Saturday, January 24, 2009

The Pinoy Drivers

Naipakilala ko na ang mga Patok Drivers. Pero sa tingin ko, hindi lang dapat sila ang maging bida. Kundi lahat! Sa tulong ng "Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino" ni Bob ong, ipapakilala ko ang mga iba't-ibang klase ng mga Pinoy Drivers. Sakay na!



Eto na ang mga uri ng mga Pinoy drivers na naging barkada na natin sa araw-araw:

BAGGAGE BOYS- Mga drivers na sa pilahan pa lang eh masinop na. Pilit na sinisiksik ang mga pasahero at hindi umaandar ang sasakyan hanggang hindi nakakapagsakay ng 20 katao sa upuan na pang-14.
Bukambibig: “Kasya pa, dalawa pa ‘yan, kabilaan!”

PACMAN- Baggage boys na matakaw sa pasahero hanggang sa highway. Walang sinasanto na “NO LOADING/UNLOADING” signs. Hinihintuan ang lahat ng tao na pwedeng isakay, parang video game player na nag-iipon ng points at naghahangad ng bonus.
Bukambibig: “Sige, konting bilis lang ho at bawal bumaba dito!”


FORMULA ONE aka PATOK DRIVERS- Mga kaskaserong piloto na nagpapalipad ng jeep. Di tulad ni Pacman, maraming pasaherong nilalagpasan ang Formula One. Para silang mauubusan ng lupa. Sa sobrang bilis magpatakbo, lahat ng pasahero eh napapapikit nang mahigpit sa hawakang bakal.
Bukambibig: (Wala, Hindi nakakausap)

SCREWD DRIVER- Asiwa at mainit lagi ang ulo. Galit sa mga pedestrian, galit sa mga vendors, galit sa mga pasahero, galit sa mga pulis, galit sa mga kapwa driver, galit sa mundo. Sumisigaw, nagdadabog at nagmumura bawat tatlumpung segundo.
Bukambibig: “&#%@!”

KUYA BODJIE- Ang tsuper na masayahin, Laging nakangiti at sumusipol. Malugod na bumabati sa lahat ng nakakasalubong sa daan. Perpekto na sana si kuya Bodjie kung hindi lang sya’ madalas na sanhi ng heavy traffic.
Bukambibig: “Kamusta? Kamusta ang mga bata? Ilan taon na ba ang inaanak ko pare? Anu na nangyare sa ina-aplayan mong trabaho sa Saudi?”

SI MANONG- Matandang driver na may matandang jeep. Yung tipong binubuo na lang ng kalawang ang sasakyan nya at pwedeng kakitaan ng mga fossils at itlog ng dinosaur. Madalas ring tumitirik ang makina at talo ang mga pabrika sa usok ng tambutso. Kadalasan naka-tune in si Manong sa AM radio at nakikipagpalitan ng kuro-kurong politikal sa katabing pasahero.
Bukambibig: ”Lipat na lang kayo sa kabilang jeep, nasiraan tayo.”


DON FACUNDO- May hihigit pa ba kay Manong? Oo, ang matandang mahilig- si Don Facundo, ang DOM na driver!! Hitik sa green jokes at malalaswang banat.
Bukambibig: “Sakay na sexy, iuuwi na kita!” o “Konting ipit para di mangamoy!”


DISC JOCKEY- Ang sound-tripper na tsuper.Ultimo konsensya mo hindi mo maririnig sa sobrang lakas ng stereo nya. Lahat ng bagay sa loob ng sasakyan eh kumakalabog at kumakalansing sa tugtog. Aakalain mo ring may on-going party sa loob ng jeep dahil sa dami ng pribadong kaibigan nya’ng nakaangkas..
Bukambibig: (Hindi mo maririnig sa sobrang ingay.)

THE SUPER PINOY DRIVER- Marunong sumunod sa batas trpiko. Magalang sa mga pasahero. Hindi nanlalamang sa mga kapwa driver. At ayos magpatakbo ng sasakyan. Isa lang ang problema, hindi pa siya ipinapanganak.

'Yan ang mga Pinoy Jeepney drivers. Kaso nawawala yata yung isa, yung huling nabanggit. Pero sa tingin ko naman, naipanganak na siya, hindi nga lang napapansin dahil sa mga "mas cool" sa kanya. Nakasay na ko sa jeep ni Super Pinoy Driver, ang problema lang, hindi ko na siya nakita, nag-pari na ata.

Basta Pinoy driver, cool.=)

0 comments:

Post a Comment

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr