Ininterview kami ng mga kapatid ko kanina ng restaurant manager namin sa McDo. Evaluation. Dalawang buwan na pala kaming screw..este "crew members" sa isang banyagang kainan sa isang banyagang bansang may mga banyagang kostumer na kumakain ng mga banyagang pagkain at may mga banyagang sikmura. Dalawang bwan na pala. Walang anu-ano. Ambilis ng panahon. Sobra.
Lahat naman ata talaga ng mga Pinoy, o kahit sinong galing sa ibang bansa na nag-mamigrate sa kahit saang bansa sa kanlurang bahagi ng mundo (kanluran nga ba ang tagalog ng west? hehe), kadalasan sumasabak na agad sa trabaho, mula sa mga anak na teenagers hanggang sa mga magulang na feeling teenagers. Normal na dito makakita ng mga ka-edad ko na nagtatrabaho kahit saan, kadalasan sa mga foodchain. Kapag kasi may trabaho ka dito, ika nga nila, mabibili mo lahat ng gusto mo. At syempre kailangan mo din ng mga bagong kaibigan na magiging kasama mo sa panibagong yugto ng buhay mo. Medyo iba nga lang kasi mga "workmates" ang tawag sa kanila, at hindi na "classmates." Imba rin dito, kinse anyos pa lang, malupet na magtrabaho, kala mo matandang bihasa na sobrang tagal na sa serbisyo. Nasa banyagang bansa ka, ganun talaga.Hindi tulad sa 'Pinas na kapag wala ka pang bente anyos at nagtatrabaho ka na, eh dapat ka ng sambahin dahil kumikita ka na ng sarili mong pera. Dito (sasabihin ko na nga, dito sa South Korea..ay este Canada) basta tumuntong ka sa banyagang bansa na tulad nito, at kung hindi naman kayo ganun kayaman talaga, magtrabaho ka..ilang oras lang, may Iphone 4 ka na. Rock on. Hahahaha. Joke lang.
Lagi ko ngang iniisip na hindi ko man lang naisip noon na sa ibang bansa pala ako unang magtatrabaho. Hindi ko naisip noon na mga forinjers pala ang mga unang makakatikim ng malupet kong serbisyo. (haha). Pero hindi ko rin naramdaman noon na nasa ibang bansa ako nagtatrabaho dahil na rin sa mas marami ang mga Pinoy na katrabaho namin kesa sa mga puti at itim. Nakakagulat lang 'nung una na andaming Pinoy na nagtatrabho sa McDo na pinapasukan namin, mula sa manager hanggang sa mga crew members. Kulang na nga lang maglagay ng bandila ng Pilipinas sa labas ng restaurant.
Medyo kinakabahan ako 'nung una dahil nga sa iba ang mga pagkain na inooffer dito kesa sa 'Pinas. At masasabi ko na mas enjoy ang menu sa 'Pinas kesa dito. Bakit? wala kasing Coke Float dito. Ewan kung bakit. Kakaiba ang mga pangalan ng mga pagkain. Ang alam ko lang naman noon na binebenta sa McDo, yung Chicken Mcdo, McSpaghetti, Crispy Chicken Fillet (na 50pesos lang), 'yung malupet na Burger McDo, syempre hindi mawawala yung french fries, sundae at 'yun ngang Coke Float. Eh dito hindi ko kilala 'yung ibang menu. Tulad ng Angus Third Pounder (na hindi ko naman maunawaan kung ano ba ang Angus), Sausage and Egg Mcgriddle, BLT Bagel (hindi ko rin alam ano ba ang BLT, baka Bagong LuTo), McDouble, Tuscan Salad, Chicken BLT Baguette (na ewan kung anung basa dun, baka jejemon na "bagets") at kung ano ano pa na sabi ko 'nung una "Taragis 'yan, ano to??". Wala man lang spaghetti. Walang manok. Walang kanin. Walang burger steak. Walang Coke float. Pero infairness andun pa rin 'yung Hot Fudge (Chocolate) Sundae na paborito ko. Parehong lasa. Pero mas masarap ang fries sa Pinas..may halong sabaw. Cooking oil soup..hays. Nakakamiss.
Syempre bilang isang crew member na naka-assign sa window, ('yung cashier o counter)kelangan alerto ka at palabati at friendly daw at syempre dapat medyo spokening dollar ka. Infairness karamihan sa mga puti ay mababait. Meron din namang madaling magalit, nakakapang-insulto at sobrang sungit pero okay lang dahil madali naman silang murahin sa isip (pero syempre joke lang yun heheheh). At dahil karamihan sa kanila eh friendly naman, mahahawa ka na din ng pagiging friendly nila. Minsan nga lang ambilis bilis nila magsalita, at ang masasagot mo na lang sakanila, "Really?".
May mga kakaiba din silang mga terms sa mga pagkain nila. Tulad ng "Bacon and Egger". Sa isip ko 'nun, ano yun? Bacon at taga-itlog? 'Yun pala, egger ang tawag nila sa itlog. Minsan din hindi maiiwasan matapat sa mga kakaibang trip ng mga customer. Matatawa ka na lang sa isip, Tulad ng mga 'to:
"I want a Bacon and Egg Bagel with no Bacon."
"Can I get a Supreme Chicken Sandwich with Grilled Chicken but no meat?"
"Egg McMuffin Meal please. And can I upsize my meal with two hashbrowns and small orange juice?"
"Chocolate sundae please but with no chocolate fudge. Thanks."
"I'll get a Large decaf coffee with 10 sugar and 7 cream."
"Large Iced Coffee please, no ice."
At minsan din naman, hindi ka rin makakaiwas sa malabong customer.
Scene 1:
Ako: It's $56.34 in total. Are you eating here?
Customer: Yes, my cheeseburgers should be plain.
Scene 2:
Customer: Hi. I'll get a double cheeseburger with no pickles and a large diet coke.
Ako: Ok. Anything else ma'am?
Customer: Yes I'm eating here.
Scene 3:
Ako: Do you need butter for your muffin, Sir?
Customer: No, no. It's to take out and I will need a bag. Thanks.
Scene 4: (tuwang-tuwa ako..may singkit, baka korean.)
Ako: okay ma'am your total is $3.14.
Customer: (busy sa pagkuha ng pera sa wallet)
Ako: are you a korean?
customer: yes i have 14 cents.
Ako: (sa isip) ewan ko sayu.
Scene 5: (pinaka-asar)
Ako: Blueberry muffin Sir and two black small coffees?
Customer: Yes please.
Ako: Okay, two small black coffees, right? (inulit ko, kasi mag-isa lang naman siya, panigurado lang.)
Customer: Yes yes.
Ako: Okay, your total is $2.71, please.
Customer: (inabot 'yung bayad, parang nagdududa bakit yun ang total niya.)
Ako: (kukuha na ng kape)
Customer: Oh excuse me, how come my total si $2.71?
Ako: You've ordered a blueberry muffin and two small black coffees, right?
Customer: What? I just said one. I'll talk to your manager. You don't know what you are doing.
Ako:(Sa isip, ano to? Lokohan?) Okay Sir, sorry about that.
(nakakaasar talaga to. hindi ko makakalimutan. haha. tsk)
Scene 6: (pinoy)
Ako: Ate ano pong size ng french fries niyo?
Customer: Pambabae, Miss. (akala niya tinatanung ko kung pambabae o panlalake yung laruan ng happy meal niya, hanggang ngayon pinagiisipan ko kung magkatunog ba yung french fries at happy meal)
Ako: (sa isip, oo na lang) Dito po kakainin?
Customer: Pwede dun sa mga lamesa dun?
(ewan kung joke ba yun, mukhang hindi)
Oh di ba. Anlabo. Pero nagiging parte na lang sila ng mga nakakatuwang karanasan ko bilang isang simpleng crew member.'Nung una inaamin ko, ayoko sa ganung trabaho. Bukod sa nakakalito nung una 'yung paggamit ng monitor na touch screen, hindi pa ako ganun kakomportable na humarap sa mga puti. Hindi ako sanay na makipag-englishan. Pero sa paglipas ng panahon, dumadami ang mga kakilala, dumadami ang mga kostumer na napagsisilbihan, dumadami ang oras sa trabaho, at sa tulong na rin ng malupet na dasal bago magsimula ang isa na namang baging shift sa isang araw, unti-unti ko na 'tong naenjoy at nakatulong din saken na matuklasan ang mga bagay-bagay sa sarili ko na akala ko hindi ko kaya, kaya naman pala. At kung anu 'yun..secret. Haha. Tinanong nga ko kanina ng manager namin, "How would you describe your work here at McD's"? ang nasagot ko lang, "I never enjoyed it at first..but as time goes by, I've never expected it to be that great." Nabigla ako sa sagot ko..kasi nakapag-english nalang ako bigla ng ganun ganun na lang. Hahahaha.
Hindi ko alam kung hanggang kelan pa kami magiging crew members ng mga kapatid ko..siguro 'yung iba din naman sa mga katrabaho ko, 'yun din ang nasa isip. Magkaroon man kami ng ibang trabaho pagkatapos nito, hinding hindi ko makakalimutan na minsan sa buhay ko..nakatagpo ako ng malabong koreano. Ay este, hindi ko makakalimutan kung paano ako nagkaroon ng kumpiyansa sa sarili ko na dadalhin ko kahit saan man ako mapadpad.. Rock on.
Pero bakit kaya walang Jollibee dito? Makapagtayo nga bukas.
(photo credit: www.boredpanda.com)
2 comments:
Angus = Anus
Hahahahha si ate patawa! LOL
Post a Comment