? Espesyal ang Pasko sa simpleng dahilan na espesyal ito. Kung tutuusin, lahat ng okasyon, espesyal naman talaga. Tulad ng birthday mo. Tinanong ko ang kaibigan ko kung kamusta ang naging birthday niya, sagot niya, "Napakaordinaryong araw. Mga pabati lang 'yung nagpabago 'nun." May punto naman siya, kaso hindi 'yun ang punto na gusto kong matumbok.

Okay, nalalayo na ko sa topic. Christmas blog nga pala 'to. Sorry na.

Sabi sa isang kowt, tuwing Pasko daw, nagtatampo si Papa Jesus kay Santa Claus, kasi mas hinahanap ng mga tao ang una kesa sa Huli. Sa napakaraming dahilan, parang nagkakaroon ng maling konsepto ang mga tao sa tuwing sasapit ang kapaskuhan. Para sa nakararami, ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan (ng regalo), pagmamahalan (ng mga presyo ng bilihin), at pagkakaisa (ng mga bata na kuyugin ang mayamang kapitbahay). Sa ngayon, nagiging panahon na din ito ng bagong damit at maraming pera. Nasaan na nga ba ang tunay na "diwa ng Pasko", bukod sa nasa bulsa ng Ninong at Ninang mo?

'Yung iba sinsabi malamig ang Pasko nila, 'pano walang kaholding hands o kaya kakabreak lang. 'Yung iba naman, parang wala lang daw ang Pasko kasi walang pera. At 'yung iba, ewan kung anong dahilan nila. Basta ang alam ko, masaya ang Pasko. Kasi birthday yun ni Bro. At may bagong damit akow. (Ai hindi pala kasama yung last, sorry na)

Hindi naman malungkot kung wala kang boypren o gerlpren o kakabreak niyo lang ng syota mo, para saan pa ang mga kaibigan at pamilya? Hindi rin naman ganun kasama kung wala kang pera, pwede ka namang manghingi. Ayos lang naman kung wala masyadong handa sa noche buena, hindi mo naman pakakainin 'yung my birthday. Sa madaling sabi, kahit ano pang dahilan mo, ibalato mo naman sa may birthday ang isang araw na dahilan para maging masaya ka. Ngiti-ngiti lang friend, masaya ang buhay. Promise. Hangga't sumisikat ang araw (sa west ba o sa east?), maniwala ka. =)

..
P.S. Trip mo bang dagdagan 'tong blog ko? Pakisabi na lang saken. Thanks.

ADVANCE MERRY CHRISTMAS! =)

Friday, December 18, 2009

Da Anibersari Blog - Bonggang Teynk Yu!

"Eych, gawa tayo ng website. Ano bang magandang pangalan?"

"Hhhmm. Pedestrian Lane."

"Bakit 'yun?"

"Bakit hindi?"

Sa ganyan lang nagsimula ang website na pinuntahan mo ngayon, sa pagkakatanda ko. Kakabasa ko lang din kasi ng Stainless Longganisa 'nung mga panahon na 'yun at ng Paboritong Libro ni Hudas kaya mga ganyang bagay ang lumabas sa utak ko (meron ba ko 'nun?). Wala akong alam sa pagmamanage ng website. Hindi rin ako magaling magsulat kaya hindi ko naman masyadong sineryoso ang plano ni Kuya ArAr. Basta ang alam ko lang, nagrereview ako 'nun para sa quiz kinabukasan at nangangarap lang magkawebsite lang si Kuya. Hehe.

Pero mga ilang minuto lang, pinasulat ako ni Kuya ng isang article kung bakit "Pedestrian Lane" ang naisip kong pangalan. Kaso wala atang nickname 'yun kaya nauwi na lang sa "Pedesrtian Crossing" para "PedXing". Naisip ko lang bigla na napakaraming uri ng tao, napakarami nilang destinasyon na tinutungo, pero lahat sila halos araw-araw dumadaan sa mga linyang nagmamalaki sa gitna ng kalsada (peace na lang muna sa mga jaywalkers hehe). Kaya naisip ko na ang magiging konsepto ng website namin kung sakali ay tungkol sa kahit ano at kahit saan na mapupuntahan ng kahit sino sa kahit saan.

Masyado akong adik sa mga gawa ni Bob Ong 'nung mga panahon na 'yun, at aminado naman ako. May ilang nagbabasa dito sa PedXing na nagsasabing para daw gawa ni Bob Ong ang mga pinopost namin dito, at pinagpapasalamat naman namin 'yun. Pero iba pa rin si Bob Ong at alam naming hinding-hindi namin siya kayang pantayan. Minsan talaga kapag masyado mong iniidolo ang isang tao, hindi sinasadyang magaya mo 'yung mga istilo nila, ang masama pa, nakukulong ka sa istilo na yun at guilty talaga ako 'dun. Sorry na. Haha.

Sa mga unang araw ng PedXing, kung anu-ano lang ang mga pinopost namin ni ArAr. Mula sa pinaka may sense hanggang sa pinaka-nonsense. At dahil tuwang tuwa ako at meron na kong website na maipagmamalaki sa mga kaklase ko, maya't-maya ako nagbablog. Ganun din si ArAr. Nakakatuwa talagang isipin ang mga "simula." Pero nakakatuwa ding isiping hindi ko pa naman nakikita ang "katapusan."

Hindi naman talaga Eych ang pangalan ko, imbento ko lang 'yun. Naniniwala kasi ako na lahat nga balak magsulat ng mga nonsense na bagay ay dapat may "code name". Natatawa din ako kay ArAr kasi may nagtanong kung maganda't sexy ba siya. Hehe. Kung bakit may code name pa kaming nalalaman, ewan ko din. Siguro maarte lang talaga kami. At umiiwas sa mga death threats.

Ang tunay ko talagang pangalan ay... hay. Nakakaantok. *hikab*

Kapag binabalikan ko ang mga sinulat ko dati dito, natututo ulit ako. Nasabi na rin ata ni Bob Ong 'yun sa isa sa mga libro niya. Meron kasi akong mga sinusulat dati na sinusulat ko lang 'pag talagang purgang purga na ang utak ko sa pagrereview at may maidahilang may ginagawa pa rin akong matinong bagay.

Pero hindi ko masabing isa akong mabuting blogger. Hindi na kasi ako madalas mag-blog hindi tulad ng dati na laging may bagong binabasa araw-araw ang mga matitiyagang tagasubaybay namin. Kung nandiyan pa rin sila, hindi ko na alam. Tambak na school works. Tambak na gawain. Tambak na tukso gaya ng Facebook. Nakakalimutan ko minsan ang PedXing. Sorry na talaga. Hehe.

Sa mga makakabasa nito, salamat at nagtyaga pa rin kayong basahin ang mga sinusulat namin. Salamat sa lahat ng mga pumuri at humusga sa PedXing sa loob ng isang taon. Salamat sa mga contributors na nagtiwalang ipost ang mga gawa nila dito. Salamat kay Sir Eros Atalia na pumayag i-post ang first chapter ng kanyang pangatlong libro dito at nagbigay ng mga payo sa akin. Salamat kay Sir Bob Ong para sa pagbibigay ng inspirasyon at sorry sa kakulitan ko sa e-mail. Salamat sa mga magulang namin na hindi pa rin pinapaputol ang network connection kahit araw-araw naman nilang nakikita na nagfeFacebook lang kami. Salamat sa mga kaklase ko na nagsasabing medyo maayos naman ang mga isinusulat ko dito. Salamat sa mga kapwa ko bloggers na nagpopromote ng PedXing, lalo na kay Ate Violet ng Silip (http://www.violetauthoress.blogspot.com). At salamat kay Bro na nagbigay ng utak (pero di ginagamit ng maayos kaya sorry na po) kina Eych at ArAr.

Sisikapin namin na mas mapabuti pa ang website na nagsimula lang sa dalawang utak na walang laman at walang magawa. Sana mas marami pa kaming contributors at tumagal pa ang PedXing na ito sa loob ng maraming maraming taon, at maipamana pa ito sa apo ng mga magiging something namin, I mean, mga anak. Hehe

Muli, THANK YOU talaga!


-Eych and ArAr

Saturday, November 14, 2009

Masaya ka ba? Patingin Nga?

Tinanong ako ng kaibigan ko 'nung isang araw kung paano mo daw malalaman kung masaya ang isang tao. (Gusto ko sana sabihin sa kanya, emo ka?)Pero kung iisipin mo nga naman, paano nga ba? Sa paanong paraan mo masasabing masaya ka nga at hindi nagpapanggap lang?

Ang pagtawa ang isa sa pinakamasayang gawin sa mundo, bukod sa nakakapagpasakit ng panga at bangs, e libre pang gawin. Kakaiba ang ligayang dulot ng pagtawa (mas maligaya pa 'tong gawin kesa sa iniisip mo ngayon). Kaya naman masaya kasama 'yung mga taong walang ibang alam gawin kundi magjoke at gawing mukhang tanga ang sarili para lang mapasaya ang mga kasama. Kung ako ang tatanungin, mas gugustuhin ko pang kasama ang mga itinuturing na mangmang pero kaya kang patawanin sa mga oras na bagsak ka sa exam kesa sa mga matatalinong seryosong ini-english ka maya't maya.

Pero kung iisipin mo ulit (pasensya na kung kanina pa kita pinag-iisip), totoo nga ba ang bawat ngiting ipinapakita ng mga taong mahilig magpatawa o nagsusuot lang sila ng maskara para maitago ang tunay na nasa puso nila? Paano mo nga ba masusukat o masasabing masaya nga ang isang tao? Base ba 'to sa dami ng tawa, halakhak at ngiti, sa pagdodrawing ng smile sa kamay at pader, o sa pamamagitan ng simpleng pagsasabing "masaya ako"?


May mga tao kasing sadyang madaling magpanggap na masaya sila. At napakaraming ganun sa mundo. Hindi mabilang. Minsan nga isa ka na pala sa kanila, hindi mo pa alam. Minsan din 'yung mga taong ang almusal, tanghalian, merienda, hapunan, at midnight snack ay ang pagpapatawa ay sila pang pinakamalungkot na tao sa planeta, ayon sa isang sikat na author na si Paulo Coehlo.

Minsan kasi mas madali pang magpanggap na masaya kesa ipaintindi sa kanila kung bakit mo 'yun ginagawa. Kaso sa tingin ko mali 'yun, kaya nga may mga kaibigang ibinalato sa'yo ang tadhana kasi pwede mo silang sandalan sa mga oras na hindi mo na alam kung ano pang tamang joke ang pwede mong ibato sa mga panahong hindi mo na kaya. Hindi natin dapat ipinagdadamot sa kanila ang pagkakataong matulungan ka sa oras ng problema. Kaya matuto ka din makiramdam. Kung sa tingin mo may bahid na ng pagpapanggap ang pagpapatawa niya, tabihan mo na siya at yayain mo mag-softdrinks.

Pero balik tayo sa tanong na paano nga ba malalaman kung masaya nga ba ang isang tao? Kanina ko pa 'yun iniisip. Hindi ko din masabi. *blangko. *blangko. *blangko. *blangko. *blangko. *blangko. Pero masaya ako ngayon. Paano ko nasabi? Kasi pinili kong maging masaya kahit walang dahilan. Sabi nga nila, "Life is a matter of choice." At sabi din sa isang kowt, "God gave you blessings, happiness is up to you."

Sa iba't-ibang sitwasyon, ano ang ibig sabihin ng "masaya?"

Sa pagkakaibigan, ano ang kasiyahan? Ito ba yung kapag magkakasama kayong nagtatawanan habang naglalakad sa daan at mga bungisngis at halakhak niyo lang ang nangingibabaw? Ito ba 'yung kapag sumasakit na ang tyan ng isa't-isa dahil sa joke na binanat ng isa? Sa tingin ko, ang tunay na kaligayahan sa isang pagkakaibigan ay ang pagiging panyo ng bawat isa sa oras ng drama ng buhay at pagkakaroon ng kaalaman ng bawat isa na kahit anong mangyari, panghahawakan nila ang pangakong "walang iwanan."

Sa pamilya, ano ang kasiyahan? Ito ba 'yung kapag kumpleto kayo sa hapag-kainan at sama-samang nagsisimba? Syempre, oo ang sagot diyan. Pero higit na maituturing na kaligayahan ang pangingibabaw ng pagmamahalan sa pamilya, na hindi masusukat ng kahit anumang materyal na bagay.

Sa pag-ibig, ano ang kasiyahan? Holding hands sa isang romantic na lugar, maaaring masaya. Pagdiriwang ng monthsary, anniversary, oo masaya din. Pagbibigay ng regalo, pwede, masaya din 'yun. Tingin ko naman, sa isang relasyon, hindi masyadong mahalaga ang lahat ng bagay na nakikita ng mga mata mo (pwera na lang kung nagtu-two timer ang isa sa inyo hehe). Minsan kasi, kahit walang salitang bibigkasin, mararamdaman niyo pa rin ang kasiyahan sa simpleng pagkakaroon ninyo ng kaalaman na ang bawat isa ay nag-iisa sa mundo ng bawat isa. (Paki-intindi na lang kung anong ibig kong sabihin, kasalukuyan kasi akong nakikipagchat sa facebook haha).

Sa huli, pinakamasaya pa ring gawin ang tumawa. Mas madali 'yon kesa maghanap ng dahilan para maging masaya (huh?) at ang pinakamasasayang tao sa mundo ay 'yung may mga mabababaw na kaligayahan. :)

-----------------------------
Ninakaw ko ang picture sa taas kay Netsrot ng Flickr (www.flickr.com)

Saturday, October 17, 2009

Ondoy Love Pepeng

Pansin mo ba ang kaguluhan? Rinig mo ba ang mga nakakabagabag na sigaw? Ito na ba ang nakasulat sa ating kapalaran? Nasundan mo ba ang anod ng bangungot? Nakita mo ba ang ganti ng kapaligiran? Humanga ka ba sa kabayanihan ng ilan? Sa tingin mo, meron ka bang ibang magagawa?

Bagyo. Sa ngayon katumbas ay bangungot. Kailan lang ay binura ng kalamidad na parang sulat sa blackboard ang ilang lugar sa bansa. Nakakatakot na baha na nilalangoy ng mga umiiyak na biktima. Maputik na tubig na lumamon sa tirahan at kabuhayan nila. Napuno ang mga eskwelahan, basketball court at mga munisipyo ng mga taong humihingi ng saklolo. Pinuno ng dasal ang alapaap ng pinagdausan ng traydor na bagyo. Mahaba ang pila sa mga evacuation centers para makahingi ng kaunting tulong na maaaring ipanlaman sa tiyan at masaplutan ng kaunti ang basang-basang mga katawan. Dumagsa ang bayanihan kahit saan. Kaya naman palang magkaisa, bakit ngayon lang?

Kasalukuyan akong nakikipagchat sa Facebook at naghaharvest ng tanim sa Farmville habang kasagsagan ng birthday party ni Ondoy. Bumabaha na pala sa labas, sige pa rin ako sa pakikipagchat at paghaharvest. Wala akong kaalam-alam sa pangyayari hanggang sa nakita ko na lang sa TV na parang naging melted chocolate na matabang ang buong Marikina. Kung hindi ko pa narinig na umiiyak sa TV si Jennica Garcia dahil stranded sila sa baha, hindi pa ko titigil sa pakikipagchat. Nakakabiglang malaman na nasa gitna na ng malaking bangungot ang mahal kong bayan – habang ako, nalulungkot dahil nabulok ang mga tanim ko sa Farmville.

Sa mga ganitong pagkakataon, tumataas talaga ang tingin ko sa mga Pilipino. Sa isang iglap, naglabasan ang lahat sa kani-kanilang mga lungga para magbigay ng mga tulong o relief goods na tanda na rin ng pasasalamat nila dahil hindi sila nasama sa trip ni Ondoy at ng kakosa nitong si Pepeng. (Bakit naman kasi sila pinangalanan ng gano’n? ‘Yan tuloy. Pwede namang Ondie, o kaya hmmm, Pepper). Nakakatuwa dahil pati mga artista, lumangoy na din at sinuong ang panganib para makapagligtas ng kapwa, nang walang hinihinging magandang anggulo sa camera. Bata, matanda. Mayaman, mahirap. Lahat tumulong. Kahit alam din ng lahat na hindi iyon sapat para matulungang makabangon muli ang mga nasalanta.

Pero madalas, talagang matatawa ka na lang.

Halos lahat ng evacuation centers na may reporter, laging may mga audience. ‘Yun bang tipong habang binabalita ng reporter na hirap na hirap na ang mga evacuees at halos lahat sila ay nagkakasakit na, agaw eksena ang mga mismong evacuees habang kumakaway sa camera at tuwang-tuwa pa. Meron pa nga, habang umiikot ang camera sa isang lugar na sinalanta ng bagyo, nakangiti pa sila at kumakaway habang nakasay sa improvised bangka at habang tinatawid ang baha. Minsan pa nga may nainterview na isang ginang, ang sabi niya “Ang hirap nga po tumawid dito. Haha! Ang taas pa ng singil nila. Hehe.” Sabay kaway pa sa camera. Mga Pinoy talaga. Hehe.

Tanong ng kaklase ko nung isang araw, “Bakit ganu’n? Wala na nga kong nasagot kanina sa finals, pero masaya pa din ako? Haha!” Ang sagot ko, “Eh kasi Pinoy ka.” Paano kaya kung hindi marunong tumawa sa kabila ng mga problema ang Pinoy? Sa tingin mo, kaya pa nating bumangon?

Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil hindi nasamang nahagupit nila Ondie at Pepper, ay mali, Ondoy at Pepeng pala, ang pamilya ko. Pero mas nagpapasalamat ako sa lahat ng mga tumulong sa mga kapwa nilang humihingi ng saklolo, sa loob at labas ng bansa, Pinoy man o hindi. Kung sasabihin naman ng ilan na wala silang ibang maibibigay kundi dasal LANG, nagkakamali sila. Wala ng ibang hihigit pa sa kapangyarihan ng dasal. ‘Yun lang ang pwedeng i-send ng walang bayad. Salamat dahil nagtutulungan tayong lahat. Salamat dahil hindi natin iniiwan ang isa’t-isa. At higit sa lahat, salamat dahil mayroon pa rin palang natitirang pagkakaisa sa puso ng bawat isa.

Sabi sa isang text message:

“Guys, babalik daw si Ondoy… para mag-sorry. Tatanggapin ba natin?”

Reply ng isang loko:

“P*kyu!”

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr