Showing posts with label Christmas. Show all posts
Showing posts with label Christmas. Show all posts

Sunday, November 21, 2010

Samahan ng Pasko ang Malamig

Magpapasko na naman. Syet tol, single ka pa rin??

Single. Ka. Pa. Rin.

Iniisip ko dati kung paano at kung saan nagsimula ang SMP o ang "Samahan ng mga Mukhang Paa", ay este "Samahan ng Malamig ang Pasko". Nung bata ako, madalas kong naririnig sa mga tao sa paligid ko 'yung mga linyang "Anlamig na naman ng pasko ko, &%@#%$&*&#@$^ naman!". Tapos magtataka 'yung maliit at panis kong utak kung bakit nila nasasabi 'yun eh sadyang malamig naman talaga 'pag Pasko at gustong gusto ko 'yun kasi hindi mainit (malamang). Hanggang sa marealize ko nitong mga nakaraang araw na oo nga, sadyang malamig nga yata ang Pasko ko, 'yung may malalaking abs pala kasi 'yung gusto ng crush ko.

Tuwing magpapasko, malamang lamang maiisip mo na sana hindi kasinlamig ng panahon ang temperatura ng puso mo. (Amen). Sana may tatawagan kang "someone" sa pagsapit ng 12am sa December 25. Sana meron kang "someone" na bibilhan mo ng espesyal na regalo na pinagipunan mo ng 3 days. Sana may yayayain kang "someone" para magsimbang-tabi, ai este simbang gabi nang siyam na beses (tapos pag tinanong ka tungkol sa ebanghelyo sa gabi na 'yun, hhmm. gudlak!) Sana meron kang "someone" na ituturing kang pinaka-da best na regalo sa Pasko, 'yung tipong wala na siyang hihilingin pa at sasabihin sayong, "Para sa'kin, araw-araw naman Pasko eh, basta kasama kita." Anlagkit.

Kung ikaw na lang ang nag-iisang taong singular form sa barkada niyo, paminsan-minsan masakit 'yun. Maiinggit ka sa mga kaibigan mong may kaholding hands, kakissing scene, katawagan ng "hubby" at "wifey" (na hindi ko naman malaman kung bakit naging ganun), ka-iloveyou-han ng 8223896126 times per minute at kapartner sa couple shirt.

Couple shirt. Kung tutuusin, hindi na lang ata t-shirt ngayon ang pwede ipa-reproduce ng mag-syota. Nauuso na din ang bigayan ng couple ring, couple watch, couple necklace
at kung anu-ano pang kakopolan. Nag-aabang nga ko na baka may mausong couple scratch papers, couple medyas, couple charger, couple ID lace, couple UTI test, couple softdrinks, couple slimming pills, at couple contact lens. (Siguro magboboypren na ako kapag meron nang couple contact lens). Hindi ko alam kung gusto lang ba talaga nila na malaman ng buong mundo na nagmamahalan sila o gusto lang nila ipaalam na sila sina Julio at Julia, ang Kambal ng Tadhana.

Balik tayo sa mga SMP.

Hindi mo naman ginusto mapasapi sa nasabing samahan, pero sa napakaraming dahilan e talagang mapapasali ka na lang bigla. Ang Buhay Na Walang Syota. Bow.

Kung isasapuso mo masyado dahil sadyang emo ka, talagang nakakalungkot nga 'yun kung iisipin mo. Lalo na kung may nililigawan ka, 'yung tipong akala mo sasagutin ka na sa dami ng bulaklak at chocolates na binili mo at sa dami ng beses na nilibre mo siya ng pamasahe at nagpagod na ihatid siya sa bahay nila, pero 'yun pala isang taon nang taken at akala niya isa ka lang mabuting "kaibigan" (ouch!). O kaya kung may crush ka tapos akala mo gusto ka na din dahil lagi mong ka-chat sa Facebook pero 'yun pala, pero 'yun pala.. 32 kayong kachat niya. Hayy. Mapapabuntong hininga ka talaga ng matindi.

Pero hindi naman talaga dapat ikinalulungkot 'yung mga ganung bagay (weh Eych??). Oo nga. Hindi naman talaga. Sa napakaraming dahilan, naniniwala akong hindi naman talaga dapat. Birthday 'yun ni Jesus, hindi Valentines Day. Family Holiday 'yun kung tutuusin dahil dapat e masayang ang mga pamilya na nagsasama sama sa Pasko. 'Yung iba mong kapamilya ang dapat mong tinatawagan sa pagsapit ng 12am sa December 25. Nanay mo dapat ang bibilhan mo ng regalo na pinagipunan mo ng 3 days. Kapatid mo ang yayain mong mag-simbang gabi ng siyam na beses. At higit sa lahat, pamilya mo dapat ang ituring mong pinaka-da best na regalo sa Pasko, at sa araw-araw. Dahil ang magsyota, maaaring magkaubusan ng pagmamahal sa isa't-isa, pero ang pamilya, daanan man ng lahat ng klase ng problema sa mundo, hinding hindi makukupasan ng pagmamahal, umabot man sa kabilang buhay.

Pero hindi naman ako choosy. Kung bibigyan man ako ng boyfriend na kamukha, ay kahit kahawig lang ng paborito kong artistang Koreano, pwede na siguro.

Advance Merry Christmas!! :))


---

Pasensya na sa kinalabasan ng blog, kinalawang na ang utak ko. Hehehe. :))

Tuesday, December 22, 2009

Exchange Gift Tayo! Sino Nabunot Mo?

Hindi pala kumpleto ang Christmas kung walang exchange gifts. Problema ko 'yan ngayon.

"Sinong nabunot mo?"

"Si ano. Bad trip nga eh. Kaw?"

"Ikaw. Mas bad trip nga eh."

Hindi ko alam kung saan nagsimula ang konsepto ng "exchange gifts". Basta alam ko may ganyang tradisyon na nag-eexist sa mundo. Uso 'yan sa halos lahat ng mga Christmas parties lalo na sa school. Hindi lang basta-basta 'yan, meron pa 'yang halaga kung magkano ang dapat dalhin na regalo. Minsan worth P100.00 and above, P50.00 only, P20.00 and below, o kaya worthless. Kahit ano basta gawa mo at hindi mo binili pwede, at pwede rin namang kahit magkano basta ang importante ay ang presensya mo sa party. Iba-iba, nakakatuwa. Meron ding mga "something" na requirements tulad ng "something long", "something cute", "something round", o kaya "something nonsense".

Pero syempre dapat magbunutan muna. Kung sino ang mabubunot mo, syempre 'yun ang reregaluhan mo. Pero kung ayaw mo sa nabunot mo, pwedeng makipagpalit ka sa kaibigan mo o kaya 'wag ka na lang umattend para iwas bad trip (may kilala akong ganyan). Sa amin naman, sa mismong araw ng party magbubunutan kaya kelangan unisex ang bilhin mong regalo. Mas mahirap 'yun, wala pa naman ako masyadong alam na bagay na pwedeng gamitin ng babae at lalaki. Pinakamahirap talagang gawin para sa'kin ay 'yung mamili ng regalo, singhirap ng pagsagot sa exams namin sa Accounting. Ewan, basta ayoko talaga ng namimili ng regalo pero gusto kong nagbibigay. Kung paano 'yun, hindi ko alam. Basta ganun.

Balik tayo sa bunutan.

'Yung iba, may mga code name pang nalalaman, ang tanging clue ay kung babae ba 'yun o lalaki. Bahala ka na. Basta maraming mga pauso kapag nagbubunutan na ng pangalan. May mga ilan na hindi makatulog sa kakaisip kung sino kaya ang nakabunot sa kanya o kaya hindi makakain dahil iniisip niya kung ano ang pwede niyang matanggap, picture frame ba o mug na Hello Kitty?

Namimili kami kahapon ng regalo ng mga kaibigan ko. Nakakatuwa at nakakatawa. Worth P100.00 and above ang napag-usapang halaga ng magiging regalo namin. Sa tuwing may makikita sila na isang magandang regalo at medyo mahal, magdadalawang isip sila at sasabihing "Wag na 'yan, baka tig-bente lang naman 'yung matatanggap ko. Hanap tayo 'yung tig-sampu lang."

Pero tingin ko naman, kung mamimili ka ng regalo, hindi na mahalaga kung ano ang matatanggap mo, ang mahalaga ay nag-abala siyang bigyan ka ng regalo. Hindi na mahalaga kung tig-limampiso lang ang natanggap mo at P100.00 ang ibinigay mo (basta pilitin mong isipin na hindi mahalaga 'yun). Masaya ang makatanggap ng regalo, pero mas masaya ang magbigay. Pero kung may kunsensya ka, mamili ka naman ng matino-tino! Hehe.

Swerte ako sa mga ganyang exchange gifts. Ang pinakamadalas kong matanggap ay 'yung suksukan ng ballpen na may bible verses para pampalubag loob at ewan kung bakit. Minsan isang set ng pantali ng buhok na may kasamang suklay na pink para ngumiti ako. Minsan naman damit na pantulog na hindi naman kasya saken kaya sa kapatid ko lang napupunta. Dati naman maraming sitsiryang tigpipiso at mga kendi at lollipop na nakalagay sa box ng katol. Minsan din picture frame na may picture ni Jerry Yan. Masaya ako, promise.

Kung ako sa'yo, magiging masaya na lang ako sa kung anuman ang matatanggap ko. Ang higit na mahalaga ay maging masaya sa simpleng dahilan na magkakasama kayo ng mga kaibigan o kapamilya mo, na mas higit pa sa kung anumang regalo ang matatanggap mo. (Mas masaya yun kesa sa picture frame.)

Ano na naman kaya matatanggap ko bukas? Cellphone (case) o Ipod (silicon)? Hmmm. Exciting! =)

Monday, December 21, 2009

Four Days na Lang! =)

Naisipan ko mag-blog. Kasi malamig.

Sabi sa TV kanina, na narinig ko din sa radyo, at nabasa ko din sa Facebook, 4 days na lang, pasko na daw. Sabi ko "Ha? Di nga? Wait. *sabay tingin sa kalendaryo* Oo nga nu! Ambilis." Seryoso, hindi ko napansin na nasa line of 2 ng December na nga pala ang date ngayon. Abala sa Facebook? Hindi. Abala sa pag-aaral? Hindi rin. Abala sa gawaing-bahay? Next question please. Abala sa kakaisip? Oo. Tama. Perfect. Christmas Season na kaya malamig. At napaisip tuloy ako sa sinabi ng kaibigan kong lagi na lang akong pinag-iisip:

"Ano bang espesyal sa Pasko? Eh paulit-ulit lang naman 'yun."

Kapag ba paulit-ulit ang isang bagay, hindi na ba pwede maging espesyal 'yun? Espesyal ang Pasko sa simpleng dahilan na espesyal ito. Kung tutuusin, lahat ng okasyon, espesyal naman talaga. Tulad ng birthday mo. Tinanong ko ang kaibigan ko kung kamusta ang naging birthday niya, sagot niya, "Napakaordinaryong araw. Mga pabati lang 'yung nagpabago 'nun." May punto naman siya, kaso hindi 'yun ang punto na gusto kong matumbok.

Okay, nalalayo na ko sa topic. Christmas blog nga pala 'to. Sorry na.

Sabi sa isang kowt, tuwing Pasko daw, nagtatampo si Papa Jesus kay Santa Claus, kasi mas hinahanap ng mga tao ang una kesa sa Huli. Sa napakaraming dahilan, parang nagkakaroon ng maling konsepto ang mga tao sa tuwing sasapit ang kapaskuhan. Para sa nakararami, ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan (ng regalo), pagmamahalan (ng mga presyo ng bilihin), at pagkakaisa (ng mga bata na kuyugin ang mayamang kapitbahay). Sa ngayon, nagiging panahon na din ito ng bagong damit at maraming pera. Nasaan na nga ba ang tunay na "diwa ng Pasko", bukod sa nasa bulsa ng Ninong at Ninang mo?

'Yung iba sinsabi malamig ang Pasko nila, 'pano walang kaholding hands o kaya kakabreak lang. 'Yung iba naman, parang wala lang daw ang Pasko kasi walang pera. At 'yung iba, ewan kung anong dahilan nila. Basta ang alam ko, masaya ang Pasko. Kasi birthday yun ni Bro. At may bagong damit akow. (Ai hindi pala kasama yung last, sorry na)

Hindi naman malungkot kung wala kang boypren o gerlpren o kakabreak niyo lang ng syota mo, para saan pa ang mga kaibigan at pamilya? Hindi rin naman ganun kasama kung wala kang pera, pwede ka namang manghingi. Ayos lang naman kung wala masyadong handa sa noche buena, hindi mo naman pakakainin 'yung my birthday. Sa madaling sabi, kahit ano pang dahilan mo, ibalato mo naman sa may birthday ang isang araw na dahilan para maging masaya ka. Ngiti-ngiti lang friend, masaya ang buhay. Promise. Hangga't sumisikat ang araw (sa west ba o sa east?), maniwala ka. =)

..
P.S. Trip mo bang dagdagan 'tong blog ko? Pakisabi na lang saken. Thanks.

ADVANCE MERRY CHRISTMAS! =)

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr