Sunday, January 31, 2010

Masama ba Kung Tamad Ako Mag-Aral??

BABALA: 'Wag ipapabasa sa mga anak ang blog na ito. Nakakaumay. Hayaan niyo na lang sila mag-DoTa.

Nag-iisip ako ng topic para sa blog ko. At dahil wala akong maisip, tumingin na lang ako ng mga pangyayari sa Facebook na hindi ko naman alam kung anong maitutulong ng mga 'yun sa pag-unlad ko. Pero nakakatuwa din naman kahit pa'no - lalo na 'yung mga iba't-ibang "pages" na gawa ng mga walang magawa sa buhay bukod sa magtype ng status message at makipag-chat sa Facebook habang hawak ang malakas na pagnanasang makaka-chat nila ang mga taong pinagnanasahan nila. (Pero walang konek 'yung huli kong sinabi.) Narito ang ilan sa mga "Pages" na sinasabi ko na baka isa ka na din sa mga fans ng mga 'to:

- ang tunay na MATALINO hindi nagrereview, STOCK KNOWLEDGE LANG. (123,058 fans)

- YEAH I STUDIED. Then I forgot everything when I saw the paper. (105,645 fans)

- Tulog muna 'ko, para mamaya magrereview na (pero hindi na nagising). (74,326 fans)

- INIISIP KO PA LANG TINATAMAD NA KO (44974 fans)

- NAKALIMUTAN NI SIR NA MAY QUIZ, "YESSS!!!" TAPOS MAY EPAL NA NAGPAALALA!(25,787 fans)

- MAY QUIZ BUKAS, BAHALA NA SI BATMAN! :)) (13,557 fans)

- MULTIPLE CHOICE DAW QUIZ... WAG NA MASYADO MAG ARAL! :)) (11,861 fans)

- x= sin [(x+1)²+(tan80°)+(xy²+2x²)²] TARA! TULOG NALANG! (6,568 fans)

Nakakaloka. Kung ganyang karaming kabataang Pinoy ang allergic sa pag-aaral, ano na lang mangyayari sa bayan natin? *achu!*

Hindi ako magmamalinis. Aminado ko, madalas akong nakakaramdam ng hindi maipaliwanag na katamaran sa pag-aaral. Nakakahawa nga yata talaga 'yung sakit na 'yun. Minsan nakakatukso pa kapag tatanungin mo 'yung kaklase mo, "Nagreview ka ba?", tapos sasagot siya, "Hindi eh. Andami kasi. Natulog ako. Umalis kami. Naglinis ako ng bahay. Pero sinubukan ko naman." Tapos ikaw makakahinga ka nang maluwag dahil alam mo na isa 'yun sa mga aspeto ng buhay mo na alam mong hindi ka nag-iisa at mabait pa rin sa'yo ang tadhana.

Nakakatamad talaga mag-review paminsan-minsan. Panahon ng mga midterm examinations habang tinatype ko ang blog na 'to. Sa napakaraming dahilan, nakakatamad talaga.

Una, bad trip pag-aralan ang sandamukal na pages na hindi naman diniscuss ng prof niyo kahit minsan kundi pinareport lang sa mga kaklase mo na hindi rin naman pinag-aralan 'yung report nila at binasa lang nila 'yung visual aids na nakadikit sa blackboard niyo. At ikaw na anghel na nakaupo sa upuan mo e hindi naman nakinig kahit minsan.

Pangalawa, tukso si computer at laptop. Kasabay ng pagbuklat mo ng libro mo ay ang pagsulyap mo sa computer mo at sasabihin mo sa sarili mo "sige, 10 minutes lang, tapos review na ako talaga." Pero ang 10 minutes, nauuwi sa kalahating araw na paghaharvest, pagseserve, pakikipagchat at pakikipagjamming sa mga impaktong emo ng mga online games.

Pangatlo, may kumakalat na balitang multiple choice daw ang exam. Hindi ko na kailangan ipaliwanag. (Pero mali ang balita. Modified True or False pala, right minus wrong pa.)

Pang-apat, biglaang pagiging health-conscious. Mas importante ang kalusugan kesa sa kahit anung grade na matatamo sa exam, kaya matutulog na lang.

Panglima, masyadong maraming iniisip. Iniisip ko na. Naiisip mo ba? Hindi ko maisip. Lagi kong iniisip. Ano ba iniisip mo? Wala akong maisip.

Pang-anim, pampito, pangwalo, hanggang sa pang-19752 na dahilan, ikaw na ang bahalang mag-isip.

Iniisip ko nga, hindi na siguro epektib sa mga kabataan 'yung pangako ng mga pulitiko na libre o murang edukasyon para sa lahat. Tinatamad nga sila mag-aral tapos ganun? Kung sasabihin nila na libre o murang laro ng DoTa para sa lahat, e baka sure win na sila. Bagsak na ekonomiya. Lipat na tayo sa Milky Way.

Pero bata, kung iniisip mong normal lang sa panahon ngayon ang pagiging tamad mag-aral, e nagkakamali ka. Nagkakamali ka. Inuulit ko, nagkakamali ka. Uulitin ko pa, NAGKAKAMALI KA! Nagkakamali ako. Hay. Ngayon ko lang napag-isip isip na masyado pala akong naging adik sa Facebook 'nung nakaraang sem kaya hindi ganun kaganda 'yung quiz ko sa Biology. Nakalimutan kong study of plants pala ang Botany at hindi study of pets.

Kung ngayon pa lang, mag-aadik ka na sa computer games at kung anu-ano pang mga kinaaadikan mo sa buhay na nagiging sagabal para mag-aral kang mabuti, paano ka na sa mga susunod na araw, buwan, taon at paano na ang buhay mo sa paglipas ng panahon? Hindi mo naman pwedeng sabihin sa mga magiging anak mo na, "Wala akong ibang maipapamana sa'yo kundi 'yung karakter ko sa DoTa at mga taniman ko sa Farmville. Palakasin mo pa 'yung karakter ko at iharvest mo on time yung mga tanim ko kundi isusunod kita sa hukay. I love you anak."

Masama ba kung tamad kang mag-aral? Sa napakaraming dahilan, sobrang OO! Mag-isip isip ka na ngayon pa lang. At 'wag ka masyadong paapekto sa sagot ng mga kaklase mo 'pag tinatanong sila ng "Nagreview ka na ba?"

Friday, January 29, 2010

One Missed Call

Alas-dos ng hapon, sabi mo tatawag ka.
Natuwa ako, 'di maipaliwanag ang saya.
Sabi ko, sige. Maghihintay ako.

Dumating ang alas-sais ng gabi.. Tak.
Nag-alas-otso na, wala pa rin.. Tik.
Alas nuebe-kinse,
Alas-dyis..
Alas-onse. Klik.
Alas-dose ng hatinggabi. Suko na.

Magdamag na pala akong naghihintay,
Buong hapong nag-aabang.
Nasaan ka na?
Sabi mo tatawag ka?
Itutulog ko na lang ang lahat.

Paggising sa umaga,
Tinignan kung nagtext ka
Kaso wala.
Pagdilat ng mata,
Mukha mo ang nakita,
Hahawakan sana kita,
Kaso bigla kang nawala
at naglahong parang bula.


Panaginip lang yata 'yun
Pero sana nakikita kita ngayon
Naghihintay pa rin ako sa tawag mo
Baka sakaling busy ka lang
At nakalimutan mo'ng pangako mo.

Bumangon na sa kama
Naghanda para sa bagong umaga
Sumulyap ng kaunti sa litrato mo
At ang sandaling pagsulyap,
Nauwi sa 'di inaasahang pagluha
Sa hindi maipaliwanag na dahilan
Nalungkot ako bigla,
At kung bakit.. hindi ko alam.

Nagsimulang magtrabaho
Pero larawan mo'ng nasa isip ko
Nasaan na ang tawag mo?
Gusto ko lang naman marinig ang boses mo.

Buong araw nag-aabang,
Maghapong naghihintay.

Dumating ang alas-sais ng gabi.. Tak.
Nag-alas-otso na, wala pa rin.. Tik.
Alas nuebe-kinse,
Alas-dyis..
Alas-onse. Klik.
Alas-dose ng hatinggabi. Suko na. Ulit.

Kring.. Kring..
Pangalan mo ang nasa screen
Sa wakas.


"Bakit ngayon ka lang tu.."

"Mahal kita."

"Ano?"

"Mahal kita. Sobra."

"Bakit ngayon mo lang sinabi sa'kin 'yan?

"Ngayon ko lang naisip. Kung kelan huli na."

"Anong huli na? Alam mo namang.."

"Huli na. Ingatan mo ang sarili mo."

"Iniingatan ko naman lagi. Adik ka ba?"

"Sobrang mahal kita."

"Ma.. Mahal din kita.. Sobra.. Matagal na.."

"Paalam."

"Hoy, anong nangyari? Bakit ba ngayon ka lang.."

Tut.. Tut..

Bigla kang nawala.
Sa mga narinig ko,
Hindi ako makapaniwala.

"Hello. Bakit mo binaba?"

"..."

"Hello. Adrian. Bakit di ka nagsasalita?"

"Christina. Ikaw pala."

"Ay Tita, kayo po pala 'yan. Nasan po si Adrian?"

"..."

"Hello. Tita?"

"Wala na siya Christina."

"Bakit po? Saan po nagpunta?"

"..."

"Tita? Saan po nagpunta si.."

"Wala na siya. Kahapon lang."

"Ano po? Hindi ko po maintindihan."

"Naaksidente siya."

"Hindi pwede."

"Tinatawagan ka niya 'nung bigla siyang.."

Binaba ko na ang telepono.
Hindi ko na kayang marinig ang totoo
Umaasa na sana lahat na lang ay biro
Pero hindi. Gumuho ang mundo ko.

Ang mga salitang huli kong narinig sa kanya
Kay tagal kong hinintay na sabihin niya
Ngayon alam ko nang laman ng puso niya
Bigla naman siyang nawala
At ang tanging pinanghahawakan ko na lang
Ay ang mga alaala niya
At ang ilang segundong boses niyang nagsasabing
"Mahal kita."

Kung paano magsisimula ng bagong umaga
Kung paano ko pa haharapin ang lahat
Kung paano ako magiging masaya
Hindi ko na alam.

Dumating ang alas-sais ng gabi.. Tak.
Nag-alas-otso na, wala pa rin.. Tik.
Alas nuebe-kinse,
Alas-dyis..
Alas-onse. Klik.
Alas-dose ng hatinggabi. May tumawag.

Kring.. Kring..

"Hello."

"Christina."

"...Adrian?"

"Ako nga."

"..."

"..."

"..."

"Namimiss na kita Adrian."

"Mas namimiss kita. 'Wag ka nang malungkot."

"Hindi ko matanggap."

"Maayos na ako. Masaya na ako."

"Paano ako?"

"Maging masaya ka, ipangako mo."

"Paano?"

"Buksan mo ulit ang puso mo."

"Hindi ko alam."

"Mangako ka. Magiging masaya ako 'pag naging masaya ka."

"Susubukan ko."

"Mahal kita Christina, sobra. Paalam na."

"Adrian.."

Tut.. Tut..

Nawala ka na naman.
Sa pagkakatong ito,
Habambuhay.

"Christina.."

"Adrian.."

"Christina, bangon na. May pasok ka pa."

Alas-sais ng umaga.
Mataas ang sikat ng araw.
Larawan niya ang una kong nakita
Nakangit siya't parang nagsasabing,

"Masaya na ako."

------
Lesson:
'Wag gagamit ng cellphone 'pag nagdadrive. Kung ayaw mong maexpose sa mahabang dramahan.

Wednesday, January 27, 2010

Nakakatakot Ka!

Lahat daw ng tao, may sari-sariling kinakatakutan. Mula sa kulugo hanggang sa mga hindi maipaliwanag na itsura ng mga impakto, lahat 'yan kabilang sa mga kinatatakutan ng tao. "Phobia" daw ang tawag dun.

A phobia (from the Greek: φόβος, phóbos, meaning "fear" or "morbid fear") is an intense and persistent fear of certain situations, activities, things, animals, or people.



Mula nung bata pa ko (mga 5 months old, 52 na ako ngayon), iniisip ko na kung ano nga ba ang kinakatakutan ko sa buhay. Kasi wala talaga kong bagay na iniiwasan bukod sa assignments. Pero inisip kong hindi naman ata pwede 'yun.

Sobrang takot ang kapatid ko sa ipis. Minsan 'pag gabi kasi dito sa'min, madalas mag-live show ang mga nasabing nilalang ng kalikasan. May mga nagpa-fly-fly, may gumagapang dahil 'yun daw talent niya, at may mga nasa tabi lang - audience. Hindi na maipaliwang ang itsura ng kapatid ko. Nagpapanic na siya. Hindi niya na alam kung saan pang parte ng bahay namin pwede magtago, 'wag lang makita ang mga kaaway niyang insekto. Sumisigaw na siya ng todo 'nung pinuntahan ko siya, akala ko kung ano nang nangyari, nagdala pa naman ako ng rosaryo. Hanggang sa lumapit sa'kin ang isa sa mga ipis, na sinalubong ko naman nang isang simpleng apak. Inapakan ko lang siya ng mga ilang segundo hanggang sa maramdaman kong kabaong na lang ang kulang sa kanya at bye bye na siya sa Earth. Biglang nawala ang ilan pa niyang mga constituents. Akala siguro nila kasama ako sa show at tapos na ang lahat kaya nag-uwian na sila. At 'yung kapatid ko? Biglang nawala. Bumalik sa lamesa para gumawa ng assignment.

Ayon sa mga sources, Katsaridaphobia ang tawag sa nasabing takot. Hindi ko alam kung bakit. Pero bakit hindi?

Hindi ako takot sa ipis (kahit gapangan pa nila ko sa mukha, keri lang, mapapatay ko din naman sila), hindi rin sa daga (ang cute kasi nila tignan pag lumalapit sila sa pagkain ko 'pag gabi), hindi rin sa gagamba (crush ko si Spiderman), hindi rin sa ahas (minsan lang kami magkita, iiwasan ko pa?), at hindi rin sa multo (magiging ganun din naman ako balang araw, mag-oobserve na lang ako sa ginagawa nila). Hanggang sa malaman ko na kung ano nga talaga - kabaong.

Necrophobia or thanatophobia is the abnormal fear of death or dead things (e.g., corpses) as well as things associated with death (e.g., coffins).

Hindi lang kabaong ang kinakatakutan ko. Alulong ng aso sa gabi, mga paru-parong nagsusulputan kahit wala namang halaman (lalo na yung kulay itim), itim na pusa na makikipag-eye-to-eye pa, karo ng patay na biglang tatabi sa bus na sinasakyan mo, at kahit anong may kinalaman sa patay - exempted 'yung mga multo. Tuwing babyahe ako papunta sa school namin, laging madadaanan 'yung magkakakumpetensyang punerarya sa Commonwealth. Okay lang sana, kaso 'yung isa sa kanila, nagdidisplay ng kabaong sa labas na parang nagsasabing "Mga @#$%&* kayo! Panis kayo sa kabaong namen!! Mga bulok!".

Hindi ko alam kung bakit ako takot sa kabaong. Hindi ko rin sigurado kung takot ako mamatay, kasi baka takot lang ako mawalan. Lahat naman tayo dadaan sa kamatayan, pero pinakamahirap na parte lang talaga ang pagtanggap. Hindi mo rin alam kung anong naghihintay sa'yo ilang segundo matapos mo mag-exit sa mundo. Sabi ng kaibigan kong impakto, tahimik na daw ang buhay ng mga namatay physically, pero hindi niya daw sigurado spiritually, basta ang alam niya tapos na daw sila sa problema ng mundo. Sinabi niya 'yun 'nung tumapat 'yung bus namin sa isang puneraryang laging nagdidisplay ng kabaong sa labas. Ang ganda daw tignan. Tsk.

Ilang beses kong pinag-isipan kung iba-blog ko ba 'to. Hindi kasi ako masyadong komportable pag-usapan ang mga ganitong bagay. Pero isa 'yun sa mga realidad ng buhay na dapat ikamulat ng mga mata ko - kung kaya lang sana natin planuhin ang mga sari-sarili nating buhay. Pero naniniwala pa rin ako na mas maganda ang plano ni Bro - mas maganda pa sa inaasahan mo.

At babalik na ako sa isa ko pang phobia - ang assignments. Kailangan ko nang harapin. Mas nakakatakot ang singko.

P.S.
Asaynophobia pala ang tawag sa fear of assigments. Meron palang ganun? Pero syempre pauso ko lang 'yun. Hehe.

(Blog inspired by Kuyakoy http://jraldrbnt.wordpress.com )

Wednesday, January 20, 2010

I Love You Babe, Dota Muna Ko

Hindi ko alam kung ano ang meron sa isang computer game na kinaaadikan ng halos lahat ng mga kalalakihan sa section niyo at pinagseselosan naman ng mga girlfriends nila. Hindi naman cute ang mga characters 'dun, mga mukha namang impaktong emo. Nauso na din 'yun dati 'nung high school ako, alam ko nga nawala 'yun sa uso pansamantala tapos sumulpot na naman bigla.

Andaming puyat. Andaming break-ups. Andaming walang assignments. Andaming bagsak sa quiz. Andaming wala nang pera. Andami nang pangit na pagmumukha sa mundo - at ang lahat ng 'yan, kung hindi ako nagkakamali, ay dahil sa DoTa, na ang ibig palang sabihin ay "Dito Okay Talaga Ako" ay mali, "Defense of the Ancient" pala.

Dahil din dito, halos lahat ng mga sections sa school e may samahan na tinatawag na "DoTa Boys", iba-iba nga lang ang pangalan pero ganun din ang concept ng grupo nila. Pero minsan magkakamukha silang lahat. Sila 'yung madalas na sagot sa dasal ng isang paluging computer shop at paminsan-minsan e bumabakante sa mga upuan sa classroom, pero may attendance sila. Madalas silang magkakasama. Damayan sa oras ng problema. Magkakasama sa imbahan. Samahang hindi matatawaran.

Pero pag-usapan muna natin ang meyjor epek ng Dota - ang pagkasira ng mga relasyon. 'Pag ang boypren mo e adik sa Dota, hindi lang basta pasensya ang kelangan mo, kundi PAAAAAAAAASSSSSSSSSEEEEEENNNNNSSSSSSSYAAAAAAA. Ganyan kahaba. 'Yun tipong kahit halos isang dekada na kayong hindi nagkikita dahil busy ang boypren mo sa business niya, dapat e hindi nawawala ang pasensya mo sa kanya. Matuwa ka na lang na Dota ang kinaaadikan ng boypren mo at hindi mga babae. Pero 'wag ka na masyadong magtaka kung may nagbabago sa mga kilos at pananalita niya. Tulad ng "Mahal kita, imba," "Sir, date na tayo," "Wag kang mag-alala, ikaw lang ang mahal ko. Mga sabaw sila," o kaya "You're so beautiful honey, you're Godlike." - na pinagmalaki naman ni girlfriend sa mga kaibigan niya. "Girls, Godlike daw ako sabi ng boyfriend ko, answeet no!"

Pero tingin ko test din 'yun sa katatagan ng isang relasyon. 'Di ba mas maganda na sa kabila ng pag-kaadik niya sa Dota, ikaw pa rin ang gusto niyang makasama? Hindi naman kasi lahat ng nagdodota e wala ng pakealam sa iba o mas importante ang paglalaro nila kesa sa girlfriends nila. Loyal din naman sila, at siguradong mahal ka. (Bayad na paragraph.)

Sa pag-aaral naman, hindi rin maganda ang epekto nito. Minsan umaabsent ang mga Dota Boys para sa isang magandang larong nag-aabang sa kanila sa shop (pero hindi naman lahat, hindi naman kasi umaabsent 'yung mga Dota Boys sa classroom namin hehe). May mga nakakatulog habang nagdidiscuss ang Prof o teacher, may mga assignments na hindi pa nagagawa at mga quiz na nairaraos sa sulyapan. Sabaw.

Hindi naman masama kung adik ka sa computer games tulad ng Dota, basta alam mo lang kung paano mo ilulugar ang pagkaadik mo. Parang isang bisyo na rin kasi ang dota - sobrang nakakaadik gaya ng shabu, ecstasy, marijuana, rugby, sigarilyo, alak, babae, at Hany chocnuts. Unahin mo muna ang mga mas importanteng bagay kesa sa mga bagay na aliw lang ang kayang ibigay sa'yo. Mag-aral ka muna nang mabuti, maging mabuting asawa, boyfriend, anak at kaibigan. 'Wag mong ipagpalit ang oras mo sa lahat ng 'yun para lang sa isang larong keyboard at monitor lang naman talaga ang nakakajamming mo. Mas maraming bagay pa ang makapagpapasaya sa'yo, kung imumulat mo lang nang mabuti ang mga mata't isipan mo.

At wag mo masyadong gawing hero ng buhay mo ang mga mukhang impaktong emo sa game na 'yun. Corny naman ng mga costumes nila. At panget ang itsura ng "Devil's Urethra."

Imba. GG.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr