Noo'ng kami ng mga kaibigan ko ay mga musmos pa lamang, naranasan naming makapaglaro ng kung tawagin ay mga laro ng lahi. Dahil noong panahong iyon, wala pa ang mga online games tulad ng RAN, Special Force, O2jam, MU atbp. Kaya naman talagang ubos ang enerhiya ng aming buong katawan dahil sa kakatakbo, kakalundag at kakasigaw. Naenjoy talaga naman ang aming pagiging bata. Iban'g iba na talaga sa henerasyon ngayon. Kaya sa aking pagbabalik-tanaw, pagmumuni-muni at pagtingin sa cursor na patuloy na kumikindat habang ako'y nag-iisip ng maisusulat, sumagi sa akin'g isipan ang mga laro'ng pinoy na minsan ko na lang makita ngayon.
1. Luksong Tinik - gamit ang mga paa at kamay ng dalawang manlalaro, pagdudugtung-dugtungin nila ang mga ito na para bang gagawa ng bakod na siya namang lulundagin ng isa pa nilang kalaro. Kailangang hindi sasabit ang kahit anong parte ng katawan ng lulundag dahil kung hindi ay magiging taya siya. Maaari rin namang gumulong siya kapag nagkamali ng lundag. Susubsob ang mukha sa lupa at sisirit ang dugo. Ang saya!
2. Luksong Baka - ang taya ay siyang yuyuko na gagayahin ang itsura ng baka. Lulundagan naman siya ng mga nang-aatsoy sa kanya. Kailangang matibay ang mga buto ng siyang magiging baka dahil iba-iba ang pisikal na anyo ng mga tatalon sa kanya. Suwerte mo kung singbigat lang ng tissue paper ang tatalon sa yo dala na rin ng kakulangan sa nutrisyon pero kung singtaba ni Dabyana ang tatalon sa yo, siguraduhing may nakahandang ambulansya o hindi namay'y albularyo na syang manghihilot sa posibleng maging pilay mo.
3. Langit Lupa - habulang laro na kung saan, para makaligtas ka sa taya na siyang huhuli sa yo, kailangan mong maghanap ng isang mataas na bagay na siyang magsisilbin'g "langit". Pero di ka pwedeng manatili habang buhay sa "langit" mo dahil kailangan mo ring humanap ng pwesto pagkatapos. At ang taya naman, bawal ang bantay sarado dahil tiyak na kakantahan ka ng "Bantay Suka, Doble Taya!"
4. Tumbang Preso - isang lata ang ipupwesto ng taya na siya nyang babantayan para hindi mapatumba ng mga nagbabalagoong sa kanya. Kapag nakatayo ang lata, maaari syang manaya ng mga manlalarong wala sa base. Pero sa oras na mapatumba ang lata gamit ang mga tsinelas na syang hinahagis ng mga manlalaro, kailangan nya itong itayo bago sya manaya. Iwasan lamang ang lata dahil maari itong tumama sa iyong pagmumukha at pagsimula ng pamamaga.
5. Patintero - tinatawag ding "harang-harang" dahil wala kang ibang gagawin kundi harangin ang mga magnanais makapasok. Maaring laruin ng tatlo hanggang limang manlalaro sa bawat koponan. Kailangan munang gumuhit ng dalawa o apat na parisukat dipende sa dami ng manlalaro sa bawat kuponan bago simulan ang laro. Ang bawat kalahok ng isang kupunan ay tatayo sa likod ng mga linyang ginuhit. Ang taya na nakatayo sa linya sa gitna ay maaring tumawid sa mga iba pang linyang ginuhit kaya't napapadali ang pagkakataon na mahuhuli ang kalahok ng kabilang grupo. Dapat makatawid at makabalik ang mga kalahok ng kabilang grupo na hindi nahuhuli ng tayang grupo. Kapag mayroong nakatawid at nakabalik sa kupunan na hindi nahuhuli ng mga taya ay madaragdagan ng puntos ang kanyang kupunan. Ang mga tumatakbo naman ang magiging tayakung sakaling mayroon isa sa kanila ang mahuli ng kabilang kupunan. Ang unang kupunan na makakuha sa pinagusapang dami ng puntos ay siyang magwawagi.
Ilan lang yan sa mga nakakamiss laruin na sa ngayon ay di ko na madalas nakikitang nilalaro ng mga bata dahil abala sa paglalaro ng ragnarok at iba pang online games.
Sana lang, makasama ang mga larong ito sa SEA Games o Olympics. Wishful thinking!!!
Thursday, January 15, 2009
Laro tayo
11:13 AM
ArAr
No comments
0 comments:
Post a Comment