Wednesday, July 29, 2009

13 kUTOS ng Estudyante

May 10 utos ang Diyos. May batas na sinusunod sa isang bansa. May batas sa klasrum. May batas sa kalsada. May batas sa paggamit ng swimming pool. May utos ang Simbahang Katoliko. Laging nang-uutos ang nanay mo. Utos nang utos ang guro mo. Pero 'wag kang mag-alala bata, may naghihintay ding utos mula sa'yo na dapat sundin - hindi nang mga nang-uutos sa'yo - kundi ng mga batang tulad mo e biktima din ng pang-uutos. Magulo ba? Utos ka kasi ng utos! Tsk Tsk.

May binigay sa aking isang lumang cartolina na naglalaman ng "13 kUTOS ng Estudyante" ang classmate ko (na 'nung isang dekada pa niya binigay pero ngayon ko lang nilagay dito). 2nd year high school daw nila ginawa 'yun ng mga kaklase niya (2nd year college na kami ngayon, di ako makapaniwala). May mga pangalan ditong mababanggit na hindi pamliyar sa inyong mga tenga, mata at isipan. Pero may common sense naman kayo. Ako kasi wala.




Kung hindi mo maintindihan ang mga nakasulat, eto:

13 Kutos ng Estudyante (II-I) - [2nd year, section 1]

1. Ibigin mo ang guro nang higit sa lahat, wala kang ibang susundin kundi si Mam Compollo. (Terror na teacher ata nila 'to)

2. Huwag susundin ang sinumang guro na nagbibigay ng mababang marka, 'yung may "plus" lang.

3.Huwag kang sumipsip sa'yong guro, dahan-dahan lang, baka mabulunan ka.

4.Pumasok ka ng 07:30 am sabay sabi ng "I'm sorry I'm late, I will not be late again."

5.Igalang mo ang mga nagpapakopya sa'yo.

6.Huwag kang magpatawa kung walang sense.

7.Huwag mong i-share ang assignment mo sa di mo friend, sa'kin lang ok! (Antigas ng mukha nito hehe)

8.Huwag mong tantanan ang iyong classmate sa pang-aasar. Di kita tatantanan!

9.Huwag kang mangopya, baka magka-stiff neck ka.

10.Ang lahat ng bagay ay dapat na "kinacareer".

11.Huwag kang dumaldal kung "bad breath" ka.

12.Huwag kang magpanakaw, magnakaw ka lang. Hirap ng buhay wala nang libre ngayon.

13.Huwag mong pagnasahan ang bolpen na napulot, chalk ni Mam Mendoza, 1/4 sheet ng katabi, at most especially, tignan ang lesson plan ni Mam. Lagot ka!


Mensahe mula sa langit (?):

Tandaan, hindi lahat ng mga kautusan sa mundo ay mabuti sa kalusugan. Mag-isip ng mabuti.

Friday, July 24, 2009

Konting-Konti na Lang.. Dedbol Na!

Sabi kanina sa bali-balita, patay na daw si Willie Revillame. Pero wala siyang masyadong kinalaman sa blog na 'to. Shinare ko lang 'yun.

May nakita akong isang site na nakakatuwa para sa'kin. Inuulit ko, "para sa'kin". Ewan ko kung paano ko napunta sa site na 'yun. Hhmm. Ai alam ko na, tinitignan pala 'yun kanina ng kaibigan kong naki-log-in sa Friendster dito sa typewriter namin. Oo. Typewriter. At ang shoutout niya, "..life is too short.."

Alam mo ba 'yung pakiramdam na halos katabi mo na si Kamatayan? Na konting-konti na lang, mag-ha-happy trip na kayong dalawa? Oh kaya naman, katapusan mo na pala, inuunti-unti ka lang. Paano kaya kung nangyari sa'yo 'yun? Anong gagawin mo?



Paano kung ikaw 'yung ibon?
Ano o sino ang ahas na tatapos sa'yo?
Lilipad ka ba palayo?
tatanggapin mo na lang ang tadhana mo?



Paano kung ikaw 'yung talangka?
Makakawala ka pa kaya sa buwaya?
Kung sa mga pagkakataong ito,
Kayo lang ang nasa mundo?



Paano kung ikaw 'yung maliit na palaka
Na tinapos ng traydor mong kapwa?
Magagawa mo bang magpatawad,
Sa kabila ng lahat?



Paano kung ikaw 'yung walang malay na ahas?
Na trinaydor din ng kapwa mong walang habag?
Paano ka makakaligtas,
Kung nahulog ka na pala sa sinikreto niyang bitag?



Paano kung sa malayo mong paglipad,
Sa impyerno ka din pala mapapadpad?
Makakabangon ka pa kaya?
O kaluluwa mo na lang ang hahayaan mong makalaya?

..
..
..
..
..
..

Paano kung pagkatapos mong mabasa ang blog na 'to.. 'kaw na lang pala ang hinihintay sa happy trip ni Kamatayan? May magagawa ka pa ba?




...pero syempre joke lang 'yun! hehe. =)



-----------------------------
mula sa http://www.environmentalgraffiti.com/featured/death-is-milliseconds-away/10927

Sunday, July 12, 2009

Isinantabing Rak-'n-Rol

"Malalaman mo lang ang halaga ng isang tao 'pag nawala na siya..."

Sabi 'yan ng kapatid ko habang nanonood kami ng music videos ni Michael Jackson. Pero ang totoo, bad trip lang siya kasi inagawan namin siya ng pagkakataon na makapanood ng "Nasan Ka Maruja?".

Pero, kung didibdibin ko ang sinabi ng kapatid ko, mukhang tama naman siya. Kung hindi naman namatay si Michael Jackson, hindi naman namin siguro papanoorin ng mama ko 'yung mga videos niya at makikipag-rock and roll na lang kami kay Maruja. Lalo na sa tulad kong hindi naman talaga niya fan. Aminado akong hindi ko siya masyadong na-appreciate 'nung nabubuhay pa siya. Siguro kasi hindi naman siya nagsimulang sumikat 'nung iniluwal ako sa mundo. Ngayon ko lang talaga siya na-aapreciate. Ngayon lang...kung kelan wala na siya.

Napakaraming bagay sa mundo na hindi natin nabibigyan ng pansin, ng panahon at atensyon. Magugulat na lang tayo sa lungkot na mararamdaman natin 'pag tuluyan na silang nawala nang hindi man lang natin ito nakuha, nahawakan, o kahit nasulyapan man lang. Akala kasi natin, may mas "da best" pa sa mga bagay na dumadaan sa buhay natin. Ang hindi natin alam, minsan lang tayo makakahanap ng mga ganoong klaseng bagay. Namayani kasi sa pagkatao natin ang mag-hangad ng "mas".

Pero syempre, hindi rin natin masisisi ang mga sarili natin. Malay ba natin kung 'yun na ang pinakamagandang bagay na pwedeng mangyari sa buhay natin, di ba? Ang mali lang natin, hindi man lang natin 'yun nabigyan ng pagkakataon para sana maging "the best" para sa atin. Sa madaling sabi, paminsan-minsan, hindi tayo marunong magpahalaga.

Maraming bagay ang pwedeng mawala, o pwedeng nawawala na habang tinatype ko ang blog na 'to. Maraming bagay na mas magandang pagsisihan matapos mong magawa, kesa pagsisihan dahil wala kang nagawa.

Habang may pagkakataon, habang hawak mo pa ang mga bagay-bagay sa paligid mo, habang kasama mo pa ang mga taong nagpapatawa sa'yo, habang nakikita mo pa ang mga taong mahal mo, habang humihinga ka pa kasabay nila, matuto kang magpahalaga at magpasalamat. Dahil hindi mo alam, pag-dilat ng mata mo sa umaga, nagbago na pala ang lahat.




-------------------------------------------------------------------------------------
Salamat sa http://www.flickr.com/photos/mohlat/2154005907/ para sa larawan.

Saturday, July 11, 2009

Michael Jackson.. Nagmulto?

Ang balak ko lang ngayon sa internet ay mag-search ng skin anatomy. Pero tinamad ako. At eto ang nakita ko:



Sa tingin mo, si Michael Jackson nga ba to? Hhmm.

Wednesday, June 10, 2009

Siya ang Idol Mo, Hindi Siya!

Naisip ko lang, ano nga ba ang basehan ng isang tao para masabing gusto niya ang kung sinumang nakikita niya sa TV?

Napanood ko kanina sa balita na marami sa mga tagasubaybay ng isang sikat na koreanovela ang gumagaya sa mga hairstyles ng mga bida nito. Marami din ang bumibili ng mga pictures, gumagawa ng fansite sa internet, mga kunong friendster account ng mga artista, nagsesearch ng kung anu-ano sa kung saan-saan, malaman lang na walang girlfriend o boyfriend 'yung paborito nilang celebrity. Ang tanong tuloy, idol mo nga ba talaga 'yung mga artista na yun, o 'yung mismong papel na ginampanan nila sa isang palabas kung saan mo sila unang nakilala?

Una kong naisip 'yun 'nung minsan akong naging adik sa Koreanovela na Spring Waltz (palabas 'yun dati sa ABS-CBN). Hindi ko alam kung bakit anlakas ng dating sa'kin 'nung palabas na 'yun. Lagi akong nagse-search sa internet ng mga pictures ni Han Hyo Joo na gumanap bilang Arianne Park at ni Seo Do-Young na gumanap naman bilang Christian Yoon. Halos araw-araw, ganoon ang ginagawa ko sa harap ng computer namin. Hanggang sa naisip ko na lang, si Han Hyo Joo at si Seo Do-Young nga ba talaga ang gustong-gusto ko? O 'yung sina Arianne Park at Christian Yoon na ginampanan nila?

Patok ngayon ang Boys Over Flowers at aminado ko, adik ako 'dun ngayon. Ganoon din ang ginawa ko, naghanap ako ng pictures nila Kuh Hye Sun (Geum Jan Di) at ni Lee Min Ho (Gu Jun Pyo) sa internet. Pero sa tingin ko, hindi sila ang gusto ko, kundi mismong sino Geum Jan Di at Gu Jun Pyo. Masyado na ba kong magulo?

Para mas maguluhan ka pa, eto ang ibig kong sabihin:

Gusto ko si Bella Swan, hindi si Kristen Stewart.
Gusto ko si Eduard Cullen, hindi si Robert Pattinson.
Gusto ko si Yoon Ji Hoo, hindi si Kim Hyun Joon.
Gusto ko si Aya Ikeuchi, hindi si Erika Sawajiri.
Gusto ko si Jamie Sullivan, hindi si Mandy Moore.
Gusto ko si Dorothy Gale, hindi si Judy Garland.
Gusto ko si Audrey King, hindi si Kim Chui.
Gusto ko si Cindy, hindi si Joe Chen.

Naisip ko kasi, di ba kaya naman natin nagugustuhan 'yung isang artista ay dahil sa ganda ng papel na ginampanan niya sa isang palabas na pinagbidahan niya? Ibig sabihin, ginusto natin ang buhay na ipinakita niya sa mga tagahanga't manunuod niya. Ginusto natin ang istoryang alam nating hindi naman talaga nangyari sa buhay ng artistang gusto natin.

Halimbawa na lang, si Geum Jan Di at Gu Jun Pyo ng Boys Over Flowers. Ginusto natin ang takbo ng istorya nilang dalawa. Kinilig tayo sa bawat eksena nila. Pero kung kikilalanin natin sila bilang sina Kuh Hye Sun at Lee Min Ho, hindi natin pwedeng ipilit na magkatuluyan sila. At 'yun kadalasan ang problema sa mga tagahanga, ang simpleng paghanga, dinadala hanggang sa tunay na buhay ng mga hinahangaan. Samakatwid, idol natin ang role na ginampanan nila, hindi sila! (opinyon lang!)

Kaya ako? Hindi na ko mag-aartista. Magmamadre na lang ako. (hehe)

Thursday, June 4, 2009

Back-Backan-to-School

Muntik ko nang makalimutan. Nagsimula na nga pala ang pasukan. Hindi ko naramdaman dahil kakabakasyon ko lang mula sa summer class namin (kung bakit ako nag-summer ay secret ko na yun hehe). Pero sa totoo lang, 1 month ago na mula nung natapos 'yun, pero feeling ko kakadismiss pa lang ng klase namin. Siguro dahil hindi na ako elementary o high school na nasasabik sa unang araw ng eskwela.

Nakakatuwa at nakakaasar ang paligid kapag nagkakaroon ng back-to-school fever, lalo na sa mga bookstores kung saan hindi ako makapagconcentrate sa mga binabasa kong libro sa "no private reading please" section (kung bakit naman kasi napakamahal ng mga libro). Kalat-kalat 'yung mga notebooks sa mga shelves tapos sasabayan pa ng nakabusangot na mukha ng mga sales lady na nag-aayos ng mga notebooks at iba pang school supplies na nagugulo kada limang segundo. Ang haba-haba ng pila sa cashier. Naasar ako dahil isang pirasong ballpen lang ang bibilhin ko tapos pinilahan ko pa ng halos isang oras. Nagkakabanggan na ng pushcarts, nagkakapalitan na ng amoy at mukha. Pero bakas sa mukha ng mga bata 'yung tuwa kapag hawak na nila 'yung mga bagong gamit nila para sa darating na pasukan. :)

Pero syempre, sa una lang 'yun.

Sa una, sisipagin ang bata sa pagsulat sa notebook niya dahil bagong-bago ito. Bago ang unang araw ng pasukan, minsan nga isang buwan pa, excited ang bata na maglagay ng mga school supplies sa bago niyang bag, o kaya pwede na din 'yung luma 'pag malawak ang pag-unawa niya. Excited siya na gumawa ng assignments, at gumawa ng kalokohan. May ritwal din na pagpapagawa ng name tag na suot-suot ng bata mula sa paglabas ng bahay hanggang sa makauwi siya. Minsan kahit nangangalahati na ang school year, nakasabit pa rin sa leeg ng bata ang name tag at hindi pa rin siya kilala ng teacher niya. At diyan nagsisimula ang malungkot na storya ng buhay ng isang mag-aaral.

Tambay sa kanto: Hi Rogelio Manglicmot ng Grade 1-Matipuno!
Bata: Mami, bakit alam niya my name? Am I really sikat?
Nanay: Huh?


Nauuso din ang asaran sa first day, kawawa ang mga may bago at nangingintab na mga sapatos 'pag may nagsabing "binyagan na 'yan!! wahahaha!". May mga papasok na lang din bigla na unat na ang dating kulot salot na buhok. May mga nagpa-gupit ng prescribed na haircut para sa mga lalaki, may ilan din na pinanindigang "baduy" ang ganung gupit at naglagay pa ng bangs para rock 'n roll. May mga bagong classmates na sa umpisa e kala mo napakatahimik na tao pero hayup sa kulit pag nagtagal na, at may ilan din na lumipat na ng ibang school at classroom. May mga bagong teacher na malupit sa unang klase, 'yung nagpa-assignment na agad. Mapapansin din na ang aaga pumasok ng mga estudyante pag unang linggo ng klase, at unti-unting nawawala hanggang sa wala ng may trip na pumasok ng maaga. May mga orientation lalo na para sa mga freshmen na nagsasabing bawal magtapon ng basura at panatilihin ang kalinisan sa buong paaralan. Andaming anik-anik. Ganyan ang kadalasang eksena sa mga paaralan sa unang araw ng pasukan.

Pero sa mga college students, ibang eksena naman 'yan. Mas konting school supplies lang ang kailangan. Minsan, kahit ballpen lang at tinging yellow pad lang ang dala, ayos na. Wala na masyadong excitement sa first day of schhol, pwera na lang sa mga freshmen. Masarap pa rin balikan 'yung mga oras na namimili kayo ng notebooks ng kapatid mo, tig-12 piraso pa kayo. Pero masaya na ring isipin na nakatapos ka na sa ganoong stage ng buhay mo at papunta ka na ngayon sa mga kumplikado't mas malawak na mundo ng pagbabago.

Sa lahat ng mga may pasok na at papasok pa lang, good luck! Pwede mong balikan 'yan, pero gawin mo na ang lahat para wala kang pagsisihan.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr