Bobo ako,
pero hindi naman ako tamad mag-aral,
dinadatnan din naman ako ng kasipagan na mas madalas pa sa bwanang-dalaw ng
isang dalaga. Wala namang nagsasabing bobo ako nang harap-harapan dahil
biniyayaan naman ako ng tadhana ng mga mabubuting kaibigan. 'Yun nga lang,
'yung mga hindi ko kaibigan, letse! Sila ang nagpaparamdam sa'kin na isa akong
taong hindi biniyayaan ng utak kahit isang gramo lang.
Nakatatlong
taon ako sa Grade 6. Taragis 'yan, grabeng kabobohan. 'Yung ate ko 'nun
naka-graduate na sa college at binuhay lang yata 'yung magaling na 'yun para
ipamukha sa'kin na hindi nag-eexist ang nervous system sa katawan ko. Araw-araw
ba naman sinasabi na wala daw akong utak, kundi ka ba naman mabad-trip 'pag
ganun. 'Yung nanay ko naman walang magawa, si ate kasi bumibili ng gamot niya
sa high blood eh. Kaya anlakas ng loob ng hayop na 'yun na yurakan 'yung
pagkatao ko. Kala mo kung sinong magaling.
Pagkagraduate ko ng elementary,
pucha! Nagpakain ba naman sa mga
kapitbahay namin! Sa wakas daw graduate na 'yung kapatid niyang bobo pagkatapos
ng ilang libong taon. Nababanas pa rin ako 'pag naaalala ko 'yun. Sa sobrang
asar ko 'nung mga araw na 'yun, hindi ako umuwi sa'min ng isang gabi. Isang
gabi lang, nahiya na kasi ako sa pamilya ng besprend ko kung saan ako
nagpalipas ng gabi. Pag-uwi ko sa bahay, pinagtawanan ako ng ate ko. Kabobohan
ko daw, kung maglalayas daw ako sana tinagalan ko man lang ng ilang araw.
Bwiset talaga. At nga pala, ampon kasi ako kaya ganun sa'kin si ate. Katulong
nila nanay ko ‘nun tapos namatay nanay ko dahil hinoldap tapos sinaksak 'nung baby pa ko. Tatay
ko naman ewan kung sa’n ba ‘yun, ni hindi man lang ako hinanap. Baliw.
'Nung
hayskul naman, nasa last section ako, pugad daw ng mga bobong katulad ko. 'Pag
nasa last section ka talaga pakiramdam mo para ka lang ligaw na asong ulul na
pinipilit turuan ng amo. Nandun 'yung classroom namin malapit sa CR. Putragis
talaga, umaalingasaw 'yung baho 'pag nagtuturo 'yung teacher namin sa English
pagkatapos ng recess, kaya ang ending, nagpapareport na lang si Ma'am sa mga
kaklase kong hindi naman nagrereport kundi nakikipag-gaguhan lang sa mga
kaklase naming mga gago din. Iiwan kami ng teacher tapos babalik pag nag-bell
na. 'Yung mga nasa section 1, palibhasa mga Diyos kasi kaya alaga ng school. Wala
naman kaming magagawa, mga bobo kami eh. Ano nga naman bang mapapala sa'min ng
school. Nagsipag-graduate na lang kami na hindi masyadong nalagyan ng palaman
ang mga utak. Inisip ko na lang, atlis, nakagraduate ako.
Umabot ako
sa kolehiyo nang wala masyadong laman ang utak. Pinilit ko, may pangarap ako
eh. Gusto ko makapag-suot ng kurbata tsaka 'yung damit na pinapatong sa long
sleeves pag JS Prom, amerikana tawag namin 'dun ng mga kaklase ko 'nung
Hayskul. Gusto ko suot-suot ko 'yun araw-araw kahit tirik na tirik ang sikat ng
araw tapos naka-kotse ako na kulay black, ay saya! Business pinasukan kong
course, sabi kasi ng tita ko 'yun daw 'yung kurso na dapat kong kunin kung
gusto ko magsuot ng kurbata at amerikana araw-araw kaya 'yun ang pinasok ko. Namasukan
akong kargador ng bigas sa bigasan ng tita ko kasi medyo may kaya din 'yun at
wala namang anak, nabaitan naman sa'kin kaya pinag-aral ako. Ayoko na kasi sa
bahay eh, nabwibwiset ako sa ate kong leche. Hay nako. So ayun, going back, hindi
naman masama. Pinilit kong pigain 'yung utak ko sa unang taon ko. Sabi ko sa
sarili ko, hindi ako lalabas sa classroom namin nang hindi man lang nababawasan
ng 1% ang kabobohan ko. Nakaraos naman din kahit pa’no. 'Yung mga talagang
hindi ko maintindihan na lessons kahit anung pag-tumbling sa ere pa 'yung gawin
ko, pinapaturo ko na lang sa kaklase kong mas maraming laman ang utak sa'kin.
Salamat naman din talaga sa kanya at pumasang-awa ako. Puro 3.0 ang grades ko,
at na-1.0 ko 'yung PE, favorite ko kasi 'yung basketball eh.
Kaso,
buwakanangina, hindi ko kinaya. Hiyang hiya ako sa tita ko. Sa pangalawang taon
ko sa college, nagsibagsakan na ako. Inang math kasi yan eh, dumali sa’kin nang
tuluyan tsaka ‘yung English. Wala na. Hininto ko na lang. Nakatatlong-singko
ako, psychology ata ‘yung isa ko pang binagsak. Pero gusto ko talaga makatapos
man lang ako kahit ano. Kaya pinatos ko na lang ‘yung kursong bokasyonal, ‘yung
pag-eelectrician sa TESDA. Mahilig din naman kasi ako magbuting-ting ng mga
gamit sa bahay. Pinangarap ko nga maging electrical engineer noon kaso binawi
ko din agad kasi nga papatayin ako ng Math. Sa kabutihang palad, natapos ko
naman nang maayos ang 396 hours na kursong ‘yun. Nagkaroon ako ng diploma at
tinulungan ako ng naging propesor namin para makapasok ako sa pinagtatrabahuhan
ko ngayon.
Eto ako
ngayon. Nagkaroon ako ng asawa na public school teacher at nagkaroon kami ng
dalawang anak. Sapat lang ang kinikita naming mag-asawa para makakain ng
tatlong beses sa isang araw at mapag-aral ‘yung mga maliliit naming anak. Hindi
natupad ‘yung pangarap ko na maging businessman na nakakurbata at naka-amerikana.
Sobrang bobo kasi ako – sobrang bobo para agad na sumuko. Nagpalamon ako sa
tatlong singko na nakuha ko ‘nung second year college pa lang ako. Masyado kong
dinibdib ‘yung pagturing sa sarili ko na isang bobo gayong hindi naman ako
nagpursige sa pangarap ko at sumuko na lang basta-basta. Pakiramdam ko ‘nun
nawalan ako ng silbi sa mundo, dinaig ko pa ‘yung mga kuto ng ate ko sa buhok
niya. May pag-asa pa sana ako tumalino nang kaunti kung nagpursige ako, kaso
wala, hanggang sa kahuli-hulihan, naging bobo ako.
‘Yung ate
ko sa Amerika na nakatira, sinama na niya si nanay. Hindi naman nila talaga ko
kadugo kaya wala na rin silang pakealam sa’kin. Inisip siguro nila wala rin
naman akong pakinabang. Lumipas ang mahabang panahon at unti-unti na ring
nawala ‘yung pakialam ko sa kanila. Pero hindi nangangahulugan na hindi ako
tumatanaw ng utang na loob sa kanila. Bobo ako – pero marunong naman ako maging
tao.
“I stood up as best I
could to their disgusting stupidity and brutality, but I did not, of course,
manage to beat them at their own game. It was a fight to the bitter end, one in
which I was not defending ideals or beliefs but simply my own self.
-George Grosz
----
Photo credits: www.mshape.wordpress.com
10 comments:
Thank you for joining BNP! Your blog has been posted! You can also vote for your favorite blogs! The Top 5 highest rated will be displayed in the Hall of Fame ;)
For site news & updates, check facebook.com/blogsngpinoy
waaaah! is this a true story or just a story.
-funny kc :) pero maganda :)
napadaan lang ^_^ hehe
si maiyang nandito din pala ^_^
Maraming salamat po sa pagtawid dito. :)
Kwentong guni-guni lang po ito. hehe. :)
Nice one. Napadaan lang, sarap tumambay dito ah. :)
Maraming salamat Rachelle!:))
Maraming salamat Rachelle!:))
Maraming salamat Rachelle!:))
It was very useful for me. Keep sharing such ideas in the future as well. This was actually what I was looking for, and I am glad to came here! Thanks for sharing the such information with us.
I really appreciate your professional approach. These are pieces of very useful information that will be of great use for me in future.
Post a Comment