Sunday, March 18, 2012

Palibhasa, Bobo.


Bobo ako, pero  hindi naman ako tamad mag-aral, dinadatnan din naman ako ng kasipagan na mas madalas pa sa bwanang-dalaw ng isang dalaga. Wala namang nagsasabing bobo ako nang harap-harapan dahil biniyayaan naman ako ng tadhana ng mga mabubuting kaibigan. 'Yun nga lang, 'yung mga hindi ko kaibigan, letse! Sila ang nagpaparamdam sa'kin na isa akong taong hindi biniyayaan ng utak kahit isang gramo lang.

Nakatatlong taon ako sa Grade 6. Taragis 'yan, grabeng kabobohan. 'Yung ate ko 'nun naka-graduate na sa college at binuhay lang yata 'yung magaling na 'yun para ipamukha sa'kin na hindi nag-eexist ang nervous system sa katawan ko. Araw-araw ba naman sinasabi na wala daw akong utak, kundi ka ba naman mabad-trip 'pag ganun. 'Yung nanay ko naman walang magawa, si ate kasi bumibili ng gamot niya sa high blood eh. Kaya anlakas ng loob ng hayop na 'yun na yurakan 'yung pagkatao ko. Kala mo kung sinong magaling. 

Pagkagraduate ko ng elementary, pucha!  Nagpakain ba naman sa mga kapitbahay namin! Sa wakas daw graduate na 'yung kapatid niyang bobo pagkatapos ng ilang libong taon. Nababanas pa rin ako 'pag naaalala ko 'yun. Sa sobrang asar ko 'nung mga araw na 'yun, hindi ako umuwi sa'min ng isang gabi. Isang gabi lang, nahiya na kasi ako sa pamilya ng besprend ko kung saan ako nagpalipas ng gabi. Pag-uwi ko sa bahay, pinagtawanan ako ng ate ko. Kabobohan ko daw, kung maglalayas daw ako sana tinagalan ko man lang ng ilang araw. Bwiset talaga. At nga pala, ampon kasi ako kaya ganun sa'kin si ate. Katulong nila nanay ko ‘nun tapos namatay nanay ko dahil hinoldap tapos sinaksak 'nung baby pa ko. Tatay ko naman ewan kung sa’n ba ‘yun, ni hindi man lang ako hinanap. Baliw.

'Nung hayskul naman, nasa last section ako, pugad daw ng mga bobong katulad ko. 'Pag nasa last section ka talaga pakiramdam mo para ka lang ligaw na asong ulul na pinipilit turuan ng amo. Nandun 'yung classroom namin malapit sa CR. Putragis talaga, umaalingasaw 'yung baho 'pag nagtuturo 'yung teacher namin sa English pagkatapos ng recess, kaya ang ending, nagpapareport na lang si Ma'am sa mga kaklase kong hindi naman nagrereport kundi nakikipag-gaguhan lang sa mga kaklase naming mga gago din. Iiwan kami ng teacher tapos babalik pag nag-bell na. 'Yung mga nasa section 1, palibhasa mga Diyos kasi kaya alaga ng school. Wala naman kaming magagawa, mga bobo kami eh. Ano nga naman bang mapapala sa'min ng school. Nagsipag-graduate na lang kami na hindi masyadong nalagyan ng palaman ang mga utak. Inisip ko na lang, atlis, nakagraduate ako.

Umabot ako sa kolehiyo nang wala masyadong laman ang utak. Pinilit ko, may pangarap ako eh. Gusto ko makapag-suot ng kurbata tsaka 'yung damit na pinapatong sa long sleeves pag JS Prom, amerikana tawag namin 'dun ng mga kaklase ko 'nung Hayskul. Gusto ko suot-suot ko 'yun araw-araw kahit tirik na tirik ang sikat ng araw tapos naka-kotse ako na kulay black, ay saya! Business pinasukan kong course, sabi kasi ng tita ko 'yun daw 'yung kurso na dapat kong kunin kung gusto ko magsuot ng kurbata at amerikana araw-araw kaya 'yun ang pinasok ko. Namasukan akong kargador ng bigas sa bigasan ng tita ko kasi medyo may kaya din 'yun at wala namang anak, nabaitan naman sa'kin kaya pinag-aral ako. Ayoko na kasi sa bahay eh, nabwibwiset ako sa ate kong leche. Hay nako. So ayun, going back, hindi naman masama. Pinilit kong pigain 'yung utak ko sa unang taon ko. Sabi ko sa sarili ko, hindi ako lalabas sa classroom namin nang hindi man lang nababawasan ng 1% ang kabobohan ko. Nakaraos naman din kahit pa’no. 'Yung mga talagang hindi ko maintindihan na lessons kahit anung pag-tumbling sa ere pa 'yung gawin ko, pinapaturo ko na lang sa kaklase kong mas maraming laman ang utak sa'kin. Salamat naman din talaga sa kanya at pumasang-awa ako. Puro 3.0 ang grades ko, at na-1.0 ko 'yung PE, favorite ko kasi 'yung basketball eh.

Kaso, buwakanangina, hindi ko kinaya. Hiyang hiya ako sa tita ko. Sa pangalawang taon ko sa college, nagsibagsakan na ako. Inang math kasi yan eh, dumali sa’kin nang tuluyan tsaka ‘yung English. Wala na. Hininto ko na lang. Nakatatlong-singko ako, psychology ata ‘yung isa ko pang binagsak. Pero gusto ko talaga makatapos man lang ako kahit ano. Kaya pinatos ko na lang ‘yung kursong bokasyonal, ‘yung pag-eelectrician sa TESDA. Mahilig din naman kasi ako magbuting-ting ng mga gamit sa bahay. Pinangarap ko nga maging electrical engineer noon kaso binawi ko din agad kasi nga papatayin ako ng Math. Sa kabutihang palad, natapos ko naman nang maayos ang 396 hours na kursong ‘yun. Nagkaroon ako ng diploma at tinulungan ako ng naging propesor namin para makapasok ako sa pinagtatrabahuhan ko ngayon.

Eto ako ngayon. Nagkaroon ako ng asawa na public school teacher at nagkaroon kami ng dalawang anak. Sapat lang ang kinikita naming mag-asawa para makakain ng tatlong beses sa isang araw at mapag-aral ‘yung mga maliliit naming anak. Hindi natupad ‘yung pangarap ko na maging businessman na nakakurbata at naka-amerikana. Sobrang bobo kasi ako – sobrang bobo para agad na sumuko. Nagpalamon ako sa tatlong singko na nakuha ko ‘nung second year college pa lang ako. Masyado kong dinibdib ‘yung pagturing sa sarili ko na isang bobo gayong hindi naman ako nagpursige sa pangarap ko at sumuko na lang basta-basta. Pakiramdam ko ‘nun nawalan ako ng silbi sa mundo, dinaig ko pa ‘yung mga kuto ng ate ko sa buhok niya. May pag-asa pa sana ako tumalino nang kaunti kung nagpursige ako, kaso wala, hanggang sa kahuli-hulihan, naging bobo ako.

‘Yung ate ko sa Amerika na nakatira, sinama na niya si nanay. Hindi naman nila talaga ko kadugo kaya wala na rin silang pakealam sa’kin. Inisip siguro nila wala rin naman akong pakinabang. Lumipas ang mahabang panahon at unti-unti na ring nawala ‘yung pakialam ko sa kanila. Pero hindi nangangahulugan na hindi ako tumatanaw ng utang na loob sa kanila. Bobo ako – pero marunong naman ako maging tao.

“I stood up as best I could to their disgusting stupidity and brutality, but I did not, of course, manage to beat them at their own game. It was a fight to the bitter end, one in which I was not defending ideals or beliefs but simply my own self.
-George Grosz


----
Photo credits: www.mshape.wordpress.com

Friday, March 16, 2012

'Wag Mo Kong Pilitin Makipag-Break Sa'Yo! Mwuaaah!

Ang tanong niya sa sarili niya - "Makikipag-break na ba ako?" In behalf of her sarili, sasagot ako, "I-visualize mo 'yung pagmumukha niyang nakangiti dyan sa utak mo. Ano, keri?"


Hindi ko alam sa iba, pero sa tingin ko, kung ikaw ang babae at sa tingin mo hindi na maganda 'yung kinahihinatnan ng relasyon niyo.. 'te, tumigil ka na. At kung sasabihin mo naman ngayon sa'ken na hindi mo kaya dahil mahal na mahal mo nang sobra sobra sobra at madedeads ka 'pag wala siya at mas mamabutihin mo na lang na magpasakop sa mga alien kesa sa ipagpatuloy ang buhay mo sa Earth nang wala 'yang magaling mong boyfriend, ay 'Day, hindi ka pa ba nadedeads sa lagay na 'yan? Kaliwa't-kanang pasakit, naayos saglit, tapos kikirot na naman ulit, 'yan ba ang buhay para sa'yo? Kung ganyan lang, ay papasakop na lang ako sa mga alien at watusi kesa saktan paulit-ulit ng kasintahan kong magaling.

Sa isang relasyon, normal lang naman 'yung may konting tampuhan, hindi pagkakaunawaan at tutukan ng kutsilyo (oops.). Pero 'yung halos hindi ka na makahanap ng dahilan para ngumiti sa isang araw nang dahil lang sa boyfriend mong hindi ka pinapahalagahan, aba, ibang usapan na 'yan. Sabihin mo man na nagkakaayos naman kayo ulit at buong puso kang naniniwala na mahal ka naman talaga ng boyfriend mo, tingin ko hindi na sapat pang panghawakan 'yun. Pinagtagpo kayo ng tadhana at inutusang magmahalan, hindi paulit-ulit na magkasakitan.

Kidding aside, alam ko sa kabila ng lahat ng pagkukulang sa'yo ng boyfriend mo, umaasa ka pa rin na bukas, o kaya sa pagsapit ng isa pang bukas pagkatapos ng bukas, babalik siya sa dating "siya" na sumuyo sa'yo para manatili sa tabi niya at pinaniwala kang hindi ka iiwan. Alam ko na iniisip mong kung gaano ka nasasaktan ngayon, ganoon din naman katindi 'yung nararamdaman mong pagmamahal sa kanya na naging dahilan para tuparin 'yung ipinangako mo sa kanya na hindi mo rin siya iiwan. Kaso, gaya nga ng sinasabi ng napakarami, paminsan-minsan hindi na rin kasi talaga sapat 'yung pagmamahal lang mismo. Hindi sapat na itatak sa isip mo na as long as mahal mo siya, at alam mong mahal ka pa rin niya sa kabila ng lahat ng pambabalewala niya, magiging maayos pa rin ang lahat. Minsan kailangan mo rin maupo sa isang tabi at isipin mo kung masaya ka pa rin ba talaga. May mga pagkakataon din na kailangan mo na ring tumigil. Binigyan ng Diyos ng sapat na space ang mga planeta sa universe para maiwasan ang pagbanggan nila, at sa ganoong paraan, hindi sila masasaktan.

Nag-iiba ang tao kapag nagmamahal, iba't-iba man ng degree ng pagbabago, basta alam ko, may nagbabago. Simula kasi nang napagdesisyunan ng puso mo na mahalin 'yang tao na 'yan, kaligayahan na niya ang una mong iisipin sa lahat ng oras. Kung minsan hindi man ikaw mismo 'yung maging dahilan ng kasiyahan niya, basta ikaw naman ang gumawa ng paraan, solve na solve ka na. Hindi naman din kasi tayo nabuhay sa mundong 'to para pasayahin ang sarili natin, kundi, pasayahin ang lahat ng taong mahalaga sa mga buhay natin. Sabi nga sa kanta sa simbahan, "Walang sinuman ang nabubuhay, para sa sarili lamang.." Amen.

Ikaw kaibigan ko, kung ako man ang nasa kalagayan mo ngayon, kakalas na ako. Alam ko sasabihin mo sa'kin, 'yan ang bagay na pinakamadaling sabihin pero nakakamatay gawin. Kakalas na ako, sa simpleng dahilan na mahal ko ang sarili ko at pinapahalagahan ko 'yung mga taong mas nagmamahal sa akin ng totoo. Ayokong sayangin 'yung bawat araw ko sa kalungkutan at walang katapusang pag-iisip kung mahal pa ba niya ako o hindi na. At hindi na rin mahalaga sa akin kung mahal pa ba ako o hindi, sapat ng pruweba ang pambabalewala niya para paniwalaan ko ang huli. Pagkatapos kong makipaghiwalay, ibabaling ko ang buong atensyon ko sa pamilya ko at sa ilang kaibigan ko na hindi ko masyadong nabigyan ng pansin dahil masyado akong naging abala sa boyfriend kong cute. Aayusin ko ang sarili ko. Hindi na ako iiyak, sapat na 'yung galon-galon ng luha na nailabas ko 'nung kami pa. Gagawin ko ang lahat para mapataas ang halaga ko bilang isang babae, 'yung sa sobrang taas ng halaga ko, may karapatan na akong maging choosy sa susunod kong syosyotain.

Hindi pa ako nagkaka-boy friend. Pero sa dami nang mga napanood kong Koreanovela na love story, pakiramdam ko nakarami na ako.




"Hindi ako pinanganak sa mundong 'to para lang masaktan nang paulet-ulet 'no. Kahit mahal ko pa siya ng sagad-sagaran, kung ginagawa naman akong loka-loka araw-araw, ay nako, tigilan ako! Sinasayang niya lang ganda ko!" 

-2007



P.S. Sa mga lalaking mambabasa na napapasailalim sa parehong karanasan, maaari po lamang na palitan ang mga salitang "babae" ng "lalaki" at ng "girlfriend" ng "boyfriend" and vice ganda..i mean, versa. Maraming salamat po at mwah mwah tsup tsup. :)


This blog is dedicated to my friend out there! Hahaha peace :))
---

Photo Credits: www.whatsyourdamageheather.wordpress.com

Monday, March 12, 2012

Kung Bakit Hindi Pa Malaos Ang Facebook

Ayon sa timeline ko, October 2008 ipinanganak ang account ko sa Facebook, pero naging active lang ito 'nung 2009. At mula noon, dito na umikot ang mundo ko.. at nang lahat ng tao sa buong planetang 'to. Sa NAPAKAraming dahilan, ayoko na mag-Facebook.

Ewan. Pero tingin ko kasi, simula 'nung nauso 'yang Facebook na 'yan, walang ni isang araw sa buhay ko ang naging mapayapa. Nabawasan ang sipag ko sa pag-aaral, nabawasan din ang oras ko sa pagtulog nang dahil dito, tulad ngayon. Parang sa lahat ng oras, nag-iisip ako ng status message ko para mamaya. At wala pang ni isang minuto mula 'nung nag-check ako ng Facebook ko, titingin na naman ulit ako sa account ko para makita kung anong bago. Katumbas na ng mga basic necessities ng tao ang "Facebook-ing". At sa mga panahong ito, kung wala kang Facebook.. di nga? WALA KANG FACEBOOK??? SERYOSO??? PAGAMOT KA NA OI!!! Tsk.




Buti pa 'nung panahon 'nung Friendster. Bawat "Testi" (testimonials), mahalaga at punung-puno ng saysay. Lahat halos ng "Friends" ko 'dun, eh friends ko talaga sa totoong buhay. 'Yung mga friends ko sa FB, kalahati 'nun ewan kung saang lupalop ba nagmula. Lahat ng pictures na inupload ko, punong-puno ng mga magagandang alaala. Sa FB kasi, makalabas ka lang ng bahay, hala sige upload na ng pagmumukha. Nagsisisi ako kung bakit ko ba binalewala 'yung sabi ng Friendster na magsha-shut down na nga sila, hindi ko tuloy nakuha 'yung mga iba kong picture at makabuluhang messages mula sa mga kakilala ko. 


Kung gaano karaming magagandang dulot ang Facebook, ganoon din naman karami ang mga hindi magaganda. (Sinabi ko na lang na pareho lang ng dami, Ninong ng anak ko si Mark Zucker..something.) Isa sa mga ito ay ang kawalan ng saysay ng paghihiwalay. Sa tingin ko kasi, mawala ka man sa piling ng mga taong nakasama mo, balewala lang din. Mag status message ka lang maya't-maya at magupload ng mga pictures, solve na ang pangungulila ng mga naiwanan mo. Konti na lang ang sense ng "I miss you." Hindi naman din kasi lahat ng nagsasabi ng phrase na 'yan eh miss ka nga talaga, madalas eh for "formality" lang. Kumbaga, magkalayo tayo eh, eh di I miss you. Sabi nga ng kaibigan ko bago ko umalis ng bansa, "Sus. May Facebook naman, 'di rin mararamdaman na wala ka. Wala rin." Kaya ayun, na-unfriend ko tuloy siya sa Facebook.

Okay din naman talaga ang Facebook. Lahat kasi ng emotion po pwede mong isiwalat dito ng basta-basta na lang. Mula sa pinakamasayang damdamin hanggang sa pinakanakakasuklam na saloobin, isang matinding status message lang ang katapat, makakahinga ka na nang maluwag. Nasarapan nga lang ako sa pag-ihi, naibalita ko na sa iba't-ibang panig ng mundo.

Sa Facebook din kasi magagawa mo na ang lahat ng gusto mo sa isang social networking site. Pwede kang mag-post/share, mag-comment, makipag-chat, makipag-video chat, makipaglambingan at makipagmurahan. Lahat din halos ng mga websites eh may cross-posting na application sa Facebook (tama ba pagkakasabi ko?). Kung pangnegosyo naman ang hanap mo, mag-create ka lang ng page at ipa-like mo sa kung-sinu-sino, buhay man o patay, bagong silang man o madedeads na, sigurado kikita ka at mababawasan na nang kaunti ang gagastusin mo para sa marketing. Kung gusto mo namang manghatak ng mga viewers sa video mo sa YouTube, you know what to do. "The power of social networking," ika nga.

Kung walang Facebook, siguro, pagbalik ko sa 'Pinas, mas triple ang pagkamiss sa'ken ng mga malalapit na kaibigan ko. Kung walang Facebook, siguro natutulog na ako ngayon at magkakaroon ng sapat na oras ng tulog. Kung walang Facebook, siguro kung galit man ako sa'yo, mapag-uusapan natin 'yun nang maayos nang walang nakakaalam na minura na pala kita. Kung walang Facebook, malamang malayo pa ang deadline, tapos ko na ang thesis ko. Kung walang Facebook, mas mataas sana ng 10 points ang score ko sa Math kasi mas mahaba ang oras ko sa pag-rereview 'nung nakaraang gabi. Kung walang Facebook, mas may saysay ang bawat segundong lumilipas sa buhay ng tao at hindi nasasayang sa pag-iinternet lang. Kung walang Facebook, mas magkakaroon ng kabuluhan ang bawat bagay, at hindi lang basta-basta nasusukat sa dami ng "comments" at "likes." Kung bakit hindi pa malaos ang Facebook. (Owws)

Hindi ko naman sinasabing walang kwenta ang Facebook, dahil ako rin naman nakikinabang nang husto dito. Nagiging nonsense lang 'to nang dahil sa pang-aabuso ng mga taong gumagamit nito. Kung paano? Eto piso. Kausapin mo sarili mo.

Pa-like. Please po?


---
Photo Credits: www.addictionblog.org

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr