“If someone isn't what others want them to be, the others become angry. Everyone seems to have a clear idea of how other people should lead their lives, but none about his or her own.”
― Paulo Coelho, The Alchemist
Bago ako matulog kagabi, may isang video na kumakalat sa Facebook na paulit-ulit na shineshare ng ilan. 'Nung una hindi ko binuksan kasi na-trauma na ako. May binuksan kasi ako na video dati na isang babae at isang lalaking nag-aano 'yung nakita ko. 'Nak ng adobong penguin talaga 'yun. Pero nadagdagan pa ang mga nagsheshare sa pagpatak ng bawat minuto, hanggang sa nakita ko na lang ang sarili ko na pinapanood ang isang minutong "viral video" at nagkisali sa libo-libong Pilipinong tumangkilik sa one-minute video exposure ni Ate "Amalayer".
Ayon sa balitang binasa ko, kaya daw uminit ang ulo ng bida natin ay dahil sa diumano'y "maling" paraan ng pagsita sa kanya ng isang lady guard sa isang LRT station. Ang hindi ko naman maintindihan kay Amalayer (na hindi ko alam ang tunay na pangalan at ayoko na alamin pa), ay una - kung bakit ayaw niya ilagay ang bag niya sa may conveyor. Inisip ko baka nandun 'yung pet niyang pating. Pangalawa - ano ang pumasok sa isip niya para magsisigaw at gumawa ng eksena sa LRT with matching interpretative dance; at pangatlo - lalong hindi ko maintindihan kung bakit kelangan niya pa mag-English kung hindi naman siya prepared. Sabi niya pa, may "pinag-aralan" daw siya. Gusto ko sana itanong kung anong subject.
At ngayon..
Matapos ang lahat ng pamamaril ng mura..
Matapos ang pamamato ng kaliwa't-kanang paninira..
Matapos ang samu't-saring pambugbog ng mga salita..
At matapos ang lahat ng malulupit na pagtira sa pagkatao niya..
Pilipinas.. ano na? Ano ba ang gusto nating lahat?
Bigla ko lang kasing naisip kung ano na ang magiging buhay ni Amalayer pagkatapos ng isang malaking pagkakamaling hindi niya inaasahan na magagawa niya sa araw na 'yun. Paano siya lalabas ng bahay nila gayong alam niyang may mga matang nakamasid sa kanya at handa siyang pagchismisan maya-maya? Paano siya gagawa ng mga assignments at magrereview para sa mga exams kinabukasan kung alam niyang pagpasok niya sa school, may mga estudyanteng handa siyang husgahan anumang oras? Paano siya makakakain sa araw-araw kung alam niyang maya-maya mabubulunan din siya dahil paniguradong may ilang pamilyang hindi lang pagkain ang pinagkakaabalahan sa hapag-kainan, kundi pati 'yung pagkukwentuhan tungkol sa kasalanan niya? Paano niya pakakalmahin ang puso niya sa bawat araw na makikita niyang hindi lang pagkatao niya ang niyuyurakan, kundi pati ang buhay ng pamilya niya, lalong-lalo na ang mga magulang niya? Paano siya magkakaroon ng sigla sa bawat umaga kung wala siyang alam sa kung sino ang sasagot sa bawat "paano" niya?
Ayoko na sana pang ibalik 'yung usapin tungkol sa Cyber Crime Law. Pero sa pagkakaalam ko, sakop ng batas na ito ang cyber bullying. Binully ni Amalayer 'yung guard..pero ang kapalit, binully siya ng buong Pilipinas. Minsan nating minura ang nagpatupad ng Cyber Crime Law, pero ni minsan, hindi naman tayo natuto. Tanga si Amalayer - tanga siya kasi nakalimutan niyang may nervous system siya kung saan matatagpuan ang kaisa-isang bagay na kung ginamit niya lang sana, normal pa sana ang lahat - utak. Pero tayong mga tagapaghusga niya na isang minutong-video lang ang naging batayan, at nagmamasid lang sa harap ng mga computer monitors, nakalimutan nating paganahin ang mga puso natin. (Corny? Kitams. Wala ka talagang puso. Haha.) Nakalimutan nating hindi lang siya isang fictional character. Totoong tao siyang may mga pangarap din na gaya ng lahat. 'Yun nga lang, ng dahil sa iisang kasalanan na 'yun, burado na lahat ng mga magagandang nagawa at gagawin niya pa lang sa buhay niya, sa simpleng dahilang nabuhay siya sa mapanghusgang henerasyon ng kasalukuyan - ang kasalukuyan na ang pagtimbang sa paggawa ng mali at paggawa ng tama ay hindi nasusukat ng tama, at ang mas masaklap, mas mabigat 'yung pagtimbang sa una.
Tinignan ko 'yung mga posts ng iba. At sa tingin ko hindi naman lahat ng nagpost ay may layunin na ipaalam sa lahat na hindi tama ang ginawa ni Amalayer at magsilbing aral para sa lahat. Karamihan, gusto lang makakuha ng katuwaan at kasikatan mula sa pagkakamali ng iba.
Wala akong balak ipagtanggol ang kahit sino, dahil ayokong maging trending at mabansagang "Amablogger". At isa pa, mahirap din talaga humanap ng dahilan para ipagtanggol 'yung nagawa ni Amalayer. Ang sinasabi ko lang, tama na. Alam na ni Amalayer ang pagkakamali niya, at sa tingin ko naman hindi na siya nagbabalak pang ulitin 'yun. Lahat naman tayo may mga malalaking kasalanang nagagawa sa buhay, swerte ka lang kasi walang "Bayan Patroller" ang nakamasid sa paligid para ipost ang video mo na nag-aano ka. Malas lang ni Amalayer dahil kinailangan niya pang matutunan 'yung pagkakamali niya sa pinakamasaklap na paraan. Sana lang..hindi na 'to maulit pa.
.
.
.
.
.
.
Ate Paula, hindi ko alam kung may sense, pero pinapatawad kita. Basta...last mo na 'yan ha?
--
(Note: Hindi ko po tinotolerate 'yung ginawa ni Amalayer. Sana naipaliwanag ko na 'to nang maayos. Salamat po sa pagbabasa mo.*_*)
Photo credits: www.shawie.com