Sunday, November 21, 2010

Samahan ng Pasko ang Malamig

Magpapasko na naman. Syet tol, single ka pa rin??

Single. Ka. Pa. Rin.


Iniisip ko dati kung paano at kung saan nagsimula ang SMP o ang "Samahan ng mga Mukhang Paa", ay este "Samahan ng Malamig ang Pasko". Nung bata ako, madalas kong naririnig sa mga tao sa paligid ko 'yung mga linyang "Anlamig na naman ng pasko ko, &%@#%$&*&#@$^ naman!". Tapos magtataka 'yung maliit at panis kong utak kung bakit nila nasasabi 'yun eh sadyang malamig naman talaga 'pag Pasko at gustong gusto ko 'yun kasi hindi mainit (malamang). Hanggang sa marealize ko nitong mga nakaraang araw na oo nga, sadyang malamig nga yata ang Pasko ko, 'yung may malalaking abs pala kasi 'yung gusto ng crush ko.

Tuwing magpapasko, malamang lamang maiisip mo na sana hindi kasinlamig ng panahon ang temperatura ng puso mo. (Amen). Sana may tatawagan kang "someone" sa pagsapit ng 12am sa December 25. Sana meron kang "someone" na bibilhan mo ng espesyal na regalo na pinagipunan mo ng 3 days. Sana may yayayain kang "someone" para magsimbang-tabi, ai este simbang gabi nang siyam na beses (tapos pag tinanong ka tungkol sa ebanghelyo sa gabi na 'yun, hhmm. gudlak!) Sana meron kang "someone" na ituturing kang pinaka-da best na regalo sa Pasko, 'yung tipong wala na siyang hihilingin pa at sasabihin sayong, "Para sa'kin, araw-araw naman Pasko eh, basta kasama kita." Anlagkit.

Kung ikaw na lang ang nag-iisang taong singular form sa barkada niyo, paminsan-minsan masakit 'yun. Maiinggit ka sa mga kaibigan mong may kaholding hands, kakissing scene, katawagan ng "hubby" at "wifey" (na hindi ko naman malaman kung bakit naging ganun), ka-iloveyou-han ng 8223896126 times per minute at kapartner sa couple shirt.

Couple shirt. Kung tutuusin, hindi na lang ata t-shirt ngayon ang pwede ipa-reproduce ng mag-syota. Nauuso na din ang bigayan ng couple ring, couple watch, couple necklace
at kung anu-ano pang kakopolan. Nag-aabang nga ko na baka may mausong couple scratch papers, couple medyas, couple charger, couple ID lace, couple UTI test, couple softdrinks, couple slimming pills, at couple contact lens. (Siguro magboboypren na ako kapag meron nang couple contact lens). Hindi ko alam kung gusto lang ba talaga nila na malaman ng buong mundo na nagmamahalan sila o gusto lang nila ipaalam na sila sina Julio at Julia, ang Kambal ng Tadhana.

Balik tayo sa mga SMP.

Hindi mo naman ginusto mapasapi sa nasabing samahan, pero sa napakaraming dahilan e talagang mapapasali ka na lang bigla. Ang Buhay Na Walang Syota. Bow.

Kung isasapuso mo masyado dahil sadyang emo ka, talagang nakakalungkot nga 'yun kung iisipin mo. Lalo na kung may nililigawan ka, 'yung tipong akala mo sasagutin ka na sa dami ng bulaklak at chocolates na binili mo at sa dami ng beses na nilibre mo siya ng pamasahe at nagpagod na ihatid siya sa bahay nila, pero 'yun pala isang taon nang taken at akala niya isa ka lang mabuting "kaibigan" (ouch!). O kaya kung may crush ka tapos akala mo gusto ka na din dahil lagi mong ka-chat sa Facebook pero 'yun pala, pero 'yun pala.. 32 kayong kachat niya. Hayy. Mapapabuntong hininga ka talaga ng matindi.

Pero hindi naman talaga dapat ikinalulungkot 'yung mga ganung bagay (weh Eych??). Oo nga. Hindi naman talaga. Sa napakaraming dahilan, naniniwala akong hindi naman talaga dapat. Birthday 'yun ni Jesus, hindi Valentines Day. Family Holiday 'yun kung tutuusin dahil dapat e masayang ang mga pamilya na nagsasama sama sa Pasko. 'Yung iba mong kapamilya ang dapat mong tinatawagan sa pagsapit ng 12am sa December 25. Nanay mo dapat ang bibilhan mo ng regalo na pinagipunan mo ng 3 days. Kapatid mo ang yayain mong mag-simbang gabi ng siyam na beses. At higit sa lahat, pamilya mo dapat ang ituring mong pinaka-da best na regalo sa Pasko, at sa araw-araw. Dahil ang magsyota, maaaring magkaubusan ng pagmamahal sa isa't-isa, pero ang pamilya, daanan man ng lahat ng klase ng problema sa mundo, hinding hindi makukupasan ng pagmamahal, umabot man sa kabilang buhay.

Pero hindi naman ako choosy. Kung bibigyan man ako ng boyfriend na kamukha, ay kahit kahawig lang ng paborito kong artistang Koreano, pwede na siguro.

Advance Merry Christmas!! :))


---

Pasensya na sa kinalabasan ng blog, kinalawang na ang utak ko. Hehehe. :))

1 comments:

Anonymous said...

pak!! ahahah .. talagang ganon.. we born to be single

Post a Comment

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr