Saturday, January 31, 2009

Ang Tunay na Pangalan ni Bob Ong ay...

Naisip ko lang, ilang libong Pinoy na ba ang nag-blog ng tungkol kay Bob Ong? Ilang libong tao na ba ang nagsabing "Ang lupet ni Bob Ong! Idol ko talaga 'yun! The best!"? Ilan na ba ang nag-popost ng discussion sa Friendster Groups tungkol sa kung sino ba talaga si Bob Ong, kung ano itsura niya at may nabasa pa ko, 'Pa'nu kung ligawan ka ni Bob Ong?" Ilan na ba sa atin ang gustong makita siya ng personal at ma-kiss? At ilang milyong pagkatao na ba ang tahimik na sumisigaw na "Sana, maging Bob Ong din ako!"

Tama na sa'kin ang mag-blog ng tungkol sa mga libro niya. Hindi ko sana gustong magsulat ng tungkol sa "kanya" mismo. Sa sobrang dami na kasi ng mga bloggers na siya ang favorite topic, ayoko na sanang dumagdag pa sa kanila tapos parehong impormasyon din lang naman 'yung sasabihin ko. Pero ano 'tong ginagawa ko?

Hindi kasi siya tulad ni Dingdong Dantes na na-iissue. Hindi rin siya tulad ng Pangulo na ipinag-rarally ng mga tao sa Mendiola. Walang makapagsasabi kung kasing-pogi niya ba si Piolo o kaya sing-gwapo ni Bentong, bukod sa mga taong itinatago rin ang pagkatao niya. Wala tayong ibang magawa kundi sabihing "Kilala ko si BO! Taga ___ siya! Prof ko nga siya sa ___!" At ang kinakalabasan, nagiging "status symbol" na ang pagkakaroon ng maraming impormasyon tungkol sa kanya na pwedeng-pwede mong ipagyabang at ipagpalit sa isang N-series na cellphone.

Aamin na ko sa mga nalalaman ko.

Sabi ng isa sa mga members ng "Alagad ni Bob Ong" na isang group sa Friendster, isa "daw" siyang Professor sa isang public university sa bansa. Ang tunay "daw" niyang pangalan ay.. ahm.. ahm.. ahm.. **************. Prof nga "daw" siya ng kaibigan niya. Graduate "daw" siya sa *** at ************* "daw" ang course na tinapos niya. Taga *********** "daw" siya at bukod sa mga 'yan e wala na kong alam. Hindi ko lang alam kung bakit hindi ko magawang paniwalaan ang bawat "daw" sa mga impormasyong nakuha ko.

Sa pinakasimpleng statement na kaya kong ibigay, ito lang ang masasabi ko - "Hindi ako naniniwala!". Inaamin ko, nagawa kong ipagyabang 'yung mga impormasyon na 'yan sa mga kaibigan ko. Hanggang sa naisip ko, parang tanga pala ako. Bakit pinaniniwalaan ko 'yung sabi-sabi ng iba at hindi 'yung mismong iniidolo ko?

Walang makapagsasabi kung ano talaga ang totoo. Maaaring tama ang mga detalye na 'yan tapos 'pag nabasa 'to ni BO e ibigay niya ang web address ng Pedestrian Crossing sa NBI at magmakaawang ipakidnap ako sa Abu Sayyaf. Pero sa totoo lang, walang kwenta ang pag-alam natin sa kung sino ba talaga siya dahil desisyon niya mismo ang paglantad bilang Bob Ong-isang pangalang walang anino, tago ang pagkatao. At ang tanging magagawa lang natin bilang mga taga-hanga niya e mabuhay, kahit kaunti, bilang Bob Ong - bilang isang halimbawa ng isang tunay na Pinoy.

May moral lesson dito. hanapin mo. *tawa*


(Pag-kaabalahang basahin ang "Bobong Pinoy for Dummies" sa website na ito para sa iba pang katotohanan.)


--
Update:
Inalis ko na ang nadawit na pangalan. Sorry sa pagkakamali ko. Sorry.

Friday, January 30, 2009

The Love Blog: Part 1

Nag-iisip ako ng kung anung pwede i-blog habang magkausap kami ng kaibigan kong problemado sa love life niya. Tapos naisip ko, "blog tungkol sa pag-ibig, kaya ko ba 'yun?"


Nung fetus pa lang ako, nagtataka na ako kung ano bang meron sa pagmamahal sa isang taong hindi mo naman kaanu-ano at gustong-gustong gawin 'yun ng napakaraming tao? Bakit ba para silang tanga na umiiyak dahil "iniwan" sila ng mga karelasyon nila. Bakit ba ganoon na lang masaktan 'yung bida sa telenobelang pinapanood ko dahil sa alam niyang walang gusto sa kanya 'yung taong pinagpapantasyahan niya. Bakit may holding hands at bakit may kissing scenes na kelangan takpan ko 'yung mga mata ko dahil "censored" daw 'yun. Wag mo naman ako sabihang baliw, pananaw ko lang naman 'yun nung bata pa ako.

Hindi ko alam kung paano nabago 'yung mga pananaw ko, pero isa lang talaga ang natutunan ko, maraming nababago ang pagmamahal sa buhay ng isang tao. Maraming-marami. Tingin ko nga, kaya may mga mental hospital at rehabilitation centers e dahil may mga sobrang mapagmahal sa mundo.

Ano nga bang punto ko?

Wala pa akong first love, at sa libo-libong di maipaliwanag na dahilan, ipinagpapasalamat ko 'yun. Kanina lang, kausap ko 'yung kaibigan ko. Hindi daw niya alam kung bakit ba niya minahal 'yung taong hindi naman siya kayang mahalin. Tapos humirit na siya ng mga pamatay na banat gaya ng "Nagtataka ako Eych kung bakit pa hinayaan ng Diyos na makilala ko siya e ang Diyos din naman ang author ng buhay ko, dapat niligtas na lang niya 'yung sarili niyang bida." Sabi ko sa kanya, "Syempre magaling pa kay Bob Ong si God, masyado siyang magaling na author kaya hindi mo mahuhulaan 'yung mga next scenes. Wag ka kasi mainip, pero wag ka din maghintay." Hindi ko alam kung pano niya tinanggap yung sinabi ko na yun, mahirap kasi magsalita pag wala kang alam.

Basta ang alam ko, pag nagmahal ka, wala ka dapat reklamo. Hindi mo dapat kinukwestyon ang kung sinuman para lang ma-satisfy 'yung tanong mo na "Bakit ako nasasaktan ngayon?".

Pasensya na, broken hearted kasi yung nakausap ko. Pero sa part 2, siguro matino na 'yung mga sasabihin ko. Abangan na lang ang sequel ng blog na 'to. Inaantok na kasi ako. =)

Wednesday, January 28, 2009

Mag-Abroad Ka Na!

Makinig ka. Seryoso 'to.

"Huwag pong mag-alala ang mga kababayan nating mawawalan ng trabaho dito sa bansa natin dahil marami pong trabahong available abroad. Magpunta lamang po sa tanggapan namin for assistance."


Nasa bus ako nang marinig ko yung balita na 'yan sa TV. Sabi 'yan ng isa sa mga.. ahm.. hindi ko alam basta sigurado akong bahagi siya ng gobyernong nagpapatakbo sa hinihingal na 'Pinas. Isang kunot na noo at "Ha? Bakit sa abroad pa?" ang naisukli ko sa balitang 'yun.


Noon pa lang asiwa na ko sa sistema sa bansa natin na patuloy na umaasang "makakapag-abroad" sila, makakapagtrabaho sila "abroad" at giginhawa sila "abroad". Pati sa mga colleges at universities na nagsasabing ensure na ang trabaho nila "abroad". Puro "abroad". Siguro sa ibang makakabasa nito, sasabihin nilang "Parang tanga pala 'tong si Eych, walang alam sa kasalukuyang lagay ng bansa, bakit, may aasahan pa ba dito? Ha? Tanga talaga! Tsk. tsk."

Hindi sa ayaw ko sa mga OFW, dahil OFW ang tatay at tito ko. Hindi sa ayaw kong pumunta sa ibang bansa dahil gusto ko din namang sumakay sa Ferris Wheel sa Disneyland. Hindi sa ayaw ko sa lahat ng Pinoy na iniiwan ang bansa para maghanap ng "mas magandang" kapalaran sa ibayong dagat. Nakakalungkot lang talagang isipin na halos lahat e gusto nang umalis dito dahil mga bad trip na sila. Wala nang aasahan dito, sabi nga ng nakararami.

Nakakalungkot dahil maraming pamilya ang ilang taong nagkakahiwa-hiwalay para kumita ng mas malaking pera, na sabi nila, hindi kikitain dito sa 'Pinas. Alam ko 'yun, dahil ganoon din ang paniniwala ng pamilya ko. Hindi sa hindi ako sumasang-ayon dito, ang totoo nga n'yan, sumasang-ayon ako - bagay na mas nakakalungkot pa kung iisipin mo.

Siguro nga masyado pa akong bata para isipin 'yung mga bagay na 'yan na iniisip ko kung meron pa nga bang nag-iisip ng ganyan. Nagiging tuta na tayo ng ibang bansa, sumasailalim sa kamay ng ibang lahi para sa inaasahang pag-unlad sa buhay. Nakakalungkot dahil sa napakaraming dahilan, hindi natin maranasan 'yan dito sa bansa.

Ano nga bang problema? Pera? Sistema ng gobyerno? O tayo mismo? Meron nga bang ibang dahilan para umasang uunlad tayo sa sarili nating bansa? Sa libo-libong dahilan, meron naman. Pero sa milyong-milyong dahilan, mukhang wala. Kelangan ko na yata talagang tanggapin na hirap na hirap na tayong lahat, na kung tutuusin e dapat yata matagal ko nang natanggap.

Isang buntong-hininga na lang ang kaya kong ipantapos sa blog na 'to.

Sunday, January 25, 2009

Starbucks


Chocolate Cream Chip, Mocha Frappe at kung anu-ano pang flavors ng kape. Yan ang makikita mo sa Starbucks. Itinuturing ng marami na pambansang kapihan ng bayan. Parang kabuteng nagsulputan sa iba't ibang parte ng bansa. Tinalo pa nito ang ilang mga malls at fast food chains. Para bang naging adik sa kape ang buong sambayanan. Mabilis pa sa ihip ng hangin na gumastos ng mahigit 100 pesos para sa isang Grande iced coffee. Sa halip na gastusin ang nasabing halaga sa ibang mas importanteng bagay ay nagpapakalunod ang karamihan, not to mention call center peeps, sa isang baso ng kape.


At hindi yan kape ha! Yan ay ayon sa mga social climber na estudyante. "Starbucks is not coffee. They are ground beans with processed chocolate and skimmed milk" Pero kung susuriin mo naman, ano nga ba ang laman ng iniinom nila? Hindi ba't kape! Starbucks is coffee. Period. No erase.

Matalino ang sinumang nagdala ng Starbucks dito sa ating bansa. Pumatok talaga ang marketing strategy. Isipin mo naman, ang isang tipikal na pinoy na gustong magpakasosyal, pupunta doon at oorder ng kape. Uupo sa gilid na kung saan ay makikita siya ng maraming tao na walang pangkape. Aantayin tawagin ng barista ang pangalan nya. Kukuha ng napakaraming tissue paper bilang souvenir. At siyempre, matagal nyang sisipsipin ang kape para mafeel ang ambiance ng sikat na coffee company.


Wala akong galit sa Starbucks. Sinasabi ko lang ang aking point of view tungkol sa paanong ang isang kapehan ay nagawang baguhin ang isang tipikal na pinoy.

Saturday, January 24, 2009

Ang Ika-Pito ni Bob Ong.. Andito na!

Pagkatapos ng isang taong paghihintay, at pagkukuro-kuro, sa wakas, malapit na malapit nang makita sa mga bookstores ang bagong libro ng iniidolo nating Pinoy author. Mukhang kumambyo ng ibang genre 'tong idol natin. Panuorin ang video na ito mula sa website ng Visual Print Enterprises (www.visprint.net), ang publisher ni idol.



Sino kaya ang superhero na ito? Ito na kaya yung magliligtas sa buong kalawakan? Abangan. =)

The Pinoy Drivers

Naipakilala ko na ang mga Patok Drivers. Pero sa tingin ko, hindi lang dapat sila ang maging bida. Kundi lahat! Sa tulong ng "Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino" ni Bob ong, ipapakilala ko ang mga iba't-ibang klase ng mga Pinoy Drivers. Sakay na!



Eto na ang mga uri ng mga Pinoy drivers na naging barkada na natin sa araw-araw:

BAGGAGE BOYS- Mga drivers na sa pilahan pa lang eh masinop na. Pilit na sinisiksik ang mga pasahero at hindi umaandar ang sasakyan hanggang hindi nakakapagsakay ng 20 katao sa upuan na pang-14.
Bukambibig: “Kasya pa, dalawa pa ‘yan, kabilaan!”

PACMAN- Baggage boys na matakaw sa pasahero hanggang sa highway. Walang sinasanto na “NO LOADING/UNLOADING” signs. Hinihintuan ang lahat ng tao na pwedeng isakay, parang video game player na nag-iipon ng points at naghahangad ng bonus.
Bukambibig: “Sige, konting bilis lang ho at bawal bumaba dito!”


FORMULA ONE aka PATOK DRIVERS- Mga kaskaserong piloto na nagpapalipad ng jeep. Di tulad ni Pacman, maraming pasaherong nilalagpasan ang Formula One. Para silang mauubusan ng lupa. Sa sobrang bilis magpatakbo, lahat ng pasahero eh napapapikit nang mahigpit sa hawakang bakal.
Bukambibig: (Wala, Hindi nakakausap)

SCREWD DRIVER- Asiwa at mainit lagi ang ulo. Galit sa mga pedestrian, galit sa mga vendors, galit sa mga pasahero, galit sa mga pulis, galit sa mga kapwa driver, galit sa mundo. Sumisigaw, nagdadabog at nagmumura bawat tatlumpung segundo.
Bukambibig: “&#%@!”

KUYA BODJIE- Ang tsuper na masayahin, Laging nakangiti at sumusipol. Malugod na bumabati sa lahat ng nakakasalubong sa daan. Perpekto na sana si kuya Bodjie kung hindi lang sya’ madalas na sanhi ng heavy traffic.
Bukambibig: “Kamusta? Kamusta ang mga bata? Ilan taon na ba ang inaanak ko pare? Anu na nangyare sa ina-aplayan mong trabaho sa Saudi?”

SI MANONG- Matandang driver na may matandang jeep. Yung tipong binubuo na lang ng kalawang ang sasakyan nya at pwedeng kakitaan ng mga fossils at itlog ng dinosaur. Madalas ring tumitirik ang makina at talo ang mga pabrika sa usok ng tambutso. Kadalasan naka-tune in si Manong sa AM radio at nakikipagpalitan ng kuro-kurong politikal sa katabing pasahero.
Bukambibig: ”Lipat na lang kayo sa kabilang jeep, nasiraan tayo.”


DON FACUNDO- May hihigit pa ba kay Manong? Oo, ang matandang mahilig- si Don Facundo, ang DOM na driver!! Hitik sa green jokes at malalaswang banat.
Bukambibig: “Sakay na sexy, iuuwi na kita!” o “Konting ipit para di mangamoy!”


DISC JOCKEY- Ang sound-tripper na tsuper.Ultimo konsensya mo hindi mo maririnig sa sobrang lakas ng stereo nya. Lahat ng bagay sa loob ng sasakyan eh kumakalabog at kumakalansing sa tugtog. Aakalain mo ring may on-going party sa loob ng jeep dahil sa dami ng pribadong kaibigan nya’ng nakaangkas..
Bukambibig: (Hindi mo maririnig sa sobrang ingay.)

THE SUPER PINOY DRIVER- Marunong sumunod sa batas trpiko. Magalang sa mga pasahero. Hindi nanlalamang sa mga kapwa driver. At ayos magpatakbo ng sasakyan. Isa lang ang problema, hindi pa siya ipinapanganak.

'Yan ang mga Pinoy Jeepney drivers. Kaso nawawala yata yung isa, yung huling nabanggit. Pero sa tingin ko naman, naipanganak na siya, hindi nga lang napapansin dahil sa mga "mas cool" sa kanya. Nakasay na ko sa jeep ni Super Pinoy Driver, ang problema lang, hindi ko na siya nakita, nag-pari na ata.

Basta Pinoy driver, cool.=)

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr