Thursday, December 31, 2009

Happy Bagong Year!

Nagsusulat ako ngayon ng blog para sa huling araw ng taon. Huling. Araw. Ng. Taon. Ang bilis. Parang nung isang araw ko lang sinulat 'yung "Top 15 Filipino Superstitions on New Year's Day-Super Talaga!" dito sa PedXing (pakitignan na lang kung ano 'yang pinagsasabi ko). Panibagong blog na naman para sa bagong taon. Ang bilis talaga. Parang pelikula na finast forward, mablis, wag kang kukurap. Hindi mo na namamalayan ang takbo ng oras. Ang karaniwang maririnig mo sa mga tao sa oras na 'to - "New Year na talaga? Ambilis".

365 days na pala ang lumipas na parang katumbas lang ng isang buwan ang bilis. Ang araw na ito, paggising ko kinabukasan, parte na ng nakaraan. Tapos na ang mga araw sa 2009 na kalendaryo. Tapos na ang mga araw sa 2009 Daily Planner mo. Tapos na ang lahat ng nasa 2009 school at office calendar niyo. Ang 2009, sa pagdating ng alas-dose ng hatinggabi mamaya, magiging kasabay na ng mga pulbura ng mga paputok na papuputukin mamaya mapupulbos.

Kung tatanungin ka ngayon kung anong nangyari sa 2009 mo, hindi ako sigurado kung magiging masaya ka ba o malungkot. Dito sa buhay natin, hindi mo na mabilang ang dami ng mga eksenang pinalabas, dami ng mga kasalanang nagawa, dami ng mga taong dapat pasalamatan at hingan ng kapatawaran, dami ng mga bagay na sana ay nagawa natin at ngayo'y pinagsisisihan at dami ng mga bagay na dapat mong ipagpasalamat at ihingin ng tawad sa Kanya.

Naisip ko bigla ang New Year's Resolution. 'Pag pumapasok sa isip ko ang salitang 'yan, na-iimagine ko ang mga business permit, driver's license, visa, passport, NBI clearance, prangkisa, at lahat na ng bagay na nirerenew. Para kasing taon-taon e kelangan nating magrenew ng mga pagbabagong pinapauso natin taon-taon, parang nag-eexpire annually (parang mali, basta ganun). Pero kung tatanungin ako, wala akong New Year's resolution kasi sa tingin ko hindi naman kelangan ng tao 'yun. Para sa'kin, ang kelangan ko e Daily Resolution dahil sa dami ng pagkakamali ko sa isang araw na dapat ko ring baguhin araw-araw. Kung lahat ng tao e gumagawa ng New Year's resolution at sinusunod niya nga iyon ng buong puso, buong kaluluwa, buong atay at buong balun-balunan, sana araw-araw na lang ang bagong taon - para araw-araw ding nagbabago ang tao. Kung may sense ba ang sinabi ko, hindi ko rin alam. hehe.

Paggising ko bukas, may bago ba bukod sa mga nagkalat na mga balat ng paputok na hindi ko naman normal na nakikita? Parang ayaw ko pa nga matapos ang taon kasi ibig sabihin, tapos na ang masasayang araw ng holidays at kelangan ko nang harapin ang mga lessons na hindi ko man lang naisip reviewhin at mga assignments at projects na hindi ko man lang binalak simulan, inisip ko kasi baka kasabay na silang mawawala sa pagpapalit ng taon, kaso hindi. Haha. *Babala: 'Wag gayahin si Eych, may masamang mangyayari.

Kung pag-uusapan ang tunay na halaga ng Bagong Taon, hindi naman talaga mahalaga ang prediksyon ng mga sikat na manghuhula, o mga manghuhula sa Quiapo o mga prediksyon mong isang malaking joke, hindi rin mahalaga ang mga pamahiin, at mga pampaswerteng something. Ang mahalaga ay IKAW - kung magiging anong klaseng tao ka. Tutal bagong taon naman, try mong magsimula ng mga magagandang pagbabago sa sarili mo. Simulan mo sa January. Gawin mo ulit sa February. Ipagpatuloy mo sa March. Iextend mo hanggang November. Tapos bahala ka na sa balak mo sa December. Nakakapagtaka lang dahil parang walang nagsasabi na enjoy ang maging mabuting tao.

Wala na kong sasabihin. Pinapagalitan na din ako dahil kelangan ko na tumulong sa pagluluto. At isa pa 'yun, enjoy pala ang mga bisperas ng something tulad ng bisperas ng bagong taon, kasi makakatikim na naman ako ng mga pagkaing hindi ko araw-araw nakikita sa lamesa namin. Hehe.

(Last paragraph na 'to promise!)Salamat sa lahat ng mga taong dapat kong pasalamatan sa taong ito. Salamat sa mga taong nakapagpasaya saken. Salamat sa mga taong nakasama ko sa kakaibang byahe ng buhay ko ngayong 2009. Haha. Sorry sa lahat ng mga kasalanang nagawa ko at hindi ko maipapangako na hindi ko na ulit gagawin 'yun (gaya ng pagkupit ng chocnut at Sprite sa tindahan namin, sorry na). At sana sa darating na taon na 'to, mas magkaroon pa tayo ng mas maraming dahilan para maging masaya.. mas marami pa sana 'yun kesa sa mga dahilan para maging malungkot tayo.

Happy New Year People! Let's celebrate! Year 2010. =)

Tuesday, December 22, 2009

Exchange Gift Tayo! Sino Nabunot Mo?

Hindi pala kumpleto ang Christmas kung walang exchange gifts. Problema ko 'yan ngayon.

"Sinong nabunot mo?"

"Si ano. Bad trip nga eh. Kaw?"

"Ikaw. Mas bad trip nga eh."

Hindi ko alam kung saan nagsimula ang konsepto ng "exchange gifts". Basta alam ko may ganyang tradisyon na nag-eexist sa mundo. Uso 'yan sa halos lahat ng mga Christmas parties lalo na sa school. Hindi lang basta-basta 'yan, meron pa 'yang halaga kung magkano ang dapat dalhin na regalo. Minsan worth P100.00 and above, P50.00 only, P20.00 and below, o kaya worthless. Kahit ano basta gawa mo at hindi mo binili pwede, at pwede rin namang kahit magkano basta ang importante ay ang presensya mo sa party. Iba-iba, nakakatuwa. Meron ding mga "something" na requirements tulad ng "something long", "something cute", "something round", o kaya "something nonsense".

Pero syempre dapat magbunutan muna. Kung sino ang mabubunot mo, syempre 'yun ang reregaluhan mo. Pero kung ayaw mo sa nabunot mo, pwedeng makipagpalit ka sa kaibigan mo o kaya 'wag ka na lang umattend para iwas bad trip (may kilala akong ganyan). Sa amin naman, sa mismong araw ng party magbubunutan kaya kelangan unisex ang bilhin mong regalo. Mas mahirap 'yun, wala pa naman ako masyadong alam na bagay na pwedeng gamitin ng babae at lalaki. Pinakamahirap talagang gawin para sa'kin ay 'yung mamili ng regalo, singhirap ng pagsagot sa exams namin sa Accounting. Ewan, basta ayoko talaga ng namimili ng regalo pero gusto kong nagbibigay. Kung paano 'yun, hindi ko alam. Basta ganun.

Balik tayo sa bunutan.

'Yung iba, may mga code name pang nalalaman, ang tanging clue ay kung babae ba 'yun o lalaki. Bahala ka na. Basta maraming mga pauso kapag nagbubunutan na ng pangalan. May mga ilan na hindi makatulog sa kakaisip kung sino kaya ang nakabunot sa kanya o kaya hindi makakain dahil iniisip niya kung ano ang pwede niyang matanggap, picture frame ba o mug na Hello Kitty?

Namimili kami kahapon ng regalo ng mga kaibigan ko. Nakakatuwa at nakakatawa. Worth P100.00 and above ang napag-usapang halaga ng magiging regalo namin. Sa tuwing may makikita sila na isang magandang regalo at medyo mahal, magdadalawang isip sila at sasabihing "Wag na 'yan, baka tig-bente lang naman 'yung matatanggap ko. Hanap tayo 'yung tig-sampu lang."

Pero tingin ko naman, kung mamimili ka ng regalo, hindi na mahalaga kung ano ang matatanggap mo, ang mahalaga ay nag-abala siyang bigyan ka ng regalo. Hindi na mahalaga kung tig-limampiso lang ang natanggap mo at P100.00 ang ibinigay mo (basta pilitin mong isipin na hindi mahalaga 'yun). Masaya ang makatanggap ng regalo, pero mas masaya ang magbigay. Pero kung may kunsensya ka, mamili ka naman ng matino-tino! Hehe.

Swerte ako sa mga ganyang exchange gifts. Ang pinakamadalas kong matanggap ay 'yung suksukan ng ballpen na may bible verses para pampalubag loob at ewan kung bakit. Minsan isang set ng pantali ng buhok na may kasamang suklay na pink para ngumiti ako. Minsan naman damit na pantulog na hindi naman kasya saken kaya sa kapatid ko lang napupunta. Dati naman maraming sitsiryang tigpipiso at mga kendi at lollipop na nakalagay sa box ng katol. Minsan din picture frame na may picture ni Jerry Yan. Masaya ako, promise.

Kung ako sa'yo, magiging masaya na lang ako sa kung anuman ang matatanggap ko. Ang higit na mahalaga ay maging masaya sa simpleng dahilan na magkakasama kayo ng mga kaibigan o kapamilya mo, na mas higit pa sa kung anumang regalo ang matatanggap mo. (Mas masaya yun kesa sa picture frame.)

Ano na naman kaya matatanggap ko bukas? Cellphone (case) o Ipod (silicon)? Hmmm. Exciting! =)

Monday, December 21, 2009

Four Days na Lang! =)

Naisipan ko mag-blog. Kasi malamig.

Sabi sa TV kanina, na narinig ko din sa radyo, at nabasa ko din sa Facebook, 4 days na lang, pasko na daw. Sabi ko "Ha? Di nga? Wait. *sabay tingin sa kalendaryo* Oo nga nu! Ambilis." Seryoso, hindi ko napansin na nasa line of 2 ng December na nga pala ang date ngayon. Abala sa Facebook? Hindi. Abala sa pag-aaral? Hindi rin. Abala sa gawaing-bahay? Next question please. Abala sa kakaisip? Oo. Tama. Perfect. Christmas Season na kaya malamig. At napaisip tuloy ako sa sinabi ng kaibigan kong lagi na lang akong pinag-iisip:

"Ano bang espesyal sa Pasko? Eh paulit-ulit lang naman 'yun."

Kapag ba paulit-ulit ang isang bagay, hindi na ba pwede maging espesyal 'yun? Espesyal ang Pasko sa simpleng dahilan na espesyal ito. Kung tutuusin, lahat ng okasyon, espesyal naman talaga. Tulad ng birthday mo. Tinanong ko ang kaibigan ko kung kamusta ang naging birthday niya, sagot niya, "Napakaordinaryong araw. Mga pabati lang 'yung nagpabago 'nun." May punto naman siya, kaso hindi 'yun ang punto na gusto kong matumbok.

Okay, nalalayo na ko sa topic. Christmas blog nga pala 'to. Sorry na.

Sabi sa isang kowt, tuwing Pasko daw, nagtatampo si Papa Jesus kay Santa Claus, kasi mas hinahanap ng mga tao ang una kesa sa Huli. Sa napakaraming dahilan, parang nagkakaroon ng maling konsepto ang mga tao sa tuwing sasapit ang kapaskuhan. Para sa nakararami, ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan (ng regalo), pagmamahalan (ng mga presyo ng bilihin), at pagkakaisa (ng mga bata na kuyugin ang mayamang kapitbahay). Sa ngayon, nagiging panahon na din ito ng bagong damit at maraming pera. Nasaan na nga ba ang tunay na "diwa ng Pasko", bukod sa nasa bulsa ng Ninong at Ninang mo?

'Yung iba sinsabi malamig ang Pasko nila, 'pano walang kaholding hands o kaya kakabreak lang. 'Yung iba naman, parang wala lang daw ang Pasko kasi walang pera. At 'yung iba, ewan kung anong dahilan nila. Basta ang alam ko, masaya ang Pasko. Kasi birthday yun ni Bro. At may bagong damit akow. (Ai hindi pala kasama yung last, sorry na)

Hindi naman malungkot kung wala kang boypren o gerlpren o kakabreak niyo lang ng syota mo, para saan pa ang mga kaibigan at pamilya? Hindi rin naman ganun kasama kung wala kang pera, pwede ka namang manghingi. Ayos lang naman kung wala masyadong handa sa noche buena, hindi mo naman pakakainin 'yung my birthday. Sa madaling sabi, kahit ano pang dahilan mo, ibalato mo naman sa may birthday ang isang araw na dahilan para maging masaya ka. Ngiti-ngiti lang friend, masaya ang buhay. Promise. Hangga't sumisikat ang araw (sa west ba o sa east?), maniwala ka. =)

..
P.S. Trip mo bang dagdagan 'tong blog ko? Pakisabi na lang saken. Thanks.

ADVANCE MERRY CHRISTMAS! =)

Friday, December 18, 2009

Da Anibersari Blog - Bonggang Teynk Yu!

"Eych, gawa tayo ng website. Ano bang magandang pangalan?"

"Hhhmm. Pedestrian Lane."

"Bakit 'yun?"

"Bakit hindi?"

Sa ganyan lang nagsimula ang website na pinuntahan mo ngayon, sa pagkakatanda ko. Kakabasa ko lang din kasi ng Stainless Longganisa 'nung mga panahon na 'yun at ng Paboritong Libro ni Hudas kaya mga ganyang bagay ang lumabas sa utak ko (meron ba ko 'nun?). Wala akong alam sa pagmamanage ng website. Hindi rin ako magaling magsulat kaya hindi ko naman masyadong sineryoso ang plano ni Kuya ArAr. Basta ang alam ko lang, nagrereview ako 'nun para sa quiz kinabukasan at nangangarap lang magkawebsite lang si Kuya. Hehe.

Pero mga ilang minuto lang, pinasulat ako ni Kuya ng isang article kung bakit "Pedestrian Lane" ang naisip kong pangalan. Kaso wala atang nickname 'yun kaya nauwi na lang sa "Pedesrtian Crossing" para "PedXing". Naisip ko lang bigla na napakaraming uri ng tao, napakarami nilang destinasyon na tinutungo, pero lahat sila halos araw-araw dumadaan sa mga linyang nagmamalaki sa gitna ng kalsada (peace na lang muna sa mga jaywalkers hehe). Kaya naisip ko na ang magiging konsepto ng website namin kung sakali ay tungkol sa kahit ano at kahit saan na mapupuntahan ng kahit sino sa kahit saan.

Masyado akong adik sa mga gawa ni Bob Ong 'nung mga panahon na 'yun, at aminado naman ako. May ilang nagbabasa dito sa PedXing na nagsasabing para daw gawa ni Bob Ong ang mga pinopost namin dito, at pinagpapasalamat naman namin 'yun. Pero iba pa rin si Bob Ong at alam naming hinding-hindi namin siya kayang pantayan. Minsan talaga kapag masyado mong iniidolo ang isang tao, hindi sinasadyang magaya mo 'yung mga istilo nila, ang masama pa, nakukulong ka sa istilo na yun at guilty talaga ako 'dun. Sorry na. Haha.

Sa mga unang araw ng PedXing, kung anu-ano lang ang mga pinopost namin ni ArAr. Mula sa pinaka may sense hanggang sa pinaka-nonsense. At dahil tuwang tuwa ako at meron na kong website na maipagmamalaki sa mga kaklase ko, maya't-maya ako nagbablog. Ganun din si ArAr. Nakakatuwa talagang isipin ang mga "simula." Pero nakakatuwa ding isiping hindi ko pa naman nakikita ang "katapusan."

Hindi naman talaga Eych ang pangalan ko, imbento ko lang 'yun. Naniniwala kasi ako na lahat nga balak magsulat ng mga nonsense na bagay ay dapat may "code name". Natatawa din ako kay ArAr kasi may nagtanong kung maganda't sexy ba siya. Hehe. Kung bakit may code name pa kaming nalalaman, ewan ko din. Siguro maarte lang talaga kami. At umiiwas sa mga death threats.

Ang tunay ko talagang pangalan ay... hay. Nakakaantok. *hikab*

Kapag binabalikan ko ang mga sinulat ko dati dito, natututo ulit ako. Nasabi na rin ata ni Bob Ong 'yun sa isa sa mga libro niya. Meron kasi akong mga sinusulat dati na sinusulat ko lang 'pag talagang purgang purga na ang utak ko sa pagrereview at may maidahilang may ginagawa pa rin akong matinong bagay.

Pero hindi ko masabing isa akong mabuting blogger. Hindi na kasi ako madalas mag-blog hindi tulad ng dati na laging may bagong binabasa araw-araw ang mga matitiyagang tagasubaybay namin. Kung nandiyan pa rin sila, hindi ko na alam. Tambak na school works. Tambak na gawain. Tambak na tukso gaya ng Facebook. Nakakalimutan ko minsan ang PedXing. Sorry na talaga. Hehe.

Sa mga makakabasa nito, salamat at nagtyaga pa rin kayong basahin ang mga sinusulat namin. Salamat sa lahat ng mga pumuri at humusga sa PedXing sa loob ng isang taon. Salamat sa mga contributors na nagtiwalang ipost ang mga gawa nila dito. Salamat kay Sir Eros Atalia na pumayag i-post ang first chapter ng kanyang pangatlong libro dito at nagbigay ng mga payo sa akin. Salamat kay Sir Bob Ong para sa pagbibigay ng inspirasyon at sorry sa kakulitan ko sa e-mail. Salamat sa mga magulang namin na hindi pa rin pinapaputol ang network connection kahit araw-araw naman nilang nakikita na nagfeFacebook lang kami. Salamat sa mga kaklase ko na nagsasabing medyo maayos naman ang mga isinusulat ko dito. Salamat sa mga kapwa ko bloggers na nagpopromote ng PedXing, lalo na kay Ate Violet ng Silip (http://www.violetauthoress.blogspot.com). At salamat kay Bro na nagbigay ng utak (pero di ginagamit ng maayos kaya sorry na po) kina Eych at ArAr.

Sisikapin namin na mas mapabuti pa ang website na nagsimula lang sa dalawang utak na walang laman at walang magawa. Sana mas marami pa kaming contributors at tumagal pa ang PedXing na ito sa loob ng maraming maraming taon, at maipamana pa ito sa apo ng mga magiging something namin, I mean, mga anak. Hehe

Muli, THANK YOU talaga!


-Eych and ArAr

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr