Monday, November 18, 2013

Ikaw, Anong Naaappreciate Mo?

Mahigit isang linggo na ang nakakalipas mula 'nung pineste ng bagyong Yolanda ang munting Pilipinas. Lagi kong naririnig na ito na 'yung pinakamatinding bagyo na tumama sa mundo at sa kamalas-malasan, sa 'Pinas pa talaga natripan tumambay ng walang hiya. Pero alam ko na 'yun, sa halos araw-araw na panonood ko ng TV Patrol, alam kong halos burahin na niya sa mapa ang Tacloban, maging ang mga ibang probinsya na tinamaan ng nasabing delubyo. Pero kanina lang, nanood ako ng Failon Ngayon. At 'dun ko narealize - hindi ko pa rin pala naiintindihan ang lahat.

Akala ko naiintindihan ko na 'yung sakit ng pagiging isang biktima ng sakuna na 'yun. Akala ko gets ko na kung gaano katindi 'yung pinsala. Akala ko naiintindihan ko na 'yung sakit na mawalan ng mahal sa buhay dahil minsan ko nang naranasan 'yun 'nung nawalan ako ng nanay. Pero narealize ko na kahit kelan pala, kahit ako mismo na naranasan ng mamatayan ng nanay, hinding-hindi ko maiintindihan ang hinagpis at sakit na nararamdaman ng mga nawalan ng kapamilya sa panahon ng bad trip na kalamidad. At ang mas masakit pa dun - ni simpleng disenteng libing e hindi mo kayang ibigay sa mahal mo sa buhay na nahihimlay sa kalsada at wala nang buhay.

'Nung nakita ko kung paano magwala 'yung batang lalaki matapos niyang makita 'yung tatay niya na wala ng buhay sa ilalim ng yero at sinasabi sa kanya ni Ted Failon na magpakalalaki siya at tumulong siyang buhatin ang tatay niya, 'dun na bumagsak 'yung luha ko. Maging 'dun sa tatay na iyak nang iyak dahil wala na siyang ibang magawa kundi yakapin na lang at iyakan 'yung anak niyang nakahiga sa teacher's table at wala ng buhay... nakakapanlumo talaga.

Sa tingin ko, hindi totoong sa kabila ng lahat ay kaya pa ring ngumiti ng mga Pilipinong nasalanta ng bagyo. Sa TV lang 'yun, sa sound effects, sa music videos, sa edited pictures, sa Instagram, sa social media. Ang totoo, umiiyak pa rin sila araw-araw. Mahabang panahon pa ang hihintayin para tuluyan silang ngumiti. Mahabang panahon pa ang hihintayin para maintindihan nating mga pinalad na hindi naapektuhan ng hampaslupang Yolanda para maunawaan ang sakit na nararamdaman nila.

Kung pwede lang sana... panaginip lang ang lahat.

Pero syempre, hindi ibig sabihin wala na tayong magagawa. Maaari nating ibigay ang buong suporta natin sa kanila at iparamdam sa kanila na kahit kelan ay hindi sila mag-iisa, gaya ng ginagawa ng napakarami sa atin. Dahil nandito tayo - tayong mga Pilipino. Kasama ng lahat ng mga taga-ibang bansang nagmamalasakit at patuloy na dumadamay sa umiiyak nating Inang Bayan. Tutulungan natin sila sa abot ng ating makakaya at sa KAHIT NA ANONG PARAAN.

Ang punto ko? Naaappreciate ko lang na gising ako ngayong araw at nakikita ko pa rin ang pamilya kong nanonood ng Vice Ganda at nagfefacebook. Naaappreciate kong nakikikinig ako ng radyo ngayon. Naaappreciate kong mainit sa bahay namin at may sapat na ilaw. Naappreciate kong sabay-sabay kaming kumain ng champorado ng pamilya ko kanina. Naappreciate kong ang pinoproblema ko lang ngayon ay 'yung assigment kong hindi ko pa nagagawa at deadline na bukas. Naappreciate kong nilalike ng mga kaibigan ko ang posts ko at wala naman akong nabalitaang may nasaktan sa kanila (pwera na lang sa isa diyan na fresh from breakup, peace!).

Naappreciate ko lang na buhay ako. Na buhay ang pamilya ko. Na buhay ang mga kabigan ko. Kaya salamat po, Lord. Maraming salamat po. KAYO na po ang bahala sa mga kababayan ko. Alam ko... tulad ng pagbawi niyo sa Mama ko nang sobrang aga.. may dahilan po Kayo.

Kung naipapadala lang sana sa FedEx ang yakap, tapik sa balikat, at mga korni kong jokes sa mga biktima... kung naipapadala lang sana.

Ikaw, anong naappreciate mo?

#BangonPilipinas


--
photo: http://www.businessinsider.com/typhoon-haiyan-damage-is-worse-than-hell-2013-11

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr