Eleksyon na naman. Na naman. Ilang buwan na lang mula ngayon, mauupo na sa trono ang iluluklok ng taumbayan sa mga pinakamatataas na posisyon sa bansa. Aasa na naman ang mga tao sa maaaring pagbabago na ibibigay ng mga ito sa Pilipinas. Aasa na naman sila na mas sasarap na ang pagkaing ihahanda nila sa mesa sa oras ng kainan. Aasa na naman sila na magkakaraoon ng magandang trabaho. Aasa na naman sila na bukas, pagmulat ng mata nila sa umaga, maunlad na ang bansa.
Kaliwa't-kanan na ang mga commercials ng mga pulitiko sa TV, sa radyo, sa LRT, sa bus, sa CR, sa internet, at kung saan-saan pa. 'Yung mga nagcocommercial sa TV, hindi ko alam kung anung trip nila sa buhay. Pinagmamalaki nila ang mga nagawa nila sa panahon ng kanilang panunungkulan. Kung ikaw na boboto sa darating na eleksyon, isasali mo ba sa listahan mo ang mga pulitikong idinadaan sa make-up at panggagamit ng mga mahihirap na mamamayan para lang makumbinsi ka na iboto mo sila? Kung sasabihin naman ng mga pulitiko na 'to na hindi naman pangangampanya ang intensyon nila sa paglabas sa mga TV ads, bakit ngayon lang nila ito nilabas at hindi sa mga oras na.. na.. na wala lang, na walang eleksyon? Wala namang masama sa paglabas sa mga commercials, at hindi ko rin naman sinasabi na masama nga talaga 'yun, ang hindi lang maganda ay 'yung naglalabas sila ng pera, ay mali, ng maraming-maraming pera pala na mas maganda sana kung ibinili na lang nila ng maraming maraming tsinelas o kaya pancit canton para sa mga mahihirap na walang tsinelas at sawa na sa noodles.
Marami ngayon ang nagwawala sa balitang kumain daw ang Pangulo sa isang mamahaling restaurant sa America na hindi ko naman alam kung bakit ba hindi mamatay-matay ang issue na 'yun e wala din naman silang magagawa kasi kahit ano pang gawin nila, nakain na 'yun ng Pangulo. O kaya naman naiinggit lang sila kasi hindi sila nakasama sa happy trip nito sa ibang bansa. Pinag-aaksayahan nila ng panahon ang mga walang kwentang issue na 'yan, kesa sa umisip ng paraan kung paano ba mapapaunlad ang buhay ng lahat. Tapos 'yung ibang pulitiko, magagalit din sa Pangulo. Eh ang lagay, pare-pareho lang naman silang lahat. Para lang silang mga tanga.
Hindi rin naman issue dito, para sa'kin, kung saan nila nakuha ang pinambayad nila sa mga TV ads na pinagbibidahan nila, kung sino ang nagbayad para dungisan ang mga mahihirap na naextra sa mga commercial nila, kung sino ang bumili ng pedicab o kung saan nila 'yun hiniram, sino ang nagbayad sa sumasayaw na mascot, kung saan nakuha ang pinambayad sa magaling na singer, kung sino ang nagbayad sa mga estudyanteng hindi nag-midterms para lang makapag-pogi sign sa TV, at kung anu-ano pa. Ang issue dito ay ang katotohanang nagamit na naman sa walang kwentang bagay ang pera ng taumbayan, ng pulitiko mismo, o ng kahit sino. Hindi naman kasi talaga nakakatuwa at nakakakumbinsi ang mga pagmumukha nila sa TV para iboto ko sila.
Sa mga nagrarally. Nakakainis din sila minsan. Hindi mo kasi alam kung ano ba talaga ang gusto nila. Pag may bagong naupo sa pwesto, bukas makalawa, gagawa na sila ng mga props nila para patalsikin 'yun. Pero hindi mo din sila masisi, mga mahihirap lang din naman kasi sila na naghahangad ng pagbabago, ang problema lang, gusto ata nila instant 'yung pagbabago na 'yun.
Balik tayo sa commercials. Minsan natatawa na lang ako kasi parang ginawa na lang ang mga commercials na 'yun para naman may katatawanan kang mapulot sa isang nakakaboring na araw. Marami din kasi akong nasasagap na joke na pasimpleng tumitira sa mga TV ads na yun, tulad nito:
Mr. Politisyan: "Anong pangarap mo?"
Boy: "Gusto ko po maging seaman. Gni2 po buhay samen, wlng mkain, wlng pmbili ng gam0t.."
Mr. Politisyan: "anak, itabi m..
Lagpas na ko."
'Yan lang pala 'yung joke na alam ko. Hehe.
Sa kabuuan, masasabi kong hindi sa commercials nadadaan ang lahat. Kung talagang naniniwala ang taumbayan na may magagawa ka nga talaga para sa bayan, may commercial ka man o wala, sumayaw ka man sa TV o hindi, iboboto't ibooto ka nila. Hindi naman tanga't uto-uto ang mga tao. At wag kang kakain sa restaurant na mamahalin kung wala kang pambayad. Magpalibre ka na lang.
Wednesday, August 19, 2009
Ampogi Ko sa TV! Vote for Me!
7:04 AM
Eych
No comments
0 comments:
Post a Comment