Tuesday, August 7, 2012

Gising Na, Anak

Hindi talaga tumitigil.
Hindi nagpapaawat. 
Sa dagliang pagpikit ng mata, 
Biglang bubuhos ang hindi inaasahan. 
Ulan nang ulan,
Pero hindi iyon kasalanan ng ulan. 
Wala siyang pagkukulang, 
Kagaya ng isang batang bagong silang. 
Umiiyak ka, 
Nagmamakaawa, 
Naninikluhod, 
Naghihinagpis nang walang pagod. 
Umuulit lang ang kasaysayan. 
Umuulit lang din ang kasalanan. 
Hindi man lang mabago, 
Hindi magawan ng paraan. 
Ngunit anak ko, ako rin naman, 
Nararanasan ang lahat ng iyan. 
Sa bawat pagkalimot, 
Sa bawat pagtalikod, 
Sa bawat pagtakwil sa pagbabago, 
Buhay ang kapalit, 
Maging kinabukasan ng batang paslit. 
Hindi ka pa ba gigising? 
O hindi kaya'y gising ka na, 
Ngunit nagtutulug-tulugan ka? 
Maawa ka. 
Kumilos ka. 
Mag-isip ka. 
Hahayaan pa kayang maulit ang lahat? 
Umuulit ang kasaysayan. 
Umuulit lang ang kasalanan, 
Ngunit hindi ako titigil sa kakaasa. 
Sana bukas, 
Magising ka na 
Mula sa palalim mong pagtutulug-tulugan. 
Maghihintay ako. 
Ngunit huwag ka sanang magtatagal, 
Bago pa ako tuluyang mapagal. 
At kung sakali mang ika'y naguguluhan, 
Ako sana'y huwag mong kagagalitan. 
Anak ko, 
Ako lang ito, 
Ang Inang Kalikasan mo. 



photo(c) www.paganspace.net

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr