Thursday, June 23, 2011

The Erplane Eggzperience: Goodbye Philippines (Hirap talaga mag-title hahahahah)

10:29 pm. Saskatoon, Saskatchewan, Canada time. Maliwanag pa rin. Nakakaano. Hahahahahaha.

8 days na kami dito sa Canada. Bawat araw may mga bagay na nalalaman, may mga bagay din naman na kinakasanayan na lang. Tsk. Dami pang sinasabi. Magkukwento na lang ako para masaya. Hehehehe.

June 14, 2011. Ang araw ng pag-alis sa Lupang Hinirang. Excited at malungkot ako 'nung araw na 'yun. Malungkot din dahil maraming maiiwan dito, gaya ng mga kamag-anak at mabubuting kaibigan, at pati 'yung ibang damit at gamit ko na no choice kundi iwanan dahil mag-oover baggage na kami. Excited dahil makakapasok na ako sa loob ng airport at makakasakay na sa eroplano. Nung mga oras bago kami sumakay ng eroplano, super GM (group message sa text) pa rin ako, ewan. Mahilig talaga ko mag-GM pero hindi ko mahilig makipagtext ng tuloy tuloy. Hehe. Nag-ji-gm ako kasi medyo kinakabahan ako at marami akong tanong sa isip na "ano na kaya ang sunod na mangyayari pagkatapos neto?'...nag-ji-gm na lang ako para mabaling sa iba ang atensyon ko. Sa airport okay naman, wala masyadong kakaiba. Para ka lang nasa terminal ng Victory Liner na de-aircon. Ang mamahal nga lang ng pagkain, palibhasa nasa "airport" kasi. Tunog bigatin ang mga tao. 'Yung coke-in-can, 50pesos isa. Hindi nakakatuwa. Tapos ayun. Ilang sandali na lang, hello na sa mga filght stewardess ng Philippine Airlines..naks!

"Flight PR 106 now ready for..."



For boarding ata. Hindi ko matandaan sinabi 'nung nag-aannounce basta 'nung pagkarinig namin 'nyan, hindi ko maipaliwanag yung pakiramdam na eto na...sasakay na kami ng eroplano, ang pangarap ng kapatid ko na pangarap ko din naman konti pero masa pangarap ko matuto magdrive...ng eroplano. Tapos ayan na...nung nakita ko na 'yung flight attendant na kulay pink ang lipstick na nagwewelcome samen, at habang nagsisimula na kami umapak sa loob ng eroplano ('yung Kelen na bus 'yung naisip ko agad nun, ewan kung bakit), parang naririnig ko 'yung Doobidoo slow version sa utak ko. Iba ang pakiramdam..da best! OA! Hahahaha. Ang astig kasi talaga sa loob ng eroplano, ang laki laki, daming upuan tapos parang pangmayaman na ewan. Ang layo pa ng nilakad namin bago makarating sa upuan dahil medyo nasa bandang likod pala kami. Magkatabi kami ng kapatid kong bunso, 'yung kuya ko naman sa likod lang namin. Para kaming tanga ng kapatid ko, tawa kami ng tawa sa tuwa. Hahahaha. Tapos nagtetext pa rin ako nun kahit bawal na, last GM na eh.. hahahah. Then sabi lilipad na daw..take off ata tawag dun. Kinakabahan talaga ko kasi takot ako sa matataas. Kapit kamay pa kami ng kapatid ko, para kaming mga tanga ulet. Hahahaha! Tapos nagsimula nang umandar 'yung eroplano, feel na feel ko na eh..tapos biglang huminto. Nag-CR ata yung piloto, o kaya may tumawid na pusa, ewan. Tapos umandar ulet, feel na feel ko na naman...tapos unti unting lumipad..lumipad nang lumipad hanggang sa unti-unti nang lumiliit ang lahat ng bagay sa Pilipinas..unti-unti nang hinahanda ang utak ko sa katotohanan na kalahati (o kaya 3/4) ng buhay ko ay maiiwan na..mga kaibigan, mga bagay na nakagawian, ang "ako", ang sarili ko...lahat 'yun iiwanan na kapalit nang "mas" magandang buhay sa ibayong dagat.. Maya-maya nasa ibabaw na kami ng mga ulap..hanggang makalabas ng bansa..paalam Pilipinas..



Pero infairness ang saya sa eroplano. Wahahaha. Maya't-maya kami nagtitinginan ng kapatid ko tapos tatawa na naman kami tapos sasabihin na naman niya, "nasa eroplano tayo ate, hindi pa rin ako makapaniwala". Siguro mga 14 times niya sinabi 'yun..at 14 times din ako sumagot ng ngiti. Hehehe. Akala ko 'nung una sa buong oras ng byahe namin na 12 hours, nakabukas lang 'yung bintana at makikita ko kahit paano kung baka nasa Korea na kami. Pero hindi. Makalipas ang isang oras, lumapit na 'yung filght attendant para ipababa 'yung shade ng bintana. Pero hindi naman ako nalungkot ng lubusan, namigay sila ng headset tapos natuwa ako dahil may isang station sa radyo ng eroplano na puro K-pop! Ang saya saya ko talaga. Haha. Kaso nabagot din ako, natulog na lang ako. Tapos pasimple kong binubuksan 'yung shade ng bintana para silipin kung totoo ngang nasa Japan na kami ayon sa "electronic" na mapa. Kaso binaba ko din agad. Mamamatay ako sa sikat ng araw. Haha. Tsk. Tapos natulog na lang ulet ako. Tapos sinubukan ko ulet buksan 'yung sa bintana, gabi naman. Wala ring makita. Tulog ulet. Pero buti na lang oras na ng bigayan ng pagkain. Nakakatuwa dahil kala ko isang bote ng C2 at cupcake lang ang ibibigay, 'yun kasi nabasa ko sa forum sa internet kaya 'yun talaga ang ineexpect ko. Pero ang saya pala. Andaming pagkain! Kaya naman 'yung kapatid ko buong puso niya akong ginising dahil may pagkain daw. Hahahaha.



Oh di ba andaming pagkain. Tinago ko sa bag 'yung cupcake, isang coke in can at iba pang pagkain na pwedeng i-bag, just in case magutom kami sa airport ng Vancouver kung saan kami unang bababa. Hahaha. Baka kasi OA sa mahal ang mga pagkain dun, hindi pa man din napapalitan ng canadian dollars 'yung dala naming pera. Sobrang tagal ng byahe na dinadaan na lang sa pagtulog, pagmuni-muni, pakikinig ng k-pop at pag-CR bilang pamatay oras. Pero nagtataka talaga ko kung anong lipstick 'yung gamit ng mga flight attendant at kahit anong oras super fresh pa rin ang mga labi nila. Kahit walang tulog, super fresh pa rin sila.

Tapos maya-maya, nakita ko sa electronic na mapa na malapit na kami sa Vancouver, binawi na din ang mga headsets 30 minutes bago bumaba ang eroplano. Then ayan...nakababa na ang eroplano...mga balbon na malalaking lalaking mapuputi na ang nakikita kong tauhan sa eroplano..eto na..nasa Canada na kami. Tumugtog ang Voltes Five sa utak ko. Tentenentenen tenten. Hehehehehe.

Masyado ata kaming namangha na nasa Canada na kami at nakalimutan naming ihanda ang mga passport. Pero nailabas din naman namin agad. Kung sa airport sa Pinas, maraming tao, dun naman sa Vancouver, meron lang ilang piraso. Hinanap namin 'yung New Immigrants division kung saan kami iinterviewhin ng mga officer, mga Canadian na 'yun, basag. Pero buti yes or no lang ang sagot. Konting question and answer portion then we're done. Kuhaan na ng bagahe na ilang oras na palang paikot-ikot sa luggae carousel ng airport. Kami lang pala ang may mga kakaibang bagahe dun, 'yung super laking maleta at mga kahon na binalot ng packaging tape na may pangalan at may nakalagay pang-"FRAGILE." Pinagtitinginan kami ng mga Canadian sa mga dala naming madaming bagahe dahil karamihan sa kanila, paisa-isang maleta lang. Hehehehe. Then nag-CR muna kami. "Washroom" pala ang tawag nila sa mga CR. Dito ko natuklasan na ang titindi pala ng mga inidoro ng Canada, matatapang, hinamon ko nga ng away. Grabe naman kasi 'yung flash, sobrang lakas, kala mo lalamunin ka ng buo kaya dapat ingatan mo pwet mo. Hehehe. Nakakapanibago lang din dahil puro Canadians na ang mga nakikita namin, 'yung mga Pinoy wala masyado, paisa-isa lang. Kami na ngayon ang foreigner sa paningin ng mga puti. Hahahahaha.

Tapos hinanap na namin 'yung sunod na pupuntahan para sa next flight namin sa papuntang Saskatoon, dun kami talaga pupunta at kung nasaan 'yung Papa namin. Nag-check in lang kami, binigay ang mga bagahe then ayun tapos na. Pero nalungkot ako 'nung kinuha ng officer 'yung Coke in can ko, bawal nga pala ang liquid beverage sa eroplano, sayang. Tsk. 8pm pa ang flight namin, 5pm palang ata 'nung mga oras na 'yun kaya super gala muna kami sa loob ng Vancouver International Airport na parang mall! Ang ganda ganda at ang laki laki! Hahahaha. As usual tuwang tuwa na naman 'yung kapatid ko kaya maya't-maya niya sinasabi na "pagala-gala lang tayo ng ganito pero nasa Canada na tayo." Siguro mga 17 times naman niya sinabi 'yun. Nagkaproblema pa kami kung paano namin tatawagan 'yung Papa namin kasi ayaw tanggapin 'yung pera namin na pinapalit namin ng dollars dun sa telephone booth. May nagmagandang loob na lang na nagpahiram ng cellphone niya. Naloka naman ako sa kanya kasi nagsha-shine lang siya ng sapatos pero naka-Blackberry siya. Sabi ko nga sakanya, "ang taray!" then sabi niya, "what?" sabi ko na lang, "T.Y!" Siya na. Siya na ang mayaman. Ako na ang dukha! Hahahahahahaha.

Palibhasa, first time sa ibang bansa kaya super picture. Kahit saan picture ng picture. Sabi pa nila, malalaman mo daw kung Pinoy kapag picture ng picture. Okay. Kami na ang Pinoy, kami na. Haha. Nakakatuwa dahil sa airport palang nila makikita mo na kung gaano kaunlad ang bansa nila. Sa CR, este, washroom pala nila sa pinakaloob, grabe! Ang ganda! Sobrang laki, lahat automatic at kumikinang ang dingding at sahig. Pero matapang pa rin ang inidoro nila, dun lang ako hindi natuwa.

Ay naalala ko, sa airport marami rin akong nakitang Pinoy. Ang hindi lang masyadong maganda, ang mga trabaho nila kadalasan taga-linis ng CR o kaya taga-hatak ng basura. Pero wag ka, malaki ang sweldo ng mga ganun. Baka nga may mga sarili na silang bahay dito. Hmm. Yun lang. Hehe.

Going back, ayun, nakakaloka ang inidoro. hahaha. 7pm na ng gabi, pero tirik pa rin ang araw. Dun namin unang naranasan 'yun sa Vancouver. At bale nakaranas pala kami ng dalawang June 14,2011 sa buhay namin. Posible talagang umulit ang petsa, kaso magastos, mangibang bansa ka. Haha. Sabi nga ni Bob Ong sa isang libro niya, 'Nakabalik ako sa lugar, pero hindi ko na naibalik ang panahon." Kami naman, "Naibalik namin ang oras, pero hindi na kami nakabalik sa lugar at panahon." Maaring umulit nga ang petsa na 'yun, pero hindi na naibalik ang lahat ng mga pangyayari ng kahapon. (ayos, basta may rhyme lang haha)

Then flight na. Akala ko naman mas matindi pa sa Philippine Airlines ang sunod na eroplanong sasakyan namin, pero nak ng tinapa. Hindi pala. Sobrang liit ng eroplano at isang flight stewardess lang ang kasya sa loob. Ganun daw talaga dahil domestic flight. Pero okay lang, dinala rin naman kami nito sa ibabaw ng mga ulap. :)

At dyan na muna nagtatapos ang blog na ito. Inaantok na ako. Mag-12am na rin dito. Magsisimula palang mag-Thursday habang sa Pilipinas, nangangalahati na ang araw na 'yun at patapos na maya-maya. 14 hours difference. Long distance talaga.

Goodnight...good afternoon! Zzzzzzzzzzzzzz. :))

1 comments:

Anonymous said...

we've got the same experience! hahaha 19 years akong nabuhay sa pinas pero after nun anditona ako sa vancouver hahaha.. kakapanibago

Post a Comment

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr