Wednesday, January 28, 2009

Mag-Abroad Ka Na!

Makinig ka. Seryoso 'to.

"Huwag pong mag-alala ang mga kababayan nating mawawalan ng trabaho dito sa bansa natin dahil marami pong trabahong available abroad. Magpunta lamang po sa tanggapan namin for assistance."


Nasa bus ako nang marinig ko yung balita na 'yan sa TV. Sabi 'yan ng isa sa mga.. ahm.. hindi ko alam basta sigurado akong bahagi siya ng gobyernong nagpapatakbo sa hinihingal na 'Pinas. Isang kunot na noo at "Ha? Bakit sa abroad pa?" ang naisukli ko sa balitang 'yun.


Noon pa lang asiwa na ko sa sistema sa bansa natin na patuloy na umaasang "makakapag-abroad" sila, makakapagtrabaho sila "abroad" at giginhawa sila "abroad". Pati sa mga colleges at universities na nagsasabing ensure na ang trabaho nila "abroad". Puro "abroad". Siguro sa ibang makakabasa nito, sasabihin nilang "Parang tanga pala 'tong si Eych, walang alam sa kasalukuyang lagay ng bansa, bakit, may aasahan pa ba dito? Ha? Tanga talaga! Tsk. tsk."

Hindi sa ayaw ko sa mga OFW, dahil OFW ang tatay at tito ko. Hindi sa ayaw kong pumunta sa ibang bansa dahil gusto ko din namang sumakay sa Ferris Wheel sa Disneyland. Hindi sa ayaw ko sa lahat ng Pinoy na iniiwan ang bansa para maghanap ng "mas magandang" kapalaran sa ibayong dagat. Nakakalungkot lang talagang isipin na halos lahat e gusto nang umalis dito dahil mga bad trip na sila. Wala nang aasahan dito, sabi nga ng nakararami.

Nakakalungkot dahil maraming pamilya ang ilang taong nagkakahiwa-hiwalay para kumita ng mas malaking pera, na sabi nila, hindi kikitain dito sa 'Pinas. Alam ko 'yun, dahil ganoon din ang paniniwala ng pamilya ko. Hindi sa hindi ako sumasang-ayon dito, ang totoo nga n'yan, sumasang-ayon ako - bagay na mas nakakalungkot pa kung iisipin mo.

Siguro nga masyado pa akong bata para isipin 'yung mga bagay na 'yan na iniisip ko kung meron pa nga bang nag-iisip ng ganyan. Nagiging tuta na tayo ng ibang bansa, sumasailalim sa kamay ng ibang lahi para sa inaasahang pag-unlad sa buhay. Nakakalungkot dahil sa napakaraming dahilan, hindi natin maranasan 'yan dito sa bansa.

Ano nga bang problema? Pera? Sistema ng gobyerno? O tayo mismo? Meron nga bang ibang dahilan para umasang uunlad tayo sa sarili nating bansa? Sa libo-libong dahilan, meron naman. Pero sa milyong-milyong dahilan, mukhang wala. Kelangan ko na yata talagang tanggapin na hirap na hirap na tayong lahat, na kung tutuusin e dapat yata matagal ko nang natanggap.

Isang buntong-hininga na lang ang kaya kong ipantapos sa blog na 'to.

5 comments:

Anonymous said...

Ayos lang 'yan. May pag-asa pa naman, sa tingin ko.

Anonymous said...

meron nga..kaso malabo sa pinas.. mas ok din sa abroad...mas mabilis kita.

Anonymous said...

cguo, nasa atin ang problema.. hmm.. sabi nga ng teacher ko ng hayskul. "kung gusto talga ng pagbabago. dpat magsimula sa ating sarili."

Eych said...

sana nga talaga umunlad pa tayo.

ArAr said...

baka patay n tayo, d pa umuunlad ang pilipinas. sangkatutak ang mga currupt d2 eh..

Post a Comment

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr