Tuesday, February 21, 2012

Hindi Ang Oras

Wala naman talagang oras na mabilis o kaya oras na mabagal. Constant ang oras. Patuloy 'yang papatak kada segundo.. Walang makapagpapahinto. Nonstop.

Nasa eksaktong 10:20 pm ang orasan nang huli ko itong tignan bago ko simulan ang kalokohang ito, ay este, ang blog na ito. Titingin ulit ako sa orasan ha, wait. Okay. 10:26pm na. Ibig sabihin 6 minutes lang pala ang nakalipas pero pakiramdam ko kinse minutos na. Utak ko ang mabagal, hindi ang oras.

8 months and 6 days na ang nakalipas mula 'nung nilayasan ko ang 'Pinas. Pero pakiramdam ko wala pang kalahating taon. Kaya pakiramdam ko tuloy, wala namang nagbago sa mga bagay-bagay. Pero pagtingin ko sa Facebook page ng Bench, may bago na silang Pop-Up Store sa TriNoma at nasa TV5 na pala ngayon si David Archuleta at isa nang ganap na astista sa 'Pinas. 'Yung crush ko may girlfriend na pala, anak ng tinapa. Mga kaganapan ang mabilis, hindi ang oras.

Isang dekada na niya palang mahal 'yun. Pero lahat na ng pag-ibig sa puso niya, nawala nang lahat. Isang dekada... na parang isang ligaw na bula na biglang nawala. Puso't-isip ang nagpatigil, hindi ang oras.


Maliit na bata lang siya dati. Nakakalong at nabubuhat ko pa nga at naibabato sa buhangin sa tabing-dagat. Pero ngayon, ni hindi ko na siya kayang pigilan sa kung ano man ang gusto niyang gawin sa buhay. Malaya na siya, malaki na. Katawan at pagkatao ang nagpatakbo ng lahat, hindi ang oras. 


Lumilipas ang panahon, pero ang oras, hindi nauubos. Tatanda ang tao ('wag lang mamamatay agad). Mapapanot ang noo, mawawalan ng lakas at ng memorya, puputi ang buhok...hanggang sa ang puso'y mapagod na sa pagtibok. Ganyan ang buhay ng tao. Ganyan ang mundo. Kaya sino ka para sayangin 'to nang sariling hinanakit mo? At sino ka para mawalan ng pag-asa at sumimangot gayong hindi mo naman pasan ang problema ng mundo? Sisihin mo ang sarili mo, hindi ang sinasabi mong mabilis o mabagal na oras.


Tahimik ang paligid ko ngayon. Pakiramdam ko walang gumagalaw. Pero naririnig ko ang pagpatak ng oras sa orasan na nasa tapat ko lang ngayon, tumigil na ang lahat..pati ang pagtibok ng puso ko, pero ang oras..patuloy na tumatakbo, hindi napapagod, walang balak huminto. 


May oras ka pa.




---
Photo credits to www.theexperiencejunkie.com

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Edited by PedXing-ArAr