Ang tanong niya sa sarili niya - "Makikipag-break na ba ako?" In behalf of her sarili, sasagot ako, "I-visualize mo 'yung pagmumukha niyang nakangiti dyan sa utak mo. Ano, keri?"
Hindi ko alam sa iba, pero sa tingin ko, kung ikaw ang babae at sa tingin mo hindi na maganda 'yung kinahihinatnan ng relasyon niyo.. 'te, tumigil ka na. At kung sasabihin mo naman ngayon sa'ken na hindi mo kaya dahil mahal na mahal mo nang sobra sobra sobra at madedeads ka 'pag wala siya at mas mamabutihin mo na lang na magpasakop sa mga alien kesa sa ipagpatuloy ang buhay mo sa Earth nang wala 'yang magaling mong boyfriend, ay 'Day, hindi ka pa ba nadedeads sa lagay na 'yan? Kaliwa't-kanang pasakit, naayos saglit, tapos kikirot na naman ulit, 'yan ba ang buhay para sa'yo? Kung ganyan lang, ay papasakop na lang ako sa mga alien at watusi kesa saktan paulit-ulit ng kasintahan kong magaling.
Sa isang relasyon, normal lang naman 'yung may konting tampuhan, hindi pagkakaunawaan at tutukan ng kutsilyo (oops.). Pero 'yung halos hindi ka na makahanap ng dahilan para ngumiti sa isang araw nang dahil lang sa boyfriend mong hindi ka pinapahalagahan, aba, ibang usapan na 'yan. Sabihin mo man na nagkakaayos naman kayo ulit at buong puso kang naniniwala na mahal ka naman talaga ng boyfriend mo, tingin ko hindi na sapat pang panghawakan 'yun. Pinagtagpo kayo ng tadhana at inutusang magmahalan, hindi paulit-ulit na magkasakitan.
Kidding aside, alam ko sa kabila ng lahat ng pagkukulang sa'yo ng boyfriend mo, umaasa ka pa rin na bukas, o kaya sa pagsapit ng isa pang bukas pagkatapos ng bukas, babalik siya sa dating "siya" na sumuyo sa'yo para manatili sa tabi niya at pinaniwala kang hindi ka iiwan. Alam ko na iniisip mong kung gaano ka nasasaktan ngayon, ganoon din naman katindi 'yung nararamdaman mong pagmamahal sa kanya na naging dahilan para tuparin 'yung ipinangako mo sa kanya na hindi mo rin siya iiwan. Kaso, gaya nga ng sinasabi ng napakarami, paminsan-minsan hindi na rin kasi talaga sapat 'yung pagmamahal lang mismo. Hindi sapat na itatak sa isip mo na as long as mahal mo siya, at alam mong mahal ka pa rin niya sa kabila ng lahat ng pambabalewala niya, magiging maayos pa rin ang lahat. Minsan kailangan mo rin maupo sa isang tabi at isipin mo kung masaya ka pa rin ba talaga. May mga pagkakataon din na kailangan mo na ring tumigil. Binigyan ng Diyos ng sapat na space ang mga planeta sa universe para maiwasan ang pagbanggan nila, at sa ganoong paraan, hindi sila masasaktan.
Nag-iiba ang tao kapag nagmamahal, iba't-iba man ng degree ng pagbabago, basta alam ko, may nagbabago. Simula kasi nang napagdesisyunan ng puso mo na mahalin 'yang tao na 'yan, kaligayahan na niya ang una mong iisipin sa lahat ng oras. Kung minsan hindi man ikaw mismo 'yung maging dahilan ng kasiyahan niya, basta ikaw naman ang gumawa ng paraan, solve na solve ka na. Hindi naman din kasi tayo nabuhay sa mundong 'to para pasayahin ang sarili natin, kundi, pasayahin ang lahat ng taong mahalaga sa mga buhay natin. Sabi nga sa kanta sa simbahan, "Walang sinuman ang nabubuhay, para sa sarili lamang.." Amen.
Ikaw kaibigan ko, kung ako man ang nasa kalagayan mo ngayon, kakalas na ako. Alam ko sasabihin mo sa'kin, 'yan ang bagay na pinakamadaling sabihin pero nakakamatay gawin. Kakalas na ako, sa simpleng dahilan na mahal ko ang sarili ko at pinapahalagahan ko 'yung mga taong mas nagmamahal sa akin ng totoo. Ayokong sayangin 'yung bawat araw ko sa kalungkutan at walang katapusang pag-iisip kung mahal pa ba niya ako o hindi na. At hindi na rin mahalaga sa akin kung mahal pa ba ako o hindi, sapat ng pruweba ang pambabalewala niya para paniwalaan ko ang huli. Pagkatapos kong makipaghiwalay, ibabaling ko ang buong atensyon ko sa pamilya ko at sa ilang kaibigan ko na hindi ko masyadong nabigyan ng pansin dahil masyado akong naging abala sa boyfriend kong cute. Aayusin ko ang sarili ko. Hindi na ako iiyak, sapat na 'yung galon-galon ng luha na nailabas ko 'nung kami pa. Gagawin ko ang lahat para mapataas ang halaga ko bilang isang babae, 'yung sa sobrang taas ng halaga ko, may karapatan na akong maging choosy sa susunod kong syosyotain.
Hindi pa ako nagkaka-boy friend. Pero sa dami nang mga napanood kong Koreanovela na love story, pakiramdam ko nakarami na ako.
"Hindi ako pinanganak sa mundong 'to para lang masaktan nang paulet-ulet 'no. Kahit mahal ko pa siya ng sagad-sagaran, kung ginagawa naman akong loka-loka araw-araw, ay nako, tigilan ako! Sinasayang niya lang ganda ko!"
-2007
P.S. Sa mga lalaking mambabasa na napapasailalim sa parehong karanasan, maaari po lamang na palitan ang mga salitang "babae" ng "lalaki" at ng "girlfriend" ng "boyfriend" and vice ganda..i mean, versa. Maraming salamat po at mwah mwah tsup tsup. :)
This blog is dedicated to my friend out there! Hahaha peace :))
---
Photo Credits: www.whatsyourdamageheather.wordpress.com
Friday, March 16, 2012
'Wag Mo Kong Pilitin Makipag-Break Sa'Yo! Mwuaaah!
11:14 AM
Eych
2 comments
2 comments:
aba ukie ah
Hi,
Hope you don’t mind me getting in touch. I’m Adnes from BlogDash. Just want to let you know, we are looking for Bloggers that accept business blogging opportunities. If this is something that could interest you, please get in touch with us. Thank you
Post a Comment