Sunday, August 16, 2009

Best Friend, I Lab You!

Hindi naman ito ang buhay na pinili ko. At lalung-lalong hindi ito ang buhay na pipiliin ko kung papipiliin man ako ng pagkakataon. Kaso minsan, hindi ko rin masabi. Naging masaya naman ako, kaso hindi ko rin naman maiwasan 'yung masaktan. Kaso ganito talaga ang buhay. May dahilan ang lahat nang mga nangyayari, at naniniwala ako sa kasabihan na 'yan.

Corny man sabihin, pero iba talaga ang nagagawa ng pagmamahal sa isang tao. At para sa'kin, ang pag nagmahal sa isang tao, mahal man siya o hindi, dapat hinding-hindi niya iisipin na mamahalin din siya ng taong minamahal niya. 'Yun ang kaso ko, mahal ko kasi siya. Siya naman mahal 'yung kaibigan ko. At 'yung kaibigan ko, may mahal ding iba. Ang gulo nga eh. Pero eto ang buhay na binigay sa'min ng tadhana, ano naman magagawa namin di ba?

Sakripisyo ang pag-ibig. Hindi na importante kung mahal ka man o hindi ng mahal mo, ang mahalaga, alam mo sa sarili mo na lagi kang nandyan kung sakaling kailanganin niya ng kaibigan. Hindi mo papangarapin na maging kayo kahit gustong-gusto mo, sa halip, papangarapin mo na sana maging sila ng taong mahal niya para maging masaya siya. Minsan, parang ayaw ko na siyang makita. Hindi dahil sa umiiwas ako. Ayoko lang kasi na makita siyang nagpapanggap na masaya, baka mas masaktan lang ako.

Sa loob ng sampung taon, siya lang ang taong minahal ko. Nasabi ko na 'yun sa kanya, kaso pabiro lang. Kaya akala niya, nagbibiro nga lang talaga ako. Basta ganun 'yun. Sinabi ko 'yun nung Grade 6 kami. Sobrang bata, akala ko nga bata pa talaga ako nun at magbabago ang lahat pag dating ng high school. Kaso hindi, hindi ko alam kung bakit.
Tapos na kami ng college at hanggang ngayon, mahal na mahal ko pa rin siya. At nasasaktan ako para sa kanya. Wala kasi akong magawa para maging masaya siya. Ang mas masakit pa, hindi niya pinapakita sa iba na kahit paano, mahina din siya. Sa mata ng iba, ayos lang siya, masayahin. Pero sa mga mata ko, katulad ko rin siya. Itinatago ang lahat. Duwag.

Alam mo yung kantang Friend of Mine? Naiiyak ako pag naririnig ko yung kanta na yun. Nakakarelate kasi ako eh. Ayokong malaman niya na mahal ko pa sin siya hanggang ngayon. Pag ginawa ko yun, baka yung pagkakaibigan namin na pinanghahawakan ko ay mawala pa. Kahit pa minsan nararamdaman kong meron din akong lugar sa puso niya, ayoko pa ding umasa. Eh kasi wala lang, ay hindi meron pala. Ayoko lang talaga umasa. Masaya na akong mabuhay bilang kaibigan niya. Gusto ko nakikitang nakangiti siya. Gusto ko lagi siyang masaya. Pinagdadasal ko yun lagi.

Hindi ito ang buhay na pipiliin ko. Pero ewan. Tingin ko kasi, kailangan niya ako kahit alam kong hindi. Grabe magulo talaga ko no? Kalaban talaga ng tao ang magulong isipan. Sa sobrang gulo ng isip mo, hindi mo na alam kung tama pa ba ang ginagawa mo. Minsan nasasabihan ko na ring tanga ang sarili ko. Lagi kong sinasabi sa isip ko, "Hello Janna??? 10 years mo nang mahal yan, hindi ka pa sumusuko???". Tapos maiisip ko din bigla kung nagsisisi ba ko dahil minahal ko siya. Tapos sasagutin ko din ang sarili ko ng hindi. Hindi ako nagsisisi kasi, hindi ko alam. Hindi ko din alam kung bakit ko siya mahal. Iniisip ko na lang din, siya rin naman, nahihirapan. Hindi rin naman siya mahal ng mahal niya. Ganyan nga yata talaga ang buhay. Pag mahal mo, hindi ka mahal. Pag gusto mo, hindi naman para sayo. Pag may dala kang payong, wala namang ulan. Hehe.

Pero sa buhay, marami ka talagang matututunan. Lalo na sa love. Hindi rin kasi sapat yung haba ng pinagsamahan niyo, yung pagkakapareho o similarities niyo, o kaya yung dami ng sakripisyo mo sa kanya para hilingin mo na sana kayo na lang ang itinadhana. Kasi at the end of the day, kahit wala ang lahat ng mga nabanggit ko, kung talagang mamahalin ka niya, mangyayari at mangyayari yun kahit wala kang gawin na kahit ano.

May gusto lang akong sabihin sa taong mahal ko. Alam ko naman na magugulat ka kung malaman mong ako ang may gawa ng blog na to, pero hindi ka naman masyadong nagcocomputer, ni wala ka ngang Friendster eh, kaya baka hindi mo rin to malaman at ayokong malaman mo. Alam mo ba, lagi kong dinadasal na sana maging masaya ka. Pag masaya ka, nagiging masaya na din ako kahit medyo masakit. Pero pag nalulungkot ka, mas lalo ako. Alam mo ba yun? Akala mo lang wala akong pakealam, pero umiiyak din ako silently with you sa tuwing magkukwento ka tungkol sa kanya. Anung kanta ba yung may lines na "binabasura ng iba ang siyang pinapangarap ko?'". Parang ganun kasi. Kahit na alam kong hindi ako sumasagi sa isip mo sa araw-araw na nabubuhay ka, kahit wala man ako sa alala mo sa buong maghapon, gusto kong malaman mo. Kailangan mo man ako o hindi, nandito lang ako. sana alam mo yan. Sana lang talaga. At masaya akong nakilala kita.

Ang gulo ng blog ko. Natuwa lang kasi ako dito sa Ped xing. Salamat sa mga tao dito kung maisipan niyo man ipost to hehe. Pasenya na mahaba na pala. Mwaaah sa mga tao. hehe. Godbless yah alL!


------------------------

Mula kay Janna (mamamatay daw ang magpopost ng e-mail add niya dito)

Thanks kay Janna. Kung sino ka man, salamat. Dapat hindi lang kasiyahan niya ang pinagdadasal mo, dapat yung kasiyahan mo din. 10 years? Grabe. Antibay mo friend. Sana makita at mapansin ka din niya kahit minsan. Naks! Maganda tong blog mo, may natutunan ako, Hehe. Salamat ulit. =)

Sunday, August 9, 2009

Ang Paborito Kong Guro *Bow*

"Masyado na yata kayong matatalino. Your impersonating persons. From now on, there will be no discussions. Kokopya na lang kayo tapos quiz na!"

Sabay walk-out.

Sabi 'yan ng Prof namin 'nung isang araw nang mahuli niya 'yung ilan sa mga kaklase ko na nag-iimpersonate ng mga Prof. Galit na galit talaga siya sa'min. Pero ramdam ko na karamihan din sa'min, nakaramdam din ng galit - hindi sa Prof namin na nagalit sa'min - kundi sa lahat ng mga Prof namin ngayon na hindi namin alam kung gusto ba nila kaming matuto o gusto lang kami pagtripan.

Bayani ang mga teachers. Walang duda 'yan.Pero hindi talaga maiiwasan na mapunta sa section niyo ang ilang mga teachers o Professors na pinanganak lang yata sa mundo para asarin kayo, turuan magtiklop ng brief at panty imbes na ituro kung para saan ang epidermal ridge, hulaan ang mga kapalaran niyo sa halip na turuan kung paano gumamit ng keyboard, at ikumpara kami sa ibang section tapos sasabihin every exams, "Tapos na ba kayo mangopya? Pass your papers now." May iba pa diyan na idadaan na lang sa pagwo-walk out ang mga bagay-bagay. At sa bandang huli, topic na ng tsismisan sa faculty ang section niyo. Tsk tsk.



Balik tayo sa Prof namin na nagalit. Maraming tumatakbo sa isip ko 'nung mga panahon na 'yun. Marami akong gustong sabihin sa kanya kaso wala akong lakas ng loob. Gusto kong sabihin sa kanya, "Ganun na lang 'yun Sir, 'pag nagalit kayo sa'min, hindi na kayo magtuturo? Kung ganun na lang ang lahat ng teachers sa mundo, hindi nakakapagtaka kung bakit maraming lumalaking mahina't walang alam."

'Yung isang Prof naman namin, lagi niyang ipinagmamalaki na pogi siya, na maganda asawa niya at naaasar na siya kung bakit ang galing-galing niya. Pero ni isang bagay na may kinalaman sa subject namin, wala siyang binalak ituro. Ay meron pala, ano ang itsura ng hard disk 'pag kinakalawang.

The best naman 'yung Prof namin sa isa pang subject namin. Walang ni isang meeting na pinalagpas para ituro ang tamang pagtiklop ng underwears na dapat ay tungkol sa different body systems ang pag-uusapan namin. Ayon sa kanya, doon mo daw malalaman ang personalidad ng isang tao - sa pamamagitan ng pagtiklop ng underwear. Ikaw, alam mo ba kung paano?

Pero wala talagang tatalo sa Prof namin sa aming major subject. Mabait naman siya, kaso minsan talaga pagdududahan mo 'yun. Nagwalk out na din siya samin. Nagtaka naman kami kung bakit dahil tahimik naman kami. Hanggang sa kinausap siya ng vice president namin, ang sabi, sobrang ingay daw namin at trip niya kaming ibagsak. May batas bang nagsasabing pwedeng mambagsak ng Prof? Saang parte ng saligang batas 'yun? Paki-email naman saken. Thanks.

Hindi ko matandaan kung sino ang nagsabi na hindi mahalaga kung anong klaseng teacher meron ka, ang mahalaga, e kung naging anong klaseng estudyante ka. Pero minsan talaga mababad-trip ka na lang bigla. Pinipilit mo naman na mag-aral mabuti, kaso iba ang lumalabas sa exams. Tsktsk.

Hindi ba pwedeng tulungan na lang? 'Yung mga teachers at professors na tamad magturo at walang ginawa kundi pagtripan ang mga estudyante, siguro po Mam, Sir, hanap na lang po kayo ng ibang trabaho. O kaya kung gusto niyo bumuo kayo ng sarili niyong Talk Show at circus.

Pero syempre, kahit paano, may natira pa ring mga matitinong alagad ng edukasyon na gumagabay samin. Ayaw din nila ng maingay, pero marunong silang mag-saway at ituloy ang pagpuno sa mga utak naming paminsan-minsan eh nakukulangan at nababawasan ng kaalaman. Hindi silang nagwo-walk out. Nagtuturo sila ng maayos, at nakakapag-aral din kami ng maayos. Ang resulta? Magagandang grades at alaalang tatatak sa isipan namin na minsan, dumating sila sa buhay namin para turuan kami sa iba't-ibang aspeto ng buhay.

"Hindi namin kailangan ng sobrang talino, walking and talking encyclopedia, live calculator o isang genius na Prof o guro, ang kailangan namin ay isang may malasakit sa kapakanan naming lahat, at hindi 'yung nagpapasikat lang."

Sorry sa mga Professors na napagtripan naming gayahin ang mga mannerisms. Isipin niyo na lang po, ang cute niyo kasi kaya ginagaya namin kayo. Peace! :)



P.S. Sa mga kaklase ko na nag-udyok saken na isulat ang blog na ito, walang laglagan 'pag nagkayarian ha? haha! :)

Wednesday, July 29, 2009

13 kUTOS ng Estudyante

May 10 utos ang Diyos. May batas na sinusunod sa isang bansa. May batas sa klasrum. May batas sa kalsada. May batas sa paggamit ng swimming pool. May utos ang Simbahang Katoliko. Laging nang-uutos ang nanay mo. Utos nang utos ang guro mo. Pero 'wag kang mag-alala bata, may naghihintay ding utos mula sa'yo na dapat sundin - hindi nang mga nang-uutos sa'yo - kundi ng mga batang tulad mo e biktima din ng pang-uutos. Magulo ba? Utos ka kasi ng utos! Tsk Tsk.

May binigay sa aking isang lumang cartolina na naglalaman ng "13 kUTOS ng Estudyante" ang classmate ko (na 'nung isang dekada pa niya binigay pero ngayon ko lang nilagay dito). 2nd year high school daw nila ginawa 'yun ng mga kaklase niya (2nd year college na kami ngayon, di ako makapaniwala). May mga pangalan ditong mababanggit na hindi pamliyar sa inyong mga tenga, mata at isipan. Pero may common sense naman kayo. Ako kasi wala.




Kung hindi mo maintindihan ang mga nakasulat, eto:

13 Kutos ng Estudyante (II-I) - [2nd year, section 1]

1. Ibigin mo ang guro nang higit sa lahat, wala kang ibang susundin kundi si Mam Compollo. (Terror na teacher ata nila 'to)

2. Huwag susundin ang sinumang guro na nagbibigay ng mababang marka, 'yung may "plus" lang.

3.Huwag kang sumipsip sa'yong guro, dahan-dahan lang, baka mabulunan ka.

4.Pumasok ka ng 07:30 am sabay sabi ng "I'm sorry I'm late, I will not be late again."

5.Igalang mo ang mga nagpapakopya sa'yo.

6.Huwag kang magpatawa kung walang sense.

7.Huwag mong i-share ang assignment mo sa di mo friend, sa'kin lang ok! (Antigas ng mukha nito hehe)

8.Huwag mong tantanan ang iyong classmate sa pang-aasar. Di kita tatantanan!

9.Huwag kang mangopya, baka magka-stiff neck ka.

10.Ang lahat ng bagay ay dapat na "kinacareer".

11.Huwag kang dumaldal kung "bad breath" ka.

12.Huwag kang magpanakaw, magnakaw ka lang. Hirap ng buhay wala nang libre ngayon.

13.Huwag mong pagnasahan ang bolpen na napulot, chalk ni Mam Mendoza, 1/4 sheet ng katabi, at most especially, tignan ang lesson plan ni Mam. Lagot ka!


Mensahe mula sa langit (?):

Tandaan, hindi lahat ng mga kautusan sa mundo ay mabuti sa kalusugan. Mag-isip ng mabuti.

Friday, July 24, 2009

Konting-Konti na Lang.. Dedbol Na!

Sabi kanina sa bali-balita, patay na daw si Willie Revillame. Pero wala siyang masyadong kinalaman sa blog na 'to. Shinare ko lang 'yun.

May nakita akong isang site na nakakatuwa para sa'kin. Inuulit ko, "para sa'kin". Ewan ko kung paano ko napunta sa site na 'yun. Hhmm. Ai alam ko na, tinitignan pala 'yun kanina ng kaibigan kong naki-log-in sa Friendster dito sa typewriter namin. Oo. Typewriter. At ang shoutout niya, "..life is too short.."

Alam mo ba 'yung pakiramdam na halos katabi mo na si Kamatayan? Na konting-konti na lang, mag-ha-happy trip na kayong dalawa? Oh kaya naman, katapusan mo na pala, inuunti-unti ka lang. Paano kaya kung nangyari sa'yo 'yun? Anong gagawin mo?



Paano kung ikaw 'yung ibon?
Ano o sino ang ahas na tatapos sa'yo?
Lilipad ka ba palayo?
tatanggapin mo na lang ang tadhana mo?



Paano kung ikaw 'yung talangka?
Makakawala ka pa kaya sa buwaya?
Kung sa mga pagkakataong ito,
Kayo lang ang nasa mundo?



Paano kung ikaw 'yung maliit na palaka
Na tinapos ng traydor mong kapwa?
Magagawa mo bang magpatawad,
Sa kabila ng lahat?



Paano kung ikaw 'yung walang malay na ahas?
Na trinaydor din ng kapwa mong walang habag?
Paano ka makakaligtas,
Kung nahulog ka na pala sa sinikreto niyang bitag?



Paano kung sa malayo mong paglipad,
Sa impyerno ka din pala mapapadpad?
Makakabangon ka pa kaya?
O kaluluwa mo na lang ang hahayaan mong makalaya?

..
..
..
..
..
..

Paano kung pagkatapos mong mabasa ang blog na 'to.. 'kaw na lang pala ang hinihintay sa happy trip ni Kamatayan? May magagawa ka pa ba?




...pero syempre joke lang 'yun! hehe. =)



-----------------------------
mula sa http://www.environmentalgraffiti.com/featured/death-is-milliseconds-away/10927

Sunday, July 12, 2009

Isinantabing Rak-'n-Rol

"Malalaman mo lang ang halaga ng isang tao 'pag nawala na siya..."

Sabi 'yan ng kapatid ko habang nanonood kami ng music videos ni Michael Jackson. Pero ang totoo, bad trip lang siya kasi inagawan namin siya ng pagkakataon na makapanood ng "Nasan Ka Maruja?".

Pero, kung didibdibin ko ang sinabi ng kapatid ko, mukhang tama naman siya. Kung hindi naman namatay si Michael Jackson, hindi naman namin siguro papanoorin ng mama ko 'yung mga videos niya at makikipag-rock and roll na lang kami kay Maruja. Lalo na sa tulad kong hindi naman talaga niya fan. Aminado akong hindi ko siya masyadong na-appreciate 'nung nabubuhay pa siya. Siguro kasi hindi naman siya nagsimulang sumikat 'nung iniluwal ako sa mundo. Ngayon ko lang talaga siya na-aapreciate. Ngayon lang...kung kelan wala na siya.

Napakaraming bagay sa mundo na hindi natin nabibigyan ng pansin, ng panahon at atensyon. Magugulat na lang tayo sa lungkot na mararamdaman natin 'pag tuluyan na silang nawala nang hindi man lang natin ito nakuha, nahawakan, o kahit nasulyapan man lang. Akala kasi natin, may mas "da best" pa sa mga bagay na dumadaan sa buhay natin. Ang hindi natin alam, minsan lang tayo makakahanap ng mga ganoong klaseng bagay. Namayani kasi sa pagkatao natin ang mag-hangad ng "mas".

Pero syempre, hindi rin natin masisisi ang mga sarili natin. Malay ba natin kung 'yun na ang pinakamagandang bagay na pwedeng mangyari sa buhay natin, di ba? Ang mali lang natin, hindi man lang natin 'yun nabigyan ng pagkakataon para sana maging "the best" para sa atin. Sa madaling sabi, paminsan-minsan, hindi tayo marunong magpahalaga.

Maraming bagay ang pwedeng mawala, o pwedeng nawawala na habang tinatype ko ang blog na 'to. Maraming bagay na mas magandang pagsisihan matapos mong magawa, kesa pagsisihan dahil wala kang nagawa.

Habang may pagkakataon, habang hawak mo pa ang mga bagay-bagay sa paligid mo, habang kasama mo pa ang mga taong nagpapatawa sa'yo, habang nakikita mo pa ang mga taong mahal mo, habang humihinga ka pa kasabay nila, matuto kang magpahalaga at magpasalamat. Dahil hindi mo alam, pag-dilat ng mata mo sa umaga, nagbago na pala ang lahat.




-------------------------------------------------------------------------------------
Salamat sa http://www.flickr.com/photos/mohlat/2154005907/ para sa larawan.

Saturday, July 11, 2009

Michael Jackson.. Nagmulto?

Ang balak ko lang ngayon sa internet ay mag-search ng skin anatomy. Pero tinamad ako. At eto ang nakita ko:



Sa tingin mo, si Michael Jackson nga ba to? Hhmm.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr