Tuesday, March 23, 2010

ToPloYa: Ang Simula ng Pagtatapos

TOga, DiPLOma, MedalYA

Ito na siguro sa tanang buhay mo bilang isang fourth year hayskul student ang pinakapormal na pagpapalayas sa iyo ng iyong paaralan – ang GRADUATION. Handa na ang bagong biling black shoes, ang toga, diploma, medalya, ang background music na “ten…teneteten…tenten…teneteten…tenten..” na parang Christmas countdown lang, ang palakpakan ng mga taong handang sumuporta sa iyong paghakbang, at ang sarili mong mga paang nanginginig sa excitement! Ang pagtawag sa pangalan mo ang pinakamasarap sa lahat, ang sandali ng iyong pagsikat. Ang simula ng pagtingala sa iyo ng mga kapwa mo mag-aaral, mga kaguruan at nagmamalaki mong mga magulang na handang panoorin ka sa pag-akyat mo sa entablado ng pagtatapos.

Ang utak mo at ang mga bagay sa paligid mo ang magsisilbing CD player ng ‘yong nakaraan na magrerewind ng mga lipas nang pangyayari ng buhay hayskul kasabay ng kabang naghahari sa ‘yong dibdib. Sasariwa ang mga nakakahiya at nakakatuwang bagay sa isip mo…

…ang pagpasok mo ng eksaktong 5:45am para habulin ang flag ceremony tuwing Lunes…

…ang pakiramdam na para kang “alien” dahil sa biglaang “surprise quiz” tungkol sa nilesson kahapon kasi “absent ka!”

…ang pagkukwento ng talambuhay mo noong Sabado’t Linggo…

…ang pagtalsik ng laway ng mga guro sa tuwing pagagalitan kayo…

…ang paghikab habang gumagawa ng assignments sa classroom…

…ang pagrerecite, pangongopya, pakikipagdaldalan, pang-aasar, ang matinding panlalait at ang panghihinayang dahil sa nagpakopya ka…

…mamimiss mo rin ang mga “parasites” na laging humihingi ng papel kapag may quizzes, test, at written recitation at ako rin bilang “parasite”

…ang pagsusulat sa upuan, banyo, dingding, uniform, blackboard, desk, light-colored handkerchief para sa kodigo, notebook ng iba at sa lantarang pagpapaganda ng tattoo sa kamay.

…ang paglalagay ng pulbo, lipstick, make-up at pagsusuklay habang nagtuturo si titser.

…ang panonood sa mga classmates ko habang kumakain sa recess.

…at pagsisihan ang mga bagay na “dapat ginawa ko.”

Lahat ‘yan maaalala mo at tatakbo sa malikot mong pag-iisip. Wala pa diyan ang lovelife at friendship.

“Mahirap bang magpaalam?...oo! marahil HINDI…”

Mararamdaman mo ang kakaibang presensya sa paligid. Para bang may humahalimuyak na amoy na nanggagaling sa kung saan na ‘di mo malaman kung ano. ‘Wag na nating paikutin ang usapan, pero kung ibabase mo sa realidad, nakakalungkot talaga. Asahan mo na sa banding huli o sa kalagitnaan pa lang ng programa ay may luluha na at tatangis sa mga mata nila ang kalungkutan, kasiyahan, panghihinayang at lakas ng loob para harapin ang kinabukasan. Dadaloy sa katawan mo ang pakiramdam ng pagtibok ng ‘yong dibdib sa mga nangyayari. At ayan ang realidad! Kung may nasimulan ka, siguradong darating ka din sa wakas kahit hindi mo pa matapos ang kabuuan.

Mahirap talagang magpaalam. Kumbaga sa kamag-anak eh namatayan ka, ang pagkakaiba lang naman ay sa buhay ka magpapaalam at hindi sa patay. Pero kung sabay, mas mahirap.

Kung may mga bagay na magpapalungkot sa’yo, hindi iyon ang guro mo na laging nagpapaalala sa’yo ng birth certificate, NSO at tamang ayos ng buhok, hindi rin ang classmate mo na laging absent kapag maglilinis ng room, hindi rin ang skulmeyt mo na binabatukan ka tuwing magkikita kayo, hindi rin ang mga janitors na laging naglilinis ng banyo, maging ang mga gwardya na nahahati sa tatlo (pang-umaga, pang-tanghali, at pang-gabi) na laging binabantayan ‘yung mga estudyante, ang skul at lalo na ung gate na animo’y may kakaibang nilalang na bigla na lang papasok doon, hindi rin ang principal na laging present kapag may program, hindi rin ang mga kaibigan mo na laging isinusulat sa slumbook mo na bestfriend ka nila at lalung-lalong hindi ‘yung aso sa canteen, kundi ang mga alaala na humubog sa inyo, ang pagsasamahan sa mahabang panahon at ang pag-ikot ng mga katanungan sa isip mo na lalong magpapalala ng pagkabaliw mo…

“Dito sa paaralan na ito, sa apat na taon kong pagtungtong sa aspaltong buhangin na ito, ngayon ay mas matatag na ako kaysa sa bakal at semento, at mas maningning pa kaysa ginto. Ako ay pinanday sa lugar na ito at ginawang isang mahusay na sandata upang ihanda at gamitin sa susuunging laban.”

Ang kalungkutan ay pansamantala lang. ‘Wag kang matatakot sa mga darating na pagsubok, sabi nga ng mga guro, “nag-uumpisa ka pa lang.” Siguro ay sumagi rin sa isip mo na dapat ay magsikap ka at maging mabuti para baguhin ang kapalaran ng nanghihingalong bansa.

Ang pagtatapos na ito ay nagsisimula pa lamang. Sa pagkakataong ito, marahil ay isa pa lang tayong sisiw na pinapakain ng inahing manok ngunit alalm ko na hangad mo rin na balang araw na maging isang agila at makalipad nang malaya.

Ngayon ay ihanda mo na ang sarili sa gagamiting toga, sa pagtanggap ng diploma, at ang pagsasabit sa’yo ng medalya. At siguradong pagkatapos ng pagsubok na ito at pagkagising mo kinabukasan, magbabago ang lahat…


....
(mula kay geniustype07@yahoo.com)

2 comments:

Anonymous said...

wooooooow!!!! nice one!!! galing!!! ganda ng gawa mo eych!

eych said...

hehehe. hindi po ako may gawa niyan. yung kaibgan ko po. maraming salamat. :)

Post a Comment

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr