Wednesday, March 31, 2010

Emo.

Gabi na naman. Dumadami na naman ang mga emo.

Hindi ko alam kung saan nagsimula ang salitang "emo" at kung paano 'yan nauso. Basta ang alam ko lang, ang mga taong ito ay may mabigat na problema, may sakit na dinaramdam, may pusong nawasak, may bitukang bumulwak, o sadyang maarte lang. Sadyang makulay nga naman ang buhay ng tao. Sa sobrang makulay, minsan nakakasakit na sa mata. Hindi yata kumpleto ang buhay ng tao kung hindi siya makakaranas ng ilang minutong kagustuhang mapag-isa at mapag-isip-isip ang mga bagay-bagay at mga pangyayari sa paligid niya. Emo.

Sa status message pa lang sa Facebook (sorry Friendster, nakalimutan ko kasi password ko sayo), makikita mo na ang mga iba't-ibang klaseng ke-emohan ng mga tao. Sa Facebook kasi, madaling makita ng lahat ang mga gusto mong sabihin. Pwede kang magalit, magmura, maging sweet, mag-histerical, magbreak dance, at lahat lahat na - nang hindi nalalaman ng iba kung tungkol saan at para kanino talaga ang gusto mong sabihin. Eto mga sample: (Babala: Basta. May babala. Hehe)

-USELESS EFFORTS!.. HATE IT...........

-I said, what do you want?

-tuwing nakikita ko ang picture natin naaalala ko ung mga close times natin together....mga first tym ko naging close na close sau..

-PU****.i**!!! NAkAkAHiYA NAMAN 9NAWA MU ! HUHUHU .. UALA NUA N9A CUN9 MUkHAN9 MAiHARAP DUN SZA TAO .. WiNALAN MU PA CU N9 PA9kATAO !!! ANU kA BA NAMAN !!! i DiDN'T EXPECT THiS TO HAPPEN ! HUHUHU .. ='(

-Being happy doesn’t mean that everything is perfect. It means that you’ve decided to look beyond the imperfections.

-Before, hinahabol kita pero di mo ako pinapansin. Tapos isang araw nawala ako, hinanap mo ako at tinanong, “Bakit ka nagsawa?” Ngumiti ako, “Hindi ako nagsawa. Natauhan lang.” HAHAHA. tamang tma :))


-lagi nalang akong mag-isa..hmp!

-sometimes its better to keep silent than tell others what you feel...to keep your thoughts to yourself cause it'll only hurt when you know they can hear you but they can't understand...

-Lahat daw tayo nasa proseso ng PAGIGING TANGA, at pag nagmahal tayo ng MALING TAO, ibig sabihin... WE'VE COMPLETED THE PROCESS... :'D

-Ang asim ng mangga. Haha
(Ewan bakit nasama to hehe)


Parang mga ewan lang. Mga emo.

Pero kung papansinin at seseryosohin, maiisip mong may mga tao talagang nangangailangan ng makakausap at hinding hindi maipagkakaila 'yan. 'Yung iba naman, aminado sila sa mga sarili nila na kailangan din nila ng taong masasandalan sa mga oras na pakiramdam nila e sumuko na ang buong mundo sa kanila, ang problema lang, hindi sila nag-aabalang maghanap ng makakausap, o kaya, ni hindi man lang nila binalak. Mas pinili kasi nilang ipagsiksikan ang sariling nararamdaman sa isang maliit na kahong nagtatanong ng "What's on your mind?".

Hindi kumpleto ang pagiging emo kung wala ang konsepto ng "pag-iisa." Pero kung iisipin, marami naman talagang naidudulot na magagandang bagay ang pag-iisa. Masyado nang maingay ang mundo, masyadong magulo, ni hindi na nga kayo nagkakarinigan ng isip mo. Sa pag-iisa kasi minsan 'dun mo naiisip at napagtatanto 'yung mga bagay na hindi mo naiisip at napgtatanto kapag kalaro mo ang magulong mundo. Pwede mong maisip ang mga nakakalungkot na bagay, o kaya 'yung pinakamasasaya at mapapansin mong napapangiti ka na. Samahan mo pa ng mga tugtuging may nakakalungkot na himig na mas makapagpapatindi ng emosyon mo, solb ang pagiging emo.

Tugtugin. Mga music. 'Yan kadalasan ang kasa-kasama ng tao kapag wala na siyang ibang kayang sabihin. Pakiramdam mo e naiintindihan ka ng mga musikang pinapatugtog mo. Habang nagpapatugtog ka, 'dun mo pa mas lalong nararamdaman ang drama ng buhay mo. "It brings back the old memories," ika nga. Minsan mapapaluha ka na lang, kasi nga emo ka (hehe). Mahiwaga talaga ang nagagawa ng music. Sa isang iglap, kaya siyang pagkatiwalaan ng tao.

Pero hindi naman ganun kaganda ang naidudulot ng pag-iisa kung palagi mo na lang 'yun ginagawa. 'Yun bang sa mahabang panahon e kinukulong mo ang sarili mo at hindi mo hinahayaang tulungan ka ng iba na mabawasan 'yang sakit na nararamdaman mo. Ang problema lang kasi, masyado mong kinukunsinte ang mga nararamdaman mo. Hindi mo man lang naisip na napakaraming tao sa paligid ang handang makinig sa gustong sabihin ng puso mo at handang umintindi sa magulo mong isip, hindi mo lang sila binibigyan ng pansin kasi abala ka sa sarili mong damdamin. Oo. tama ka. Wala naman silang magagawa at wala rin namang mangyayari kung sasabihin mo sa iba kung ano ba talaga ang problema mo. Pero hindi ba't kahit paano, masarap isipin na may mga tao palang handang makinig sa'yo at kasama mong umaasa na sana paggising mo bukas, makakaya mo na ulit ngumiti at tuluyang maging masaya?

What's on your mind? Share.




---
Salamat sa www.shashum.com.ar/
convexa2009/08/
alone.html para sa larawan.

1 comments:

Anonymous said...

wow!!! may point ka!!! nice ^^,

Post a Comment

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr