Wednesday, July 29, 2009

13 kUTOS ng Estudyante

May 10 utos ang Diyos. May batas na sinusunod sa isang bansa. May batas sa klasrum. May batas sa kalsada. May batas sa paggamit ng swimming pool. May utos ang Simbahang Katoliko. Laging nang-uutos ang nanay mo. Utos nang utos ang guro mo. Pero 'wag kang mag-alala bata, may naghihintay ding utos mula sa'yo na dapat sundin - hindi nang mga nang-uutos sa'yo - kundi ng mga batang tulad mo e biktima din ng pang-uutos. Magulo ba? Utos ka kasi ng utos! Tsk Tsk.

May binigay sa aking isang lumang cartolina na naglalaman ng "13 kUTOS ng Estudyante" ang classmate ko (na 'nung isang dekada pa niya binigay pero ngayon ko lang nilagay dito). 2nd year high school daw nila ginawa 'yun ng mga kaklase niya (2nd year college na kami ngayon, di ako makapaniwala). May mga pangalan ditong mababanggit na hindi pamliyar sa inyong mga tenga, mata at isipan. Pero may common sense naman kayo. Ako kasi wala.




Kung hindi mo maintindihan ang mga nakasulat, eto:

13 Kutos ng Estudyante (II-I) - [2nd year, section 1]

1. Ibigin mo ang guro nang higit sa lahat, wala kang ibang susundin kundi si Mam Compollo. (Terror na teacher ata nila 'to)

2. Huwag susundin ang sinumang guro na nagbibigay ng mababang marka, 'yung may "plus" lang.

3.Huwag kang sumipsip sa'yong guro, dahan-dahan lang, baka mabulunan ka.

4.Pumasok ka ng 07:30 am sabay sabi ng "I'm sorry I'm late, I will not be late again."

5.Igalang mo ang mga nagpapakopya sa'yo.

6.Huwag kang magpatawa kung walang sense.

7.Huwag mong i-share ang assignment mo sa di mo friend, sa'kin lang ok! (Antigas ng mukha nito hehe)

8.Huwag mong tantanan ang iyong classmate sa pang-aasar. Di kita tatantanan!

9.Huwag kang mangopya, baka magka-stiff neck ka.

10.Ang lahat ng bagay ay dapat na "kinacareer".

11.Huwag kang dumaldal kung "bad breath" ka.

12.Huwag kang magpanakaw, magnakaw ka lang. Hirap ng buhay wala nang libre ngayon.

13.Huwag mong pagnasahan ang bolpen na napulot, chalk ni Mam Mendoza, 1/4 sheet ng katabi, at most especially, tignan ang lesson plan ni Mam. Lagot ka!


Mensahe mula sa langit (?):

Tandaan, hindi lahat ng mga kautusan sa mundo ay mabuti sa kalusugan. Mag-isip ng mabuti.

Friday, July 24, 2009

Konting-Konti na Lang.. Dedbol Na!

Sabi kanina sa bali-balita, patay na daw si Willie Revillame. Pero wala siyang masyadong kinalaman sa blog na 'to. Shinare ko lang 'yun.

May nakita akong isang site na nakakatuwa para sa'kin. Inuulit ko, "para sa'kin". Ewan ko kung paano ko napunta sa site na 'yun. Hhmm. Ai alam ko na, tinitignan pala 'yun kanina ng kaibigan kong naki-log-in sa Friendster dito sa typewriter namin. Oo. Typewriter. At ang shoutout niya, "..life is too short.."

Alam mo ba 'yung pakiramdam na halos katabi mo na si Kamatayan? Na konting-konti na lang, mag-ha-happy trip na kayong dalawa? Oh kaya naman, katapusan mo na pala, inuunti-unti ka lang. Paano kaya kung nangyari sa'yo 'yun? Anong gagawin mo?



Paano kung ikaw 'yung ibon?
Ano o sino ang ahas na tatapos sa'yo?
Lilipad ka ba palayo?
tatanggapin mo na lang ang tadhana mo?



Paano kung ikaw 'yung talangka?
Makakawala ka pa kaya sa buwaya?
Kung sa mga pagkakataong ito,
Kayo lang ang nasa mundo?



Paano kung ikaw 'yung maliit na palaka
Na tinapos ng traydor mong kapwa?
Magagawa mo bang magpatawad,
Sa kabila ng lahat?



Paano kung ikaw 'yung walang malay na ahas?
Na trinaydor din ng kapwa mong walang habag?
Paano ka makakaligtas,
Kung nahulog ka na pala sa sinikreto niyang bitag?



Paano kung sa malayo mong paglipad,
Sa impyerno ka din pala mapapadpad?
Makakabangon ka pa kaya?
O kaluluwa mo na lang ang hahayaan mong makalaya?

..
..
..
..
..
..

Paano kung pagkatapos mong mabasa ang blog na 'to.. 'kaw na lang pala ang hinihintay sa happy trip ni Kamatayan? May magagawa ka pa ba?




...pero syempre joke lang 'yun! hehe. =)



-----------------------------
mula sa http://www.environmentalgraffiti.com/featured/death-is-milliseconds-away/10927

Sunday, July 12, 2009

Isinantabing Rak-'n-Rol

"Malalaman mo lang ang halaga ng isang tao 'pag nawala na siya..."

Sabi 'yan ng kapatid ko habang nanonood kami ng music videos ni Michael Jackson. Pero ang totoo, bad trip lang siya kasi inagawan namin siya ng pagkakataon na makapanood ng "Nasan Ka Maruja?".

Pero, kung didibdibin ko ang sinabi ng kapatid ko, mukhang tama naman siya. Kung hindi naman namatay si Michael Jackson, hindi naman namin siguro papanoorin ng mama ko 'yung mga videos niya at makikipag-rock and roll na lang kami kay Maruja. Lalo na sa tulad kong hindi naman talaga niya fan. Aminado akong hindi ko siya masyadong na-appreciate 'nung nabubuhay pa siya. Siguro kasi hindi naman siya nagsimulang sumikat 'nung iniluwal ako sa mundo. Ngayon ko lang talaga siya na-aapreciate. Ngayon lang...kung kelan wala na siya.

Napakaraming bagay sa mundo na hindi natin nabibigyan ng pansin, ng panahon at atensyon. Magugulat na lang tayo sa lungkot na mararamdaman natin 'pag tuluyan na silang nawala nang hindi man lang natin ito nakuha, nahawakan, o kahit nasulyapan man lang. Akala kasi natin, may mas "da best" pa sa mga bagay na dumadaan sa buhay natin. Ang hindi natin alam, minsan lang tayo makakahanap ng mga ganoong klaseng bagay. Namayani kasi sa pagkatao natin ang mag-hangad ng "mas".

Pero syempre, hindi rin natin masisisi ang mga sarili natin. Malay ba natin kung 'yun na ang pinakamagandang bagay na pwedeng mangyari sa buhay natin, di ba? Ang mali lang natin, hindi man lang natin 'yun nabigyan ng pagkakataon para sana maging "the best" para sa atin. Sa madaling sabi, paminsan-minsan, hindi tayo marunong magpahalaga.

Maraming bagay ang pwedeng mawala, o pwedeng nawawala na habang tinatype ko ang blog na 'to. Maraming bagay na mas magandang pagsisihan matapos mong magawa, kesa pagsisihan dahil wala kang nagawa.

Habang may pagkakataon, habang hawak mo pa ang mga bagay-bagay sa paligid mo, habang kasama mo pa ang mga taong nagpapatawa sa'yo, habang nakikita mo pa ang mga taong mahal mo, habang humihinga ka pa kasabay nila, matuto kang magpahalaga at magpasalamat. Dahil hindi mo alam, pag-dilat ng mata mo sa umaga, nagbago na pala ang lahat.




-------------------------------------------------------------------------------------
Salamat sa http://www.flickr.com/photos/mohlat/2154005907/ para sa larawan.

Saturday, July 11, 2009

Michael Jackson.. Nagmulto?

Ang balak ko lang ngayon sa internet ay mag-search ng skin anatomy. Pero tinamad ako. At eto ang nakita ko:



Sa tingin mo, si Michael Jackson nga ba to? Hhmm.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr