Saturday, November 14, 2009

Masaya ka ba? Patingin Nga?

Tinanong ako ng kaibigan ko 'nung isang araw kung paano mo daw malalaman kung masaya ang isang tao. (Gusto ko sana sabihin sa kanya, emo ka?)Pero kung iisipin mo nga naman, paano nga ba? Sa paanong paraan mo masasabing masaya ka nga at hindi nagpapanggap lang?

Ang pagtawa ang isa sa pinakamasayang gawin sa mundo, bukod sa nakakapagpasakit ng panga at bangs, e libre pang gawin. Kakaiba ang ligayang dulot ng pagtawa (mas maligaya pa 'tong gawin kesa sa iniisip mo ngayon). Kaya naman masaya kasama 'yung mga taong walang ibang alam gawin kundi magjoke at gawing mukhang tanga ang sarili para lang mapasaya ang mga kasama. Kung ako ang tatanungin, mas gugustuhin ko pang kasama ang mga itinuturing na mangmang pero kaya kang patawanin sa mga oras na bagsak ka sa exam kesa sa mga matatalinong seryosong ini-english ka maya't maya.

Pero kung iisipin mo ulit (pasensya na kung kanina pa kita pinag-iisip), totoo nga ba ang bawat ngiting ipinapakita ng mga taong mahilig magpatawa o nagsusuot lang sila ng maskara para maitago ang tunay na nasa puso nila? Paano mo nga ba masusukat o masasabing masaya nga ang isang tao? Base ba 'to sa dami ng tawa, halakhak at ngiti, sa pagdodrawing ng smile sa kamay at pader, o sa pamamagitan ng simpleng pagsasabing "masaya ako"?


May mga tao kasing sadyang madaling magpanggap na masaya sila. At napakaraming ganun sa mundo. Hindi mabilang. Minsan nga isa ka na pala sa kanila, hindi mo pa alam. Minsan din 'yung mga taong ang almusal, tanghalian, merienda, hapunan, at midnight snack ay ang pagpapatawa ay sila pang pinakamalungkot na tao sa planeta, ayon sa isang sikat na author na si Paulo Coehlo.

Minsan kasi mas madali pang magpanggap na masaya kesa ipaintindi sa kanila kung bakit mo 'yun ginagawa. Kaso sa tingin ko mali 'yun, kaya nga may mga kaibigang ibinalato sa'yo ang tadhana kasi pwede mo silang sandalan sa mga oras na hindi mo na alam kung ano pang tamang joke ang pwede mong ibato sa mga panahong hindi mo na kaya. Hindi natin dapat ipinagdadamot sa kanila ang pagkakataong matulungan ka sa oras ng problema. Kaya matuto ka din makiramdam. Kung sa tingin mo may bahid na ng pagpapanggap ang pagpapatawa niya, tabihan mo na siya at yayain mo mag-softdrinks.

Pero balik tayo sa tanong na paano nga ba malalaman kung masaya nga ba ang isang tao? Kanina ko pa 'yun iniisip. Hindi ko din masabi. *blangko. *blangko. *blangko. *blangko. *blangko. *blangko. Pero masaya ako ngayon. Paano ko nasabi? Kasi pinili kong maging masaya kahit walang dahilan. Sabi nga nila, "Life is a matter of choice." At sabi din sa isang kowt, "God gave you blessings, happiness is up to you."

Sa iba't-ibang sitwasyon, ano ang ibig sabihin ng "masaya?"

Sa pagkakaibigan, ano ang kasiyahan? Ito ba yung kapag magkakasama kayong nagtatawanan habang naglalakad sa daan at mga bungisngis at halakhak niyo lang ang nangingibabaw? Ito ba 'yung kapag sumasakit na ang tyan ng isa't-isa dahil sa joke na binanat ng isa? Sa tingin ko, ang tunay na kaligayahan sa isang pagkakaibigan ay ang pagiging panyo ng bawat isa sa oras ng drama ng buhay at pagkakaroon ng kaalaman ng bawat isa na kahit anong mangyari, panghahawakan nila ang pangakong "walang iwanan."

Sa pamilya, ano ang kasiyahan? Ito ba 'yung kapag kumpleto kayo sa hapag-kainan at sama-samang nagsisimba? Syempre, oo ang sagot diyan. Pero higit na maituturing na kaligayahan ang pangingibabaw ng pagmamahalan sa pamilya, na hindi masusukat ng kahit anumang materyal na bagay.

Sa pag-ibig, ano ang kasiyahan? Holding hands sa isang romantic na lugar, maaaring masaya. Pagdiriwang ng monthsary, anniversary, oo masaya din. Pagbibigay ng regalo, pwede, masaya din 'yun. Tingin ko naman, sa isang relasyon, hindi masyadong mahalaga ang lahat ng bagay na nakikita ng mga mata mo (pwera na lang kung nagtu-two timer ang isa sa inyo hehe). Minsan kasi, kahit walang salitang bibigkasin, mararamdaman niyo pa rin ang kasiyahan sa simpleng pagkakaroon ninyo ng kaalaman na ang bawat isa ay nag-iisa sa mundo ng bawat isa. (Paki-intindi na lang kung anong ibig kong sabihin, kasalukuyan kasi akong nakikipagchat sa facebook haha).

Sa huli, pinakamasaya pa ring gawin ang tumawa. Mas madali 'yon kesa maghanap ng dahilan para maging masaya (huh?) at ang pinakamasasayang tao sa mundo ay 'yung may mga mabababaw na kaligayahan. :)

-----------------------------
Ninakaw ko ang picture sa taas kay Netsrot ng Flickr (www.flickr.com)

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr